Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Oct 2015
pumasok sa kompartamentong bilang sa lahat
ngunit ipagsiksikan ang sarili, sumuot, at ipilit
dahil ang maiiwan sa españa ay hindi makakarating
makipaglaban, mang-agaw, ang akin ay akin

trenta minutong paghihintay
sa ilalim ng init, tiyaga ang kapiling sa umaga
bakit nga ba ‘di pa makikipag-balyahan?
asal-hayup upang mapuntahan ka lamang

sa pagdating sa istasyon ng sta. mesa
pawis ay naghahalo, amoy ay ‘di mawari
napagitnaan ng dal’**** dalagang nagchi-chismisan
‘di sinasadyang makinig, ako’y ‘di sang-ayon kaya iiling

sa hawakan ay higpitan lalo ang kapit
sasakyan natin ay paparating na sa pandacan
tumitig sa bintana at muli, bigla kang naisip
ngunit sila’y ‘di maibigay ang inaasam na pagtahimik

bakit nga ba ako nagtitiyaga?
sa masikip, magulo, at maingay na paraan
paalis na tayo sa istasyon ng paco
ika’y singtulad ng tren na ito

hindi makahinga sa dami ng taong nilalaman
kailan ba mapapadali ang ruta sa araw-araw?
magrereklamo, magsasawa, sasabihing “ayoko na”
titigil sa istasyon ng san andres

mananatili hanggang makaabot sa vito cruz
pasulong ang andar ngunit ang gana’y wala na
pagod at nagsasawa, hindi magawang iwan
ngayon ka pa ba susuko, eh ang lapit mo na?

nawala ang bigat ng pasahero pagdating sa buendia
nawala na rin panandalian ang sikip na iniinda
ngunit ano namang silbi ng ginhawa,
kung paalis ka na rin at nalalapit na sa paru-roonan

pagod ka na pero tiyagain mo nalang
ikaw at ang sitwasyon ay nariyan na nga
nag-inarte ka pa kung kailan nasa pasay road na
hindi ka pa ba nasanay sa araw-araw?

tumigil ang tren sa istasyong pinakahihintay
pawis, pagod, suot ang damit na gusut-gusot
heto na, sa dami ng nangyari ay narito na
sa edsa magallanes, salubungin mo siya
astroaquanaut
Written by
astroaquanaut  Manila, Philippines
(Manila, Philippines)   
9.9k
 
Please log in to view and add comments on poems