Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex tatlo ang maglalakad nang napakalayo, mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.
Sayang din kasi.
Dalawa siguro sa tatlong yun, babae, may tig-isang anak na dumedede pa at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan dahil mas mahigpit ang pangangailangan.
Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan at ulam para hindi na bumili sa kainan. Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda. Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas, baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho- yung magkaedad at magkatabi. Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex labing-isa yung walang benepisyo.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex labing-isa yung mababa ang sweldo.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex labing-isa yung inaasahan ng pamilya.
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex labing-isa ang hindi mo kilala kaya wala kang pakialam mabigyan man sila o hindi ng hustisya.