"dugong" poems
Tatlong bituing patungo sa Norte
Sa Silangan at Kanluran
Ang dugong hindi bughaw
Kalayaa'y sagisag.
Nagdadalamhati ang Perlas
Pagkat ito'y tanyag
Sa sari't saring anumalya
Pawang sa pulitika't
Maging sa simpleng eskinita.
Tuwid na daan ang sabi ng Hari
Itong kaibigan ko nga
Pumaskil pa sa Facebook
"Tuwid na daan patungo sa kamalian."
Maulop ang daan patungo sa katuwiran
May limitasyon sa bawat miyembro ng lipunan
Kasapi rin tayo sa eskandalong may hithit
Uhaw nga sa salapi, sirang plaka naman.
Kinalakhan ko ang dungis ng bayan
Nasanay na lang bagkus tuloy lang ang pangarap
Sabi nila'y tatsulok ang patakaran
Ang mayayama'y tataas*
Mahihirap ay lulusong sa putikan
Mayroong tama sa bawat nasaksihan
Ngunit hindi ko maitatangging
Ako'y kasapi ng masalimuot na kasaysayan
Ngunit kung tanging mali
Ang pupukaw sa paningin
Aba't wala akong mararating.
Mahirap na nga
Makitid pa ang isip
Mayaman na nga
Hindi pa nasusuka sa kurapsyon.
Batu-bato raw sa langit
Bagkus ang tamaa'y sa lupa rin ang bagsak
Tayo na't sumulong
Pagkat ang giyera'y walang urungan.
Walang nararapat na panigan
Pagkat ang tama'y
Hindi na dapat pinag-iisipan
Kung ang prinsipyo nati'y
Lalang para sa kaluwalhatian
Nasisiguro ko, ito'y may magandang patutunguhan.
Jul 10, 2014
Jul 10, 2014 at 9:47 PM UTC
Ang iniwan,
niloko ng liyag
kimkim ang galit sa kaibuturan
ay di madaling mapa-ibig
Ang masaya na pakisamahan
nakalulugod na kaibigan
ay di makapagsalita
sa harap ng hirang
Sa hindi natuto pang umibig
ay parang sanggol na
madaling umiyak,
kailangan akayin
Pagkat ito'y hindi maipipilit
tulad ng pag-awit ng mga pipit
Dalawampung araw na singkad
sa yaong buwan ay ang kaarawan
na di sa taong bisiesto
Kapag may dugong malabnaw at malinaw
ay karakaraka lumigwak sa bukang sugat
Oras na ipagdiwang
ng mga buo at biyak
Dalawang kasarian ay kapupunan sa bawat isa
Feb 14, 2019
Feb 14, 2019 at 4:57 AM UTC
Hindi naman ganid ang administrasyon
Nagkataon lamang na may mga punto
Na walang humpay na nag-iiwan
Ng tandang pananong.
May mga eksenang hindi literal
Pero kapag bayan ang bumasa’y
Ni isang letra’y hindi man lamang nasimulan.
Hindi masisisi ang mga modernong bayani
Kung patuloy pa rin sila sa pakikibaka
Kahit nakamit na kamo ang kasarinlan;
Ang hustisya raw ay napagtagumpayan na
Bagkus, nilalatigo ng kapwa nasa ekonomiya.
Marahil hindi pa lubusang nararadyo
Hindi magkanda-ugaga
ang leksyon sa Senado
Eh kung uso pa ba ang tele-radyo,
Kaya bang tapakan ng saksi
ang demokrasyang makasarili?
Doon nag-rally ang iilang katauhan
Wala naman silang napala
Pagkat binagsakan ng pintuan
Ni hindi nakakilos kahit sila’y nasa kilusan
Saklob ng gobyerno’y
sila’y bisi sa nasasakupan.
Hindi mabilang ang dugong dumanak
Ang boses na sumigaw
Ang tonong paulit-ulit pero hindi naririnig
O baka naman ang may pandinig
Ay mas nais magwaglit.
May mga platapormang tila langit
Bagkus dilim naman ang hain
Sa maliwanag dapat na paligid.
Ibabato nila ang kinamkam sa madla
Pero dahil ang binato’y mukhang tinapay,
Walang pakuwari ang iba
Manhid nga ba ang tao
O talagang kurot-sabay-pikit lang?
Heto na naman tayo sa estante ng kaguluhan
Sana nga matapos na ang pahinang ito
Pero nasa simula pa lamang
Pagkat ang propesiya’y
Nararapat na mamalakad
Ihahain ng Higit na Hari
Nang maitaas Kanyang Ngalan.
Kung may mga bumabatikos
Sa gobyernong kinagisnan
Marami pa rin ang tatayo
Pagkat kaytayog ng kanilang dangal.
