naririnig mo ba? ang bell ni manong na nagtitinda ng ice cream. ang mga huni ng iba't ibang klase ng ibon. ang mga harurot ng mga ikot jeep. naririnig mo ba? ang mga tawanan ng mga magkakaibigan mga kuwentuhan, mga tanong at makabuluhang talakayan. naririnig mo ba? ang mga lapis at bolpen ng mga estudyante na kumakayod sa mga papel: husay sa bawat ukit. naririnig mo ba? ang mga yapak ng mga iba't ibang klase ng Pilipino at talino sa kalyeng binudburan ng mga dahong acacia dangal sa bawat apak at kumpas ng kamay, sa bawat hinga.
naririnig mo ba? ang mga salitang mapanlinlang, mapang-alipusta ang mga sigaw sa sakit, hiyaw sa hapdi, dahil sa mga hampas at palo ang mga tama ng mga kamao naririnig mo ba? ang mga iyak ang mga hikbi ng mga kaibigan para sa mga kapatid nilang nasaktan. ang mga hagulgol ng mga magulang na nawalan ng anak: mga puso, mga pamilyang hindi na buo. wasak, nasira na.
naririnig mo ba? ang mga boses na nananawagan na "tama na" "utang na loob, itigil niyo na" kasi hanggang kailan pa tutugtog ang ng paulit-ulit-ulit ang sirang plaka ng karahasan na patuloy na naririnig sa panahong ito mula pa sa mga nagdaang dekada?
nakakalungkot, hindi, nakakasuklam ang mga mapaminsalang kaganapan na nangyayari sa ating mahal na pamantasan. ang tawag sa atin ay mga iskolar ng bayan, para sa bayan pero paano tayo mabubuhay nang para sa iba kung paminsan hindi nga makita ang pagmamahal at respeto sa atin mismo, mga kapwang magkaeskwela.
hahayaan na lang ba natin ang ating mga sarili na magpadala sa indak ng karumaldumal na kanta ng kalupitan? hahayaan na lang ba ang mga isipan na matulog. hahayaan na lang ba ang mga puso na magmanhid. kailan pa? tama na! nabibingi na ang ating mga tenga. nandiri. nagsasawa. oras na para itigil ang pagtugtog ng mga nota. oras na para tapusin ang karahasan. oras na para talunin ang apatya at walang pagkabahala. oras na para sa hustisya. oras na para sa ating lahat, estudyante man o hindi, may organisasyon man o wala na tumayo, makilahok at umaksyon para pahilumin ang sakit, para itama ang mali. oras na para sindihan ang liwanag dito sa diliman. oras na para mabuhay ang pag-asa ng bayan.
a spoken word poem against fraternity-related violence