Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
J De Belen Feb 2021
Gusto mo kape?
'O gusto mo tayo nalang,puwede
'O Teka,biro Lang
Pangako kape lang talaga,Tara na
Ano bang gusto **** lasa?
Matamis ba?
Para kahit sa pagtimpla nalang ng kape ko ibabawi yung lasa ng nais ko sa iyo'y ma-ipadama
Gusto mo ba'y Matabang?
'Yung wala ng lasa
'Yung wala ng pag-asa
'Yung kulang sa timpla
Dahil napagod na.

'O baka Gusto mo naman
'Yung sakto lang
'Yung kahit may gusto kang iba
Ako'y patuloy paring aasa
At kahit mangawit man ng sobra
At magpawis man ng kakaiba sa kakahintay,
Sa akin ay ok lang
Kahit ako'y kaibigan lang naman,Mahal
Basta ikaw
At kung ang sagot sa lahat ay pag-papakatanga
Sigurado ako ang nangunguna.

'O baka gusto mo ng 3 in one?
'Cause you want me to be your number one fan
Just like my favorite man
Superman
Spiderman
And maybe a man of mine
Nako ano ba yan!
Ano ba talaga gusto **** lasa?
Ayoko ng manghula pa
Kaya sabihin mo na
Para di nako mahirapan pa na
Ipagtimpla ka pa.

Ah alam ko na!
Gusto mo rin ba yung lasa tulad ng aking pag-timpla?
'Yung nag-kakasalubong yung tamis at pait ng kapeng barako
Oo
Kapeng barako
Parang tayo
Kapag ang mga mata nati'y nag-tatagpo na akala mo naman ay may salitang tayo
Kung nakakapag salita lamang ang ating mga mata
Sigurado
Bistado
Aminado  na gusto natin ang isa't-isa.

Pero
Teka,Kape lang ba 'to talaga?
'O meron pang iba?
Sabihin mo na
Para hindi na ako umasa pa na mahulog ka pa.
Tara kape pa
Para makasama pa kita
Ang sarap lang ma-upo kasama ka sa ating tambayan
Kasabay sa pagtanaw sa ating kalawakan.

'O kay sarap sa pakiramdam noong sandaling  ika'y aking mahagkan
At batid kong ito'y panandalian lamang, Kaya
Tara kape lang
Kahit walang aminan
Dahil alam ko naman na
Tayong dalawa'y malabong mag-katuluyan.
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Jun Lit Jul 2021
Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Namnamin ang pampagising na pait
Habang ang likas na tamis, nilalasang pilit
Sa ‘yong lalamunang sabik, ang init guguhit.
Tulad ng bawat pagtatanghal, sa isip di mawaglit
Todo-bigay ang birit, tila laging huling hirit.

Araw-araw mang nakikita ang Bundok Malarayat
Hindi nagsasawang sulyapan ang Silangan pagmulat
Bawat araw na tayo'y buhay, may dalang sigla’t galak.

Hwag nang ipitin ang kwadrong alas o otso
Di na magiging mahalaga kung sino nga ba’ng nanalo
Kapag ang mga kalaro sa pusoy ay wala na ni anino.

Hagkan si Habagat at yakapin si Amihan,
Daluyong ma’y ihatid, sa kabila’y walang ganyan
Di-pinansing hininga’y aapuhapin sa paglisan

Ang lupang hinamak, tinapak-tapakan
Ang lupa ring naghandog ng susing kabuhayan
Ang lupa ring hihimlayan sa huling hantungan.

Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Kapeng barako’y masarap habang mainit
Ngunit wala nang bisa sa huling pagpatak ng saglit

Lasaping mabuti bawat lagok, bango’y langhapin
Kapeng barako’y larawan ng pagbangon at paggising
Ng bawat araw, biyayang pasasalamata’t tatanggapin.
16th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. The current COVID-19 pandemic has made us realize which things are really essential, who really matter and how volatile human life is, and that every single day when we wake up still alive is a gift in itself.
Jun Lit Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Mar 2018
Naghihintay ang tasa
malinis, walang laman
sa tagpuang mesa
kahapo’y may kabatuhan
ng "¿Hola? at ¡Puñeta!"
at kanina’y may kapalitan
ng "Hello Sir! Wanna? Wanna?"
nasingitan pa saglit
ng malupit, galit sa langit
na si "Arigatou Nakamura"
At nakipag-rigodon
ang mga payaso’t pirata
at mga magnanakaw – mas ganid pa
sa apatnapu ni Alibaba

Nasaan ba si Ina?
Wala na po dito,
nandun na s’ya’t kahalikan
si "Xie xie, Duō shǎo? Ni hao ma?"

Pagkatapos kumulo
ng tubig sa kaldero ng lipunan
inilagay ko ang isang kutsarang
balawbaw ng galapong
nanggaling sa inipong
butil ng kagitingan
mula sa paanan
ng Malarayat na kabundukan
- kaagad-agad ay bumulwak,
nagngangalit na umawas

Kumakalat ang halimuyak
ng kapeng bagong luto
Naiinip na ang tasa
sa tagpuang mesa
ng bayang talisuyo
Kailan kaya may uupo,
yaong hindi bugaw na pinuno
na pagpuputahin ka
kung kani-kanino,
kundi bayaning lingkod
na hindi ka ipagkakanulo?

Kapatid, kahit isang lagok lang,
Malayo ang lakbayin, dapat nang simulan
Ang mahalaga’y kumikilos, humahakbang
Sulong tayo mga Kabayan . . .
To be translated - Brewed Coffee VI
Sa malamig na umaga
At nag yeyelong gabi
Nais ko sanang humigop ng mainit na kape
Sa nag babagang tanghali
At mainit na hapon
Kape namang malamig dulot ng yelo

Asukal , gatas o kahit pa barako
Nag iiba ang lasa kapag ikaw ang kasama ko
Sa malamig na umaga o kahit mainit na hapon
Habang nag kukuwento ka kasabay ng pag halo
May kasamang saya kapeng  ihaharap mo

Kagaya ng buhay natin pareho
May matamis , mapakla at kahit pa mapait
Basta mula ito sa iyong puso
Ay lugod kong tatanggapin

Tanggapin mo sana itong kape ng buhay
Sapagkat itong ihahandog ay may tunay na timpla
May kapaitan mang taglay
Hindi mawawalan ng tamis ,  kape ng buhay

Kaya sinta , samahan mo ako nawa
Sa umaga , tanghali , dapit hapon at gabi
Dahil ang kapeng iaalay ay kape ng buhay
Na may saya ,  lumbay at sakit
Ngunit pinatamis at hinalo
Ng tunay na pag-ibig
This poem is for a  friend ! Bless you guys always

(Inaayos ko palang to)
Jun Lit May 2018
Ang kape ay buhay

ipinantawid-gutom

kasabay, kaunabay

ng unang subo ng kanin,

sa murà kong isipan -

nilililok ng maalagang haplos

ng katam ng mga pangaral

at talim ng pait ng nakadaupang

mga dospordos ng karanasan,

bawat lagok ay nagbigay

ng iba ibang kulay,

ng alay



Alak ng paglimot ay tinagay

ng kapitbahay

na maingay

sigaw ng inipong luha’y

kakambal,

ngunit ang kape
 -
sa Pilipino'y sawsawan
ng tinapay na inaasam:
paimpit ang napilayang pag-usal

sa binging patron ng pandesal

taimtim ang piping dasal
:
“bigyan mo po kami
ng aming kanin

miski walang ulam

basta may kape
,
pero mas maigi na rin po

pag may bulanglang”

