"pinaghaharian" poems
Nagsisimula na namang lumamig
ang dampi ng hangin sa aking pisngi,
Parating na ang panahon ng Kapaskuhan
na taun-taong ating hinihintay at tinatangi.
Palagi ko’ng hinihintay ang Disyembre
para sa kasiyahang dala ng Pasko,
Ngunit sa isang banda ri’y
pinangangambahan ko ito.
Dahil tuwing Pasko ay may kakambal na lungkot din
ako’ng nadarama sapagkat naiisip kita,
At natatandaan ko pa ang mga huling sinabi natin
sa isa’t isa nang huli tayong magkita.
Pinaghaharian tayo ng poot at panunumbat noon
kaya’t nabalot ng pait ang ating mga salita;
hindi natin napagtanto na minsan isang kahapon
marubdob nati’ng minahal ang isa’t isa.
At hindi ko mapagtanto kung bakit
tuwing magpa-Pasko, ito ang aking naaalala—
Marahil sa aking kaluluwa’y may panghihinayang pa rin
na ang malamig na hangin ang siyang nagpupunla.
(c) emeraldine087
Nov 27, 2016
Nov 27, 2016 at 10:43 PM UTC
Sa mata nila, ako'y walang saysay
Sa mata nila, ako'y walang boses
Sa mata nila, ako'y walang karapatan
Sa mata nila, ako'y isang pagmamay-ari
Hanggang kailan ko tatamuhin ang ganitong katayuan
Ang pakiramdam na para bang wala akong kahalagahan
Dahil sa ako'y mahina, maamo't inosente
ay wari bang inaangkin n'yo na ang katauhan ko?
At sa hindi inaasahang pagkakataon
itinaas Mo ang mga gaya namin
at sinabing sa amin naghahari ang Diyos,
lumundag ang puso ko sa tuwa
Pinatayo mo kami sa kagitnaan ng mga mas may dunong at kapangyarihan
Ang pagkilala mo at pag-ibig mo sa bawat isa
Lalong lalo na sa mababang gaya namin
ay tunay naming 'di maarok
Sa pamamagitan namin, binasag mo ang tradisyong nagpapaalipin
at inimulat kami sa tunay na kahulugan ng kapakumbabaan
at nang tunay na kahulugan ng kaharian ng Diyos
sa iyong halimbawa at aral, maraming nagulantang..
Hinayaan mo kaming lumapit sa Iyo
At ikinintal ang iyong iniwika
Na ang sinumang 'di tumulad sa isang maliit na bata
sa pagtanggap sa paghahari ng Diyos
ay hindi mapapabilang sa mga taong pinaghaharian niya.
Nov 19, 2019
Nov 19, 2019 at 12:39 AM UTC