Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Iligaw ang tukso ni Lusiper
sa diwa na siyang naghari
Magmuni-muni sa ibaba ng mundo
Sampung beses pagtimbangin ang mga gawi

Lampas sa katotohanan ang layon
Anyo ng mundo ay di magkatugma sa panaginip
Ikumpay sa apoy hanggang sa lumaki
Tiwala sa sarili, magtiwalag man sana'y di lumayo

Sa labas ng sanlibutan ay nagmasid
May mga dagim na nagtabon sa buwan
Nang nasilayan ang diklap sa alangaang
na sumambulat sa noo ay sumingaw ang depresyon

Mapagkunwaring uwak na dumausdos sa ere
Simpleng kilos niya'y nakakaaliw
Humapon sa troso para magpahinga
Sa kanyang aparisyon makikita ang
unos na dinadala ang dahilan ng pagdarapa

Naglaon na kuwento ay nagparinig ng alingawngaw
noong unang pag-usbong ay umani ng kahihiyan
Naging balat-sibuyas na tubo
humihikbi nang patago
kingjay Dec 2018
Ang maputing blusa ay nakakasilaw
Dating mag-aaral sa paaralan
ngayon reyna na ng kanyang natupad na pangarap
Lumaki na ang agwat ng katayuan
Distansiya na di malagpasan

Subukan bang habulin
Kung gaano kalaki ang kagustuhan
ganun din ang siyang kabiguan
Sa lagaslaw ng tubig sa alon
Ang payak na pamumuhay sa gitna ng daluyong

Sa araw ng mga  puso ay walang aaminin
Ang pag-irog ay hindi mabubunyag
Karugtong ng kwento ay maging nalilingid na alamat
Iniukol sa kanya ang kalatas

Suungin ang daloy ng ilog
Pilansik sa balat ay parang asido sa dugo na tinutunaw ang puso
Sa lalim ay malulunod, sa babaw ay ang hininga malalagot

Suwail sa kalangitan
Kung ito'y nakatadhana at ang mga yapak ay nabilang
Sana'y maunawaan ang inaasal
Sampung hakbang ang layo sa kanyang likuran
AK na Makulay Nov 21
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
kingjay Jan 10
Handa na  ipagtanggol katumbas man itong sampung buhay
Ang halaga'y higit pa sa inipon na mga koral sa karagatan
Kung binastos kahit malinggit ay
kikibo ang nanahimik na balasik

Hinintay humulaw ang bagyo at si Dessa ay sumakay bago umuwi ng bahay
Lumusong sa baha sa baryo
at ginunam-gunam ang sandaling yaon

Kung may oras sa pag-aaral
gayun din sa paglilibang
Ngunit ang kunting kalayawan ay naging hadlang upang makatanggap
ng medalya ng karunungan

Hindi bakal at kawad ang pag-iisiip
para di matukso sa mga bisyo
Sa pagsusugal ay nalulong
Hindi mahilig sa anumang  pampalakasang laro
Napasama sa kapatiran

Dumating ang mga araw ang alingawngaw ay umabot sa ama
Nagpakalasing noong gabi bago naglabas ng mga hinaing
Mga salita niya'y matutulis, umuulos sa laman
Cepheus Feb 26
Ang swerte mo
Inggit ako sa'yo
Parang na sa'yo na ang buong mundo
Pero hindi dahil sa pera o sa yate mo

Kasi na sa'yo siya

Pansin mo ba ang kinang sa kanyang mata?
Tuwing siya ay ngumingiti
Kung pa'no pumoporma ang mukha n'ya 'pag tumatawa?
O ang lambot ng kanyang buhok 'pag ito'y kanyang hinahawi?

Kung pa'no s'ya maglakad, tumayo o umupo?
'Pag seryoso na s'ya sa trabaho?
Ang ekspresyon n'ya 'pag sya'y nagki-kwento?
Pati paraan ng kanyang pag-ubo?

Eh yung kapag medyo tinamaan na s'ya ng alak?
Na parang ang sampung bote'y 'di pa sapat
Kulang pa nga ang pulutan
'Pag tutumba na s'ya'y mapapatakbo ka para alalayan

Ang ganda n'ya 'diba?

