Hay, ulap.
Hindi ko maintindihan kung bakit karamihan sa atin ay mahilig sa ulap. Tititigan. Kukuhanan ng larawan. Tititigang muli.
Ngunit saan nga ba tayo humuhugot ng lakas? Lakas na pagmasdan ang bawat sandali. Ang bawat sandaling nagsasabi na hindi mo ‘to kayang abutin.
Abot tanaw ngunit kahit kailan hindi mo siya magagawang hawakan. Abot tanaw ngunit kahit kailan hindi mo siya magagawang lapitan. Abot tanaw ngunit wala kang ibang magagawa kundi ito’y tititgan. Abot tanaw ngunit kahit kailan sa pagitan ninyong dalawa, walang mabubuong pagmamahalan.
Masyado mo siyang minahal, kaya ngayon ika’y nasasaktan. Inuna mo kasi ‘yung puso mo kaysa sa iyong isipan. Ano? Wala kang magawa ngayon dahil taga-tanaw lang ang tanging papel mo sa buhay niya. Walang kang magawa ngayon dahil kahit anong pagmamahal ang ibigay mo, hindi niya mapapansin dahil napakalayo ng agwat niyong dalawa.
Natutuwa ka lang sa tuwing lumiligaya siya at wala kang ibang magawa kundi ang malungkot sa tuwing lumuluha siya.
Hindi ko maintindihan kung bakit karamihan sa atin ay mahilig sa ulap. Hindi ko maintindihan kung bakit kung ano o sino pa yung bagay na hindi natin kayang abutin, ayun pa yung ginugusto natin.
Hay, ulap.