Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aris Jul 2016
Gusto kong tumula ng hindi patungkol sayo.
Gusto ko namang aliwin ang makata na nasa loob ko.
Dahil pagod na ako.
Pagod na pagod na akong habulin ka gamit ang aking panulat at mga salita.
Pagod na akong ipaunawa sayo kung ano nga ba ang kahulugan ng "Mahal kita"
Mahal kita hindi dahil mahal mo ako.
Na ang mahal kita ay hindi isang katanungan na dapat ay sinasagot.
Na pag sinabi kong mahal kita,
mahal kita at yun na yun.

Kaya gusto ko munang bumalik sa umpisa.
Kung saan, mahal ko lahat ng nasa paligid.
Mahal ko ang mga ibon na nasa himpapawid.
Mahal ko ang puno na nagbibigay sakin ng lilim.
Mahal ko ang kalangitan at
ang ganda nito ay sadyang kaibig-ibig.

Dahil nung dumating ka,
huminto ang pag ikot ng mundo ko. Ikaw ang sistemang kumain sa buong pagkatao ko.
Binulag mo ako.
Wala akong makita.
Nabingi ako.
Hindi ako makarinig.
Akala ko tama lang ito,
na ganito ang pakiramdam ng pag ibig.
Nakakaadik. Nakakabaliw.
Ikaw lang ang gusto ko.
Ikaw lang ang isusulat ko.
Tinuring kitang diyos.
Sinamba at pinaubaya sayo lahat.
Pero para sayo, hindi parin pala ito sapat.

Iba pala ang ibig sabihin ng pagmamahal mo.
Pahiram lang pala sakin lahat ng alaala mo.
Mahal mo ako dahil ayaw mo ng maiwan
Mahal mo ako sa kadahilang alam **** hindi kita sasaktan
Mahal mo ako dahil alam **** ibibigay ko lahat sa iyo
Na susungkitin ko ang mga tala sa kalangitan para magdulot ng ngiti sa labi mo
Na isusulat kita ng tula kung saan ikaw ay isang perpektong nilalang
-- Yun lang pala ang habol mo.

Kaya hindi, ito na ang huli
Ito na ang huling beses na mag aaksaya ako ng papel at tinta
Ito na ang huling beses na magiging parte ka ng aking mundo ko
-- at ng aking mga tula.
Kaya paalam na sa iyo, aking Ginoo.

Dahil aaliwin ko muna ang makatang nasa loob ko na pinatay mo.
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
Pusang Tahimik Dec 2021
Tahimik na tubig na laging kinukutaw
Waring pinupuno hanggang sa umapaw
Ang kung dilim ay nangingibabaw
Magtakang papatayin ko ang aking ilaw

Lumulubog sa maalon na panahon
Nasasawi sa bawat pagkakataon
Wagi sa araw ay hindi lagi ganoon
Sa pagsapit ng gabi luray kung magkataon

Sa pisi ay sagabal ang tingin
Sa kapayapaan sarili'y binibitin
Sa taga na walang sawang aaliwin
Naglalaro kaya hindi puputulin

Saksi sa paglubog ang araw at buwan
Sa mga matang lubos nang natuyuan
Itatago ang musmos ng tuluyan
At ilalabas ang isang makapangyarihan

Ang malamig na walang inaasahan
At hindi mag-iinit sa bawat kinabukasan
Ang bawat sugat ay tinutuluyan
Gaya ng tahimik na tubig sa dalampasigan

JGA
072124

Iduduyan Kita sa kalawakan
At aaliwin ng mga nagniningning na mga tala.
Hahayaang marahang mapagmasdan
Ang mga palamuting bunga ng Aking hininga.

Aawitan Kita ng kundiman na hehele sa’yong pagtulog.
At sa pagsilang ng panibagong Araw
Ay hahagkan ka ng mga sinag Nito
At lulusawin ang mga pangamba’t pag-aalinlangan.

Ang mga pira-pirasong liham ng kasaysayan
Ay nagmistulang mga tagubilin
At ilaw sa’yong paglalakbay.
Habang ang hantungan ng bawat Salita’y
Ang puso **** patuloy Kong sinusuyo —
Sinusuyo ng aking Katapatan at Kadakilaan.

At habang ang mga matutulis na palaso’y
Hindi magkamayaw sa pag-uunahan;
Maging ang mga payasong nakapalibot sayo’y
Nag-aabang lamang sa’yong kahinaan.
Narito Ako —
Narito, upang waksian ang bawat pagpapanggap
Nang hindi ka na mahulog pa
Sa mga patibong na iginagawad nila sa’yo
Na tila ba totoong mga parangal.

Bagamat naging isang pamilyar na tahanan
Ang mundong iyong ginagalawa’y
Hindi ito ang habambuhay na alay Ko sa’yo.
Sa piling Ko’y magiging buo ka —
At ang Aking pag-anyaya’y kusang loob.
Sa piling Ko’y dito ka na mamahinga’t
Ako ang maging Sandigan at Sandata.

Ako ang Simula at ang Katapusan;
At nasa Akin ang huling Salita.
Magbalik ka na, anak —
Magbalik sa yaman ng Pag-ibig Ko.

— The End —