Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Michael Joseph Nov 2018
Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw
nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw
mga lalamunang di nadadaluyan
hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig
sa daloy ng awit ng mga Ipil
at sa mga aalalang nabuo
sa bawat paglagok, sa bawat isa
mga alaalang nabuo sa tag-araw.

alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon
minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog
ng tag-araw at tag-ulan
panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw
pinagdarasal ng mga kahapon
di pa rin nalilimot,
mga tuyong ugat ng mga pusong sawi
sa pag-ibig na tubig sa tag-init
minsan lang magkaniig

dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito
bumuo ng mga alaaalang impit na itinago
sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso,
sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit
sa bawat pag-ihip ng hanging mainit
sa katawang binalot ng mga sala
at sa bawat pagbabalik sa alaala
ikaw pa rin ang tanging nakikita
sa bawat paglampas ng liwanag
sa maririkit na butas ng kahapong
sa ilalim ng ipil nakatago

Heto na naman ang tag-init
hudyat ay muling pag-udyok
sa uhaw na pusong may pangangailangan
tuyot ang daloy sa bawat paghinga
sa bawat pag-ihip  kulang ang haplos
bawat hagod ay paos.


Alaala ka sa mga sinag ng araw
umaalpas sa mga dahon ng ipil
mga hapong napawi ang init ng tag-araw
nakakulong pa rin sa mga alaala
sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal
sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa

sa ilalim ng mga Ipil
maghihintay sayo

Sa Ilalim ng mga Ipil
Michael Joseph Aguilar Tapit

04/11/2016
kiko Aug 2016
Hindi ako ang babae na hinahanap mo
abang-abang ko ang mga mata sa paligid
nag-aantay, nanghuhuli,
nagsusumamo
ako na ba?
ako na ba ang tinitignan nila?
pansin na ba nila ang buhok kong umiindayog kasama ng hangin
pansin ba nila ang marahang paghihiwalay ng aking mga labi?