"salamat po sa kape
ngay'ong kami'y buhay
at sa burol
kung kami'y mamatay
na kalul'wa'y pasal,
tirik ang namumuting mata
Inaykupu Nanay!!!"
Part of my childhood memories in my old barrio (village) in Marauoy, Lipa City, Batangas, Philippines
Jun Lit Jul 2017
nagsasayaw nang hubad
ang aromang umaaso,
kumakabog ang dibdib,
nanginginig ang mga braso,
daluyong kang raragasa
sa lalamunan kong tuyo,
ang tambalang pait-tamis
pulot at dagtang pinaghalo.
Translated as Brewed Coffee I
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Jun Lit Aug 2017
makinis kung pagmasdan
ang kayumangging kaligatan
kung damhin ko’y kainitan
ang yakap **** laging asam
ang ngiti mo’y katamisan
nang-aakit ang kabanguhan
kahit puro o may gatas man
panghagod sa lalamunan.
Translated as Brewed Coffee II
Matias Dec 2018
Sisimulan natin ang storya sa tatlo kami,
Siya, Si iyun at Si ako
Tinitimpla mo parang kape
Siya, siya Yung nagmimistulang asukal sa buhay mo
Siya, diba tapos na siya? Bakit bumabalik ka pa?
Siya?, siya na pinapaasa mo at ginagamit mo.
Siya, yung nagiging pangraos mo kapag nangngati ka.
Paano naman si iyun?
Si iyun yung nagmimistulang creamer sa buhay mo.
Isang palamuti kumbaga.
Isang nagbibigay kulay sa mata ng karamihan
Paano naman si ako?
Ako yung mapait, ako yung bitter kung tatawagin.
Ako yung pinaka-importante yun ang iyong sabi.
Anong sabi? Bitter ako?
Oo bitter ako, kasi hindi mo alam na mas better ako.
Eh paano kung ang siya ay nawala?
At yung si iyun ay wala naroon?
Pwede bang gampanan ni ako yung dalawang yun?
Pwede ka naman magkape kahit barako lang
Walang creamer, walang asukal
Pero may pait para magising ka naman.
Pero diba ang kape ngayon ay mas tinatangkilik
Kung mas matamis at mas makulay?
Dahil ang kape ngayon ay halos wala ng kape.
Pero babaliktarin ko ang epekto ng kape sayo
Magigising ka kapag wala ng ako
Kabahan ka na kapag wala ng ako
inggo Sep 2015
Ang traffic na ito ay hatid sa inyo
Ng mga walang kwentang T-M-O
Mga driver na barako
Mga motorsiklong biglang sisingit sa tabi mo

Oh kala mo nakalusot ka
Ikaw na hindi sumusunod sa batas ng kalsada
Tumatawid kahit berde pa ang ilaw
Gusto mo pa ata na maagang pumanaw

Kayong mga nagbebenta sa tabi ng bangketa
Naiintindihan namin na gusto nyo lamang kumita
Pero sana maintindihan nyo din na nakakasagabal talaga
Ang mga pwesto nyo halos sakop na ang daanan at eskinita

Ganito na lang ba?
May mababago pa kaya?
Subukan nating umpisahan
Sarali natin ay bigyan ng kaayusan
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Mico Saclot Mar 2021
Sanay na sa tapang ng kape
Mapa-barako, cappuccino, espresso
Instant coffee, iced coffee o galing
Man yan sa vendo machine.
Wala nang bisa ang caffeine

Di na ramdam ang nerbyos,
Maski ang biglaang palpitations.
At hindi kompleto ang mga gabi
Kung walang ang init, mula sa
Tasang tangan, upang ibsan ang ginaw.

Saksi sa matang puyat
Sa mga gabing walang inspirasyon
Sa tuwing nagsusulat
Sapagkat ngayong gabi ay iba na
Ang dahilan ng patuloy na pagdilat

Di na kape ang dahilan ng kaba,
Ng pagbilis ng puso at paghinga.
Marahil nga ay mas malakas ang tama nya.
Dahilang kasabay ng pagkataranta
Ay ang tulo ng pawis mula sa likod ng tainga.

Sya na rin ang isinisigaw,
Sa bawat tintang ipinahid
Na nilangkapan ng maliliit na patak ng kape
Na nagmamantsa sa sinintang pahina.
Ang bawat piyesa ay may ibang kulay na.

