nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan
'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot
at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit
hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag
at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag
ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal ay imposible at walang katuturan dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan
Nagseselos ako pag may ibang sayo'y nakalapit, Habang kayo'y magkausap, 'di ko maiwasang mapatitig, Sa pasimpleng hawak niya, at tinging malagkit, Kamao'y napapayukom, paano kaniya nalalapitan? —nakagagalit.