"agaran" poems
#110315
Binilang ko ang rosas na akala ko'y
Nagpaalam na buhat sa maagang pagkalanta nito.
Akala ko'y pag namukadkad uli'y limot na ang dati,
Pero tila nagkakamali pala ako
Sa paghimay-himay ng pahiwatig.
Hindi ako manhid
Pagkat ramdam ko pa rin ang tinik
Sa paghawak sa ubod ng rosas.
Pero iniinda ko ang sakit
Pagkat ganoon naman talaga,
Nilikha siyang may tinik bilang proteksyon niya.
Pag pinagmamasdan ko ito,
Alam kong hanggang tingin lang ako.
Pagkat pag pinitas ko'y agaran na naman itong malalanta,
Hindi ko naman maiuuwi ang kariktan nito.
Mas kaakit-akit kasi siyang tingnan
Pag kasama ang mga katulad niya.
Muli, hanggang titig na lang,
Ganoon rin ang paggalang ko sa kanyang Hardinero.
Alam ko ring iba ang tipong klima nito,
Medyo sensitibo kahit na
Di ko naman papalitan ang kinagisnang lupa.
Hindi ko naman siya bubunutin nang basta-basta't
Aangkinin kahit may ibang nag-aari sa kanya.
Sa katunayan, laging nais ko siyang masilayan,
Kahit na alam kong iiwan niya rin ako
Sa dapithapon o kaya kinabukasan o sa makalawa.
Pag kinunan ko siya ng larawan,
Kaya ko siyang titigang muli,
Alaala na lamang sa iisang papel ang aming sandali.
Pagkat pag muling babalikan ang pasong nagkalinga,
Iyan, wala na puros dahon na lamang,
Maghihintay na naman sa tamang panahon
Nang muli ko siyang masilayan.
Nov 19, 2015
Nov 19, 2015 at 6:04 AM UTC
Isang kaluluwang
Naglalakad na liban.
Naghahanap ng makakausap
Ngunit walang makitang
makaka-huntahan.
Ngunit may agad na nakapansin
"Ah! Panibagong biktimang aabusuhin!"
Tumawag ang temptasyon sa akin
Pinag-isipan kung agaran kong sasagutin
Ang sigaw niya'y labis na mapang-akit
Kahit alam kong dala-dala niya'y sakit.
Huwag daw akong magpadala;
Konsyensya ko'y sa'kin iginiit
Ngunit ang temptasyon ay kaydali akong napilit.
Isang gabi, habang naglalakad sa kahabaan ng España
Ako'y lumapit sa matandang tindera.
Nag-abot ng konting barya
At kinuha ang lasong mahaba.
Nilapit ko sa aking bibig
At idinaan ang apoy sa dulo nito.
Hinigop ang usok nitong malamig
At ibinuga ito sa aking anino.
Nagpatuloy ako sa paglalakad
At inalala ko lahat ng pangyayari.
Sa bawat kasalanan ko sa'yo'y aking mawawari,
Ako ay hihigop muli.
Sa bawat 'di nasolusyonang pagsubok,
Ako'y magpapasakal sa malamig nitong usok.
Apr 11, 2016
Apr 11, 2016 at 2:10 PM UTC
062721
Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.
Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.
Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.
T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.
Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.
Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.
Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.
Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.
Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.
At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
Jun 30, 2021
Jun 30, 2021 at 11:23 AM UTC
Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko,
Ginusto ko naman ba 'to?
Pinakawalan nga kita,
Ngunit ako'y naging masaya ba?
Ang mga dating alaala,
Parang bula'y naglaho na
Kung maibabalik lang ang dating samahan
Gagawin ko ito ng agad-agaran
Ang pagkawala ng tulad mo'y
Sadyang ikinalulungkot ko
Ang malaking parte ng buhay ko,
Tila tuluyan ng nagbago.
Nasaan na nga ba napunta,
Ang pangakong binitawan
Nung tayo'y masaya pa,
Sabi mo'y di mo ko iiwanan.
Ngayon ay aking napagtanto,
Lahat ng tao ay nagbabago
At wala na akong magagawa pa
Kundi tanggapin nalang ito.
Aug 2, 2015
Aug 2, 2015 at 8:17 AM UTC