Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Aug 2018
Para sa pag-ibig na hinintay at pinagdasal
Sana alalahanin na hindi magsasawa kahit gaano pa katagal
Para sa pag-ibig na kayang sulatan ng tula
Alam kong hindi na ito mawawala

Para sa pag-ibig
Na patuloy pa ring nabubuhay sa'ting dalawa
Pinapangako kong hindi na ako makakahanap ng tulad nito sa iba

Kaya habang nandito pa tayo
Habang kaya pa natin hawakan ang kamay ng isa't-isa,
Habang kaya pa natin yumakap, humalik, at sabay na mag-dasal,
Gawin natin

Para sa pag-ibig
Jeremiah Ramos May 2017
Sabi nila, kapag napapaginipan mo ang isang tao,
iniisip o naaalala ka nila o kaya sila ang naiisip at naaalala mo.
Pinili kong hindi maniwala sa mga sabi-sabi
kasi napapaginipan kita tuwing pinipilit na kitang kalimutan.
Tila bang pinapaalala ng mundo kung anong nawala sa'kin.

May mga gabing hindi sumasagi ang pangalan mo sa isipan ko bago matulog
Ngunit ipapaalala muli sa panaginip,
ipapaalala kung gaano ako kasaya tuwing makikita ka,
ipapaalala kung gaano tayo kasabik ikuwento ang araw ng isa't-isa,
ipapaalala ang mukhang natutunan kong mahalin.

At sa isang iglap, magigising ako, alas-kuwatro ng madaling araw,
kasabay ng pagmulat ng mata, ang mabilis na tibok ng puso at tumatagaktak na pawis na parang kakatakas lamang sa isang bangungot.
At kasunod nito ang malalim na buntong-hininga.

Ibang klaseng katahimikan ang sasalubong sa'yo kapag alas-kwatro ng madaling araw,
Rinig ang bawat segundo sa orasan,
ang bulong ng mahinang volume ng TV na iniwanan **** bukas.
Walang mga busina, walang humaharurot na motorsiklo,
at walang boses na magtatanong kung binangungot ka ba.
May mga katotohanan din na parang mas nagiging totoo,
Halimbawa, ang katotohanang hindi mo na ako napanaginipan simula noong gabing ako'y iyong nakalimutan.

Sa kabila ng dilim at katahimikan,
Naiwan akong nakatulala
Iniisip kung alin nga ba ang mas gugustuhin
ang panaginipan ka tuwing makakalimutan ka
o makalimutan ka hanggang sa panaginip.

Nalaman ko ang sagot
sa mga gabing sinusubukan kong kalimutan ka.
Dapat hindi ko talaga isusulat 'to.
shet
Jeremiah Ramos Nov 2016
-
Sinabi ko sa sarili ko
Na huwag ka nang hanapin sa unang pagkakataong mapansin ko na nawala ka.
Ngunit nahanap pa rin kita.

Nahanap kita sa katahimikan,
Ang bulong **** nagpagulo sa minsang kalmadong isip,
Dahil sa'yo nalaman ko hindi lang pala multo ang puwedeng nagpaparamdam sa dilim.
Naroon ka rin sa likod ng mga masasayang alaala.
Nahanap pa rin kita kahit ilang beses na akong nangakong magiging masaya muna ako.

May kanya-kanyang paglalarawan sa'yo ang iba't-ibang tao,
Maaring sa iba, isa kang demonyo, kathang-isip, salita, o isang panandaliang bisita.
Pero sa lahat ng bagay na inilarawan sa'yo, hindi ko alam kung bakit itinuring kitang kaibigan.

Dahil siguro tuwing pag-uwi ko, 'pag wala ng mga tao
kahit gaano man ako kasaya o kapagod,
nandiyan ka.

Nag-aabang, nag-aantay, naiinip
Hinihintay akong mag-kwento.

