Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim
At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa
Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa
Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago
Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas
Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan
Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw
Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan
Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan
Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak
Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay
Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap