"tanghali" poems
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.
Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.
Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.
Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.
Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.
Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.
Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
Nov 9, 2015
Nov 9, 2015 at 8:04 PM UTC
Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway
Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay
At ang iyong labi na sintingkad ng rosas
Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas
Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay
Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay
Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan
Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di na nadidiligan
Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig
Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig
Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan
Maaaring ikaw at ako,
Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam
Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay
Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay
Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako
Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo
*Palihim kitang sinusuyo
Kaya’t palihim din akong nabibigo
Patago akong lumalaban
Kaya’t patago din akong nasasaktan*
Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw
Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw
Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo
Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo
© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Jul 29, 2018
Jul 29, 2018 at 2:12 PM UTC
Tanghali na at nais ko sana magsulat,
Ibuhos ang lahat ng aking gustong ipagtapat,
Ngunit wala, walang lumabas ni isang letra o salita,
Nahihirapan na kahit hindi halata.
Isang lapis at papel ang aking hawak,
Ang daming bumubulabog sa aking utak,
Nais ko sanang iparating sayo,
Binighani mo ang puso ko.
Kaso ang hirap, ang hirap hirap isulat ng aking nadarama,
Na parang magiging katawatawa o masyadong madrama,
Hindi ko alam kung paano pero ito ang naisip ko,
Naisip kong paraan para masabi sayo.
Ang pagsulat. Dahil ito ang aking bibig,
Ito ang tanging paraan para mailabas ko ang aking hinanakit o pag-ibig,
Nakakatawa man o ang "corny" pakinggan,
Pero kahit ganoon pa man, ipagpapatuloy ko sa paraan na makakagaan.
Makakagaan sa akin at sa mga taong makakabasa,
Na hindi ito sinulat ng basta basta,
Isang blankong papel at isang ordinaryong katulad ko,
Isinusulat ang lahat ng mensahe sa paraan na alam ko.
Gagabihin nanaman kaka-isip,
At bibisita nanaman ang mga talang gabi gabing sumisilip,
Nakakatuwa dahil sila ang laging kausap,
Habang natutulog ang mga ulap.
Isang blankong papel ang aking hawak,
Walang kawala sa magulo kong utak
Aug 9, 2016
Aug 9, 2016 at 9:44 AM UTC
Sa probinsiyang kinalakihan ko,
Bata man o matanda ay nagtatrabaho.
Sa lugar kung saan marami ang tanim na tubo,
Lahat ay maagang gumigising at nagbabanat ng buto.
Sa malawak na lupain sinimulan nilang magtanim,
Mula umaga, tanghali, at hanggang pagsapit ng dilim.
Hindi inaalintana ang init, sakit, at hapdi na kinikimkim,
Maitawid lamang sa gutom ang pamilyang pinatitikim.
Kahit kapiranggot man ang kanilang kinikita,
O minsan wala talagang may madudukot sa bulsa,
Ngiti sa kanilang labi'y hindi mawala-wala,
Pagka't pamilya ay tunay na mahalaga sa kanila.
Puso ko'y nahahabag, nalulungkot, at nagsusumamo,
Sanay mapansin sila ng mga tao sa gobyerno,
Dagdagan sana nila ang kita ng mga manggagawang sinsero,
Sa pagtatrabaho nang buong puso at may totoong prinsipyo.
Magsasaka man sila, **** haciendero, o barbero,
Pantay-pantay sana ang pagtingin natin sa mga ito.
Kung wala sila, paano ang bansa natin aasenso?
Manggagawa po sila, nilikha ng Diyos bilang tao.
Nawa'y mapakinggan bawat nilang gusto,
Itaas ang kita ng manggagawang Pilipino.
Kumilos na sana ang ating gobyerno,
Huwag nilang hayaang sila'y magpakalayo-layo.
