"paghahanda" poems
Bakit ba
Ganito sa pinas
Kung saan masyado tayong tutok sa tamang landas
Landas na di naman natatahak
Pagkat lahat ng pangako ng mga naging pangulo ay puro palpak
Ano nga ba ang tamang landas
Palagi na lamang itong bukambibig ng mga taong malalaki ang bibig ngunit maliliit at malalamig naman ang mga puso.
Wagas kung makapagsabi ng tamang landas
Kailan ba magwawakas ang pagpapatag sa tamang landas
Tila masyado nang nabigyang importansya ang paghahanda sa tamang landas
Na naaaksya na ang pera ng ating mga probinsya
Ang mga pangakong napako
Ang mga pulitkong napako na sa pagtahak sa landas na ito
Na tila nakakalimutan na nilang isama ang sambayanan sa pagtahak nito
Ang mga mamamayang pilipino na naubusan na ng lakas
Pagkat wala na halos mailagay sa hapagkainan na bigas
Sa walang katapusang pag taas ng tax upang mabuo at mapatag lang ang sinasabing tamang landas
Mga pukitikong
Masyado nang naging overly attached sa tamang landas
Na tila konting lubak lang kuha agad sa kaban ng bayan... Sa pera ng mga mamamayan.. Upang magpagawa ng bagong daan. Mas matuwid na daan. Wow. Gusto nyo ba ng sapak?
Bakit hindi nalang hayaan ang malubak na daan?
Bakit hindi nalang hayaan ang konting baluktot sa daan?
Basta siguraduhin lang natin na tama ang ating pupuntahan.
Na pagdating natin sa ating paroroonan, paglingon natin ay wala na tayong babalikan dahil wala na tayong naiwan.
Magkaroon man ng galos sa paglalakbay, ang sakit ay kayang pawiin ng haplos ng kapwa pilipinong naging kasama mo sa pagtahak ng daan na tnahak ng bawat pilipino.
Ang kailangan namin ay isang pinuno
Hindi pangulo na ituturo lamang ang tamang daan habang nakasakay sa kanyang mamahaling sasakyan at hindi na namamalayan na kanya na palang naiwan ang mga mamamayan.
Oct 18, 2015
Oct 18, 2015 at 12:19 AM UTC
Una, napakaganda ng mga simula, ng mga umagang puno ng kaba, hinahanda ang sarili sa mga posibleng pagpapakilala. Hinahasa ang mga ngiti, ang mga galaw, ang mga paglakad sa harapan ng iyong mga kaklase. Tinatanggap ang mga matatalim na tingin habang naghihintay sa bawat salitang lalabas sa kaluluwa **** malapit nang sumabog, mga taingang naghihintay, naghahandang makinig…
Pangalawa, magiging kampante’t komportable ka, iisipin na ang buhay ay ganun lang kadali, na ang bawat simula’y pagpapakilala lang ng sarili na pagkatapos **** magpakilala ay makikinig ka nalang. Iniisip na ang kaginhawaan, galak at takot sa simula ay mananatiling sa’yo.
Pangatlo, mapapagod ka. Na ikaw ay gigising ng mas maaga, papalitan ang dugo ng iba’t-ibang uri ng likido, sa pagbabasakaling ang simula ay mananatili hanggang sa dulo. Ikaw ay unti-unting susuko.
Pero pang-apat, ang daan tungo sa tagumpay ay di dapat kalimutan at sukuan di’ba?
Subalit panglima, ang tagumpay ay di palaging may sementadong daanan, na ang lahat ng bagay ay di perpekto. Na ang langit na narasanan mo nung simula ay di mananatiling ganoon hanggang sa dulo na ito’y posibleng maging blankong espasyo na lamang. Matatakot kang punuin ito ulit.
Pang-anim, maghanda ka sa paglipad. Unti-unting buuin ang mga pakpak gamit ang mga balahibong parte ng iyong mga simula.
Pangpito, lisanin ang lumbay, ang galit, gamutin ang mga sugat sa’yong mga pakpak. Unti-unting abutin ang araw kahit na ito’y iiwanan kang abo, susubukang pabagsakin.
Ito ang pangwalo, maghanda kang bumagsak, mahulog, masaktan.
Pangsiyam, masakit ang mahulog, bumagsak, umasa. Ngunit gawin mo itong lakas, lagyan mo ng pwersa ang bawat pagaspas ng mga pakpak ng iyong simula. Oo, di tayo handa na mahulog, bumagsak, umasa, at walang kahandaan sa mga ganitong bagay.