Hindi naman dapat
Tumingin lamang sa kawalan
Pagkat may pag-asa pa
Itong ginintuan nating bayan.
May 2, 2015
May 2, 2015 at 7:18 PM UTC
Ang gabi ay hindi dapat maging kaibigan ng delubyo.
Nangangambang baka sa isang sulok ay may nag-aabang na demonyo.
O baka sa likod pa natin mismo.
Saksi ang dagat at bundok sa pananaghoy ng bagong umaga.
At sino ang hindi makakaamoy sa pagsabog ng mga tala?
At nasaan ang gabi, ang inaakalang tanging katuwang?
Kasiping ba ng mga pangarap para sa bayan,
na siya nang nilamon ng digmaan?
Lumuluha ang bawat lawa at nagtatanong ang mga talon;
makakaahon pa ba ang nalunod na tuwa't pag-asa ng kahapon?
O baka ang tuwa ay siya na'ng hinigop ng langit.
Pinagtatawanan na tayo ng langit!
Sa mga dugong dumanak at ang naglalakasang pagtatangis
na tila ba isang bulong sa bingi,
tama nga't hindi ko kaibigan ang gabi!
Ganid ang gabi, palaging uhaw at nasisidhi sa kasawian,
sa mga buwaya tila ito ang kanilang kaharian!
At ang ngalan ng may akda ng munting tula na ito ay "delubyo".
Paminsan-minsan maaari niyo ring tawaging demonyo.
Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, sa sulok ay hindi na magtatago. Haharap ako para tingnan ang bawat isa sa inyo sa mata.
Sa dangal. Sa diwa. Sa puso. Sa dasal.
At kakalabanin nyo dapat ako gamit ang mga ito...
hanggang sa pag-usbong ng bagong umaga.
Pula, bughaw at dilaw laban sa kadiliman.
Oct 26, 2016
Oct 26, 2016 at 2:25 AM UTC
Dapat matakot tayo sa batas.
Kung walang pangil ang batas,
Tahasan lang ang paglabag.
Kung mali ang halo ng batas, latak ang batayan.
At kung walang batas,
Tara magkanya-kanya na lang tayo.
Modernong bayani, tayo yan.
Tayo ang aani ng bayang
may punla ng dugong nag-aalab.
Kahit saan, may rebelde't aktibista;
May kamaong lalaban para sa bayan;
may magpapaapi't magagapi;
may kakapit sa patalim
At susulong nang walang pagkukunwari.
Hindi luma ang pagbabago;
Kahit pabagu-bago pa ang tibok ng masang Pilipino.
May bagong balita,
Patay na si Juan Tamad.
Bangon Pilipinas! Bangon na!
#042416
Apr 24, 2016
Apr 24, 2016 at 11:56 AM UTC
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa Amen ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.
Jul 21, 2015
Jul 21, 2015 at 8:34 PM UTC
Dugong kumukulo
Luhang tumutulo
Katawang nabalot sa pagod
Isipang nasakop ng lito
Pero
Ang ating mga puso ay patuloy
Na lumulusong
Sumusulong
Sa gitna ng nagbabagang apoy.
Pinapatatag ng pag-ibig
Pinapatakbo ng dangal.
Wagas at lubusan
Ang ating alay
Para sa ating tungkulin at pangalan
Para sa layuning pagbabago sa lipunan
Para sa masa
Para sa isa’t-isa.
Maraming salamat,
Sanghaya.
Dec 25, 2014
Dec 25, 2014 at 7:36 AM UTC
'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
bahagharing tuyot na
at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
matagal nang nagtago
sa aking sikmura,
Noong mga panahong
pinaghalong saya at kaba pa
ang nararamdaman ko
'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
dagat sa pag-alon
at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
ng mga minahal at
pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
habang inakala kong
hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
ang hangin para sa
iningatang puso,
Bababa ang mga tala
na inipon nang
matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
na noo'y nasa mga bisig mo
at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita...
'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
ngumiti ng araw
dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
kahit pa ang kapalit
ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
na luha mula sa mga matang
tinirahan na ng hinagpis...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita
kahit sa huling dugong
dadaloy sa ugat ng puso
kong sirang-sirang na...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita
kahit sa huling hanging
aagpas sa aking bibig
na pagod nang sumigaw...
'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...
May 17, 2015
May 17, 2015 at 11:34 PM UTC
Puti, para sa malinis na intensyon.
Ang mukha **** sigaw ay perpeksyon.
Ako at ikaw ay hanggang sa imahinasyon,
Pero ako ay may limitasyon.
Pula, para sa mabungang alaala,
Walang humpay na pagsasaya.
Hindi matapos tapos na tawa,
Pula rin, para sa dugong bubulwak at magsasama-sama.
Lilac, para sa iba **** balak.
Sakit na paeang kutsilyo ang sumaksak.