Aug 12, 2016
Aug 12, 2016 at 6:28 PM UTC
Umaga
Gigising at babangon
Ni hindi ko man lang
Narinig ang huni ng mga ibon
Umaga
Isusubo ang kakarampot
Na kanin
Na parang di ko nalasahan
Umaga
Na walang kapeng nahigop
Dahil kailangan ko ng
Pumunta roon
Umaga
Na makikita kong
Nakakunot sila
At hindi ko na napapansing
Ako na rin pala
Umaga
Uupo sa silya
Sisimulan ko na
Gusto ko ng matapos na
Tanghali
Parang ayaw ko na
Hindi ko na kaya
Tanghali pa lang pala
Tanghali
Hihigop ng kape
Walang tama
Isa pa
Tanghali
Bakit hindi pa matapos
Ang araw na ito
Wala pa palang kalahati itong
Tinatapos ko
Hapon
Ang saya nila
Anong pinag-uusapan nila?
Pwede bang sumali sa saya?
Hapon
Tangina
Wala na bang katapusan?
Sino ka para sabihan ako
Na tapusin ko na ito?
Gabi
Sa wakas
Malapit na
Kaunting tiis pa
Gabi
Na
Umalis na sila
Ako, nandito pa
Gabi
Ako na lang mag-isa
Pahingi ng tulong
Di ko 'to kaya mag-isa
Gabi
Nagpapasalamat sa langit
Pinatay ang ilaw
Buhay ang diwa
Masaya ang kaluluwa
Gabi
Kay raming tao
Hindi lang pala ako
Marami pala akong kasama
Hindi ako nag-iisa
Gabi
Nang maisip ko
Marami pa pala kaming
Nagpapaalipin
Sa lugar na ito
Sentro kung saan
Ang mga tao
Nagmamadali
Walang pansinan
Walang pakialamanan
Walang buhay
Walang kaluluwa
Gabi
Nang mapagtanto ko
Ayaw ko nito
Kasama nila
Nasaan ang kaligayahan ng puso?
Nasaan ang kalayaan ko?
Nasaan ang kalayaan nila?
May mararating ba?
Sila
Ako
Tayo
Itong tanong na ito
May mararating ba?
Tanong na lang ba talaga?
Gabi
Nang makarating ako
Sa aking lugar pahingahan
Nag-iisip
Natulala...
Umaga.
Apr 29, 2015
Apr 29, 2015 at 10:49 AM UTC
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.
Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.
Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.
Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.
Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.
Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.
Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.
Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.
Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.
Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.
Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Aug 12, 2018
Aug 12, 2018 at 5:31 AM UTC
Gera nang karahasan,Pagyao ng iilan
Kasamaan na meron sila,inosente ang pinupuntirya
Marami na ring nabubulag sa salapi,masyado ng sakim sa kapangyarihan
Kaya pati mga mamamayan,ginagawan ng paraan para kumita sila ng barya
Sakim sa kapangyarihan,umiiyak ang iilan
Wala na ngang laban,Sinasabi nyo paring nanlaban
Tahimik lang akong naglalakad,bukid ang kapaligiran
Ang dami kasing magsasaka,kung magtanim droga ang nilalagay sa tagiliran
Kaya kailangang mag-ingat,magmasid dahil
Hindi lahat ng tagapangahalaga sa bayan ay dapat pagkatiwalaan
Narinig mo na ba yung putok ng baril sa kanluran
Nangangahulugan na nawalan nanaman tayo ng isang pag-asa ng bayan
Inabuso na kasi ang katungkulan,Sulit tuloy ang nakamit na kalayaan
Ang tagal nga imulat ng mga mamamayan ang kanilang isip at matang nagbubulag-bulagan
Ginigising ko na kayo,Tulog pa yata,Lasing sa tinomang alak ng kalokohan,
Tanghali na!Tulog na ang mga manok na naunang nagising kanina habang tayo'y nagbibingi-bingihan.
Apr 12, 2018
Apr 12, 2018 at 10:17 AM UTC
nagsimula sa simpleng kamustahan,
nagkakilala't nagkamabutihan,
'di inakalang lalalim,
ang pag-iibigang akala'y tunay.
dumaan ang ilang araw,
umaga, tanghali at gabi,
ikaw ang tanging kausap,
laging sa isip kahit 'di man matanaw.
habang tumatagal ay,
palalim ng palalim ang nadarama,
puso ko'y patay na patay,
sa'yong pagkataong ubod ng ganda.
ngunit sa isang iglap,
wala pang dalawang kurap,
ako'y iyong nilisan,
at 'di na binalikan.
'yun pala ikaw ay,
may iniirog nang kay tagal,
'di mawari ang nadama,
ako'y tila nasaktan.
akala ko ay ika'y akin,
'pagkat ako'y paga-ari mo,
akala'y parehas ng nadarama,
'yun pala'y nagkamali lamang ako.
kailan kaya kita malilimutan,
at 'di na iisipin pa,
inalay na pagmamahal,
akala'y masusuklian na.
Mar 25, 2016
Mar 25, 2016 at 10:57 AM UTC
Tayo na lagi na lang
Napag-iiwanan,
Nasa hulihan
Sa karahasan, katamaran
Nasa'n ang katapusan
Natutulog?
Hindi
Tayo ay gising na gising
Mulat ang mga mata sa katotohanan
Pero
Hanggang sa kasalukuyan
Nakahiga
Nakabaluktot
Nakahandusay
Sa kamang minantsahan
Ng mga patak ng dugo at luha at
Dinungisan
Ng mga apak ng mga dayuhan
Pati na rin ng mga tao sa sarili nating bayan
Kasi naman
Sino bang makakatulog dito
Sa lakas ng sigaw
Para sa tulong at hustisiya
Sa ingay ng iyak ni bunso
Para sa tatay na nawalay
Sa lagkit ng dumi
Na bumabalot sa pulitika
Sa baho ng amoy
Ng nabubulok na sistema
Ilang daang taon, nakahiga pa rin
Namanhid na ba tayo sa tagal ng panahon?
Nabulag sa yaman?
Nalasing sa kapangyarihan?
Nahilo sa ikot ng mundo?
O nawalan ng pag-asa na lang ba tayo?
Gising pero hindi pa rin nakabangon
Sa bayang hindi naman mangmang,
Wala lamang pakialam
Nov 24, 2013
Nov 24, 2013 at 10:19 AM UTC
Sa malamig na umaga
At nag yeyelong gabi
Nais ko sanang humigop ng mainit na kape
Sa nag babagang tanghali
At mainit na hapon
Kape namang malamig dulot ng yelo
Asukal , gatas o kahit pa barako
Nag iiba ang lasa kapag ikaw ang kasama ko
Sa malamig na umaga o kahit mainit na hapon
Habang nag kukuwento ka kasabay ng pag halo
May kasamang saya kapeng ihaharap mo
Kagaya ng buhay natin pareho
May matamis , mapakla at kahit pa mapait
Basta mula ito sa iyong puso
Ay lugod kong tatanggapin
Tanggapin mo sana itong kape ng buhay
Sapagkat itong ihahandog ay may tunay na timpla
May kapaitan mang taglay
Hindi mawawalan ng tamis , kape ng buhay
Kaya sinta , samahan mo ako nawa
Sa umaga , tanghali , dapit hapon at gabi
Dahil ang kapeng iaalay ay kape ng buhay
Na may saya , lumbay at sakit
Ngunit pinatamis at hinalo
Ng tunay na pag-ibig
Feb 23, 2020
Feb 23, 2020 at 7:16 PM UTC
“The future depends on what you do today.”
― Mahatma Gandhi
Nakakapagod ang mangarap, yung naglalakad habang nananaginip ng gising, para ka lang gago na pabalik-balik, walang simula at walang katapusan. Walang ipinagiba sa mahabang dalampasigan habang sa taas nito ang hindi masukat na kalawakan, oo ganito ang mangarap at umasa ng dilat. Kung bata ka ayos lang na managinip kahit paulit-ulit lalo na kung hindi ka makatulog. Pero hindi kana bata, matanda kana – maanghang na ang utot mo hijo.
