Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
36 Ang ikatlong pagsubok ay palamangan
Ng mga lamang-dagat na pahulihan

37 Paramihan sa tingin
Pabigatan sa timbangin

38 Ito ang pagsubok na itinadhana
Para sa magigng prinsipe sa tuwina

39 Sinasabing diwata’y tumutulong
Sa sinumang may pinkamaraming naikukulong

40 Sa kanilang lambat na inilalatag
Sa mga alon na sa dagat papag

41 Magsisimula ang hamon kapag umaga’y lumitaw
Magtatapos sa paglubog ng araw

42 Nang sabay-sabay bumalik ang tatlong lalaki
Si Agus ang may pinakamarami at mabigat na huli.

-06/24/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 147
Sebastien Angelo Oct 2018
paano mahihimbing
sa gabing 'di ka na malalambing?

bakit pa gigising
sa umagang 'di ka na kapiling?
nathansolmeo Apr 2018
Isang karangalan ang pagiging *** laude para sa isang mag aaral. Karangalan na siyang hinahangad ng karamihan ngunit iilan lamang ang nagkakamit. Isa sa mga nagkamit nito ay si Hannah Isabelle D. Mendez. Ngunit sino nga ba si Hannah?Isang mag-aaral mula sa URSC na kumukuha ng kursong BSIT. Gusto mo bang mas kilalanin pa natin siya? Halina’t samahan mo ko.
Kanyang pinanggalingan...
Si Hannah ay ipinanganak noong Agosto 21, 1997. Bunsong anak sa dalawang magkakapatid nina Cristeo at Girlie Mendez. Simple lang ang naging buhay ni Hannah. Lumaking mabait, masipag at may takot sa Diyos kahit na mula siya sa isang 'broken family'. Naghiwalay ang kanyang mga magulang nang siya ay nasa ikatlong baitang. Masasabing hindi madali ito para sa kanya dahil nais niya ay buo at masayang pamilya ang makakasama niya ngunit sa pagsisikap at pagtitiyaga ng kanyang ina, naging matatag at matapang si Hannah.
Kanyang hilig…
Si Hannah ay mahilig magsulat, manuod ng mga pelikula at magbasa lalo na ang mga libro na akda ni Colleen Hoover. Ang pagbabasa ang naging pampalipas oras niya at nakakapagpasaya sa kanya. Maraming bagay ang kanyang natutunan bunga ng kanyang pagbabasa at isa ito sa naging dahilan ng kanyang mga kaalaman na nagdala sa kanya ngayon bilang *** laude.
Simula ng hamon bilang mag-aaral…
Noong bata pa si hannah, wala siyang interes sa pag-aaral. Tulad ng ibang kabataan, kasiyahan lang ang kanyang hinangad pero dahil sa kanyang naging **** noong elementarya, naging bukas ang kanyang isipan sa pag-aaral.
Nakapagtapos siya ng elementarya ng may medalya bilang ikalawang karangalang banggit, sumali sa iba't ibang kompetisyon tulad ng Nutri Quiz Bee - 4th place, Hekasi Quiz Bee -2nd place (Elementary, District level) at sa Highschool 15th place sa Sports Page (RSPC) 1st place Drama fest (School level) journalist at naging presidente ng isang organisasyon noong hayskul.
Sa pagtuntong ng kolehiyo, naipagpatuloy niya ang kanyang pagiging aktibo. Nahalal siya bilang kalihim (S.Y.2015-2016), pangalawang pangulo (S.Y. 2016-2017) at 4th year representative (S.Y. 2017-2018) ng BITS Organization. Naging miyembro din siya ng KASALI Organization taong 2014-2018.
Nang tanungin siya kung paano niya nagagawang pagsabayin school activities at academics, simple lang ang naging sagot niya, “Basta masaya ka sa ginagawa mo, magagawa mo lahat at naniniwala kase ako sa ibinigay sayo yung bagay na yun dahil kaya mo".
*** laude…
Hindi naging madali kay Hannah ang maabot kung anong mayroon siya ngayon. Dumating siya sa puntong hindi na niya alam kung ano ang uunahin. Nariyan ang school works, church duties, family problems at dagdag pa ang mga nagsasabing hindi niya kaya ang kursong IT pero kalaunan napamahal na siya dito. Goal na ni Hannah maging *** laude pero hindi niya ineexpect na makukuha niya ang karangalang ito.
“Sobrang saya dahil ipinagpanata ko ito sabi ko kung para po sa’ken ito, Kayo (Ama) na po ang bahala and then nung nalaman ko na isa ako sa *** laude, hindi ko alam gusto kong sumigaw sa galak, sobrang nakaka—overwhelm.”, wika niya.
Tanging inspirasyon niya ang kanyang pamilya para makapagtapos at maabot ang lahat ng kanyang pangarap.
"When the opportunity knocks on your door, always be willing to give it a chance, 'yan lagi nasa isip ko para wala akong pagsisisihan at always give your best shot sa lahat ng ginagawa mo", wika niya ng may halong ngiti sa kanyang labi.
Tunay ngang nakakagalak ang kanyang pagsusumikap upang makamit ang kanyang minimithi. Mula sa buong pamilya ng URSC, proud kami sa iyong pagdadala ng karangalan!
patricia Apr 2020
ipinikit mo ang iyong mga mata.