Hindi pala kape ang gigising sa diwa,
At hindi rin ito ang magiging dahilan
Ng pagkabalisa, Sapagkat narito ka
Ikaw na nagbigay ng malakas na tama
Tamang kung minsan ay di na pala tama.
Jun Lit Mar 2021
Naampat na ang dugô,
patay na ang mga bayanì
Pipi’t ampaw nakatayo
ang katahimikang naghahari
Tulog ang diyos, Impô,
mga aswang nakangiti
Matatapos na ang “Aba po!”
lasing pa rin ang kudyapi

Kahit matapang ang kape
Di mahulasan ang kapre.

Ginayumang mamamayan
Tila bulag, tanga’t mangmang

Kapag may nagugulantang
Lalayas na rin, ‘kita’y iniiwan.

Ito
ang alamat
ng taumbayang niloloko
at patuloy na nagpapaloko;
ng bayang pinagsamantalahan,
ng bayang pinabayaan.
14th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Jun Lit Dec 2021
Tila namanhid na ang babahaang landas
walang patid ang agos ng luha, habang walang habas
ang malupit na lilik-panggamas -
patuloy ang tila nag-aamok na pagwasiwas.

Kahit mura pa ang uhay
ng nagbubuntis na palay
Namúti na ang katiwala ng mga bunso't panganay:
Walang sinanto ang pakay
ng aninong sumalakay.
Sinimot pati ipa. Ang imbakang burnay
tuyung-tuyô, tila balóng patáy.

Ubos na ang mga ninuno sa Purok
Ang mga inanak at inapo, tila mga but-o ng kapok
nangalat na sa malalayong pook
Hindi na tumalab ang mga erihiyang tampok
Ang lamping ibinalot, balót na ng usok.
Ang binalot na kapirasong pusod, bakas na lamang ng balok.

Karipas na ang binatilyong habol ang mutyang pailaya.
May baon pang pagkain, pagsasaluhan pag nagkita
Ngunit mabilis na napawi ang tanawing kasiya-siya
Ang natapong lomi, natabunan na ng aspalto’t palitada
kasama ng mga bakas nina Utoy at mga kabarkada
sa ilang dekadang araw-araw na pagbagtas, nakasipit at gura
mula sa Baryo Balintawak hanggang Lumang Baraka.
Di na makilala. Wangis ay mistisong pilipit. Ay! Ay! Lipa!
This is the 17th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. Change is indeed inevitable. However, forgetting the past and/or revising history, will eventually prove quite costly for a country or people, culturally and in many other ways.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Jun Lit Aug 2020
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?

May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.

Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.

Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.

At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Jun 2018
Among faded photographs piled up
in this grey-haired archive
your faces still shine like the smiling suns
that used to greet me - that little child
you called bunsô, the dawn’s speck
still in these brown eyes -
in the quiet and cold early mornings,
as I stared to the eastern skies
orange above the dearly missed Malarayat
of blues, and greens, and cones, and salakot
and as the last of the kabag bats
- guts filled with the insects of the night -
go home between our roof and ceiling,
the warmth of your call were tight hugs.

Your old picture comes alive -
like the first gulps of kapeng barako encouragements
that drained down the bullied throat of yesteryears
- the old radio broadcasts loudly the silenced tears
as the dozen hens were cackling the latest from the Beatles
and the lone rooster belts the Only You of the Platters
That time I tossed and threw far
the white grains of tattered notebooks to scatter
for the newly hatched chicks to patiently gather
Everything was an Amorsolo-replica, a summer
of joyful harvesting, harvest time, harvester . . .

Hope was the bottomless well beside the mango tree
The pig pens my palace, the chicken shed my tower of ivory
The rabbits are lords- and ladies-in-waiting
I was their prince in a kingdom that I made free
from hordes of aswang, tikbalang, kapre, dwende . . .
nothing to fear, really
but for the hairy caterpillars
hiding among the yellow confetti
of ******* trees, in the backyard
of distant day-dreaming days of dreams.