Sana ang buhay ay isang pangarap, sana lagi na lang ang tao nangangarap. Subalit ang buhay ay isang banyuhay kung saan ito’y laging nagbabagong hugis at anyo. Kailangan matuto kang humarap at sumabay sa mga pagbabago kahit ang mga ito’y sadyang nakakapanibago. Matanda kana hindi kana bata, ihinto na ang mga panaginip at kumilos ka ng ayon sa tawag ng kasalukuyan. Ang bukas (kung aabutan mo pa ito) ay nakasalalay sa iyong ngayon.
Matuto sa aral at karanasan ng iba pero ‘wag na ‘wag **** susundan ang kanilang anino, gumawa ka ng sarili **** liwanag. Maging pantas ka gamit ang sarili **** panulat, padaluyin mo dito ang laman ng iyong utak. Hindi lahat ng magaling mag-isip ay matalino kaya’t ‘wag **** kalilimutan na gamitin ang laman ng iyong puso. Bigyan mo ng respeto ang iyong sarili, ‘wag kang mangopya dahil hindi ka naman si Tito Sotto.
Ang lupa ay matagal nang sinalaula ng mga mapagmahal kuno sa bayan at ng mga ipokritong nagsasabing maka-diyos daw sila, utang na loob ‘wag ka nang dumagdag pa. Itigil mo na ang pananaginip mo ng gising dahil tanghali na, bumangon kana at gumawa. Gumawa ng mga mabubuti at kapakipakinabang na mga bagay. Mahalin ang sarili at ang kapwa na tulad sa’yong sarili. Iwasan mo ang umangal kung ibig **** maging marangal.
Sinunog at winasak ng mga ulol na tao ang mundo, laganap ang kahirapan, ang kaapihan at naglipana ang mga patay-gutom na walang tunay na kumakalinga at gustong tumulong. Panahon na para bumalikwas ka sa’yong pagkakahimbing, gawin mo ang inaakala **** magaling basta’t hindi ka makakasakit sa damdamin ng iba.
Hindi ka isang propeta pero sige sumigaw ka sa ilang kung kinakailangan, tawirin mo ang mga hangganan at gawin mo kung ano man ang tinitibok ng iyong damdamin. Ngayon ang tamang panahon upang ihasik ang iyong sigasig at mga kaisipan dahil kung hindi ay wala kang aanihin pagdating ng bukas na ‘yong inaasam.
Nov 12, 2017
Nov 12, 2017 at 11:48 PM UTC
Isang halimbawa ng magandang asal
Mumunting dasal kanyang inuusal
Pambihirang talino, dedikasyon at dangal
Siya nga ay isang **** na dapat Ikarangal
Salitang ABAKADA ano nga ba ang halaga?
Isang tanong sa sarili gaano siya kahalaga
Sa aking agam agam, tunay siyang pamilya
Mula sa isip, sa puso at sakanyang mga gawa
Hapo man sa maghapon, puyat sa magdamag
Laban sa tanghali upang isip ay malinangan
Kanyang ituturo talagang kaabang abang
Ito’y magagamit bilang pananggalang
Bilang anak at estudyante ako ay humahanga
Isa kang modelo, isang tunay na dakila
Ikaw ang dahilan kaya nasulat itong tula
Ito’y hindi maglalaho ng tulad ng mga bula
Sa iyong mga mata, may kislap ng Pag-asa
Ikaw ang nagbibigay buhay sa aming mga balsa
Umalis man o mawala kasama ka sa gunita
Mabuhay ka! Mabuhay ka! Mahal ka naming talaga
Oct 27, 2019
Oct 27, 2019 at 7:04 PM UTC
Ganito ba talaga?
Umaasa na sana tayong dalwa.
Sa bawat araw ikaw gusto makausap.
Tanghali, umaga at gabi ikaw ang hanap.
Oo, sayo ako nabighani.
Nabighani mo tong puso kong mapili.
At sa tuwing boses mo ang naririnig.
Kaligayan at musica ito sa aking padinig.
Ikaw ang gusto ko makasama.
Tanghali, umaga hanggang gabi pa.