Ang mga gamit ngayon ay iyong hawak,
Puro ka galit at talak.
Asul, para sa masalimuot na hangganan.
Mga naburang tawanan,
Naburang talaan
At naburang pangalan.
Itim, para sa pusong nagdadadalamhati.
Para sa natamong sugat at pighati.
Mga nawalang sabi-sabi at bati.
Itim, para sa pag-ibig kong nahati.
Apr 18, 2017
Apr 18, 2017 at 3:07 AM UTC
081721
Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.
Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.
Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.
Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.
Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.
"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
Aug 17, 2021
Aug 17, 2021 at 5:47 AM UTC
Sabi mo ako ay iyong mahal
Pero nagsinungaling ka ng sobrang tagal
Nagmukhang tanga at walang kamalay malay
Ang mga mata mo sa iba na pala sumusubaybay
Sabi mo ay ako lang at wala ng iba
Tuwang tuwang ako at sobrang saya
Wala palang katotohanan ang lahat
Isa lang ang ating puso, hindi ba yun sapat?
Sabi ko ay kaya kang patawarin
Ang nagawa mo ay hindi na iisipin
Ngunit ayaw **** tanggapin at pilit pinagtabuyan
Dahil ba ang puso mo sakanya na nakalaan?
Sabi ko ay kakayanin ang lahat ng sakit
Titigil na at hindi na ipipilit
Kahit ang dugong dumadaloy na ay alak
Tuloy ang buhay at luha'y hindi na papatak
Jul 18, 2015
Jul 18, 2015 at 11:06 AM UTC
Pagmasdan mo ako.
Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.
Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.
Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?
Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan
ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.
Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.
–
Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.
Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.
Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.
Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.
Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.
Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.
Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.
Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.
Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,
na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
Jan 6, 2020
Jan 6, 2020 at 10:15 PM UTC
Ihain kaso
Sa mga akusado
Buksan ang lente
At maging responsable
Hiling sa presidente
Bangkay na patong-patong
Placard na nagsasabing
Sila ay lulong
Karapatang pantao
Ba't di isulong?
Dapat ibulong
Sila ay mali
Ng gawaing napili
Mabuti pang isuplong
Di ba dapat ikulong?
Dugong dumanak
Kailan katanggap-tanggap?
Dulot ng panganganak
Sumpa o tulong?
Bara ba sa pagsulong?
Lumobong bilang
Mga napagbintangan
Pagbilog ng b'wan
Supling na nanakawan
Walang kinabukasan
Jul 18, 2016
Jul 18, 2016 at 11:15 PM UTC
If you do come to Australia
don't think just of the kangaroo--also the dugong
the koala, the platypus, the wombat and the Tasmanian Devil
and learn to sing Waltzing Matilda the nation's most-loved song
far superior to Advance Australia Fair (believe me)
our uninspiring national anthem (most Aussies would agree)
and the lyrics were so badly
written-- no wonder Aussies could never sing the song properly
Dec 5, 2015
Dec 5, 2015 at 8:02 PM UTC
052824
Sa tuwing hinahagis ko
Ang aking sarili Sa’yong harapan,
Ay nais kong isakatapuran Mo rin
Ang bawat pangakong inilathala’t
Ipinagtibay ng dugong dumanak sa Krus.
Sa tuwing kumukulimlim na
Ang aking mga mata’y
Gusto kong magtago Sa’yong lilim
At doon ang aking pahinga.
Isisigaw ko ang lahat ng aking pangamba
At lulusawin ng pag-ibig Mo
Ang bawat tinik na pumipigil sa’kin para huminga.
At kung pupwede lang
Na patigilan Mo ang bawat ritmo ng oras
Upang panandaliang maibsan ang aking pangungulila —
Kung pwede lang sana.
Sa mga buhangin ng aking pagkukunwari’y
Kusa Mo akong aanyayahan
Sa malalim at malawak **** karagatan.
At kailan nga ba ako matututo?
Kailan nga ba kita masisilayan
At massasabi nang aking mga mata’y
Ikaw ang tanging totoo?
Nasasabik ako
Sa tuwing sasalubungin Mo ako ng pag-asa
At kalakip pala ng pagtiklop ng bawat umaga’y
Ang yakap **** mainit
Na tumatawag sa’kin na mas piliin pa ang malalim.
Taliwas sa aking sariling prinsipyong
Binahiran ng mga haka-haka
Ang kapangyarihan ng tunay na pananampalataya.
At Sa’yo pala mawawalang bisa
Ang bawat kuro-kurong
Hinayaan kong magsilbing masasamang damo
Sa hardin ng aking pagkatao.
Ngayo’y bubuksan kong muli
Ang aking pintuan
At wala nang iba pang makagagapi
Sa Tinig **** ginawa ko nang pader
At pugad ng aking bukas
Na Sa’yo ko lamang iniaalay.