Pero pangsampu, huwag kang susuko, magaling na ang iyong mga pakpak, tapos na ang paghahanda. Subukan mo nang lumipad muli sa langit na dati’y pinuno mo ng mga unang beses at mga unang bagay bumuo sa’yong pagkatao. Liparin mo ulit ang blankong espasyo, lagyan ng mga bagong simula, buksan ang mga nakakandong daanan, abutin ulit ang tagumpay, subukan muling lumipad, at pag ika’y muling nahulog, abutin ulit ang langit, lipad lang.
Apr 1, 2017
Apr 1, 2017 at 10:59 PM UTC
Ang makamtan ang maliliit subalit makabuluhang layunin sa loob ng maiksing panahon. Sa maiksing panahon lang, ‘hwag **** sakupin ang lima hanggang sampung taon na paparating pa lang. Ituon mo sa ngayon at sa mga darating na araw o buwan ang pagkamit sa iyong mga layunin. Hindi totoo ang long term plan, tangina baka nga hindi mo na ito ‘datnan kaya hindi mo ito dapat na saklawan. Ang tagumpay ay hindi sinusukat sa haba ng paghahanda para ito makamit, ang totoong tagumpay ay dapat na lasapin sa bawat sandali, minuto, oras at araw ng buhay mo. Oo, ganun lang dapat, kasi maiksi lang ang buhay baka sa sobrang abala mo para paghandaan ito ay makalimutan mo ang maging maligaya.
Ito ang pinaka malaking trahedya ang kalimutan ang kasalukuyan para lang paghandaan nang todo-todo ang bukas na iyong hinihintay. Ok lang na mangarap, na magsumikap at pangarapin ang magandang bukas subalit hindi mo dapat na ipagpalit kung ano man ang kaligayahan na meron ka ngayon para lang dito. Enjoy your life today while preparing for the future ika nga. Kung bata ka maglaro ka, sige lang makipaghabulan ka sa mga tutubi o di kaya ay magtampisaw sa ulan. Kung binata ka sige lang manligaw ka at makipagkaibigan mag-invest ka sa pakikisama at matutong makipagkapwa tao. Kung nagtratrabaho kana gawin mo nang may pagibig ang ano mang giangawa mo, ‘wag lang nang dahil sa pera.
Maging bubuyog ka na laging handang sumimsim ng bango ng mga bulaklak. Gayahin mo ang ibon na laging umaawit at lumilipad. Umawit ka at tumula kahit walang tagahanga. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon. Ang maiksi subalit makabuluhan na panahon ito ang mga ginintuang sandali na hindi mo dapat na ipagpalit, hawakan mo ito nang hindi mawaglit.
Nov 29, 2017
Nov 29, 2017 at 1:49 AM UTC
#070216 #ElNidoToPPC #SeeingLowtide
Ramdam ko ang pagkauhaw mo
Ngunit sa aking pagdating,
Huli na pala ang lahat
Wala man lamang paalala
Na bilang na rin ang araw.
Ako'y lutang sa pagtangay mo ng lahat,
Sayang ang panahon,
Sayang ang paghahanda ng sarili.
Hindi ka nagsabi, huli na pala talaga.
Jul 6, 2016
Jul 6, 2016 at 5:57 AM UTC
Kumusta?
Hangad kong nasa mabuting kalagayan ka.
Ilang linggo ko nang hindi nasisilayan ang mga ngiti mo;
na kahit bihira,
nakahahawa.
Matagal-tagal na rin noong huli kong narinig
ang ‘yong mga halakhak;
na kahit mahina,
dama ko ang ligaya.
Maging ang katahimikan mo’y
hindi ko pa rin limot
Hindi nakasasawa ang hindi mo pagpansin sa akin.
Huwag ka mag-alala,
hindi ko minamasama ang mga pagsasawalang-kibo.
Sariwa pa rin ang mga pagkakataong lumagpas ka sa harapan ko
Sa katunayan, gabi-gabi kong ipinagdarasal na darating din ang araw na lilingunin mo ako.
At ngayon ngang ‘di tayo nagkikita’t nag-uusap
Yayakapin ko ito bilang paghahanda.
Hindi ba’t pamilyar ka naman sa mga taong sinusungkit ang mga bituin at buwan?
Pagkatapos ay iaalok sa kanilang mga kasintahan
Na para bang mga prutas na hinintay nilang mamunga sa kanilang mga bakuran.
May kakilala ka nga yatang tumawid daw sa maraming ilog at umakyat ng pagkakatayog na mga kabundukan
Sinaluhan sa hapunan ang mga diwata’t
Pumaslang ng mga halimaw kinabukasan;
upang siya’y puntahan.