Aabotin ang tala para sa iyong mga ngiti.
Tatawirin ko ang lahat ng bahaghari.
Ikaw at ikaw ang aking hinahangaan.
Nalaman ko na ikaw lang ang aking kailangan.
Feb 28, 2017
Feb 28, 2017 at 12:35 PM UTC
Naalala mo pa ba, noong magbukas ang Nagi?
Pagkahaba pa ng pila, umabot ng Yabu dati.
Kahit pa nga yata Yabu, ay kayhaba din ng pila
Araw-araw laging ganyan, kaya dapat maaga ka.
Sa katagalan pagdaka ay nagkaupuan na nga
Ang babae ay sisigaw, at susundan ng iba pa
Bigay todo ang pagbigkas, tila baga walang bukas
Rinig mo ang tinig nila kung ikaw ay nasa labas.
Sunud-sunod na araw pa, na kami ay nasa Nagi
Itanong mo pa kay amo, siya po ang aming saksi.
Kung paanong alas-onse'y, naghihintay na ng taxi
para sa pila'y mauna, at nang makakain kami.
Ilang buwan din siguro ang sa mundo ay dumaan
na ang pagdalaw sa Nagi ay biglang naging madalang
Na mula sa bawat araw, ito'y naging linggo-linggo
Kalaunan pa ay naging Enero, Pebrero, Marso.
Lumipas ang mga taon, at ngayo ay Pebrero na.
Ngayon na lang uli kami doon sa Nagi nagpunta.
Ang dating mahabang pila, ngayon ay tila wala na
Alas-dose na noon, tanghali na po partida.
Noong pumasok na kami'y sumisigaw pa rin sila
ngunit dinig mo sa boses na ang sigla ay wala na.
Kahit yung pitsel ng house tea na laging inihahanda
Ngayon baso-baso na lang, tapos manghihingi ka pa.
"Nakakain na po kami, puwede bang bukas na lang?"
"Mayroon na n'yan sa Mega, pati na sa Katipunan"
"Huwag ka nang magmadali, hindi na dapat agahan"
"Kahit anong araw pwede, kasi nandyan lang naman 'yan".
Tayo'y magaling lamang ba, kapag bago at simula
kapag bago sa paningin, kapag bago sa panlasa?
Na 'pag nilamon ng oras o kinasanayan mo na
ay tila pinagsawaan at pinagwalang bahala.
Kailan kaya darating, ang sa aki'y tinadhana
na sa aking pagtangkilik, hindi ako magsasawa?
Na kapag nakita ako'y ramdam ko ang galak niya
at ang puso ko'y lulukso marinig lang ang ngalan n'ya.
Malamang ay naglalaro ngayon sa iyong isipan
"Tungkol pa rin ba sa Nagi, ating pinag-uusapan?"
Huwag mo na itong isipin, sagutin mo na lang ako
may pila pa kaya ngayon, sa bagong tayong Ippudo?
Feb 12, 2016
Feb 12, 2016 at 4:48 AM UTC
Pupungas-pungas pa
Nasisilawan sa munting sinag
Di-makagulapay ang mga binti
Daig pa ang nakaratay na may sakit
Sa bawat umaga ay di pagkagaling
Tumighaw sana kahit na ang lumbay
Kung sa huni ng mga ibon ay naaaliw
makakagising nang may sigla at panibagong ginhawa
Ngunit nang minsan ang kaginhawaan ay nalasap
nanguluntoy ang pangarap
Sa tanghali na matindi ang bugso ng init
naranasan ang pagkapagod sa bukid
Hahayaan para sa kapakanan niya
na ang higad makisama sa mga paruparo na magiging siya
Huwag na dumapo sa dahon
na nagpakain noon
datapwat tumungo sa bulaklak ng palasyo
Pigilan ang tibok
Kahit parang buhos ng tubig sa talon
Ang ikamamatay ay siyang ikalulugod
Sapagkat sa kasaysayan ay napapako,
pinaparusahan ng panghihinayang
Mar 13, 2019
Mar 13, 2019 at 8:55 AM UTC
Kalakip ka ng dagundong ng hangin ngayong tanghali:
Bago ang lahat, kakapahin ko ang natitirang
init sa upuan. Iyon ang aking galit. Inukit ng iyong bigat
ang paglubog ng buwan, dito sa aking gabi,
tumatambad sa silid na walang durungawan,
isang batang namumugad,
gumagapang sa walang-malay na gulugod
ng pagdaralita. Bulahaw ng radyo at ang binulatlat
na pagkakataon – matapos ang lahat ng ito,
ang tulog ay may angkop na bigat,
panaginip ay kulata, dala ng hangin ang bukas
na walang pagkakaiba: Dinaanan mo na rin ito
kahapon ng hindi man lamang dumungaw
para kumaway.
