"palaso" poems
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil nandyan ka para mahalin ang buo kong pagkatao
Tanging kasiyahan ang naramdaman ko
Ikaw na laging sinisigaw ng puso
Laging nandiyan para iparamdam ang kahalagahan ko
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil ang lahat sa akin ay iyong iyo
Sa lahat ay lumaban ako
Pagmamahalan natin ay pinaglaban ko
Pag iibigan ay inalagaan ng husto
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa mga mata mo
Mga mata na iba na ang titig sa mga mata ko
Mga kamay na lumuluwag ang hawak sa mga kamay ko
Mga labi na hindi na ang binabanggit ang pangalan ko
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa iyong pagsuko
Ganoon ba kahirap na ipag laban ako?
Ganoon ba kadaling saktan ang puso?
Ganoon ba kahirap na pumasok sa iyong mundo?
Naging ganito ako dahil sayo
Winasak ko ang sarili ko
Tulad ng pagwasak mo sa aking puso
Bakit ba ikaw pa ang minahal ko?
Bwisit na kupido, palapak na pana't palaso
Naging ganito ako dahil sayo
Oo, ikaw na walang ginawa kung hindi saktan ako
Ikaw na madaling sumuko
Ikaw na hindi kayang panindigan ang mga pangako
Ikaw na may pag ibig na mabilis maglaho
Oct 12, 2016
Oct 12, 2016 at 6:31 AM UTC
#071816 #3:18PM #RobPalawan
Muling mauutal ang puso
Buhat sa naantalang pagtatapat.
Ninais ko noong lisanin ang paghihintay
At magbakasakaling
Panahon na ng pag-ani ng pag-iibigan.
Ni minsan,
Hindi ka nagpadaig sa pana ni Kupido,
pagkat marahil may lamat kanyang gintong palaso.
Patuloy akong magbibilang ng bawat dahong nalalagas,
Aaninag sa araw na siyang minsang pumipiglas,
At sisenyas sa hanging hinahawi ang kawalan --
Kawalang hindi tunay,
Pagkat pag-ibig, aking buhay.
Ilalaan ko sa kalawakan
Ang talatang tila walang saysay,
Makikipagbalagtasan sa pagkitil
Ng mga linyang nahihimbing.
Ako'y saksi sa malawak at malalim
Na mahikang di naglalaho,
Sa eksperimentong walang kemikal
Bagkus puro't siyang natural,
Sa paglalambitin ng mga bombilyang
Hindi papupundi,
At mga tuldok na hindi katapusan.
Yayariin ko ang klima ng pusong hindi kalmado,
Bituin ng pagtatapat ay aangkinin,
Pagkat halaga nito'y
Wagas na pag-ibig.
Hindi ako susuko,
Tatagpiin nang kusa
Ang liham ng sagrado kong pag-irog.
Jul 19, 2016
Jul 19, 2016 at 4:44 AM UTC
120522
Kaba ng puso ko’y Iyong pasan
Pilit ko mang labanan
Ang mga delubyong namamasukan
Ay kusa kong ibinabaling Sa’yo ang tingin.
Pagkat kailanma’y hindi ako nag-iisa
At sa bawat giyera’y Ikaw ang aking Sandata.
Ang hiwaga ng Iyong pag-ibig
Ay higit pa sa kung anumang bala’t palaso
Na sa akin ay hinahagis upang ako’y sumuko na.
Hindi ako nagmamataas
Na kaya kong patuloy na tumayo
Sa kabila ng mga patibong
Habang ako’y nakapikit pa.
Ngunit sa aking paniniwalang
Ikaw ang aking Buhay,
Ay Ikaw rin ang magbibigay daan
Sa patuloy kong paglagay
Patungo sa aking patutunguhan.
Sa aking pagbimbing
Ay palagi Kang gising —
Nakamulat at ako’y pinagmamasdan
At patuloy na hinihingahan ng buhay.
Nang sa aking paggising
Ay hindi kung kani-kaninong tinig
Ang aking hahanapin.
Pagkat ang nais ng puso ko’y
Sa’yo ako pumisan habambuhay
At Ikaw ay makapiling at maranasan
Sa mga susunod pang bukas
Nang wala nang pangamba pa.
Dec 5, 2022
Dec 5, 2022 at 5:59 AM UTC
072124
Iduduyan Kita sa kalawakan
At aaliwin ng mga nagniningning na mga tala.
Hahayaang marahang mapagmasdan
Ang mga palamuting bunga ng Aking hininga.
Aawitan Kita ng kundiman na hehele sa’yong pagtulog.
At sa pagsilang ng panibagong Araw
Ay hahagkan ka ng mga sinag Nito
At lulusawin ang mga pangamba’t pag-aalinlangan.
Ang mga pira-pirasong liham ng kasaysayan
Ay nagmistulang mga tagubilin
At ilaw sa’yong paglalakbay.
Habang ang hantungan ng bawat Salita’y
Ang puso **** patuloy Kong sinusuyo —
Sinusuyo ng aking Katapatan at Kadakilaan.
At habang ang mga matutulis na palaso’y
Hindi magkamayaw sa pag-uunahan;
Maging ang mga payasong nakapalibot sayo’y
Nag-aabang lamang sa’yong kahinaan.
Narito Ako —
Narito, upang waksian ang bawat pagpapanggap
Nang hindi ka na mahulog pa
Sa mga patibong na iginagawad nila sa’yo
Na tila ba totoong mga parangal.
Bagamat naging isang pamilyar na tahanan
Ang mundong iyong ginagalawa’y
Hindi ito ang habambuhay na alay Ko sa’yo.
