Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Lianne Jan 2020
Saya, yan lang naman ung gusto kong maramdaman ngayong 2020 na kasama ka
Bakit parang hindi ko ito dama gayung kakasimula palang ng taon
Pait, sakit, hirap ilan lamang yang nadama ko simula ng pagpasok ng bagong taon
Ang hirap, ang hirap isipin kung ikaw pa ba ung minahal ko?
Bakit parang pagpasok na pagpasok palang ng taon ika’y nagbago?
Pait kasi hindi ko na maramdaman ung tamis at kilig sa bawat yakap at halik mo.
Sakit, ang sakit sakit isipin na ako pa ba ung babaeng laman ng puso mo?

Hindi ko alam kung paano ito sabihin sayo
Dahil napakasensitibo **** tao
Mahal,mahal na mahal kita ng buong buo,
Ayaw kitang saktan sa mga salitang gusto kong ibahagi sayo
Kaya sa tula ko idadaan ang mga to
Susubukang maghinay hinay sa mga salitang bibitiwan

Mahal ikaw pabayan? Bakit parang hindi?
Kung magbiro eh hindi ko alam kung akoy sisimangot o ngingiti
Pero sige na nga akong ngingiti nalamang ng Makita **** ayos lang saakin
Habang nakangiting naisingpang sa iba nalang tumingin
upang hindi mo Makita ang mga lungkot saaking mga mata
tatawa para di mahalatang akoy nasasaktan na
baka kase pagsumimangot ako ay iyong sabayan
mga sumpong na aking nararamdaman eh tatakpan nalamang ng mga tawa.

Sige patuloy akong magpapanggap na maging masaya
kahit ang aking nararamdaman eh sobrang sakit na
kaya ko lamang ito ginagawa upang hindi ka mawala,
mahal, sana pag ito’y iyong nabasa wag ka sanang mawalan ng gana
o di kaya ay sisihin ang iyong sarili sa kadahilanang ako’y iyong nasasaktan na.
ayos lang ako wag kang magalala
patuloy na kumakapit upang ang relasyon natin ay hindi masira
mahal na mahal kita sana iyong tandaan
ngunit ako’y makikiusap lang sana
wag ka sanang panghinaan ng loob sa aking mga nasabi at patuloy na lumaban
dahil hindi ko na alam ang gagawin pag ika’y nawala pa

alalahanin ang saya, tuwa, kulitan na ating nagawa
at patuloy na kumapit at subukang ayusin itong problema wag ka lang mawala.
Madami pang oras, araw, lingo, buwan,taon o kahit dekada.
Wag ka lang bumitaw saaking kamay mahal.

Mahal na mahal kita. Tandaan mo yan
Mahal na mahal kita kahit ika’y ganyan
Madaan yan sa lambing
Wag natin ulit sayangin etong pagkakataon
Dahil mahal ako na ang nagsasabi na tayo hanggang dulo
Away, problema, ilan lamang yan sa mga pagsubok na ating dadaanan
Dahil pagtapos ng mga iyan
Maganda ang surpresang naghihintay satin.
Mahal kapit lang, laban pa. malalagpasan din natin yan.
Jun Lit Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
RLF RN Oct 2015
GABI (Night)*

Ayan nanaman si araw,
iniwan nanaman niya ako.
Tinapos nanaman niya
ang maghapon sa paglubog.
Tinanggal nanaman niya
ang liwanag sa paligid ko.
At iniwan nanaman niya akong
nakatanaw sa malayo, sa tabi ng bintana,
minamasdan ang pagpasok ng dilim,
hinahanap ang buwan at mga bituin.

Ang tanawing ito ang nagpapa-alala sa akin
na “There is always light, even in the darkest times”.
Kasabay ng pagpasok ng dilim
ang pagtulo ng luha sa mga mata ko.
Nasaan si Paulo? ang tanong ko sa sarili ko.
Hinahanap ko nanaman siya,
sa tuwing sasapit ang ganitong oras.
Kailan ko kaya siya ulit makikita?
Kailan kaya kami ulit magkakasama?