Ikaw ang tipo ng kaibigan na hinahanap-hanap din pagkatapos bitawan.
May mga araw na napagtatagumpayan kong huwag kang isipin ngunit may mga araw din na nagbabalik nanaman ako sa simula.
Dahil sa huli, ay uuwi din ako at hahanapin kang muli sa katahimikan.
At sa bawat paalam mo, muli nanaman kita maaalala

Minsan, napakahilig **** magtago tuwing kasama ko na ang mga kaibigan ko,
Pakiramdam ko rin naman wala silang balak na kilalanin o pakinggan tayo
Kaya patuloy ka lang magtago,
Hindi nila kailangan malaman na buhay ka,
Hindi nila kailangan malaman na nandiyan ka,
Hindi nila kailangan malaman na totoo ka.

Hindi ko alam kung kailan ka aalis,
Hindi ko alam kung gusto ba kitang umalis,
Pero kung sakaling dumating man ang araw na 'yon,
Huwag ka nang magpaalam pa.
Tula tungkol sa depresyon.
Jeremiah Ramos Aug 2016
Ang posporo ay isang entabladong ginawa para masira,
Para magbigay ng panandaliang liwanag,
Para sayawan at indakan ng apoy,
At sa huli,
Lilisanin din ito,
Iiwan ang sunog at durog na entabladong isang beses niya lang sinayawan.

Tayo ay dalawang taong ginawa at itinakda ng tadhana para maintindihan natin ang pag-ibig,
Ginawa tayo para masira at maging buo muli,
Para sumayaw at umindak sa bawat kantang maririnig natin sa radyo,
Pinilas at tinapon natin ang huling yugto sa storya natin.
At lahat ng 'to,
ay isang posporong nasindihan na at nadurog,
nagngangalang sana

Eto ang posporong nagngangalang tayo
Sinindihan ito ng tadhana,
Nagliyab tayong dalawa sa kabila ng gabing malamig
Hindi nawala ang indayog ng apoy na pilit hinihipan ng hangin,
Patuloy na nagliliyab, kinakain ang kabuoan ng posporo
Hanggang sa nawala,
Hanggang sa napagtanto ko na ako pala ang posporong sinayawan mo.

Ako ang posporong hangarin ang masayawan ng apoy **** mapangsindak,
At ayaw maubos ng iyong liyab,
Ako ang entabladong pwede **** sayawan nang walang hanggan,
Sana'y hindi ka umalis nang natapos pa lamang ang isang kanta,
Ngunit
Nawala ka
Umalis,
Iniwan ang sunog at durog kong entablado

Ikaw ang apoy na pumuno at umubos sa akin,
Ako ang posporong nagsisilbing patunay ng ating munting sandali
Pinilit kong hanapin muli ang alab mo,
Ngunit napagtanto
Aanhin mo pa ang nasindihan na posporo?

Hanggang ngayon,
Hindi ko pa rin mawari na sa buong akala ko
Sabay nating pinilas ang huling yugto ng storyang sinulat natin,
Ngunit pagkatapos ng lahat,
Tinago mo pala 'to at idinikit muli sa kwento nating dalawa.
Jeremiah Ramos Aug 2016
Langhap.
Kumuha ako ng isa galing sa inalok **** kaha,
Hinawakan ko 'to na tila bang nakasanayan ko na,
Naka-ipit sa hintuturo at hinlalato,
Nilagay sa aking labi,
Hinihintay ang pagsindi mo nito,
Nilapit ko ang sigarilyo sa sumasayaw na apoy upang magsalubong,

Bago lumanghap,
Ramdam ko ang puso kong kumakarera sa kaba
Tila bang nagpupumiglas lumabas,
Langhap.
Ubo.
Buga.
Langhap.
Ubo.
Buga.

Hawak ko ang isang kahang inaalok ko sa'yo,
Nasa bulsa ko ang isa pa na uubusin pag-uwi,
Kumuha ka ng isa,
Sinindihan,
Ako ang lumapit habang nakasabit sa'yong labi
Na tila bang naghihintay kang sayawan ng apoy,
Langhap.
Buga.
Langhap.
Buga.

Hawak ko ang kamay mo na tila bang ang tagal na natin nagsama,
Nakakapit, ayaw bumitaw, parang dalawang bagay na ginawa para magsama
Hinintay ang tamang oras,
Nilapit ko ang sarili ko sa'yo,
Umaasa na marinig mo ang tibok ng puso kong kalmado,
Nagsalubong ang ating mga labi.
Sa wakas,
sa wakas.