Sa piling Ko’y magiging buo ka —
At ang Aking pag-anyaya’y kusang loob.
Sa piling Ko’y dito ka na mamahinga’t
Ako ang maging Sandigan at Sandata.
Ako ang Simula at ang Katapusan;
At nasa Akin ang huling Salita.
Magbalik ka na, anak —
Magbalik sa yaman ng Pag-ibig Ko.
Jul 21, 2024
Jul 21, 2024 at 9:09 AM UTC
22 Isang araw na itinadhana
Nagtagpo si Ihib at si Pina
23 Nang sila’y pumaroon
Sa dalisdis ng bundok na iyon
24 Ang binata’y sa silangan
Ang dalaga’y sa kanluran
25 Inihanda ng lalaki ang bato
Inihasa ng babae ang palaso
26 Sabay nilang pinalipad
Sa inakalang ibong napadpad
27 At pagbulusok ng saranggola
Sa kinabagsakan nito’y dali-dali sila
28 Iyon ang unang pagkikita
Nina Ihib at Pina.
-07/08/2012
*Gintong Lupa Series
Sep 7, 2019
Sep 7, 2019 at 9:49 PM UTC
Mga puting haligi saking paligid
Puti, puti ang kabaliktaran ng aking isip
Mga gamot na parang lason sa aking katawan pumapasok
Hindi ginusto aking pwesto
Tulong ang aking gusto
Sa loob ng kwartong presinto
Naka destino sa labanang di natatapos
Mga boses na parang palaso
Sa aking kaluluwa ay tumatagos
Labanan ng lakas
Pisikal o emosyonal
Malakas o mahina
Walang palag sa dilim na kalaban
Na unti unting lumalagot
Sa buhay na iyong inabot
Jan 28, 2019
Jan 28, 2019 at 12:16 AM UTC
Itinudla sa puso ang palaso
kung tumatagos at nagdurugo
maaaring ito'y kapalaran na
umaabay sa delubyo
Tunay na paggiliw
ang siyang magdudulot,
magpuspos sa talaarawan
ng saya't sigla
sa likod ng kapighatian
Sa silakbo ng pag-ibig
ang nararamdamang umiinit
Hindi marahan
Masyadong mabagsik
Kung gayon iba na ang ipinapahiwatig
Tawag ng laman ay ang kalibugan
at ito'y di kailanman maihahambing sa puso ng Pebrero
na walang iba na mag-aangkin
Mayroon na ang sinta ay itinatangi
halos ang larawan sambahin
sa araw at gabi nangabusog na sa
dasalin
Mas mabuti pa ang ganda
na pangkaraniwan ang uri
May kapintasan man ginusto pa rin at inibig
Ang nabigo't
nasadlak sa lumo
Nang muli kumabig ay
mas lalong naging matamis ang mga pagngiti
Feb 8, 2019
Feb 8, 2019 at 8:22 AM UTC
081721
Bagamat dumadaplis lamang sa atin
Ang mga palaso ng kalaba’y
Hindi moog ang ating mga damdamin
At hindi rin bulag ang ating mga pananaw
Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.
Gaya ng durungawang nakasilip
Ay bukas na rin ang ating mga isipan
Sa mga di kanais-nais na mga patibong
Na ilang ulit inilagan sa katahimikan.
Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel
Na madaling napunit at bumigay
Buhat sa walang awang pamimihasa
Ng mga ahas at linta sa lipunan.
Tila sila’y nakasilid na lamang
Sa kahong hindi de-baterya
Habang tayo’y nagsisilipat
Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.
At habang tayo’y nananatiling panatag
Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan,
Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal
Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap
At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang
Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.
Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y
Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao.
Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating
Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa
At sana’y kaya nga nating patahimikin
Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.
At sa ating paghimlay sa ating mga kumot
Ay sabay din silang mangungulila
Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay
At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t
Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.
Aug 17, 2021
Aug 17, 2021 at 10:39 AM UTC
Lulan ng balangay ang pumpon ng bulaklak
Ibibigay sa kanya
Sadyang dinamihan para hindi kaya tumangan ang lahat
Lohika ng pag-iirog ay malayo sa ekwasyon
Maaliwalas ang alapaap
Minsan ay mapupuna na nababalisa sa ibaba
Ito'y taytay sa mahiang dako
at sa malungkot na pandanggo
Sinaunang tradisyon ng itong bayan
Ang alay ay dote at paninilbihan
Upang ipakita ang sinseridad
Kahit di man paakyatin ng hagdan,
magnilay-nilay sana sa durungawan
Ang pagsinta ay naiiba
Sa karurukan ng adhika ay yari
Ang nanunuksong salamangka para sa tataw ay iwawaksi
Di kayang magdesisyon sa tudlaan ng palaso
Ruta na mula Silangan pakanluran
Napapagod na ang loro
Lumubog na ang balintataw
dahil sa pinalaya ang pag-ibig
Naging manhid sa aktwal na dula
Ang pagganap ay isang pagpapahirap
Dec 28, 2018
Dec 28, 2018 at 6:14 PM UTC
15 Ang dalagang si Pina
Maliksi’t abenturosa
16 Mahilig magtungo
Sa bundok pinakaulo
17 Tanging pana ang tangan
Mga palaso kasamahan
18 Sa ibon iduduro
Makabasag-bungo
19 Dali-daling sasaluhin
Ang ibong kukunin
20 Kaytibay na goma
Nakakapit sa narra
21 Ang pana ni Pina ay iyon
Dala niya saanman pumaroon.
-07/08/2012
*Gintong Lupa Series
Sep 7, 2019
Sep 7, 2019 at 9:49 PM UTC