sa ikatlong gabing katutulugan mo nang basa ang iyong unan,
nagsamo ka ng mumunting hiling,

sa lihim **** paghikbi,
dinama mo muli, kung paano ang maging kulang
at mawala sa sarili **** mga pagkakamali.

ang mayakap ang sarili sa gabi,
ay ganti sa katawang hapo mula sa buong araw na pagpapanggap,
na mas ibig mo ang umaga dahil sa ligaya nitong dala.

ang isayaw ang anino sa himig ng pag-iisa,
ay paglaya ng isipan mula sa buhay **** mga bangungot

sa ikatlong gabing kinatulugan mo nang basa ang iyong unan,
nagsamo ka ng mumunting hiling,

mahanap mo nawa ang galak sa paggising.
jeremejazz Dec 2010
Ako’y isa lamang pinuno,
Gumabay sa isang hukbo.
Oras ay itinataya upang magturo,
Upang bigyan ng kaalaman ang mga pribado.


May mga taong gusto akong tularan,
Mga nasa ikatlong taon ng paaralan.
Tungkulin ko sila’y turuan,
Upang sila’y magkaroon ng kaalaman.


Mga COCC kung sila’y tawagin,
Lahat sila’y may sinusunod na tungkulin.
Mga katulad ko’y dapat sundin,
Upang makamit nila ang kanilang hangarin.


Meron akong isang CO na nakilala,
Pansin ko’y kanyang nakuha.
Hindi ko maipaliwanag ang kanyang ganda,
Lagi nalang sa kanya ang aking mga mata.

Ang ibigin siya’y isang bagay na bawal,
pagkat posisyon ko’y pwedeng matangal.
Ito’y aking gagawan ng paraan.
Kahit ito pa ang batas ng paaralan.




Tinataguan ko ang aking Commando,
Upang makipagkita sa giliw kong CO,
Tinutulungan din ako ng kaibigan kong pribado,
Na umiibig naman sa isang pinuno.
                                          

Bakit ganito nalang ang pag-ibig,
Palagi nalang may humahadlang sa paligid.
Hindi ba nila alam kung gaano kasakit,
Ano ba ang kanilang naiisip.


Ang pamumuno ko ay pansamantala lamang,
Ngunit pag-ibig ko sana’y walang hanggan.
Huwag sanang masira ang ating samahan,
O Aking Joana, hindi kita titigilan.
*this Poem is written in Filipino
Lance Cecilia Jan 2016
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.

Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.

Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.

Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.

'Yun ang huling alaala ko.

Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.

Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.

Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.

Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!

Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.

Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.

Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?

Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.

Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.

Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
Crissel Famorcan Jan 2018
Elementarya ako nang pinangarap kong maging manunulat,
Kaya't nagsikap ako at natutong magsulat
Ikatlong taon ko sa hayskul nang isulat ko ang kuwento nating dalawa
Kuwentong pinangarap ko pang maipa-imprenta
Kaya't pinaghusayan ko ang paglikha at pagdetalye
'Straight to the point' at walang mga pasakalye
Maraming natuwa sa bawat tulang alay ko sayo,
Pero sa lahat ng yun? Kritisismo at pangungutya ang isinusukli mo
Ngunit hindi ko inintindi iyon at patuloy akong sumulat,
Baka sakali.. isang araw,malay ko? mata mo'y mamulat
Mamulat sa pag-ibig na ibinibigay ko,
Baka isang araw,makita mo rin yung halaga ng mga regalo ko,
Baka isang araw, masuklian mo rin yung pagmamahal kong buo
Baka kasi wala ka lamang barya,
At nahahanap ng panukli kaya ka abala,
Kaya naghintay ako ng ilang taon,nagpakatanga..
Pero mukhang di na yata ako masusuklian pa
Kaya naisip kong makuntento sa kung anong meron tayong dalawa
Pagkakaibigan.
Pero di ko maiwasang masaktan
Sa tuwing magkukuwento ka o nagtatanong tungkol sa kanya,
Hinahayaan ko na lang at least nakakausap kita!
Kahit na yung paksa natin madalas,tungkol lang sa musika
Ayos lang! Basta nakakausap kita.
Kahit nagmumukha na akong tanga
Okay pa rin! Basta nakakausap kita.
Ngunit nakakapagod din maging tanga
Kaya mahal, ako'y magpapaalam na.

Sa paglapat nitong panulat sa aking kwaderno
Ay isusulat ko na ang huling bahagi ng ating kuwento,
Tutuldukan ko na ang mga huling pangungusap
At puputulin na ang mga ilusyon ko't pangarap
Dahil kung hindi'y lalo lang akong mahihirapan
Lalo lang akong masasaktan.
Makapal na ang libro,paubos na ang mga pahina
Nakakaumay ang kuwento na pinuno ng mga luha
Panahon na sinta ko upang mag umpisa akong muli,
Hindi ko na hihintayin ang hinihingi kong sukli
Pagkat panahon na rin upang sumaya akong muli.

Salamat sa lahat ng alaala
At pasensya na sa mga abala
Mahal ito na ang huli kong regalo
- Hindi ko na ibabalot pa
Pagkat alam kong wala ka rin namang pagpapahalaga
At sa huling pagkakataon,gusto kong malaman mo,
Na may isang AKO na minsang nagmahal sayo.
Ito na ang huling pahina ng ating libro
At sa pagsara ko dito,kasabay ang paglisan ko sa mundong ginagalawan mo.
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
71 Nang mga pagsubok nalagpasan na
Inanunsiyo ng diwata ang pagkasal sa dalawa

72 Sinang-ayunan naman iyon
Ng magkabilang nayon

73 Mga ligaw na itik panghanda ng silangan
Mga paniki naman sa kanluran

74 Isang kasalan na kakaiba
Puspos ng biyaya, balot ng hiwaga

75 Sapagkat naroon din mga mahiwagang panauhin
Si Amihan at iba pang diwatang kasamahan din

76 Malaking piging mula magkaibang sulok
Idinaraos sabay sa tuktok ng bundok

77 Sa araw ding iyon, ipinagpaalam sila
Na dadalhin ni Amihan sa Gintong Lupa.

-07/12/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 168
Eugene Oct 2018
Abalang-abala ka sa pakikipag-usap sa iyong kustomer at hindi mo na namalayang tumatakbo ang oras. Ang nasa isip mo lamang nang mga oras na iyon ay matapos mo ang iyong trabaho nang walang palya at walang ano mang iisipin pa. Nang iyong tanggalin ang headset ay doon mo lamang napansing ikaw na lamang pala ang nag-iisang ahente sa ikatlong palapag ng opisinang iyong pinapasukan sa isang call center.