Kung tutuusin nga 'di na n'ya kailangan ng kolorete pa
Yung itsurang pagod n'ya kakaiba
Para ka na lang mapapatulala
Habang nakanganga

Lalo na 'pag naiinis na s'ya sa'yo
'Pag napipikon na s'ya kakaasar mo
Pero nakakatuwa kahit puno ka na ng palo
Kahit pa s'ya lagi ang dapat panalo

'Pag naglalambing s'ya
Kahit gusto mo pa magalit, wala
Mapapangiti ka na lang at hala
Galit mo'y naglaho na

Yung mata din n'yang namamaga
Kasi kakaiyak lang n'ya
O kakagising lang kasi
Iba pa rin eh

Kasi nakikita n'ya yung akala mo walang makakakita
'Pag nagtatampo ka na pero ayaw mo ipahalata
Yung gula-gulanit **** kalupi pinalitan pa n'ya
May iniwan pang sulat nung nawala ka

Nung nagkasakit ka, s'ya'ng nag-alaga
Alam n'ya kung pa'no ka pangitiin hanggang sa ika'y tumawa
Para nga'ng pati mga iniisip mo, alam na n'ya
Pati siguro yung katotohanang nahuhulog ka na

'Diba ang swerte mo?

'Yun lang kasi pwede kong iuwi
Para sa aking sarili
Kasi nga sa'yo s'ya
Do'n wala akong magagawa

'Di ko nakikita kung pa'no n'ya isiping mahal ka n'ya
Na ayaw ka n'yang mawala
Na ikaw na yung naiisip n'ya na habangbuhay makasama
Yung kinabukasan n'yong kayong dalawa

Kaya swerte ka Kuya Wil
Na sa'yo kasi ang 'di mapapasa'kin
Kaya ingatan mo s'ya't mahalin
Dahil kung hindi, baka sya'y aking dagitin
Eugene Oct 2018
"Ilabas ninyo ang kuya namin!" sigaw ni Mon.

"KUYA! Kami to mga kapatid mo!" sigaw naman ni Jef.

Halos magambala na ang mga kapitbahay sa kalye Casa dahil sa ingay ng pagsisigaw ng magkakapatid. Mahigit sampung taon na rin nilang hinahanap ang kanilang nakatatandang kapatid. At may nakapagsabi sa kanilang nasa kalye Casa lamang ito at kasama ang tunay nitong mga kapatid.

"Anong problema ninyo ha? Nakakaistorbo na kayo sa kabilang at sa kalye rito. Sino ba hinahanap niyo ha?" lumabas ang isang matangkad na lalaki at nagsalita sa kanila.

"Alam naming nandito ang kuya Regie naman. Ilabas niyo siya!" sigaw ni Mon.

"Walang Regie dito. At sino kayo? Ni hindi ko nga kayo kilala e," sagot ni ng lalaki.

"Kilala ka namin at ikaw ang nakatatandang kapatid namin. Magkakapatid tayo sa ama. Ikaw si kuya Ryan," wika ulit ni Mon.

"Ah ganun ba? Bakit hindi ko yata alam? Sino bang tatay ang tinutukoy mo?" takang-taka ang mukha ni Ryan nang sabihin nito na magkapatid daw sila sa ama.

"Hindi ikaw ang sadya namin dito. Ilabas mo ang kuya namin!" wika ni Jef. Agad siyang nakipagpatintero upang makapasok sa loob ng bahay. Pero napigilan ito ni Ryan.

"At anong karapatan mo, ninyo na pumasok sa bahay ko? Kayo ba ang may-ari?" mataas na ang boses ni Ryan nang mga sandaling iyon pero nanatili pa rin siyang mahinahon dahil ayaw niyang gumulo pa. "Ang mabuti pa ay umuwi na lang kayo. Walang Regie dito. Nagkamali kayo ng pinuntahan."

"Hindi kami aalis dito. Alam naming nasa loob ang kuya namin. Ilabas niyo siya?" nagpupumilit pa rin si Mon at bigla na lamang niyang iwinaksi ang kamay ni Ryan na nakaharang sa pintuan ng kaniyang bahay. Hindi naman hinayaan ni Ryan na makapasok ito at doon ay ibinuhos na ang kaniyang galit.

"SUBUKAN NINYONG MAGPUMILIT PA NA MAKAPASOK! Ipapa-barangay ko na kayong lahat!" halos kita na ang mga ugat sa leeg ni Ryan sa pagsigaw nito sa kanila. Pero hindi pa rin natinag ang magkakapatid.

"Wala kaming pakialam kung iyan ang gusto mo!" bulyaw naman ni Mon.

Magsisimula na sana ang matinding kaguluhan sa pagitan ni Ryan at ng magkakapatid nang isang boses ang kanilang narinig.

"Sino ba ang hinahanap ninyo ha?" wika nito at mula sa likuran ni Ryan ay nakita nito ang kaniyang kapatid na inaalayan ng isa pa niyang kapatid. Mangiyak-ngiyak naman ang magkakapatid na Mon at Jeff nang makita ang pakay nila.

"Kuya! Kuya Regie!" magkasabay na tawag nila sa pangalan nito.

"Sinong maysabi sa inyo na lapitan ang kuya Ron ko ha?" sigaw naman ng isang binata na nakaalalay kay Ron.

"Hayaan mo muna sila Anghel," saway nito sa kapatid na patuloy pa rin sa pag-aalay kay Ron.