Mar 22, 2016
Mar 22, 2016 at 6:26 AM UTC
• • •
Bigo, yan ako labing-limang araw bago ka dumating
Pinaasa sa mga susunod na araw na hindi naman pala makakamit
Niloko sa hindi malamang kadahilanan kung bakit
Panay ang tanong sa isipan kung bakit ako pa ang napili
Na nananahimik at wala namang balak manakit
Sabi ko tama na't huwag nang umasa pang muli
Dahil sa henerasyon at ikot ng mundo ngayon,
Ang makatagpo ng taong kayang suklian ang pag-ibig na meron ako
Ay parang inaabot ang langit sa liit kong ito
Pero mahirap nga naman talagang pigilan [minsan] ang nararamdaman
Na kahit ilang araw pa lamang ang nagdaan
Umaga, tanghali, hapon, gabi habang naghahapunan
Ay laman ka na lagi nang aking isipan
Hep hep hep!
Sinabi nang saglit!
Masyado kang makulit
Hindi ka na bata na dapat pang paluin sa puwit!
Pero eto, seryoso na ulit. . .
Bakit ba kasi umaasa pa nang paulit-ulit?
Eh nasa harapan na nga yung sagot na wala ka naman ngang ****
Kahit sa totoo lang may konti nang sakit
Nakakatawa lang din minsan, ano?
Hindi ko lang sigurado kung yung tadhana lang o pati ako
Na alam namang mapaglaro
Pero sinasabayan yung agos kahit alam na hindi sigurado't [minsan] delikado
Risk taker nga ako, hindi ba?
Pero may kaduwagan sa aking kalooban at ayaw ko pang bumigay
Kasi hindi ko pa kayang mapalayo ka't baka magpaalam na nang tuluyan
Kaya dito na muna ako sa isang tabi,
Na muli nalang maghihintay sa iyong susunod na mensahe.
• • •
Oct 4, 2020
Oct 4, 2020 at 5:55 PM UTC
Tumulo ang aking luha nang makita ang larawan sa nakaraan
Ang Dami na palang nagbago,pansin ko ang mga ngiti nila dito
Makikita mo rin ang mabilis na pagpalit ng imahe nila erpats at ermats
Bata pa sila non at ako wala pang kamuwang-muwang kundi maging masaya
Nakakatuwang nakakalungkot dahil hindi na natin maibabalik ang dati
Panahong kailangan kong matulog ng tanghali para daw lumaki
Napalo pa nga ako dahil sa pagsuway sa kanilang mga sinasabi
Naalala ko pa nga nung binaril ko si erpats ng Baril-barilan na kanyang binili
Nakakamiss ang ganitong mga bagay sa isang lumang larawan
Kahit naibaon na , puno ng alikabok , talagang maalala mo ang dati
Minsan mapapangiti ka nalang na may kasamang luha pero lagi **** tatandaan , masarap balikan ang nakaraan pero mas kailangan natin bigyang pansin ang kasalukuyan.
