Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos May 2016
Meron akong labing-isang daliri
Ilang beses kong binilang noong bata pa ako,
sinigurado kung labing-isa nga ba talaga
at nagtataka,
nagtatanong kung bakit may sobra pang isa.

Meron akong labing-isang daliri
May kanya-kanya silang mga kwento.

Labing-isa,
Hindi ko alam kung biyaya ba 'to o sumpa
Hindi ko alam kung bakit ako naiiba
Hindi ko alam kung paano ko ba 'to itatago sa mga tao

Sabi nila, suwerte daw 'to, magiging mapalad daw ang buhay pag-ibig ko, yayaman daw ako.
Sabi nila, okay lang daw maging iba

Sampu,
Nakilala ko ang pagaalinlangan at inggit,
Umupo sila sa magkabilang balikat ko,
Hindi na sila umalis simula noon,
Hindi ko sila pinaalis.

Halos buong buhay ko, nanatili ako sa katahimikan,
Hindi ako magsasalita hangga't walang kakausap sa akin,
Hindi ko itataas ang kamay ko sa klase kahit alam ko ang sagot.
Maghihintay ako na tawagin ang pangalan ko,
na may pumansin sa akin,
Maghihintay na may pupuno ng katahimikan ko.

Kung sisiyasatin mo ang utak ko,
Mabibingi ka sa dami ng boses na hindi ko napalaya.
Nakakulong, sa kani-kanilang mga selda,
Kanilang susi ay nawala na,
Umaasa na sila'y mahanap at magamit para masabi ang mga dapat nasabi

Siyam,
Tsaka ko lang nalaman ang halaga ng mga salita,
Kung gaano sila katalim,
Kung gaano sila katamis,
Kung gaano sila kapait.
Kung gaano sila nakakapagpabago ng isang tao.

Walo,
Wala pa ring tumatawag ng pangalan ko.
Wala pang pumupuno ng katahimikan.

Pito,
Hindi ko na alam kung may tatawag pa ba,
Kung may makakapuno pa ba,
kung ilang salita pa ang makukulong hangga't sa buong katawan ko'y maging selda ng sigaw, pait, inggit, pagmamahal, rason, at galit.

Anim,
Sinubukan kong unang mag salita,
Magkwento tungkol sa buhay ko, sa nararamdaman ko.
Pero parang walang nakarinig.
Hindi ko alam kung mahina ba boses ko
o hindi lang nila ako napansin,
o kung pinili ba nilang hindi ako pansinin
o kaya wala lang talaga silang ****.

Simula noon, nakinig na lang ako.
Kaya ikaw, oo ikaw na may storya
Ikwento mo yung mga naaalala **** nangyari sa'yo noong bata ka pa
Yung mga bangungot mo,
yung pinakanakakahiyang, pinakamasaya at pinakamalungkot na mga sandali ng buhay mo,
yung una **** naramdaman ang kiliti sa puso mo noong naintindihan mo kung ano ang pag-ibig,
Ituring mo akong talaarawan mo,
Pakawalan mo yung mga salitang tinago mo nang nagalit ka.
Iiyak mo sa akin lahat ng luha na hindi mo nailuha nang iniwan ka.
Itatago ko 'to sa pagsara mo, at papakinggan kita muli sa pagbukas.
Papakinggan kita.
Papakinggan kita.
Sana pakinggan mo din ako

Lima,
Nananahimik at nakikinig pa din ako.

Apat,
Mananahimik na lang ako.

Tatlo,
Sa katahimikan ko,
Nakalimutan ko na kung paano magkwento,
Nakalimutan ko na kung paano umiyak

Nakalimutan ko na din yata kung paano magsalita.

Dalawa,
...

Isa,
Natuto ako sumulat ng tula,
Nakahanap ng makukwentuhan,
Naramdaman ang saya nang makatapos ng isang piyesang may parte ng mga salitang nakulong at nakalaya muli.
Nagkaroon ako ng matatakbuhan sa katahimikan.

