Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
corporal Dec 2019
Nakakatawa isipin na sinubukan natin mangahas sa maiksing oras,
tumaya sa natatanaw na dulo,
at maniwala sa pangitain ng bukas.
Pero, Mahal, hahayaan ko na ang mundo
at pagbibigyan itong manalo.

Bulsa ang sagot sa mga tanong na walang katiyakan kung saan aabot.
Kabilang ang mga gusot na sa panaginip na lang maitutuwid.
Sa panaginip, sa tabi mo gigising.
Sa paggising, ibubulong na lang ang hiling.

Dahil kahit ulit-ulit natin ang lahat,
baliktarin man ang aking unan,
sagutin man ang mga natitirang palaisipan,
at kahit manatili man saglit,
hindi magdadalawang-isip na dayain tayo ng langit.

Ngunit, kung sakaling malinlang ko ang taas
magsisimula muli ta'yo sa bagong espasyo na
ta'yong dalawa lamang ang huhulma ng bukas.
Kung saan walang pwersang hihila.
Kung saan, Mahal, katabi ka paggising tuwing umaga.
Ibabaon na lang ang mga natitirang labis
Umaga —
Oras na naman para bumangon
Para buhatin ang sarili
At akayin ito
Patungo sa walang kasiguraduhan.

Sa mga tala kagabi,
Aking pinagnilay-nilayan
Ang mga katagang pa-na-hon
Na sa mga oras na ito’y sisibol muli
Ang pag-asa buhat sa delubyo ng kahapon.

Tinitiis ko ang sinag ng tirik ng araw
Para bang hindi nya naisip
Na nasasaktan ako —
Na sa tuwing bubuksan ko ang aking bintana’y
Nariyan sya at tatambad sa akin..
Para bang walang nagbago,
Para bang hindi nya ako dinaya kahapon
O sa ibang araw pang lumipas.

Gusot ang damit ko,
Ni hindi ko man lamang nagawang plantsahin ang damit ko
Na para bang sinisigaw ko sa mundo na,
“Tama na! Pagod na pagod na ako!”
Pero nakatikom pa rin ang aking bibig
At pilit akong lumuluhod sa aking mga luhang,
“Wag muna, wag muna ngayon.”

Minsan na rin akong nakalasap ng tagumpay
Yung tipong minsang bumago sa kung sino ako ngayon,
Ito yung minsang alam ko namang may kapalit —
Yung panghabambuhay na..

Naniniwala pa rin akong pantay ang pagtingin ng Langit
Sa katulad ko at sa katulad nila
Kung ang ulan nga‘y
Sabay na babagsak sa dukha’t gintong kutsara,
Gayundin ang pag-asa.

Hindi ako mapapagod,
Hindi ako titigil na bumangon sa umaga
Hindi pa rin ako titigil sa pasasalamat —
At pagbubuksan ko pa rin ang Umaga.

— The End —