Tanging ang liwanag na lamang sa iyong station ang tanglaw nang mga oras na iyon. Kaya naman ay sinipat mo ang orasan sa iyong wrist watch at napagtantong isang oras na lamang at sarado na rin ang buong building at kailangan mo ng umuwi.

Inayos mo na ang iyong mga gamit at siniguradong na-i-document mo nang maayos ang mga calls recordings mo. Nag-inat-inat ka pa muna bago mo pinatay ang monitor at CPU ng iyong kompyuter. Hinintay mo munang naka-shut down na ito bago ka tumayo. Nang tuluyan na nga itong namatay ay agad **** binitbit ang iyong back pack. Nang tatalikod ka na ay isang malamig na simoy ng hangin ang nanuot sa iyong balat.

Sa iyong pagkakaalam ay sarado naman ang mga bintana sa opisinang iyon at sigurado kang pinapatay na rin ang aircon kapag isang tao o walang tao nang naiiwan roon. Ngunit, kakaibang lamig ang iyong naramdaman. Hindi lang iyon dahil isa, dalawa, at talong beses kang nakarinig na may nagtitipa sa keyboard.

Halos lumabas na ang iyong mata sa takot pero nanatili ka pa ring matapang. Huminga ka muna nang malalim at agad nilingon ang kanina pang nagtitipang bagay sa iyong likuran. At doon ay lalo kang nanginig nang makita ng iyong dalawang mata ang biglang pagliwanag ng monitor at sunod-sunod na pagtitipa ng wala namang kamay na mga letra sa keyboard.

Nang mag-flash sa screen ang mga letra ay doon ka na nagtatakbo palabas dahil nakasulat doon ang mga katagang TYPING KEYBOARD  na may kasamang pigura ng duguang bungo.
64 Apat na araw bago ang kasalan
Pagsubok sabay sa magkasintahan

65 Kailangan nilang manghuli
Ng mahiwagang bubuli

66 Ito ay may mga kulay na mapusyaw
At may pakpak na parang sa langaw

67 ‘Di pangkaraniwan ang haba
Pinagsamang tatlong buwaya

68 Ito ay malayang pagala-gala
Sa kagubatang kinaroroonan nila

69 Kumakain lamang ng buko
Mailap at takot sa tao

70 Ngunit takip-silim na’y dumaan
Hindi man lamang namataan.

-06/19/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 136
Louise Mar 2024
Alam ko namang ito ang magiging kamatayan ko.
Alam ko namang may hangganan din itong mayroon tayo.
Ang puso kong pasan-pasan ko,
at hila hila ko rin pati na ang sa'yo.
Ang pagkahulog ko ay akin lamang,
ang pagkakadapa ko'y sariling pagkakasala.
Ano ang sasabihin ng aking ina,
ang luha pag nakita ang duguang mukha?
Abutin mo ang aking kamay,
at tulungan mo akong tumayo sa aking paa.
At ang mukha ko'y punasan mo,
ang labi ko'y dampihan mo ng labi mo.
Ang aking ikalawang pagkakahulog,
alam kong wala nang sasaklolo.
At wag kang iiyak sa ngalan ko
ang luha mo'y para lamang sa'yo.
Ang ikatlong pagkakahulog,
ang iyong kapatawaran ay ibigay mo.
Aking kasuotan ay tanggalin mo,
aking kabayaran ay tanggapin mo.
Ang mga braso ko'y pigilan mo,
ang mga binti ko ay isunod.
Alisin mo ang paghihirap ko sinta,
ang paghinga ko'y wakasan na.
Alisin ang katawan ko't ilayo sa aking puso,
ang isip ko'y isunod mo pagkatapos.
At ipahinga mo ang bangkay ko sa tabi mo,
hanggang kamatayan sa'yo lang gagapos.
At hintayin mo aking muling pagbabalik, sapagkat ang aking ikalawang pagdating  ay ang paraisong di mo pa nararating.
"Semana Santa Sadgirl Series": no. 7
Enero Diez y Siete, Dos mil Kinse
Kahit may bagyo, tumuloy sa Leyte
Unang tinungo lungsod ng Tacloban
Muling nilipad skull cap pagbukas ng pintuan
Talagang maulan at mahangin
Subalit milyong tao sumalubong parin
Kanyang idinaos Banal na Misa
Kasama ang mga biktima ni Yolanda
Huling tinungo ang pook ng Palo
Nananghalian sa tuluyan ng Arsobispo
Doon din nakasalo mga nasalanta ng Yolanda
Mas malapitang nakisalamuha sa kanya
Mga pinaslang ni Yolly puntod binasbasan
Iba pang kaawa-awa hinandugan ng tirahan
Suot ang dilaw na kapote
Biniyayaang material at ispiritwal ang Leyte.