Nagbabakasakali na maalala ko ulit kung paano umiyak,
kung paano magkwento muli, na may makikinig na sana sa akin.
Nagbabakasakaling maalala ko ulit kung paano magsalita.

Meron akong labing-isang daliri,
Hindi ko pa rin alam kung biyaya pa rin ba 'to o sumpa.
Marcilyne Mar 2016
Hindi ka isang pagbibiro dala ng aking ibang katauhan
Sapagkat simula't sapul pa man,
batid kong mararamdaman ko ang ganitong halimuyak.
Nalaman kong awitin ang pinakamalungkot na sonata,
Sumayaw ako sa walang saliw at indayog na musika nang parang baliw sa kalsada.
Higit sa lahat,
nag-agahan,
nananghalian,
nagmeryenda
at naghapunan ako ng luha,
kalungkutan,
pagdadalamhati at pagsisisi.
Ikaw ang dahilan nito,
dahil sa pag-ibig na napagtanto ng hungkag na isipan.

Noong mga panahon,
wala akong pakialam kung bitayin man ako ng sarili kong kahinaan at panglilimos.
Ilang pagkakataon ba ng pagnanakaw ng kasiyahan ang ipinagkasala makasama ka lang?
Hinayaan ko ang sarili na tumalon,
mahulog,
at lumagapak mula sa mataasΒ Β na bangin gayong batid kong di mo rin naman ako kayang saluin.
Kasalanan bang magmahal? O, sadyang totoong nagmahal lamang ako tulad mo ring nagmamahal sa kanya?
Sisimulan ko ito
Sa kung paano ko tinapos ang lahat
Sisimulan ko ito
Sa kung paano nawasak
Ang isang inakala kong buo, ngunit basag
Rafael Magat May 2015
Ang kantang napakasaya
na kasabay ng iyong pagdating
ang pag-indayog ng aking katawan upang
masabayan ang ritmo
dala mo ang mahika
na aking kinamanghaan
ngunit ikaw din ang kantang
pinakamalungkot
noong ikaw ay lumisan
Arelove Sep 2017
Nasaksihan ko kung paano nabuo, nabubog, nadurog ang pagkakaibigan nyo.

Nasaksihan ko ang bawat tawa, bawat luha na pumatak mula sa mga mata ninyong dalawa.

Nasaksihan ko kung paanong hindi nyo mahiwalayan ang isa't isa pati na ang minsang nagkunwari kayong di magkakilala.

Nasaksihan ko. Nasaksihan ko ang lahat maging ang pagkakalamat sa bagay na ingat na ingat kayo, pati na rin ata ako.

Dahil sa panahong kayo ay nabuo, nabubog, nadurog ay sumabay ang puso ko sa pagdurugo ng sa inyo.

Sa panahong halos maubusan ng hininga sa kakatawa, maniwala kayo, mas masaya ako kaysa sa inyo.

Pero sobra din ang sakit kapag kayo ay magkagalit dahil sa pagkukunwaring multo ang isa't isa o kaya'y taong di ninyo kilala hanggang sa magkapikunan kayong dalawa.

Akala ko'y iyon na ang pinakamalungkot sa lahat. Nagkamali ako. Dahil mas malalim pa sa lungkot ang lumukot sa kalooban ko nang umagang iyon. Nang makita ang ilang pahiwatig ng nalalapit na pagtatapos, ng pagwawakas ng bagay na minsang nagpalakas sa inyong dalawa.

Akala ko, tuluyan na itong masisira. Ngunit mukhang di ako pwedeng manghuhula dahil...

Nasaksihan ko ang muli nyong pagkapit, paglapit sa isa't isa kahit pa pilit kayong pinaglalayo ng hindi niyo pagkakaintindihan, ng inyong pagkakasakitan.

Nasaksihan ko kung paano nabuo, nabubog, nadurog, at muling nabuo ang pilit na pinaglalayo.

— The End —