hanggang sa mahuli ko ang iyong mga mata
nakikita ko na
nakikita ko na kung paano kita mamahalin
kung paano ko kakalimutan at ibibigay ang sarili ko sayo
tahimik na nagmamakaawa ang puso ko
lumapit ka
bigyan mo ko ng pagasa
hindi man ako kaanya-anyaya sa iyong mata
pero pupunan ko ng pagmamahal at ng pagaaruga ang lahat ng hindi mo nakikita
hindi man ako kasing tingkad ng mga bulaklak
at hindi man ako kasing taas ng mga puno  na nasa paligid mo
pero nagmamakaawa ako
bigyan mo ng pag-asa ang puso ko
kahit hindi na pagmamahal ang ibigay mo
kahit hindi mo na sabihin na pwede kang mawala sa mga mata ko
iparamdam mo lang na karapat-dapat ako
para sa gayon matutunan ko naman
na mahalin ang sarili ko.
Mira Alunsina Jan 2018
Tahimik at tila nawalan na ng ganang huminga ang mundo
Nakasarado ang mga labing to pero alam kong punong puno
ng mga sigaw
ng mga hagulgol
ng mga mura
na pinipilit na hindi makawala
Dahil alam ko na kahit ang boses ay maubos
hanggang sa tuluyan nang mapaos
Hindi mo pa rin pakikinggan
Dinadaan nalang ang mga sakit na naipon
sa pagsulat sa basang pahinang pinipilit mang pagtagpiin
ay tuluyan nang napupunit
Gawa ng mga luhang kumakawala sa mga matang bulag
Marahang pinapahid dahil sa namamagang pisngi
Katulad ng pag-iibigan natin
Sa pahinang ito
Tuluyan nang nawasak at paunti unti nang naglalaho
Nabura na ang tinta at naging malabo na
ang mga salitang Mahal na mahal kita
Ipipikit nalang ang mga mata para tumigil na
Kasabay ang paghaplos sa nanlalamig na espasyo
Sa bandang kaliwa ng ating kama
Dito dating nakahimlay ang isang nilalang na nagbigay halaga sa kalawakan
Ang nagparamdam ng tunay na kahulugan ng buhay at pagmamahal
Pinapaniwalang ang pag-iibigan ay tunay at magtatagal
Pero mahal
Bakit ang mga halik ay napalitan ng mga mura
Ang mga yakap ay napalitan ng mga sampal
At ang mga matamis na ngiti ay napalitan na ng matalim na mata
Nasaan na ang pinangakong walang hanggan?
Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan
Alam ko kung paano mawasak ang mundo ng isang iniwan
Pero alam mo ba kung ano yung pinakamasakit?
Magkatabi tayo at magkadikit ang mga balikat
Walang matitirang espasyo sa gitna dahil sa liit ng higaan
Pero hindi ko maramdaman na nariyan ka
Mali..
Alam kong andiyan ka pero alam ko rin na ang pagmamahal mo ay naglaho na
Sabi nila masakit makita ang mahal **** may kasamang iba
o hanggang kaibigan lang ang tingin niya
o wala na siyang ibang nabanggit kundi ang isang taong ayaw sa kanya
Putang ina
Hindi nila alam na mas masakit ang nararamdaman ng isang tangang katulad ko
Na pinipilit pinapaniwala ang sariling mahal mo pa ako
Mas masakit yun
Mahal hindi mo ba nakikita ang mga mapuputlang labi na minsan mo nang nahagkan?
Hindi mo ba naririnig ang mga hikbi na pinipilit kong itago pero hinihila pa rin palabas ng pighati?
Hindi mo ba nararamdaman kung gaano kita kamahal, kung gaano ako kahangal?
Gusto ko lang naman pakinggan mo ako
Gusto kong malaman mo na ayoko na
Na kahit ayoko na ay ayoko pa
Ayoko pang bumitaw
Dahil natatakot akong maligaw
Sa paniniwalang ang iyong palad ang gabay sa mundo kong minsan nang naging bughaw
Ayoko pang mawalay sayo
Ayoko pang ako’y iwan mo
Tawagin mo na akong tanga, gaga, boba
Pero Mahal kita
Pero Ayoko na
Ayoko na sana
Sana pigilan mo ako sa pagtangka kong pagbitaw
Pigilan mo sa pagsulat muli sa mga basang pahina dahil huli na to
Halikan ang mga nakasaradong labi nang mapalitan ang mga mura ng mahal
Mahal kita
Oo na hanggang sa huli
Kahit matagal nang sinasabi ng mga mata, labi at puso ko
At nakasulat sa huling basang pahina na ito
Na Ayoko pa, mahal ayoko na.
Alaala ang pinakamalapit na tugma
Ng mga tala.
Kapahina ang kakambal nitong
Pinakamapait na salita: Pangungulila.
Nang pagtingala
Sa buwan na ningas ng maamo **** mukha.

Kaya, sa kawalan ay mapapako.
Mapagtatantong
Bituin ka sa apat kong dako.
Hilaga, Kanluran, Timog, at Silangan.
Doon kita matatagpuan.

Ikaw, ang siphayo ng malamig na gabing pinili kong makasanayan.
Ikaw na siyang unan, kumot, at hanap-hanap kong dantayan.

Ikaw, ang pinakamataimtim na bulong sa mga bulalakaw.
Ang nag-iisang hiyaw.
Na kung hahamunin man akong bigyang-kahulugan ang salitang balang-araw,
Ang isusulat kong depinisyon ay ikaw;
Ang pinakainaabangan kong bukas
Matapos sariwain ang kahapon at nakalipas.

Ikaw ang uniberso.
Wari'y ang lawak ng kalawakan
Maging ang mga kislap nitong hindi pa natutuklasan ninuman,
ay hindi sasapat kung ikaw ay aking ilalarawan.
Ikaw na napiling pag-alayan ng pag-ibig na matagal kong inipon at iningatan.

At wala akong ibang maramdaman
Kundi matuling ikot ng mga planeta
At mga nagbabanggaang kometa.
Subalit hanggang kailan?

Mahal, kapos ang haba at katahimikan ng gabi para lamang pakinggan ang dalawang pusong nagsisimulang bumuo ng kanilang istorya.