Lumipas nanaman ang isang maghapon
na hindi ko nasilayan si Paulo.
Ipinikit ko ang aking mga mata ng mariin,
kasabay pa rin ang mga munting luha
na patuloy lang sa pagpatak habang
iginuguhit ko ang kanyang mukha sa aking isipan,
habang ninanais ko na mahawakan
ang kanyang kamay sa sandaling iyun.
Nangiti na sana ako, kaso pagdilat ko,
ako lang pala mag-isa ang nandito, at
kathang isip ko lang ang lahat.

Napabuntong hininga ako ng napakalalim,
at sa paglabas ko ng hangin sa aking katawan
naisipan ko nalang na pumikit ulit at manalangin.

“Ama, kung anuman po ang Inyong
ginawang plano sa amin ay Siya pong masusunod
at malugod ko pong tinatanggap.
Alam ko po na may magandang dahilan ang lahat
ng nangyayari sa amin na ayon sa Inyong kagustuhan.
Ang dasal ko lang po ay Nawa sana
tulungan Ninyo kaming makita at malaman
ang dahilan ng lahat ng ito.
Bigyan Ninyo kami ng lakas ng loob at sapat
na pananampalataya upang kumapit pa,
huwag sumuko at hawak kamay na harapin
ang pagsubok na ito. Hayaan Nyo po kaming
patuloy na manalangin, gawing sandalan ang isa’t-isa,
at gawin Kayong sentro ng aming pagmamahalan
sa kabila ng lahat. Amen. ”

At tuluyan ko ng ipinikit ang aking mata
sa pagtulog, nagbabakasakaling kahit
sa panaginip man lang ay mahagkan ko siya at makasama.
untoldstory Mar 2017
Pangako.
Sing lalim ng dagat ang pagiisip ng sandali
Sa mga susunod na tinginan,
Ngiti,
Mo ang umaaya,maghintay,suungin ang mga alon ng pagsubok,
Kasabay ng ibat ibang mandirigmang sumubok makuha ang perlas ng iyong karagatan,
Natututo akong makidigma,kahit nagmamanhid na ang mga braso,lumaban,ako dahil mahal kita.

Maghihintay ako

Kahit ilang araw o buwan ang lumipas,wala ka sa tabi akoy narito palagi, ang makita kang masaya,
Ang ngiti, sa yong mga labi ay sapat na upang akoy maghintay.
Ang mga bulak **** kamay na nagaayang lumapit, saakin habang nakatitig ako sa bawat pagpikit, ng iyong mga mata na nagsasabing kumapit.

Nagsisimula palang ang paglalakbay,
Pagpasok, sa ibat ibang hamon mo,
Pagsuko,takot?
Hindi yan ang sagot sa tanong na inaantay,sa tanong na matagal ko ng hinihintay,ang sagot.

Mangangako ako sayo pero mangako karin saken

Pangakong hindi ako mananakit ,pero mangako kang hindi mo ako ipagpapalit.

Pangako kong ang pagpili mo saken ay hindi mo pagsisisihan, atipangako **** hindi mo ko isasama sayong pagpipilian.

Pangako kong hindi lahat ng oras mo ay aking kukunin,pero ipangako **** mag lalaan ka ng attention para saken.

Pangako kong walang iba kungdi ikaw,at ipangako **** di ka bibitaw.

Pangakong magiging importante ka para saken,pero ipangako **** hindi mo ako paaasahin.

Na ang pangako ko ay hindi basta pangako,na ang pangako ko ay handang maglakbay, na maging alalay na laging nakasunod,
Sa ikatakda na ikay maging handa,
Maghihintay ako,pangako.
deadwood Oct 2017
Hindi minsang naisip ng aking munting ulo na ika'y darating sa aking buhay.

Araw-araw nakikita kita mula sa pagpasok mo sa paaralan, pag-akyat ng hagdan, at paglagay ng bag sa ilalim ng upuan.

Araw-araw ako'y napapaisip, kung ano ba't lagi kang tahimik, laging malamig ang hangin, at laging tulala ka sa papel mo na walang laman kahit sulat man o doodle.

Ano ba?