"Kuya, ako ito, si Mon at kasama ko si toto Jef. Kuya, miss ka na namin. Uwi na tayo, please!" nang mga oras na iyon ay nanatiling walang emosyon si Ron sa mga salitang kaniyang naririnig.

"Hindi ako si Regie at lalong hindi ako ang kuya ninyo. Wala akong kapatid na Jeff at Mon. Anghel lang at kuya Ryan ang mayroon ako. Kaya, pakiusap umalis na kayo rito!" wika ni Ron.

"Kuya, bakit? Ano ba ang nangyari? Anong ginawa niyo sa kuya namin ha?" nagtatakang tanong ni Mon nang mapansin sa iisang direksyon lang ito nakatingin.

"Bulag ang kuya Ron namin. Naaksidente siya. Kaya kung maaari ay lisanin niyo na ang bahay namin dahil hindi ito makabubuti sa kaniyang pagpapagaling. Pakiusap," sagot ni Anghel.

"Kuya. Alam naming ikaw iyan. Ikaw si kuya Regie namin. Ikaw ang tumulong sa amin nang mga oras na kailangan ka namin at nandito na kami upang kami na ang mag-alaga sa iyo. Please bumalik ka na sa amin. Nakikiusap kami kuya Regie. Kuya Ryan, payagan niyo na po kaming iuwi kuya namin," parang gripong sunod sunod sa pag-agos ang mga luha ni Mon.

"Walang isasama! Hindi niyo siya kuya. Kuya namin siya! Umalis na kayo rito!" bulyaw ni Anghel. Naitulak ni Anghel si Mon at muntik na itong matumba. Nang makabawi ay sinuntok niya si Anghel sa mukha at nakipagsuntukan na rin ito kay Mon. Pilit namang nakikinig at nakikiramdam si Ron sa mga pangyayari.

"ITIGIL NINYO 'YAN!" sigaw nang sigaw si Ron pero tila walang nakakarinig. Panay naman ang awat ni Jef at Ryan kina Mon at Anghel. Hindi na nakatiis si Ron at muli itong sumigaw.

"TITIGIL KAYO O AKO ANG AALIS!" lahat ay napalingon kay Ron at maagap na bumalik si Anghel sa tabi ng kaniyang kuya upang pigilan ito.

"Sorry, kuya," pagpaumanhin ni Anghel.

"Kayong dalawa, Jeff at Mon, pakiusap. Ayaw ko ng gulo. Umuwi na kayo dahil walang Regie sa pamamahay na ito. Hindi ko kayo kilala at lalong wala akong matandaang tinulungan ko kayo bago pa ako maaksidente. Kaya, umuwi na kayo!"

Hindi naman nakapagsalit sina Jef at Mon. Mabibigat ang mga paang nilisan nila ang bahay na iyon na patuloy pa rin sa pag-iyak dahil nabigo silang iuwi ang kanilang kuya Regie.

Habang papalayo naman ang magkapatid ay doon na bumigay si Ron at hindi na napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang totoo ay kilala niya sila ngunit ayaw na niyang matali pang muli sa nakaraan. Masaya na siyang malaman na ang kaniyang mga step brothers ay nasa mabuti nang kalagayan. Kahit sa kaloob-looban ng kaniyang puso ay sabik din itong mayakap sila pero naipangako niya sa kaniyang sarili na kalimutan na niya ang kaniyang pinagmulan at ang mga taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Nais niyang ituon na lamang sa kaniyang tunay na mga kapatid ang pagmamahal na hindi niya naiparamdam sa mga ito buhat nang sila ay nawalay sa isa't isa.
Cepheus Jun 4
Tinanong ako ng palubog na araw,
"Bakit narito kang muli?
Sa sampung beses mo akong dinalaw,
isa lamang doon ang may dala kang ngiti."

Natawa ako sa katotohanan
Oo nga, hindi ko maikakaila
"Ika'y aking tinititigan,
kaya lamang mukhang may luha ang aking mga mata."

Tila nanginig ito sa halakhak
Alam n'ya ang kasinungalingan
Na kinumpirma ng isang patak,
dalawa, tatlo... hanggang 'di na mapigilan

Binigyan n'ya ako ng maraming kulay bilang sagot
Pilit pinapakita ang ganda sa kabila ng lungkot
Ngunit ang tanging nakikita ay ang lungkot sa likod ng ganda
Ganoon nga siguro talaga kapag nasasaktan ka

Lumisan ako nung lumubog na s'ya
Ngunit iniwan n'ya ang kasiguraduhan
Na naroon lamang s'ya
Upang aking balikan

Umaasang sa aking muling pagbabalik
Ang isa sa sampung beses ay maging dalawa
At madagdagan pang hitik
"Oh haring araw, nawa'y magdilang anghel ka."

— The End —