Buga.
Lumipas ang ilang linggo,
Tinigilan kita.
Hindi dahil sa gusto ko pero dahil sa sinabi nila na hindi ka nila gusto
Sinabi nila na nahulog ako sa'yo ng husto
Hindi ko alam na kasalanan na palang mag mahal ng sobra

Isang buwan nakalipas,
Hinahanap ka na ng kamay kong wala ng kinakapitan,
Ng labi kong wala ng hinahalikan,
Ng mga baga kong naghahanap ng usok na naging tama para sa kalusugan,
Hinahanap kita.

Tatlong taong nakalipas,
Tumigil na akong maghanap.


Buntong hininga.

Tinanggihan ko ang isang sigarilyong nakalawit sa kahang inalok mo,
Inipit ang aking mga labi,
Pinigilan ang sarili,
Pinigilan ang pagpapapumiglas ng puso kong hinahanap ka pa rin.

Naglakad ako palayo,
huminga ng hangin na tila bang bago pa rin sa'kin
Sa wakas,
Hindi na kita hinahanap.
Sa wakas.
Poem about addiction (specifically to smoking) i guess
Jeremiah Ramos Aug 2016
Sa unang pagkakataon,
Inabangan ko ang pagsikat ng araw
Pinili kong hindi matulog,
Kasi mas madaling magising hanggang umaga kaysa sa bumangon ng maaga

Naging isang malaking kanbas ang langit
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ng buwan at mga bituin,
Naging asul, nadagdagan ng kahel,
Nagkatabi
Unti-unting naghalo

Sumilip ang araw,
Inabot ang kanyang sinag sa mga matang malalim at nag-antay
Unti-unti, at sa tamang oras sinakop at niliwanagan ang langit.

Narinig ang mga busina ng mga bus,
Ang tren na para ng tilaok ng manok sa umaga sa aking mga tainga,

Nakita kita,
Sa pag unat mo,
Sa pagbukas ng iyong mga matang hindi nag-antay,
at sa pagpikit nila muli dahil alam **** hindi mo kailangan bumangon ng maaga

Narinig kita,
Ang hilik na pilit **** itinatanggi,
Ang mga unang salitang binabanggit ng isip mo,
Ang pag-sabi mo sa kanya ng mga salitang ako dapat ang makakarinig tuwing pag-gising,
Magandang umaga, mahal kita

Sa unang pagkakataon,
Inantay kita,
Pinili kong hindi magmadali,
Kasi mas madaling abangan ang tamang oras kaysa sa habulin ito,

Mahal,
Sinta,
Ikaw ang sining na nagbibigay dahilan kung bakit ako yung kanbas na kinalimutan **** pinturahan,
Nagsimula sa unti-unting pagkawala ko,
Naging masaya ka, nakalimot ka,
Lumipas ang ilang taon,
Unti-unti akong 'di hamak naging pangalan at alaala na lamang sa'yo

Sumulyap ako sa huling pagkakataon,
Inabot ang aking mga kamay sa'yo, sa nakalimot at nagmahal ng iba
Unti-unti akong naging alaalang nawalan ng pangalan.

Mas madali mag-antay ng pagsikat ng araw kaysa sa kalimutan ka.
Pagka't ikaw ang unang simoy ng hangin na malalanghap sa umaga,
ikaw ang sinag ng araw na unang nakikita ng mga mata ko,
ikaw ang umaga ko.

Ikaw ang unang umagang hinintay ko.
Wala pa akong tulog.
Jeremiah Ramos Aug 2016
Isa kang kidlat,
Panandaliang liwanag sa gabi kong maulap,
Ikaw ang bagyong matagal ko nang pinagdarasal na dumaan at manatili,
Istorbohin mo ang kalmadong dagat sa pusong nananahimik,
Ibigay mo ang mga kulog mo na ikakabingi ko, papakinggan pa rin kita,
Ibuhos mo ang ulan mo,
Ang hangin mo, na kayang ipaalala sa'kin kung paano ginawin.
Iparamdam mo ang hagupit ng bagyo mo,
At pangako,
Magiging matatag ako,
Ipagdarasal na manatili ka.
Kumikidlat kasi kanina
Next page