You made the noontime suns brightly lit
the roads and crossings the three little pigs
of my inner self have to trot,
for the distant future was a pack of cunning wolves
ready to devour all my mortal miscalculations,
infantile indecisions, and immature decisions,
and loud and strong they huffed, and puffed and blew
my self-esteem, whatever was left, beaten black and blue.
A hero plays mahjong, nothing really new,
as my teen life’s pages fell, no Redeemer ever knew
It was like tiles of dominoes - one after the other - on cue.

And yet at the siesta time of this human life,
your guiding photons allowed
this tired body with a ******* soul, yet beating heart
to rest, picking up each of the pieces
and the jigsaw of experiences
now make sense, a rainbow shows
as the skies emptied their jars
of tempting clouds like cotton candies
into a downpour of doubts, of tempests
of feelings of emptiness, of cyclones
of thoughts of worthlessness –
the suns were shining always
after all
behind the clouds
those clouds

In the sunsets of your lives
the rays still shone far beyond
the twilight time and in these humid tropics
your mem’ries are auroras in the darkest of my nights
even in my sleep, the dreams are video clips
always set inside that old Marauoy home
reminding me, there was that child in there, alone . . .

These days, the skies, the winds, remind me
of stormy days in the forgotten simplicity of Lipa,
you tied the windows as the gusts
threatened to grab them,
and then, the warm jackets and blankets
of your reassuring words, “we’ll be alright”
erased the traumas, blew away the fears.
reminding me, there was that child in there,
you dried his tears . . .

That child’s still here inside my decades-old heart,
like a prayerful devotee in an agnostic cathedral,
missing your hugs
longing for your cheers.
Notes on some Tagalog words used in the poem:
bunsô - youngest child
Malarayat - name of the group of mountains to the east of Lipa City in Batangas
salakot - native wide-brim hat, usually woven from palm leaves or fashioned out of hardened skin of gourds; one of the Malarayat mountains is shaped like it
kabag - small species of bats, usually the insect-eating kinds
kapeng barako - brewed native coffee, usually of the Liberica variety
aswang, tikbalang, kapre, dwende - names of feared elementals in the native folklore/mythology, respectively referring to: flying, bat-winged, half-bodied woman that eats internal organs; half-horse, transformable half-human; giant cigar-smoking male being inhabiting big, usually fig or banyan trees; dwarf or gnome
mahjong - Chinese game of tiles
siesta - midday resting time, usually for quick naps
Marauoy - old barrio (village) in Lipa City
Lipa - old town in Batangas, which became a city, the first in the province, after the second World War
Jun Lit Nov 2020
Bumalikwas ang madaling araw
Mapula ang sinag ng malamlam na ilaw
Mula sa pagkagupiling ng iniwang gabi
Isang paos na tilaok pinilit magsabi
Tila inutil na tuod ang unan at papag
Walang tugon ni tikhim man lang
para sa likod at ulong lumapat

Mapagkunwari ang kulambo
Lamok pala’y kalaguyo
Akala ng balana’y karamay
Sa magdamag na paglalamay
Batang ipinaglihi sa Sto Niño
Ibebenta pala sa demonyo

Naglaga ng kape ang among kapre
Butil daw ay hinirang ng musang na tumae
Galapong pala’y napanis na sapal
Nilagyan ng dagta ng nilinlang na bangkal
Bang-aw na ang panatikong tagasunod
Lublob na sa pusali, puwit pa rin ang hinihimod:

          Sayang ang kita, mamaya’y bayaran na!
          Copy-paste-post - sige pa!
          Ang perang kikitain ay mas mahalaga
          May paburger pa sina konsi at mayora
          O e 'no kung nasa poso ***** tanang kaluluwa?

Bayaning tangan ay tabak, tila nakanganga
Kinain na ng anay ang papel at pluma.
Brewed Coffee - 12; 12th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —