Ayan nanaman si araw, iniwan nanaman niya ako. Tinapos nanaman niya ang maghapon sa paglubog. Tinanggal nanaman niya ang liwanag sa paligid ko. At iniwan nanaman niya akong nakatanaw sa malayo, sa tabi ng bintana, minamasdan ang pagpasok ng dilim, hinahanap ang buwan at mga bituin.
Ang tanawing ito ang nagpapa-alala sa akin na “There is always light, even in the darkest times”. Kasabay ng pagpasok ng dilim ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Nasaan si Paulo? ang tanong ko sa sarili ko. Hinahanap ko nanaman siya, sa tuwing sasapit ang ganitong oras. Kailan ko kaya siya ulit makikita? Kailan kaya kami ulit magkakasama?
Lumipas nanaman ang isang maghapon na hindi ko nasilayan si Paulo. Ipinikit ko ang aking mga mata ng mariin, kasabay pa rin ang mga munting luha na patuloy lang sa pagpatak habang iginuguhit ko ang kanyang mukha sa aking isipan, habang ninanais ko na mahawakan ang kanyang kamay sa sandaling iyun. Nangiti na sana ako, kaso pagdilat ko, ako lang pala mag-isa ang nandito, at kathang isip ko lang ang lahat.
Napabuntong hininga ako ng napakalalim, at sa paglabas ko ng hangin sa aking katawan naisipan ko nalang na pumikit ulit at manalangin.
“Ama, kung anuman po ang Inyong ginawang plano sa amin ay Siya pong masusunod at malugod ko pong tinatanggap. Alam ko po na may magandang dahilan ang lahat ng nangyayari sa amin na ayon sa Inyong kagustuhan. Ang dasal ko lang po ay Nawa sana tulungan Ninyo kaming makita at malaman ang dahilan ng lahat ng ito. Bigyan Ninyo kami ng lakas ng loob at sapat na pananampalataya upang kumapit pa, huwag sumuko at hawak kamay na harapin ang pagsubok na ito. Hayaan Nyo po kaming patuloy na manalangin, gawing sandalan ang isa’t-isa, at gawin Kayong sentro ng aming pagmamahalan sa kabila ng lahat. Amen. ”
At tuluyan ko ng ipinikit ang aking mata sa pagtulog, nagbabakasakaling kahit sa panaginip man lang ay mahagkan ko siya at makasama.