Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ilatag mo na
ang bagong kutson
sa sahig ng malaking silid
na may kisameng
abot langit.

Ipaghehele ka ng ugong
ng nagdaraan
at bulong-bulungan
ng palabas na
ikaw ang minsang pinagmamasdan.

Ibulong mo ang iyong panalangin,
pasasalamat o paghihinagpis,
na nawa
sa pagsikat ng araw, magkatotoo na
ang panaginip.

Ilang beses ka na bang pumipikit nang iniisip na hindi na sana muling didilat pa?
Malalagkit na mga halik
Amoy ng alak at yosi,
kumakapit sa damit
Kaunting barya,
puri ang kapalit
Eto ang turo ni inay
"Kapalan mo ang lipstick anak,
hindi magtatagal ikaw di'y masasanay"
manipis na tela
ang bumalot sa murang katawan ni Teresa
"Sariwang-sariwa!"
hindi magkamayaw ang mga kalalakihan
Sa entablado kinalimutan
ang nagdurusang puso
binalatan nang dahandahan



-Tula XI, Margaret Austin Go
Napabuntong-hininga na lamang
Tila ba tumatakbo ang bubutil na pawis sa noo niya
Sasabak na naman si Tatang sa gyera
Pilit binuhat ang sakong mas mabigat pa sa kanya
Marupok na ang mga buto
Ngunit hindi ang puso
Ang wika nya, "Walang hindi gagawin para sa apo."
Si Nena, sampu na ang anak
Hindi na magkanda-ugaga
Iiyak ang isa, gutom naman sa kabila
Sa sususunod na buwan,
malapit na siyang manganak
Ang ama ng mga bata, naroon sa kanto
nagpapakalunod sa alak
Sabi nga nila, walang hindi gagawin
ang magulang para sa anak.
Tanghaling tapat na,
almusal pa rin ang hinahanap
Natulala na lamang si Nena nang malaman,
ang tatay niya'y
patay na



-Tula X, Margaret Austin Go

— The End —