'Wag kang mag-alala, 'Pag nilangaw na ang bahagharing tuyot na at wala nang sigla, Lilipad ang mga paru-parong matagal nang nagtago sa aking sikmura, Noong mga panahong pinaghalong saya at kaba pa ang nararamdaman ko 'pag kasama kita... 'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala, 'Pag napagod na ang dagat sa pag-alon at pagsayaw ng mahinahon, Patutulugin siya pansamantala ng mga minahal at pinagkatagu-tago kong mga ibon Na nagkubli sa tinig mo habang inakala kong hindi lilipasin ng panahon... 'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala, 'Pag tinamad nang umawit ang hangin para sa iningatang puso, Bababa ang mga tala na inipon nang matagal at itinago, Upang alisin ang lamig ng gabi na noo'y nasa mga bisig mo at inakalang 'di magbabago... 'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala, 'Pag nakalimutan nang ngumiti ng araw dahil sa inis, Yayakapin siya ng buwan kahit pa ang kapalit ay masunog siya nang labis, Pipigain ang huling patak na luha mula sa mga matang tinirahan na ng hinagpis...
'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita kahit sa huling dugong dadaloy sa ugat ng puso kong sirang-sirang na...
'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita kahit sa huling hanging aagpas sa aking bibig na pagod nang sumigaw...
'Wag kang mag-alala, mamahalin pa rin kita, Mahal...