Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
kingjay Dec 2018
Iligaw ang tukso ni Lusiper
sa diwa na siyang naghari
Magmuni-muni sa ibaba ng mundo
Sampung beses pagtimbangin ang mga gawi

Lampas sa katotohanan ang layon
Anyo ng mundo ay di magkatugma sa panaginip
Ikumpay sa apoy hanggang sa lumaki
Tiwala sa sarili, magtiwalag man sana'y di lumayo

Sa labas ng sanlibutan ay nagmasid
May mga dagim na nagtabon sa buwan
Nang nasilayan ang diklap sa alangaang
na sumambulat sa noo ay sumingaw ang depresyon

Mapagkunwaring uwak na dumausdos sa ere
Simpleng kilos niya'y nakakaaliw
Humapon sa troso para magpahinga
Sa kanyang aparisyon makikita ang
unos na dinadala ang dahilan ng pagdarapa

Naglaon na kuwento ay nagparinig ng alingawngaw
noong unang pag-usbong ay umani ng kahihiyan
Naging balat-sibuyas na tubo
humihikbi nang patago
kingjay Dec 2018
Ang awit ay sa mahal na **** inialay
Ang pagbubuwis ng buhay
Dahil sa Kanya natubos sa pagkakasala
Kaya di na lilihis sa Kanyang pamamaraan, magpakailanman

Tinuya ang talunan sa pagbitiw sa laban
Tinabas ng kahihiyan
Wala ng kaibigan
Ibinitin ng nakatadhana sa kamayhan
Habang nakadipa nagsalita,
tanggapin ang kabiguan

Kunin ang salik para kung mapukaw man ay mananatiling nulo
Maraming aglahi humabi ng lampin
Higaan ng peto angkin
ang samut saring pintas

Ang huni ay haluyhoy
ng ibon na nagsusumamo sa sanga
Yumuko dahil sa nahinuha
tungkol sa kaligiran na ginagalawan
Ipinarinig ang kanta

Palawigin ang pag-inog
Di malimitahan ng oras ang pagtamasa o ng dagsin sa pagtalon-talon
Tila balahibong dinuyan ng hangin
na umiilanglang hanggang sa magsawa
Dilaw* na *laso
Para sa pusturang laos
Tatak Pilipino
Kahihiyan naman ang puntos na dala.

Daraan ang bisekleta ni Juan
At titilapon ang mga matitining
Na Animo Rizal
Doon sa Puting Palasyo

Dilaw na laso
Laban sa Korte Suprema
Kung sinong naghalal at nagluklok
Siya ring magpapalaya
Malayo lamang tayo
Sa humihilik na *kasinungalingan

— The End —