Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2016
Tayo ay magkasalungat
Magkaiba, hindi tugma
At kahit baliktarin mo ang mundo
Tayo ay dalawang taong
Hindi maipagsasama,
Hindi maipapares, hindi din maitutugma
Pero mahal pa rin kita

Ikaw,
Ikaw, na nagmamahal ng iba
Ikaw, na mayroon mga mata
Na para bang sila ang dahilan kung bakit may mga tala
Ikaw, na mayroong bibig
Para ngumiti o sumimangot
Sa tamis at pait ng buhay
Ikaw, na mayroong kamay
Para mahawakan ang kamay ng taong mahal mo
Ikaw, na mayroong puso,
Na naghahanap ng kasabay sa pagtibok nito

Ako,
Ako, na nagmamahal sa'yo
Ako, na mayroon ding mga mata
Na nakakakita sa'yo kahit ang kwarto ay punong-puno ng libu-libong tao
Ako, na mayroon ding bibig
Para ngumiti, tumawa, humalakhak
Kahit wala ka sa tabi ko
Ako, na mayroon ding mga kamay
Na dapat hawak ang iyo
Ako, na mayroon ding puso
Na hindi pala tutugma ng tibok ng iyo
Kasi pabilis ito ng pabilis habang ikaw ay papalapit ng papalapit
Pero pakinggan mo sana sa ingay ng 'di tugmang tibok ng puso natin
May nagsasabing
Mahal kita, gusto kita, ako na lang, sana tayo
Pero nandiyan pala siya.

Siya, na minamahal mo
Siya, na parang buwan kasama ang mga tala
Siya, na laging hawak ang kamay mo
Siya, ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sabihin lahat ng 'to sa harap mo.

Tayo,
Tayo ay parang tubig at langis,
Liwanag at dilim, langit at lupa
Mapait at matamis, madumi at malinis
Maingay at tahimik, itim at puti
Tayo ang perpektong kahulugan ng salitang 'salungat'

Sana,
Sana magising ako sa katotohanan na mali ang konsepto ng pag-ibig na nalaman ko
Na ang pag-ibig pala hindi lagi inaantay,
At hindi din lagi naghahanap ng kapalit
Sana nagkakilala tayong may lihim na nararamdaman sa isa't-isa
Sana kayanin **** magmahal ng higit pa sa kaibigan
Sana hindi na lang kayo nagkakilala
Sana ikaw ang pangalan na nawawalan ng saysay pag paulit ulit ko itong sinasabi
Sana hindi na lang ako lagi kumakapit sa sana.

Pangako,
Pinangako ko sa sarili ko
Na pagkatapos ng tulang 'to
Titigil na akong isipin ka
Titigil na akong alalahanin ang ngiti mo, ang paggalaw ng iyong bibig tuwing sasabihin mo ang pangalan ko
Titigilan na kita sulatan ng tula
Titigil na akong mahalin ka
At ang huling sana na aasahan kong matupad
Na sana tandaan mo,
Minahal kita, Ginusto kita,
Kahit siya na lang
At sana masaya ka.
Para kay A.
Jeremiah Ramos
Written by
Jeremiah Ramos
24.1k
   Eternal Envy
Please log in to view and add comments on poems