Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.
louise Apr 2022
Isa,dalawa,tatlo.Binibilang ni Renren ang bawat segundong lumilipas habang siya ay tumatakbo.Kung papaanong binibilang niya ang oras noong kabataan nila habang naglalaro ng taya-tayaan.Ngunit iba na ngayon.Hindi na mga maiingay na paslit ang humahabol sa kaniya.Bagkus,hinahabol siya ng mga nagsisigawang naka-itim.Nakaitim sila ngayon ngunit alam niyang sila ay talagang dapat naka-asul.Ngayong gabi,sila ay nakaitim at walang mga plakang ginto o pilak ang nagniningning sa kanilang mga dibdib.
     Isa,dalawa,tatlo.Sunod-sunod silang nagsusulputan mula sa likod ni Renren.Nariyan na sila.Pagod na siya.Kapos na siya sa hininga at manhid na ang kaniyang mga paa.Ngunit hindi siya maaring tumigil dahil paparating na ang mga anino ng baluktot na hustisya.Alam ni Renren na wala siyang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
     Isa,dalawa,tatlo.Ilang iskinita na ba ang sinuot ni Renren upang magtago?Pilit niyang sinisiksik ang sarili sa bawat sulok upang matakasan ang kapahamakang dulot ng mga aninong dapat naka-asul,mga aninong dapat sa kaniya ay naniniwala’t nagtatanggol at hindi humahabol nang hindi nagtatanong o nakikinig.Nagtatago siya dahil alam niyang wala siyang iba pang mapaparoonan o mahihingian ng saklolo.Tulog ang batas ngayong gabi,wala siyang mapupuntahan.Kaya’t heto si Renren,hindi mapakali sa sulok at basa ng malamig na pawis.Nanginginig ang kaniyang laman sa takot at awa sa sarili.Sana bata na lamang siya uli at ito ay isang normal na laro lamang ng tagu-taguan ngunit hindi.Nagulantang siya nang may isang malakas na sipa ang sumira sa pinto ng kaniyang pinatataguan.Nanigas siya sa kaniyang puwesto.Ayaw pa niyang mataya.
    Isa,dalawa,tatlo.Ilang mura ang binitawan ng isa sa mga anino.Ngayon ay papalapit na sila kay Renren.Agad nilang hinila ang mga braso nito sabay sabunot sa ulo ng lalaki upang patingalain at ipamalas ang panggagalaiti’t pakiramdam ng kapangyarihang mababakas sa kanilang mga mukha dahil ngayon sila ang mga hari,sila ang batas.Bagama’t napapalibutan,nagpupumiglas pa rin si Renren.Sana larong bata na lamang ito.Sana pwede siyang magsabing,“Saglit!Taympers.Pagod na ako.“Ngunit hindi maari dahil iba na ang laro na ito.Ang larong ito ay walang ibang pinapanigan o pinapakinggan kung hindi ang mga nakauniporme’t ang matandang lalaki sa upuan.Umiiyak na si Renren.Ayaw pa niyang mataya."Wag po!Wag po!Hindi po ako.Sir,maawa po kayo.Inosente po ako—”
     Isa,dalawa,tatlo.Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa parte ng lungsod na iyon.Taya na si Renren.At sa mga huling segundo ng kaniyang buhay inisip niya na sana tulad nung bata siya,kapag pagod o nasasaktan sa siya sa paglalaro ay iuuwi siya sa kanilang bahay,siya ay tutulungan.Subalit sa larong ito,palaging ang mga tulad ni Renren ang talo.
      Sa pagsapit ng umaga,uuwi ang mga anino at magsusuot muli ng asul,hahalik sa kanilang mga naglalarong batang anak o kapatid,nangangakong ipagtatanggol nila ang mga inosenteng inaalipusta’t inuusig—isang pangakong hindi natutupad. At walang Renren na uuwi sa tahanan nila,bagkus ay may bagong malamig na bangkay ang ipapakita sa telebisyon,tatanungin ang matanda sa upuan kung bakit ganoon ang sinapit ni Renren.Ngunit wala siyang ibibigay na tama at maayos na sagot dahil sa larong ito,siya ang Diyos,ang mga aninong dapat naka-asul ang instrumento,ang bansa ang palaruan at mga buhay nila Renren ang isinusugal.
I wrote this back in January 2017, when bodies of innocent people were piling up on the streets and fear haunted the slums Manila. It was during the midst of the ****** drug war the current officials were waging against God knows who. The purpose itself ( which was mitigating the damages of drug addiction and drug-related crimes in our country and extinguishing drugs in general ) was actually good but with it being executed without any concrete planning and any consideration of the people’s constitutional rights, it was doing more bad than good. I hope that these extrajudicial killings and rising number of police brutality cases will soon be put to a stop. I trust that our leaders will be enlightened in one way or another.

— The End —