"karatig" poems
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.
Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.
Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.
Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.
Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.
Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?
Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?
Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.
Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.
Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.
Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.
Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
Nov 8, 2014
Nov 8, 2014 at 10:44 AM UTC
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.
sana ganoon din dito sa amin.
sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.
paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.
paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?
paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.
pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas
'pagkat paano nga ba sila matutulog?
Jun 14, 2020
Jun 14, 2020 at 10:45 AM UTC