Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
78.5k · Oct 2018
Ang buhay, ngunit may taning
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
24.7k · Oct 2018
Saloobin
Vincent Liberato Oct 2018
Iniluwal ka sa sinapupunan,
Ngunit itinali't iginapos ka
Ng taliwas sa iyong mga kagustuhan
Ang iyong mga kaibigan
Ay lumisan na sa dalampasigan,
Ngunit ikaw ay pinagmamasdan mo lamang sila.
Nang isilang ka
Magulang mo lamang ang masaya sa'yo,
Ngunit 'di na nila naisip ang mga hangarin mo.
Ang bansag tuloy sa iyo ay: tao lamang.
'Di ngumingiti, 'di masaya
At higit sa lahat ay walang hangarin
Sa mismong kalooban.
1.6k · Feb 2019
Nangangata
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.
798 · Feb 2019
Untitled
Vincent Liberato Feb 2019
Nagtawag siya ng isang espiritista
at mananalangin
na magbuburda sa bawat hibla
ng kamalayan na patuloy na binuburda
ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising
ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag
na mangangarap.

Dali't daling sumulat ng dagli,
sa bawat pagtagaktak ng mga luhang
umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo
na siyang nananalangin sa ikalilinis
ng tahanan laban sa mga naghuhudas
na diyablo, na itinataya ang gabi
para mag-anyong tao sa kahit sino.

Bago sumapit ang gabi.
Sa takipsilim, limang minuto,
bago paparating ang isang duyog
na magwawakas sa hindi maaaring wakasan,
kagaya ng pagtalikod at pagpikit,
na hindi maaaring maisara ng mga mata.

Magpapakarahas sa pagsigaw
at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya,
ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat
na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing
ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang
nagdaan sa pagkalimot sa kanila.

Sa gilid-gilid ng eskinita,
matatagpuan ang mga kawalang-malay
na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya,
sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.

Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming
hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos
ipanglagas ang kaluluwa.

Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin,
pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.
648 · Oct 2018
Daungan
Vincent Liberato Oct 2018
Nasa daungang 'di matanaw
Walang kaibigan, kundi kalungkutan
Almusal ay iyon ang hapunan
Salapi muna bago kalusugan

May ngiti si ulilang bituin
Dahil ayaw biguin
Sa pagitan ng tubig at lupain
'Di nila alam ang lungkot mo

Dahil walang luha, kundi luho
Sa daungang 'di alam ang sasapitin.
519 · Oct 2018
Palangga
Vincent Liberato Oct 2018
Paalam na palangga
Lilisan na ang bangka
Kasunod ang mga alaala,
Ngunit huwag sana ang pag-ibig mawala.
485 · Nov 2018
Mga puntod ng kilusan
Vincent Liberato Nov 2018
Walang punlaan
ang mga puntod
ng kinabukasan.
Walang punlaan
ang mga puntod
ng winakasan.
Walang punlaan
ang mga puntod
ng katapusan.
Tumahimik ka at
kausapin ang mga
puntod ng kilusan
upang hindi humantong
sa kawalan.
479 · Oct 2018
Iniibig
Vincent Liberato Oct 2018
Iniibig mo ang tala,
Ngunit iniibig ng tala ang pag-ibig—
Hindi ikaw.
440 · Oct 2018
Sumasariwa sa gabi
Vincent Liberato Oct 2018
Ang gabi
Inilaan sa mga tahimik
Inilaan nang walang gumagambala,
Ngunit sa gabi ko, walang katahimikan
Sapagka't ikaw ay gumagambala
Sa mga sariwang alaala.
428 · Oct 2018
Hubugin
Vincent Liberato Oct 2018
Sa mga araw na hindi tayo sigurado sa ating mga damdamin, sana'y punuin natin ngayon ang bawat araw ng kawalan—punuin ang pag-iisa ng bawat isa. Sana'y sumiping sa iyo ang damdamin ko, sumiping sa isipa't balintataw mo. Sana'y mamalagi sa puso mo ang nag-iisang dibdib ko. Hubugin natin lalo ang kaluluwa ng bawat isa, hindi sa pag-hubog ng kawalan kundi sa pag-hubog ng pag-iibigan.
370 · Oct 2018
Mundo
Vincent Liberato Oct 2018
Sa bilis umilog ng mundo
Umiilog pa ba ikaw sa mundo
Ng iniibig mo bukas?
222 · Oct 2018
Kung hindi
Vincent Liberato Oct 2018
Kung hindi lumuluha ang mga mata ko, dumudugo naman ang puso ko, kung walang tinig ang boses ko, sumisigaw naman ang isip ko, kung tahimik lamang ako, nangungulila ako.
206 · Oct 2018
Kapiling
Vincent Liberato Oct 2018
Iniluluksa ko ang sarili
Nasa ilalim ng puno
Nasa ilalim ng buwan
Kahit matulog...
Kahit ipikit ang mga mata...
Kasama kita, ngunit hindi kapiling.

— The End —