-01/18/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 318
Levin Antukin Jun 2020
sumasampalataya ako
sa diyos sa aking kaibuturan.
walang langit sa makamundong isipan.

sumasampalataya ako
sa baong panandaliang hiram,
nabubulok, nalalanta.
hiwaga ang bunga ng pagmamahal.
hindi kailan man mamamatay ang kaluluwa
kahit sa ikatlong araw, ang laman ay abo na.
nanatili sa balat ng lupa.
naluklok sa kanan ng mira at ginto,
pati na rin ng insensong bumabalot sa espiritu.
tinago ang amoy ng isang alipin.
alipin ng sarili.
alipin ng iniwang mundo.

sumasampalataya ako sa isang dalaga,
sa leeg ng manok ng banal na tinola,
sa kapatawaran ng kasalanang sirang-plaka.
paulit-ulit gigibain at bubuuin
ang simbahang ako lamang ang sumasamba.
magpasawalang-hanggan.
71 Ang Diwata ng Lupa’y naglaho
Bigla namang sumulpot mga kawal ng palasyo

72 Naku! Lagot na
Huli ang dalawa

73 Noon pa pala minamanmanan
Ang galaw ng magkasintahan

74 Ito na ang tamang tiyempo
Upang dakpin ang mga ito

75 Sila’y iniharap sa hari’t reyna
Ipinagtanggol ng binata ang iniibig na dalaga

76 Ngunit anumang gawin nilang pagtatakipan
Sa kanila’y may nakaatang naa kaparusahan

77 Sa ikatlong araw bago ang kasalan
Nagimbal ang bidang magkasintahan.

-06/20/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 137
29 Oh anong hinagpis ng pinili
Pinaslang lahat ng kasamang lalaki

30 Sa mga diyus-diyosan inialay
Sa karagatan inihimlay

31 At nang si Tarok nalang ang natira
Isang responsibilidad iniatas ng reyna

32 Na siyang pakakasalan
At marapat anakan

33 Sa loob man ay masakit
Reyna sa kanya’y ipipilit

36 Pagsapit ng ikatlong pagbilog ng buwan
Idaraos na ang ritwal ng kasalan

37 Walang magawa itong si Tarok
Na pag-angal sa mga babaeng mapusok.

-07/24/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 184
43 Ang lihim na pagsinta
Pagligtas ang bunga

44 Sa araw ng ikatlong buwan
Pinaghandaan ang isang paglisan

45 Si Tuma ang naatasang magbantay
Kay Tarok na bihag na manlalakbay

46 At nang makatiyempo ang may pagtitinginan
Mula pagkatali lalaki’y kinalagan

47 At sila’y kumaripas sa pagtakbo
Sa mga Amazona palayo

48 Nang sa kanila’y may nakakita
Mahiwagang bubuli nilamon sila

49 At nang tuluyan nang nakalisan
Sa Gintong Lupa ang kinasadlakan.

-07/26/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 186

— The End —