Araw ay marahang pinasisingkit na ang mga mata.
Umaga na subalit mahal pa rin kita.
Sinta, tinatangi kita.

-wng
I don't have enough words to convince you how real this is; how deep I feel; this is the most I can give you.
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
kiko Aug 2016
Inaantay ko ang takipsilim
kung kailan nagtatagpo ang araw at ang karagatan
at unti-unting lumalabas ang buwan at mga bituin

inaantay ko ang dilim
kung kailan mararamdaman ko
ang marahang paghalik ng balat mo sa balat ko
kung kailan inuungkat ng mga daliri mo
ang lahat ng sikreto ng katawan ko

Dito
sa maliit na papag,
sa ilalim ng mga dahon,
at mga tagpi-tagping kahoy,
sa tabi ng dalampasigan
isinayaw mo ko
isinasayaw mo ako
at sana isayaw mo ako

Ituro mo muli sa akin
ang bawat hakbang dito sa indayog
na walang musika kundi
ang dwelo ng ating mga dila,
ang mabibilis na paghinga,
at mga impit na sigaw.

wag **** tapusin
dalhin mo ako sa isang paglalakbay
kung saan mas kailangan ko ang mga kamay at mga mata mo
kaysa sa aking mga paa

at pag narating na natin ang rurok ng kaligayahan
mahal,
halikan mo ang aking mga balikat
iparamdam mo sakin ang init na hindi naibibigay ng mga tela
ibulong mo sakin ang mga bituin at buwan
at ipikit natin ang ating mga mata sa muling pag-ahon ng araw.
solEmn oaSis Nov 2015
may saboy ang liyab kapag naidadarang,,
sa simoy at alimuom na di pahaharang,,
anumang sisidlan,,tining ay iindayog kapag umaapaw.
gaano man kalalim hukay,,pagtapak sa lapag mababaw.

""basura man nga sa paningin
meron din namang saloobin
bakit di kaya minsan ay buklatin
marahang hagurin bago simsimin .....""

yaong dapat ay apat,sa unang saknong nakasiwalat
tila bugtong-dugtong,pawang sa sahig ay nag-kalat
wag mabahala sa bawat isang paglamukos na tapon
may gantimpala sa bawat nakakuyumos na hamon !

huling bilang panlima,,,,,  lambing ang hiling  kaya 'wag iiling!
sa bawat nilalaman ng kuyumpit na papel minsan ay itinuring.
sa aking pagbabalik,ako'y nasasabik at di na nga nagpatumpik-tumpik
siphayo,simbuyo at silakbo!Ang mga ito'y bunga ng higit pa sa isang halik
Inspired by the poem --Give Me Love ni IGMS  its gonna make sense
dalampasigan08 Jun 2015
May dahong nalaglag mula sa kinakapitang sanga

at marahang tinahak ang dausdos pababa,

Dumampi siya sa malamig na agos ng batis,

sumisigaw ng hapis habang tumatangis,



Binagtas ang ‘di maiwasang larawan

ng pag-iisa’t walang hanggang kalungkutan,

tumama sa mga batong nakaharang

na umagaw sa diwa ng kaligayahan,



Sumambulat ang isang malalim na bangin

na siyang tatapos sa lahat ng alalahanin,

sumaboy ang pirapirasong damdamin

ng wasak na dahong ‘di matanggap at 'di maamin.
ACMP Oct 2015
Mainit-init na umusok-usok
Asukal, gatas, at kape aking hinahalo
Inihip ng onti at marahang hinigop  
Ng aking matikman ang lasa ay malabo
Kumuha ng asukal at inihalo
Nanaig ang tamis ngunit panlasa'y di kuntento
Kumuha ng gatas at inihalo
Nasamid naman sa tabang at dila'y napaso


