"Hindi ko lubos maisip ang sarili ko sa katulad mo",
sabi ng asukal sa yelo.
"...sa tingin ko, matutunaw mo ako nang higit pa sa init,
Ang hawak mo, hula ko lang, mas nakakapaso pa sa apoy,
sisirain mo ako higit pa sa anumang bagay sa mundong ito,"
patuloy nito.
"Hindi ko rin naman maisip na makapiling kita,"
sagot ng yelo sa asukal.
"...sa tingin ko, ang tag-araw kasama ka ay impiyerno sa lupa,
ang iyong halik ay magdadala ng walang hanggang tag-ginaw sa isang tropikal na dagat,
lulusawin at mapapatuyo mo ako higit pa sa bilis ng liwanag,"
sigaw nito.
"...pero iniisip kita.
Iniisip ko ang dulot mo sa aking paglusaw.
Iniisip ko ang dala ng dampi ng iyong hawak.
Iniisip ko ang haplos ng iyong pagtunaw at sa aki'y pagsira,
higit pa sa anumang bagay sa mundong ito," tahimik na sulat ng asukal.
"...pero pinapangarap kita.
Pinapangarap ko ang tag-araw kasama ka, araw-araw.
Pinapangarap ko ang iyong halik, at aking panalangin sa maykapal,
"sana nga'y ginawa mo na lang akong tubig-dagat!"
Pangarap kong ako'y iyong nilulusaw at ika'y aking hahayaan,
mas mabilis kaysa sa bilis ng liwanag," palihim na hagulgol ng yelo.