May 28, 2024
May 28, 2024 at 7:08 AM UTC
Hindi lahat tayo, may dugong maharlika.
Hindi lahat tayo, iisa ang sinasamba.
Hindi lahat tayo, nais nang pantay na pag-asa.
Hindi lahat tayo, malinis at inosente tulad ng isang maya.
Batid kong alam mo, kung saan ka pupunta.
Batid kong alam mo, kung mayroon ka pang pag-asa.
Batid kong alam mo, kung sino ang nararapat sa kanila.
Si Juan, Si Pedro ba? O ang mapanlilang na si Luna?
Bagay na alam mo, pero nagbubulag-bulagan.
Mga maling turo, gawaing kinakalawang.
Kahit na may boses, nagdadalawang isip lumaban.
"Maririnig ba ako?", yan ang laging tanong mo kaibigan.
Mahirap nang sabihin, di pa kayang panindigan.
Mga bakal na kamay at piring na ginto sa karamihan.
Madalang na may tumayo, at isigaw ang prinsipyo ni Juan.
Hanggang dito na lang ba? Ang laban natin kaibigan.
Feb 18, 2019
Feb 18, 2019 at 2:05 AM UTC
Busalan mo pa!
Nang manahimik
ang mga sumisigaw--
Pilit inaalingawngaw
ang nag-uumapaw
nilang mga hinanakit
Matagal nang umalis ang Diyos
dahil sa mga panatikong
Sinasamba ang kanilang Poong
iniidolo rin ang isa pang
anak ni Satanas
Kasama ang kanyang
mga apostol
Hudas sa taumbayan
Busalan mo pa---
Ang iyak ng sanggol,
nanghihingi ng pagkain
Ang ungol ng babaeng
pinuputa sa tabi-tabi
Ang hikbi ng magsasakang
mamamatay na lang
hindi pa sa sarili
niyang lupa
Ang tangis ng manggagawang
tinapon matapos
Malaos
Na parang
Makina lang sa pabrika
Sige patahimikin mo!
Tutal katutahan
At kaputahan
At kaputanginahan
ang doktrinang
isinisiwalat mo
Na parang hindi mulat
at wala sa ulirat
ang mga panatikong
Sumusunod
Sa bawat buklat
ng bibliya
Lalong pumupula
ang paligid;
Kitakita na lang sa bilibid
kung umabot pa
ang bangkay
ng nag-ingay
Sige langoy!
Hindi man sa dagat ng basura;
Pero sa dagat
ng dugong dumanak
ng mga pinaslang
ng bibliyang
ginamit mo
para umaalipusta
Sa nanghihingi ng kalinga;
Sisid sa kailaliman
nang malaman mo
Ang kadiliman
ng kaibuturan
ng bituka
**** halang
Sige gamitin mo
ang bibliya--
Ipangalandakang sugo ka!
Panginoong namimigay
ng lupa
Panginoong may-lupa
namimigay
Hindi sa hindi makatayo
hindi makaupo
maghapong nakayuko
Kundi sa pulang watawat
na may limang dilaw na bituin
marikit na kumikinang
Habang unti unti nitong
nilalamon ang bawat isla
bawat industriya
Idagdag sa kanilang makina
na may nabubulok na sistema
Hanggang sa wala nang matira;
Hanggang sa ang perlas
Ng silanganan
Ay tuluyan nang
Malaspag
Na parang isang puta
Jul 4, 2020
Jul 4, 2020 at 6:12 AM UTC
Ang TED sa puso ko ay parang Lireo ng Encantadia
Bughaw ang simbolong kulay nila
Narito ang mga Sanggre o dugong bughaw ng Encapsudia
Danaya/Dela Cruz, Amihan/Arriola, Pirena/Penson, Alena/Araneta
Ang TED sa puso ko ay parang Terran sa Starcraft na laro
Bughaw ang sagisag na kulay ng mga ito
Nais nila ang pangunguna at pamumuno
Nasa dugo ng lahing tao – katangian ng pagiging ****
Ang TED sa puso ko ang nagturo sa akin
Kung paano ang pagiging **** ay tangkilikin at mahalin
Mag-aaral higit sa lahat ang dapat unahin
Responsibilidad sa klase ang dapat atupagin
Ang TED sa puso ko ay parang Terran at Lireo
Dito ko nadama ang pangarap kong totoo
Ang maging tao na makaguro, ang maging **** na makatao
Salamat sa mga taga-TED na naging bahagi ng buhay ko!
-10/23/2017
(Dumarao)
*a tribute to TED of CapSU-Dumarao
Sep 28, 2019
Sep 28, 2019 at 10:06 PM UTC
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?
May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.
Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.
Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.
At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Aug 30, 2020
Aug 30, 2020 at 7:28 AM UTC