Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Nang mahimasmasan bumulagta ulit
Ang sampal ng ipu-ipo ay kay lupit
Nilulupig ang ungas,walang patawad
ni mangmang hinahatak at saka ibabagsak

Ang diablo ay nasa parabola
nakatitig sa sentro ng pinangyarihan
mangyari na maligaw sa mga pahina
didiretso sa rurok ng bundok na mapanlinlang

Huling sigaw ng mga nilalang
matubos ang kanilang kasalanan
Iba'y kumakapit sa sungay
may buntot ng unggoy
at dila ng ahas

Talangguhit ng kahihinatnan sa katapusan ng siglo
Ang panambitan sa huling liriko
Di matapos-tapos na pag-iiling
Ang pagsimangot ay pansapin

Dahil sa panimdim, ang kwaderno'y pinuno
Makapal ang kaliskis ng sakob nito
Mga taludtod na nagpupumiglas
ang dinidikta ng saloobin
kingjay Dec 2018
Marilag na kasuotan ay itakip sa pagkalamat
para di mabigyan pansin,
masundan ang lingas
Mag-aani ng papuri ang mapagdamdam na muslak

Ang mga bakas ng kahapon ang pumipigil sa paghakbang
Nakamtan man ang kaluwagan ay matagal pa rin bago nakapagpapasya
Di magagawa ang pithaya

                      (KWENTO)

(Sa barangay, doble-doble ang bantay sa tarangka
Masusubukan ang matalas na kampilan
Matatalo ang sinumang dayuhan

Masinsin sa pagbabantay sa pook na magiging libingan
Maalat ang komposisyon ng sipol
Nakakarindi ang taghoy ng mga kalaban
Nagdiriwang sa loob nang matapos ang digmaan

Ang datu at mandirigma ay iisa
maging sa hangarin na tinagumpayan nila
Kinokondena ang kaaway
Ibibitin nang patiwarik
Walang awa ang magsasalubong sa sentensiya

Mga bihag ay ipapasok sa kulungan
araw-araw bibigyan ng kakanin
Sa takdang oras sila'y bibitayin
magiging palamuti sa poste ng bahay ng Datu)

Namangha sa kwentong bitbit
Sa katunayan nagdibuho ng sitwasyong kathang-isip
Sila'y hurado na hinuhusgahan din
Binabatikos ang ugali
Kinukurot ng imahe ng repleksyon
kingjay Dec 2018
Nadatnan sa sahig nakahandusay
Ilan taon pa lamang noong una natapilok
Sa paghuwego ay naglibang
Nakalimutan ang sandaling sablay

Bumaba ang araw na nasa taluktok ng kampana ng simbahan
May iskarlatang busilak
Ang dagundong nito ay ang pagpaparaya sa mga bata na ginigiliw ng kanilang ina

Ikandong ang wasak na damdamin
para makahinga
Nilulumot ang gasera sa guwang na pandama
Di matinag ang pagkawalang

Ipaubaya sa daungan ng mga hiling
ang pahapyaw na pinapanalangin
At doon din makahanap ng silungan
Samantala nalalagasan ng supang ang Sampaguita
Malungkot ang kanyang talaarawan

Nagmistulang sinulid ang kaligayahan
na ipang gamit sa paghabi ng ala-ala
Sa kalayuan maaninag na nagluningning
Ngunit kapag sa prontera may pilat na mapusyaw
kingjay Dec 2018
Iligaw ang tukso ni Lusiper
sa diwa na siyang naghari
Magmuni-muni sa ibaba ng mundo
Sampung beses pagtimbangin ang mga gawi

Lampas sa katotohanan ang layon
Anyo ng mundo ay di magkatugma sa panaginip
Ikumpay sa apoy hanggang sa lumaki
Tiwala sa sarili, magtiwalag man sana'y di lumayo

Sa labas ng sanlibutan ay nagmasid
May mga dagim na nagtabon sa buwan
Nang nasilayan ang diklap sa alangaang
na sumambulat sa noo ay sumingaw ang depresyon

Mapagkunwaring uwak na dumausdos sa ere
Simpleng kilos niya'y nakakaaliw
Humapon sa troso para magpahinga
Sa kanyang aparisyon makikita ang
unos na dinadala ang dahilan ng pagdarapa

Naglaon na kuwento ay nagparinig ng alingawngaw
noong unang pag-usbong ay umani ng kahihiyan
Naging balat-sibuyas na tubo
humihikbi nang patago
kingjay Dec 2018
Sa sulating papel,
ilang letra ang nailimbag
para lantaran maipahayag na ang pagdarahop sa alpabeto ay ang masamang salagimsim na pasanin

Mapait ang sasapitin sa guhit ng palad
Makulimlim na hudyat ng kaharian
Sa malas na katalagahan
Ang pangawan na nag-alingayngay
Nagtitiis nang pagkahimay-himay

Mahabang kadena na nakakabit
Sa dantaon na nagnobena sa templo
Ang naisaulo lang sa gilid ay ang iba't-ibang kapintasan
na nagkadikit-dikit at nagtatanikala

Natumba sa kaskaho ang nanlambot na tuhod
Ito'y naging karanasan ng pilay
Ginamit ang tungkod ng katatagan
nang maayos na kumandirit sa daan

Karamdamang na di maibsan
Ang pagtitimpi ay sadyang kahinaan
Tila'y sakitin na sisiw nagtatampisaw sa baha na sa inahin nakahanap ng pagkalinga
kingjay Dec 2018
Sa look ng kabihasnan ay niluray ang moral
hanggang wala na natira sa kasarilihan
Matayog na pananaw ay lumulubog
parang tumatandang lawin

Ang katauhan ay yumayabong na talahib na inaambon
sa larang ng mga lapida
Kaya musika ng panananghis ang nakatadhana
Mapanglaw sa linang

Ang kalakasan ay nahahamugan
Nang pagsulong nito tungo sa kapangahasan
Isang paa ay nasa libingan

Kahit anuman ang makatugon sa pagdaralita nang malapot
Sa antas ng balangaw, ano ang ipinapahiwatig?
Masilayan man ng busabos, walang linaw sa intuwisyon

Ihalo ang walang kaugnay na pangungulila
sa balangkas ng talambuhay
Magbuo man ng introduksyon
Di pa rin makabangon sa panimula ng akda
kingjay Dec 2018
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan

Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan

Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki

Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit

Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian
Next page