Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
"Gather ye rosebuds while ye may,
    Old Time is still a-flying;
    And this same flower that smiles today
    To-morrow will be dying. "

Robert Herrick


Ang buhay ng tao ay sadyang maiksi at walang tibay, katulad lang ito sa kastilyong buhangin na agad gumuguho sa hampas ng alon at ihip ng hangin. Kaya marapat lang na ito ay ating samantalahin habang may panahon pa, hindi dapat na masayang ang bawat sandali ‘pagkat hindi na ito muling magbabalik pa.

Bakit ka nagsusumiksik sa isang tabi at nagmumukmok? Walang saysay ang maging malungkot sapagkat sandali lang itong ating buhay. Tumindig ka at gawin mo kung ano ang nararapat, piliin mo ang maging maligaya at kapakipakinabang. Tuklasin mo ang pilosopiya at kahulugan ng iyong sariling buhay nang hindi umaasa sa iba.

Kumawala ka sa tanikala ng mga maling akala at walang kwentang panukala, ang mga patakaran ay mga paraan upang ang tao ay alipinin kaya hindi ito dapat na tanggapin. Maging hari ka at panginoon ng sarili **** buhay sa ganitong paraan ka lang magiging totoong hayahay.

Huwag **** lingunin ng paulit-ulit ang kahapon dahil kahit anong gawin mo hindi na ito muling magbabalik pa, walang time machine na maghahatid saiyo pabalik sa nakaraan.

Huwag mo rin masyadong tanawin ang malayong hinaharap pagkat baka nga hindi mo na makita ang bukas na iyong pinapangarap.

Ang “ngayon” ang tanging panahon na iyong hawak at wala ka nang ibang mapanghahawakan pa. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon na parang ito na ang huling araw mo.

Huwag kang makinig sa mga sinasabi ng iba sa halip ang puso mo ang iyong sundin at umasa ka na hindi ka nito kailanman ililigaw, gamitin mo ito na ilaw **** gabay.

At huwag **** sayangin ang nalalabi **** panahon, umahon ka mula sa iyong pagkakabaon at magsimula ka.

Katulad sa mabango at magandang bulaklak na iyong nakikita ang buhay **** tunay ngang maikli ay malalanta at mawawalan rin ng sigla kaya’t bago ka pumanaw gawin **** makasaysayan ang iyong bawat ngayon.
JOJO C PINCA Nov 2017
Tinatamad ako hindi ko magawang tipahin ang tiklado ng aking computer.
Inaantok ako malamang kinakapos ng oxygen ang utak ko kaya ganito.
Pero ang diwa ko’y gising at gustong sumulat ng tula hindi ito nakatulala.
Anong tula ang susulatin ko? Tungkol ba sa’yo at sa pagsinta nating tuyo?
O patungkol sa bayan kong minamahal na walang utang na loob sa malasakit ng iba?
Ang bayan o ang aking pag-ibig sa’yo alin sa dalawa? Ewan ko nalilito ako.
Pareho kayong mahalaga, pareho ko kayong mahal, pero alam ko na pareho din kayong mawawala. Bakit ko sasayangin ang aking mga salita? Bakit kailangan ko pang ialay ang bunga ng aking kaisipan kung sa bandang huli ito ay mawawalan lang ng saysay?

Hayaan **** mag-diskurso ako kahit sandali lang mahal ko.

Ilan tula na ba ng aking sinulat para sa bayan kong sawi at laging alipin ng mga walang turing at pakundangan, may nangyari ba? Wala naman diba? Walang saysay ang pagliyag ko sa bayang ito na laging lumuluhod at sumusunod sa mga dayuhan. Itong bayan na sa kabila ng kanyang paghihirap at dalita ay laging nangangamuhan at humahalik sa paa ng mga kapitalistang ganid. Ang bayan ng mga taong mahirap paniwalain sa totoo pero madaling bolahin ng mga pulitikong hunghang. Ito ba ang bayan na aking iibigin?

at ikaw naman mahal ko

Batid mo'ng iniibig kita alam mo yan pero para saan ang aking pagliyag sa’yo kung mawawala ka rin sa akin? Oo naman nasasabik ako lagi sa’yo, gusto kitang yakapin, halikan at makasiping sa buong magdamag hanggang sa bukang-liwayway. Pero hanggang kailan ako mananaginip ng gising at mananabik saiyong piling gayong alam ko na hindi ka naman talaga magiging akin sa habang panahon?

Marami ba akong tanong? Pasensya kana ganun talaga ang isang makata, nabubuhay s’ya gamit ang mga salita at tandang pananong.

Pero sige magsusulat ako ng isang tula para sa’yo at para sa bayan ko. Magsusulat ako kahit alam kong walang magbabasa nito. Magsusulat ako at aasa na parang hangal, aasa na may babasa at maniniwala sa aking mga salita. Ipapahid ko ang utak at damdamin ko sa papel na tulad sa isang nababaliw. Magsusulat ako dahil tungkulin ko ito, magsusulat ako dahil alipin ako nito, magsusulat ako dahil ito lang ang alam ko at higit sa lahat magsusulat ako dahil ito ang buhay ko.

Iaalay ko sa’yo mahal kong marupok at sa’yo bayan kong walang utang na loob ang aking tula kahit inaantok at tinatamad ako.
JOJO C PINCA Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
JOJO C PINCA Nov 2017
Walang bayad ang sikat ng araw,
Ang sinag ng buwan at ningning
Ng mga bituin sa kalangitan.

Walang bayad ang hangin
Na ating nilalanghap at ang
Tubig sa ilog at batis. Kailanman
Hindi ipinagdamot ng dagat
Ang kanyang yaman.

Ang gubat na mahiwaga
Na nangangalaga sa mga puno’t halaman
Ay hindi nagpapaupa.

Walang bayad ang biyaya
Ng inang kalikasan sapagkat
Hindi s’ya sakim na tulad natin.
JOJO C PINCA Nov 2017
Hindi naging maramot ang iyong pag-ibig sa akin
Kailanman hindi ako kinapos at nangailangan.
Hindi ko na kailangan pang manghingi sapagkat
lagi kang handang mamahagi.

Kahit nung ikaw ay nasaktan
hindi mo ‘ko sinumbatan.
Hindi pinatawan ng kaparusahan.
Sukdulan man ang katampalasanan
at kawalan ko ng pakundangan.

At nung iniwan na nga kita ay aking nakita
Ang luha sa’yong mga mata.
Subalit hindi mo ako inaway at hinadlangan,
‘pagkat ganyan ang pagsinta mo sa akin
malaya at maunawain.
JOJO C PINCA Nov 2017
Hindi ako susuko
patuloy akong titindig at lalaban.
Sa kabila ng mga kabiguan
mananatili akong nakatayo,
hindi na ako muling luluhod
upang humingi ng awa sa diyos.

Malungkot man ang aking pinagdaanan,
kahit hindi naging masaya ang aking kabataan
hindi ako manghihina at mawawalan ng pag-asa.

Hindi ako mayaman
hindi ako tanyag
hindi rin ako makapangyarihan
ako ay isang hamak lamang.
Subalit natuto ang puso ko na
maging matatag kaya't hindi na ito
muling susuko.

Wala na akong Bathala na sinasamba
hindi na ako malilinlang ng mga hangal na lider ng relihiyon
na nagbabanal-banalan at naglilinis-linisan.
Tangan ko sa aking mga kamay ang aking kapalaran.

Mas lalo akong hindi magpapa-uto
sa mga mapagsamantalang pulitiko
na nagsasalita ng puro katangahan
para silang mga lata ng sardinas na walang laman.

Hindi ako padadaig
ilang beses man ako bumagsak,
hindi dadaing at magpapalimos ng habag;
hanggat tumitibok ang puso ko hindi ako patatalo
sa bigwas ng malupit na buhay.

Hindi ako natatakot na sabihin
ang laman ng isipan ko,
hindi ako mangingimi na isigaw
ang nilalaman ng aking dibdib.

Pag-uusig at pagkutya
ay laging naka-abang
parang halimaw na nagkukubli sa dilim
ano mang sandali ay handang sumalakay.

Hindi n'yo man ako tanggapin
ay wala akong pakialam
ako'y ako at mananatiling ganito
hanggang sa buhay ko ay mapatid.
JOJO C PINCA Nov 2017
Gugunitain daw nila ang pagpapakasakit ng anak ng diyos. Paano tanong ng isa sa kanila? Ewan ko, bahala ka. Magpapapako ba ako sa krus o magpapahampas ng latigo habang pasan ko ito? Tang-ina bahala ka pati ba naman yan problema ko pa?

Mas guwapo daw si Hudas kumpara kay Hesus at ito daw si Magdalena ang naging asawa ng Tagapagligtas. E ano ngayon?

Hindi ako apektado kahit pinalaya ni Pilato si Barabas kapalit ni Kristo at wala rin akong ****-alam kahit paulit-ulit na nagduda si Tomas.

Kung nabuhay mang muli si Kristo at umakyat sa langit wala itong kabuluhan, sayang lang ang kanyang pagpapakasakit.

Bakit?

Sapagkat lalong dumami ang mga ulol na tao sa mundo; hindi napabuti ang sangkatauhan sa ginawang pagpapakasakit ng karpintero ng Galileya mukhang lalo pa itong napasama. Patuloy na lumaganap ang kasakiman at kaulolan ng tao sa mundo.

kaya't walang saysay na gunitain ang Mahal na Araw sapagkat mura at walang halaga ang bawat oras ng mga mamamatay tao at manlulupig na nagsasabing sila'y mga tagasunod ni Kristo.
Next page