Kung sa tingin mo ay nagkakagusto ako saiyo ay hindi ka nagkakamali ngunit hindi ka rin tama.

Binibini, ako'y nangangamba kung ano man ang nasa isip mo.

Sa unang tingin pa lang ay makikitang hindi ka pangkaraniwang estudyante.

Ikaw yung tipong hindi magsasalita kahit na nahihirapan, yung tipong hahayaang magpasakal sa taong kaniyang iniibig, yung tipong kagaya ko.

Araw-araw tinatanong ko ang Panginoon at sarili kung ano ba't nakita kita at nakilala?

Hindi ako nagkamali, katulad na katulad mo nga ako.

Katulad mo akong ayaw bumitaw sa patalim ng pag-ibig kahit na paulit-ulit na itong isinaksak sa aking puso.

Katulad mo akong gagawin ang lahat maibalik lang ang nakaraan kahit na matagal na niya akong itinakwil at iniwan.

Katulad mo akong malungkot na nagmamahal araw-araw.

Kaya, binibini, sana'y makaabot sana saiyo ang mumunting mensaheng ito mula sa wasak kong puso:

Mahalin mo man siya o oo, mamahalin pa rin kita araw-araw.
Mahal kita ngunit pagkakatao'y naiwala
Pagsinta sa iyo lamang ay isasatula
Pag ibig ko sayo'y di na maipadarama
Mainit na yakap mo'y di na     makikilala

Haplos at pagmamahal mo'y di mararanasan
Pagsintang laan sayo'y di nabawasan
Kalinga mo'y siyang hinahanap
"Tayo" na hindi naganap

Sana, Kung sana Lang nagawang makilala ka nang mas maaga
May pagsisdlan ba pantasya Kong pariwala?
Pangarap na sing layo ng mga tala?

Pag asang nilamon ng duda
Pag aming di inakala
Parehong dinarama
Pagsintang walang angkla

Ngunit hanggang saan nga ba
Pagtula't pagtitig sayo mula sa malayo
Mga barumbadong pahayag mo'y totoo sa inakala
Pangarap na kelanma'y di na lalago

Sana nga'y totoo
Sa Diyos ay nagsumamo
Ngunit huli na ang lahat
Pagpasok mo sa seminaryo ba'y dapat?

Ano nga ba't sa huli'y kung tayo rin
Lumuhod man ang mga tala sa munggo't asin
Landas nati'y muli ring magtatagpo
Kapalaran man sa ati'y makipaglaro
lovestargirl May 2015
UWIAN:
Unang hakbang pagpasok sa tarangkahan.
Pangalawa, at tumingin sa daan.
Pangatlo, at tumingala sa kalawakan.

Saka naglakad pa ng isang daan at tatlumpung hakbang,
Sa apat, hanggang lima narinig ko ang andar ng jeep ni Ama
Sa anim hanggang pito narinig ko ang pagkukwenta ni Ana.

Sa walo hanggang siyam nakita ko ang tongitsan ni Manang.
Sa sampu hanggang labing-isa umiwas sa konstrukyon ni Saavedra.
Sa labing-dalawa at hanggang labing- tatlo ay narinig ang sigawan nina Agnes at Cito.

Sa bawat bahay, at taong nadadaanan
Tanging pagkaway at ngiti lang ang nadadatnan.
At ilan lang ito sa mga bagay na inuuwian.

Nagpatuloy sa paglalakad hanggang umabot sa abandonadong bahay,
Madilim man, at magulo sa loob. Ngunit amoy na amoy pa rin
Ang buhay na puno ng sampaguita.

Pumitas ako, inamoy pa ito, at nagbaon ng ilan nito.
Ipinikit ang mata ko, at saka linanghap ang mabangong amoy nito.
Saka naglakad pa at pumapasok sa aking tahanan.
Oo, tigang ako.
Tigang sa katawan ng tao.

Sa haplos ng malalambing na wika na ilang beses hinaplos ang mga taingang sanay lamang sa palo.

Sa halik ng atensyon na kay tamis lalo na sa mga oras ng lungkot.

Sa pagpasok ng ideya na pag-ibig na pilit pinupunit ang dingding na noon pa butas-butas ngunit unti-unting bumubuka.