Jan 29, 2018
Jan 29, 2018 at 11:35 PM UTC
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati
Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati
Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli
Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi
Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili
Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi
Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Jan 31, 2020
Jan 31, 2020 at 6:24 PM UTC
Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinadamdam mo ang lamig ng kahapon, ang paglisan
minamasdan ko sa layo ng araw ang iyong halina
Mahirap mag-intay sa ilap ng mga sulyap,
tanglaw sa tuwing naghahanap-kayakap
sa mapangakit na halina ng mga ngiti sa labing
malabong magdikit kahit sa pangarap
Sana’y sapat na ang mga awit
ng mga tulang binigkas sa hangin,
nagbabakasakaling maipadama ang lalim
at tugma ng pag-ibig na nilihim
Sa gabi, mag-isa na naman at dama ang lamig
yakap ang unan, hawak ang kumot
nag-iilusyong kasama ka
Sana’y maulit muli ang sumpa
sana’y walang takot sa halina
‘pagkat sanay na tayo sa lamig ng gabi
alam na natin ang ingay o init
at takot na tayong mabighani
Sa umaga, mag-isa na naman at dama ang init
masaya na sa halik ng kape sa labi
nag-iilusyong kasama ka.
Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinamdam mo ang lamig ng kahapong kaysakit
ninamnam ko ang tamis ng kalayaan sa pasakit
sana’y tanghali nalang tayo nagkapiling
sana’y di pa sanay o manhid sa pag-ibig.
Tadhana
Michael Joseph Aguilar Tapit
6/19/2016
Nov 6, 2018
Nov 6, 2018 at 4:40 PM UTC
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.
sana ganoon din dito sa amin.
sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.
paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.
paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?
paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.
pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas
'pagkat paano nga ba sila matutulog?
Jun 14, 2020
Jun 14, 2020 at 10:45 AM UTC
57 Sa bisperas ng kasalan muling nagkita
Sa kanilang tagpuan sina Birio at Alyna
58 Napagpasyahan nilang maagang umuwi
Bandang tanghali at ‘di na gabi
59 Subalit nang sila’y pauwi na
May pagsubok pa pala
60 Paligid nila’y umapoy
Mga nakapalibot na punungkahoy
61 Paano na sila makababalik ngayon
Sa kani-kanilang mga nayon
62 Mistula silang nakakulong
Sa isang naglalagablab na patibong
63 Sila’y tumaghoy ng saklolo
Sa lahat ng sulok at dako.
-07/19/2012
*Gintong Lupa Series
Sep 7, 2019
Sep 7, 2019 at 10:00 PM UTC
Bago sana sumapit uli ang malamig kong umaga,
Aking asam ay 'yong pagdalaw sa aking panaginip
At hindi na humihiwalay ang iyong alaala,
Makulong hanggang matauhan ang pagiisip
Ang pagpawi nito sa aking nalilitong kamalayan,
Mistulang haplos sa aking napapagod na katawan
Bago pa ako uli lamunin ng sangkawalan
Mamamahinga na may saya, ang lahat ng sakit ay naibsan
Tanghali na, mulat ang araw at ang paligid ay makulay
Walang ibang makita ang mga matang mapungay
Huli na ang lahat para magtanto,
Hindi rin naman ako nararapat para sa'yo.
Jan 19, 2019
Jan 19, 2019 at 12:18 PM UTC
nandirito na naman ako,
nag-iisa.
madalas, tuwing tanghali,
ay nalulugmok sa isang paboritong
sulok kaharap ang mga bulaklak
at insekto habang kinukumutan
ng pinaghalu-halong amoy ng mga
naglipanang mukha sa aking harapan.
dito ko madalas hintayin ang mabagal
na oras dahil katatapos lang ng klase
at ayaw ko pang umuwi.
nagpapahinga,
nag-iisip ng kahit na anong maisip,
nakatanga,
nagmamatyag sa kahit na ano o sinong malapatan
ng paningin.
walang pakialam sa nagmamadaling
mundo ng mga gising.
nandito ako't abala
sa isang munting sandali
ng kapayapaan para hanapin
muli ang sarili ko.
teka... hindi pala ako
nag-iisa rito.
kasama ko itong sigarilyo.
Aug 20, 2020
Aug 20, 2020 at 9:27 PM UTC