Sa mundong puno ng kulang, sapat, at sobra,
tayo raw ay mga dahon —
sumisibol, lumalago, nalalanta,
kumakalas, tinatangay, nawawala.
Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw natin tunay natatagpuan ang sarili.
Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.
At kung ako nga ay isang dahon,
ako ’yung uri ng dahon na...
hindi basta bumibitaw, kahit taglagas,
sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.
Sinasalo ang bawat katas ng ulan,
at sa araw, akoy nakikipagtitigan.
Ako’y lilim rin sa liwanag ng buwan,
aninong masisilungan kapag kailangan.
Ngunit marahang kumakawala
kapag ang baha’y rumaragasa—
upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.
Minsan lunod sa alon,
ngunit di salungat sa lalim.
Ako’y dahon na may sariling landas,
kahit malihis, o maligaw sa tatahakin.
Ikaw ba —
anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?
‘Yung madaling kumawala,
o ’yung pilit na kumakapit?
‘Yung natatangay,
o ’yung naglalakbay?
Basta ako —
ako ang kapirasong dahong ligaw,
karugtong ng bawat hibla ng ugat,
tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.
Sumisibol, lumalago, nalalanta,
kumakalas, tinatangay,
at nagtataka:
Na kung tayo'y mga dahon sa iisang puno —
Sino ang pasimuno?
Sino ang nagtanim ng binhi?
Ano ang bunga?
Kailan at bakit kailangan anihin?
Pero...
Kailangan ba talagang
hukayin pa ang lalim ng ugat?
O mas nararapat,
na magpalago na lang muna sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo ang mga tangkay?
Baka ang tunay na saysay,
hindi lang nasusukat sa bunga o pakay,
kundi nasa halaga rin ng ating paglalakbay
at pagkabuhay.
\Bulong ng dahon,
at ng damdaming hindi mapa-amin,
sapagkat palaging hinihipan ng hangin...\
At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —
ay hindi sa paghahanap,
kundi sa pananahimik,
kasama ng agos,
ang ihip,
at malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.
tulang alam mo na
kailangan lang ulit mabasa