Tigang ako sa palabas at pagpasok,
labas at pasok ng anumang klaseng pagpapaibig.

Basta't masarap, matamis, at maaaring ulit-ulitin,
aking ibubuka ang sariling tigang sa pag-ibig.
Carl Oct 2018
Kung mayroon akong pinakaayaw na almusal
Iyon ay yung lulunukin kong katotohanan na  lilipas
ang bawat oras, papatak ang bawat segundo ng napakagulong
buhay ko na wala ka.
Sayang lang, Ang ganda kasi nung mga eksenang pinangarap ko
Na buo na ang bahay na ang palapag ay tatlo, Pagpasok mo rito,
ikaw ay nakaupo sa sala na binuo ng mga pangarap mo at oo.
Nang hihinayang ako, paglulutuan sana kita tapos gigising ka sa umaga na may mainit na kape ka nang nakatimpla.

Pero inabot na kasi tayo ng takipsilim
Nagwakas ang mga pangarap na almusal nang magsimula ka nang maglihim
Nang umalis ka na lang dahil hindi mo rin naman kayang magkwento at umamin
Noong humingi ako ng ilang segundo ng katotohanan matapos ang ilang taon kong inakalang hinding-hindi ka magiging sinungaling.

Alam ko balang araw, masaya kana sa iyong bagong kasama.
Sa mga munting eksena na nag lalaro sa isip ko, gusto ko na yung eksenang masaya ka na lang sa iba.
At balang araw hindi na tayo masusuka sa mapakla at mapait na almusal ng ating pag-ibig, salamat, totoo.

Salamat sa hindi na manguyang pag-ibig mo.
Crissel Famorcan Oct 2017
#18
Hoy ikaw ! Oo ikaw!
Ikaw na walang alam,
Ikaw na walang pakiramdam
Makinig ka! May sasabihin ako
Sana pakinggan mo kasi minsan lang 'to
Minsan lang ako gagawa ng isang tula,
na alay sa isang tulad mo.

Magsisimula ako sa umpisa
Sa mga panahong wala pa akong gaanong nadarama
Noong unang beses kitang nakilala
At unang beses ko ring nakita,
Kung paano ngumiti ang iyong mga mata
At kung paano ito kumislap
tulad ng mga tala Sa umaga
Idagdag mo pa yung magandang kurba ng iyong mga labi
At matamis **** mga ngiti
Na kay sarap pagmasdan
Na kay sarap titigan
Nung mga oras na yun,
Parang ayaw na kitang tigilan
Pero hindi. Saglit lang.
Ano to?
Uulit na naman ako sa isang siklo ng katangahan?
Hindi! Ayoko nang masaktan.
Ayoko nang masaktan ng paulit ulit
Pagod na kong makaranas ng sakit
At syempre,matitinding inggit
Kaya pinili kong itigil ang lahat
At pigilan ang nararamdaman
Nagtagumpay ako nung una
Pero kinalaunan?
nagpatuloy pa rin ang baliw kong puso
Kaya nga kapag nakikita ka na, puso'y napapalukso
Hinihiling na sana tumigil ang oras,
Para nanjan ka lang.
Pagkat ikaw lang ang tanging  lunas
Sa puso kong matinding lungkot ang dinaranas
Hinilhiling na sana wag ka nang lumisan pa
Dito ka lang sa harap ko.
Yun bang tititigan hanggang kelan ko gusto?
Pagmamasdan ang bawat paglabas nung dimples mo
Hihintaying kahit minsan,mapatingin ka rina pwesto ko
At kahit saglit, mapansin mo ako.
At alam mo ba?
Nagkaroon din ako ng dahilan sa pagpasok ng maaga
Hiahabol ko kasi yung pagkakataong makasabay kita sa pila
Syempre para ako yung unang makakita sayo
Sa ganung paraan feel ko nakalamang ako
Alam kong hindi pwede at walang pag - asa
Kaya sige. Hahayaan na kita sa kanila
Tahimik na lang kitang pagmamasdan mula sa malayo
At papanoorin ang magandang mga ngiti mo.
Sana dumating yung araw na hindi lang laging ikaw yung aking nakikita
Mula sa malayong lugar na pinagtatanawan ko sayo.
Alam kong matatapos din ang pantasyang ito.
Sana lang dumating agad yung panahon na yun.
Pag-ibig ang s'yang bumubuo sa aking pagkatao.
Pag-ibig na s'yang nadarama mula sa iyo.
Sayo natagpuan ang napakagandang mundo.
Ang mundo ko ay ang buo **** pagkatao.