Marahil ay narinig mo nang may minsang pumasan ng daigdig para sa kaniyang nobya
Ngunit sa huli’y hindi naisakatuparan.
Umasa ang nobya.
Umiyak ang nobya.
Ang nobya marahil ang pumasan sa halip na siya
May isa nga sigurong nagmalaki na bubuo raw ng pira-pirasong ikaw
Na tila kontrolado niya ang mga piyesa ng buhay mo.
Pamilyar, hindi ba?
Ngunit,
hindi ganito.
Hindi ganito ang aking paano.
Oo. Naiintindihan kong ang ilan sa mga ito ay idyoma o eksaherasyon lamang
Pero nangangamba ako na baka pagod ka na;
Na baka nabibingi na ang iyong mga tainga
Sa paulit-ulit na pangangako;
Na kahit ang talulot ng mga mabubulaklak na salitang ‘to ay
tuyo na.
kahihintay sa tapat at sa tunay.
Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta, hindi.
Hindi ko masusungkit ang mga bituin at buwan
pero handa akong samahan kang panuorin sila.
Hindi ko kayang sa isang araw ay tumawid sa maraming ilog at umakyat ng kabundukan
pero ituturing kong mahalaga ang bawat oras na kasama ka
Aking pagtatrabahuhang makarating sa araw na palagi kitang kasama sa hapunan
at sabay nating papaslangin ang mga pangamba sa umaga.
Hindi ang daigdig; ngunit
Pakakawalan ko ang mga pasan-pasan kong takot;
Kawalan ng tiwala sa sarili;
Ang inggit.
Hindi ito pagbabanta, sinta.
Pero ipanganganak ang mga araw
Na aasa ka;
Na iiyak ka.
Subalit, wala itong kakambal na paglisan.
Uulitin ko.
Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta,
Hindi
kita iiwan.
Ganito ko marahil sasabihin sa'yong gusto kita
Pakapakinggan mo sana.
---
May 8, 2020
May 8, 2020 at 2:56 AM UTC
"O aking minamahal sinta,
Tara, kanta na tayo't magsimba.",
Kay sarap balikan ang mga araw na 'to,
Hanggang sa sarhan mo'ko ng pinto.
Laging kasama sa samahan
niyong umaawit,
Sa lugar kung saan nakakahingi
ng tulong sa langit,
Ang puso ko'y gusto sayo lumapit,
Sapagkat iyong ganda'y kaakit-akit.
Kaya ako'y nangarap...
"Sa pagtatapos ng aking paglalakbay,
Sana magwakas sa iyong mga kamay,
Sa kahit anong mangyayaring pagsubok,
Ikaw ang ninanais na maging palayok".
Umamin, nagbukas ng puso sa 'yong harap,
Habang ang mata ko'y 'di kumukurap,
Iba sa aking mga inaasa't iniisip,
Ang pangarap ay hanggang panaginip.
Lahat ng pawis, oras ng paghahanda,
Mapupunta lang pala sa wala,
Kaya't pag nakikita ako ng iba,
Nagkukunwari nalang na masaya.
Di naisip bituin ay masisira sa isang sulyap,
Dumating pa si Hudas sa aking harap,
Nakatikim ng halik ng isang taong mapanibughuin,
At laking galit pagkat siya ay isang taladkarin.
"O aking minamahal sinta,
Sensya na't dinaan sa makata,
Gawain ng isang taong nalulumbay,
Makakagawa pa ng akdang-buhay
Kaya sa mahabang panahon hindi magpaparamdam,
Para makuha ng Hudas ang kanyang inaasam,
Kahit ang puso ko'y nasisira't lumiliit,
Ako'y maghihintay kahit masakit.
Apr 3, 2020
Apr 3, 2020 at 10:20 AM UTC
Dati-rati, palagi kong hinahangad sa sarili —
Sana'y dumating na ang panahong magagawa ko nang lisanin.
Dati-rati, palagi kong sinasabi na kaya ko na,
Sapat na siguro ang dekantong taon na paghahanda at pinagsamahan natin.
Dati-rati, tila ayaw ko nang manatili sa likod ng mga dakilang poste kung tawagin,
Naging uhaw sa naghihintay na mala-karagatang pangarap na sisisirin.
Dati-rati, ang kasalukuyang pagkakataon ang pinaka-inaasam,
Ngayon ikaw ang nais muling masilayan at makapiling lamang.
Alam ko malalim pa ang aking sisisirin,
Para sa pangarap at pagbabagong minimithi.
At sa bagong umagang darating, patuloy ko sanang maisabuhay ang mga aral na iyong ibinahagi.
Jan 22, 2018
Jan 22, 2018 at 5:12 AM UTC