Binaba ko ang tasa at mga mata'y natulala
Ramdam ang yamot sa aking tinimpla
Ako'y nagulat sa kapeng pinagmamasdan
Repleksyon ng iyong mukha biglang lumitaw
Ako'y napatingala, nariyan ka pala
Sabay hawak sa tasa at humigop ng bahagya
Bitbit ang ngiti sa muli kong pagtingala
Salamat dumating ka, tinama mo ang timpla.
zee Aug 2019
hindi ba't nagpaalam na sa isa't isa
aking tinanggap kahit 'di alam ang dahilan
kung bakit at paano nagawa; ika'y hinayaan na lang lumisan
nais mang tutulan ngunit ayaw tanggaling ang karapatang piliin ang daan
na iyong napagdesisyunan

naging mahirap sa umpisa—tanggaping
tayong dalawa ay dumating na sa katapusan
at hindi na kailaman pang mababalikan ang nakaraan
parte na lang ako ng mga alaala na kung saan masaya tayo sa piling ng bawat isa; gumawa ng sariling mundo ngunit tulad ng lahat ng kwento, lahat ay nagbago;
nandito na tayo sa huling pahina ng libro

ngunit bakit nandito pa rin yung
sakit?
sa t'wing naaalala kang paminsan-minsan
marahang napapapikit na tila bang ngayon lang naramdaman lahat ng pait;
nasisiraan na ata ako ng bait
naitanong na naman sarili kung bakit
sa puso ko'y ikaw pa rin ang
nakaukit?
Kamay

Heto, kung mararapatin lamang.
Ipagkakatiwala ang sandali
tungo sa laman ng salita.
Heto, kung ipagdaramot lamang,
at ipagsasawalang bahala ang dambana
ng iyong katawan.

2. Kurba

Kung abot-kamay lamang din naman
ang buwan ay ipagdaramot na lamang
ang natitirang liwanag.
Sa palad ko nakahimlay
ang talim ng iyong buto.
Hindi na mangingiming pang ibalik pa
sa tahimik na daluyong ng oras
ang mga kamay na ito na walang pagpapatawad.

3. Mata*

May tupok na anghel na bagong hirang
sa loob ng malaking puwang.
Walang paglalagyan ng ligalig,
marahang pagiingat lamang,
kung tatanaw sa kabilang kuwarto ng halinghingan
na para bang nagtatalik ang nais
sa hindi maangkin

nangungusap nang walang karampatang pagmamalabis.
qnn Oct 2021
21,600

apat na taon akong nanahimik
dinampot ang pira-pirasong sarili
nagbabakasakaling sa pangalawang pagkakataon ay mabuo muli
di man kagaya ng noon na walang bahid ng basag
umaasang mabuo at makatayo sa kabila ng mga lamat
at nang dumating ang araw
na naisip kong kaya ko nang muling tumayo
sinubukan ko namang lumakad
dahan dahan at papalayo
kanang paa..kaliwang paa..
at nakaurong ng kaunti
kanang paa..kaliwang paa..
at natututo na muli
sa marahang paglakad ko
hindi ko inaasahan na mapapadaan ako sayo
di mo ako kilala at ganun din ako sayo
pero pinili kong manatili
dahil ano nga bang mali?
pinili mo din manatili
dahil ano nga bang mali?
lumagpas ng minuto, oras, araw, linggo
nandito padin tayo

pero bakit parang gusto ko nang tumakbo
hawak ang kamay mo at tumakbong papalayo

tumakbo at sabay na kikilalanin ang hinaharap
tumakbo at sabay na abutin ang mga pangarap
tumakbo magkahawak ang kamay, sa hirap man o sa sarap

gusto kong tumakbo

sa aking pananabik ay nabanggit ko to sa iyo

at humakbang ka ng isa palayo..

sinabi ko muli sayo
kanang paa..kaliwang paa..palayo

sinabi mo sa akin na di mo kayang sumabay
na ang nais ko ay di maibibigay

at doon naalala ko

oo nga pala napadaan lang ako.
Katryna Mar 2018
Isang daang tula man ang aking gawin hindi nito kayang palawigin ang mga oras natin.

Hindi nito kayang dugtungan ang mga araw na nawala ni hindi nito kayang bumuo ng mga nasira. 

Hindi nito kayang ibulong ang mga salita na nais sabihin ng puso.

Sa ating dalawa ikay tapos na,
masaya na at nakahanap na ng iba. 

Marahang ipikit yaring mata
salitang patawad pakawalan na.
Inspired by the finale scene of  100 tula para kay stella
Jasmin May 2020
Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa

Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin

Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw

Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali

Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.
Katryna Mar 2018
Litrato mo na ba ang susunod kong makikita?
Hawak ang kamay nya,
may ligaya sa ngiti mo habang inaalalayan sya papalabas ng dambana?

Larawan niyo na ba ang susunod kong makikita sa newsfeed ng aking social media?

Ang umani ng maraming likes at puso galing sa iba?

Larawan niyo na ang susunod kong makikita,
magkalapat ang mga labi at marahang pinikit ang mga mata.

Larawan nyo na ba? Ang susunod kong makikita sa primary nyo tuwing lilitaw ang mga pangalan nyo.

Larawan nyo na ba?

Ang magpapaalala sakin ang sarap magmahal,
kapag sya ang kasama kasi pinaglaban mo sya,
na parang sya lang ang mimahal mo ng ganyan.

Bibilang din ba ako ng isa,
dalawa,
tatlo.
Hangang makarating ako saan?
Ilan? 

Sabihin mo, hanggang ilan?
Hanggang kelan?
Hindi ako magaling sa numero tulad nya dahil yun ang propesyon nya, pero alam ko..

Hindi natatapos ang numero at kung matatapos man,
hindi ako sigurado kung kelan.
112522

Sabihin Sa'kin ang tangan **** pangamba,
Mga alinlangan o maging pagdurusa.
At sa bawat patak ng luhang walang salita’y
Ako mismo ang marahang hahagkan Sayo —

Lalapit nang kusa’t aagapay
Kahit ako mismo ang naghihingalo.
Ihipan man ng Sandali
Ang apoy **** patay-sindi
Ay hindi magmamaliw ang pagtingin ko’t pagkabighani.

At walang ibang nanaisin
Kundi masilip ang Iyong mga ngiti —
Mga ngiti **** simula’t sapul ay nakakakiliti.
Lulan ng iyong mapupungay na mga mata
Ay ligaya sa puso Kong
Tanging ikaw ang pagsinta.

Kaya maging sa pagbilad mo sa araw ay kumikinang ka—
Nag-uumapaw ang kagandahang hindi masakit sa mata.
Sa bawat pitik ay umiindak Ka
Musika ng kahapon ay nasasapawan na
Ngunit ang sining Sayong mukha’y
Namumutawi pa rin sa pagningning.

Ikaw ata ay Bituin
At maging sa umaga’y kumikislap pa rin.
Ligaya ang makapiling Ka
Lalo pa’t ako ang napiling maging Katipan.
Ngunit sa pagkumpas nang paulit-ulit
Ng kamay ng orasan,
Paminsan ay ayaw ko nang lisanin
Ang larawan ng nakaraan.

Unti-unti akong namumulat
Buhat sa pananaginip ng gising.
Pira-pirasong alaala’y
Kusa na namang nababahiran ng dilim —
Dilim sa paningin,
Dilim na walang katapusan ang mithiin.
Lecius Dec 2020
Sasapit na naman ang dapit-hapon
Marahang lumulubog ang araw sa kaunluran
Kasabay ng pag-lubog ng puso mo sa kalungkutan
Mababasa muli mga unan ng dahil sa matang luhaan

Sa tuwing nilalamon ng gabi ang paligid
Maririnig pag-hagulhol mo sa silid
Tatangis kana naman na para bang isang bata
Walang pasubali kung sino man sa'yo makahalata

Muli mo naman sarili pinag-tatakhan
Kay raming namumuong tanong sa isipan
Kakayanin ko ba ang buhay pag-sapit ng umaga
Mayroon kaya ako na ibubuga

Tila nababalot ka na naman ng pangamba
Tinatanong sarili kaya ko paba
Subalit 'di ka dapat mag-alala
Dahil ngayong gabi mayroon kang makakasalamuha

Hindi kana muling mag-iisa
Mayroon sa'yong sasamang kusa
Ipapabatid 'di kailangang mag-sarili sa isang tabi
Dahil mayroon kana ngayong kahati sa gabi

— The End —