Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Kunin ang litrato sa sulok na nag-iisa
Pakinggan ang himutok
sa kwadradong kahoy nakapatong
ng bangkay na  nangangapa pa

Buuin ang palaisipan
Kung may itsura ay hugutin
ang kasagutan sa bugtong
Tulungan mabatid ito, iwasan ang pagkalito
Nababalisa ang gabi at di makatulog

Munting daliri ay igalaw
Ngunit nanatiling tamad ang mga braso
Sa pagkabog ng dibdib
Ang halinghing ay maririnig
Sa kalaunan ay parang di na humihinga

Kinakalawang sa silid
Nakahandusay sa silyang rektanggulo
Tiisin ang katahimikan
Magdurusa sa kaawa-awang mga oras na di pa umaga
Malayo ang araw at mga bituin ay pinagkait pa

Tagpi-tagping tela ang lulan ay hinala
Magbuntong-hininga ito makipag-usap
Isinalaysay ang pagdaralita
Nakatikom ang bibig
Maghihilom din bagkus di makatawa

Magmumukmok sa loob
ang walang saysay na uwak
Idagit ang kabuluhan
Ang pakikipagsapalaran ay sakuna
kingjay Dec 2018
Puno ay tumatanda
Nalalagas ang dahon sa balingkinitang mga sanga
Minsan may lagutok na maririnig- biglang pagluksa

Itanong kung kailan ang mga lawa ay matutuyo
Tubig niyang malinaw, may lalim na hindi matanto
Ito'y pagtahak sa walang hangganang hiwaga

Espiritung gala, isipin ang kalagayan
ng katawang lupaypay
Turukan ng gamot o ng gunita ng kasiglahan
Halik ng kahapon ay alaala ng kahapisan

Hawakan ang kamay na nanginginig
Matamlay na  anak Niya'y sa aruga salat
Ang paglipas ng oras ay gayundin ang pasasalamat
Habaan ang sandali na may hininga't sarap

Pawis na  nakabilad sa hamon ng buhay
Mararanasan ang init at pait
Ang pagpapahalaga sa katapusang ninanais
kaakibat ay lumbay

Paruparong itim magkatambal sa paglipad
May babala man huwag isaisip
Pusang tumawid sa harapan
Ibaling ang paningin
Magrosaryo saglit, sino ang mawawalan
kingjay Dec 2018
Ang monasteryo ay pugad ng dasal ng maya
Nasa tono ang plawta, umiirog na nota
Ang natatanaw na inakalang bukang-liwayway  ay magandang kasintahan

Harana ng kalawakan, nakakabinging bulong
alulong ng multo na nanahan
Sundin ang pagkabigo
Sapagkat ang harmonya'y bihasa sa pagbibilanggo

Ang kinikimkim na rosas ay lumulubo
Ngunit nakagapos ang mga ugat
Nakapanlulumo man ito'y totoo
Nabubuhay ang bulaklak sa hardin na nakatago

Itigil ang kahibangan ng bahaghari
Pagkatapos ng pag-iyak ng kalangitan puso'y nagdadalamhati
Kahit gaanong tingkad ng kulay sa himpapawid
Malaking imahinasyon lamang ang makisabay sa pana ng anghel

Iwaksi ang pagtitibok
Ang mga konstelasyon ang patunay
Guhit ng relasyon sa hangin ialay
Papalayo, hindi mamamatay
paulit-ulit na mabibigo

Ang samyo ng damuhan ay may kaluwalhatiang hatid
Sa paraiso nakasandal ang mga balikat at pighati
Malayang pag-iisip, paglalakbay ng diwa
Lunas sa damdaming mahapdi
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig

— The End —