Sa bawat pagpuno ng mga daliri mo sa pagitan ng daliri ko.
Ramdam na ramdam ko, ang pag-ibig mo.
Sa bawat pagbati na naririnig tuwing umaga.
Sa mga labi'y bumabakas ang ngiting napakasaya.

Saya na walang ibang makakapagdulot kundi ikaw.
Ikaw na s'yang nais maging kabiyak ng pusong nangangarap ng walang katapusan.
Katapusang kinatatakutan ng marami sa pagpasok sa ganitong uri relasyon.
Sa ating relasyon, dalangin ko'y huwag sanang humantong.

Ramdam mo din ba? Na tila tadhana na ang humusga. Na ikaw at ako ay pagtagpuin. Upang may magpatunay na ang pag-ibig na tunay ang tanging susi sa pangarap na walang hanggan.

Sana nga'y huwag magwakas. At lalo pa tayong bigyan ng lakas. Upang mapagtagumpayan ang lahat ng pabsubok. Sapagkat sayo, hindi ko alam ang salitang pagsuko.

Balang araw, tayo'y haharap sa altar. Isusuko ko ang buo kong pagkatao para sayo. Sapagkat ang tanging pangarap ko. Mahalin ka at alagaan habang may buhay ako.
Lite Jul 2020
Ingay ng paligid
Ang sa akin umaaligid
Pagpasok sa silid
Tahimik ay mababatid

Pinto ay ikakandado
Nang walang makaistorbo
Katahimikan ay mabubuo
Nang walang nagrereklamo

Kama ang higaan
Unan ang sandalan
Himpapawid ang tititigan
Nang katahimikan ay makamtan

Ngayon handa ng makipagsapalaran
Sa isang kalaban
Na ikaw lang ang may kinalaman
Sa kaniyang pinagdadaanan

Siya ay lumalaban
Nangangailangan ng kaibigan
Nang katahimikan ay makamtan
At laban ay mawakasan

Sa silid na iyong pinasukan
Kayo ay magtutulungan
Nang inyo ay mapagtagumpayan
Ang isang tahimik na laban

Laban na kayo lang ang nakakaalam
Lakas ay ipapahiram
Upang ating mapagtagumpayan
Ang kinakaharap na laban
Xilhouette Aug 2018
Isa, dalawa, hanggang sampu.
Bilang sa daliri ko
Ang bilang ng araw na umuwi
Ako na hindi lasing

Sa pagpasok pa lang
Uwi na ang hinahanap
Para makapiling
Ang kanais nais kong kama

Ngunit bago sa pagalis
Ay may karamdamang
Hindi kakaiba
Hindi nakapagtataka

Ang pagtawag ng cervesa at tabako
Ng aking utak para sa aking katawan
Ay dumadagumgdong
Sa kaluluwa kong mahina

Isang bote isa pa isa pa
Isang kaha isa pa tama na
tuloy tuloy ang daloy ng alak
Sunod sunod Ang buka ng usok

Sa pagtulog ubos na ang pakiramdam
Ni-pandinig ay sumuko na.
Amoy na lang ng amats
Ano na ba anng kinahihinatnan

Isa

Dalawa

Tatlo

Hanggang sampu

Bilang sa aking kamay
Ang araw na Hindi ako lasing
Ang sigarilyong hindi naubos
At ang mga araw na humihinga pa ako
Enero Diez y Seis, Dos mil Kinse
Lulan ng isang simpleng kotse
Unang tinungo Palasyo ng Malacañan
Pinagsabihan mga pulitiko huwag magnakaw sa bayan
Sa pagpasok ng palasyo binasbasan mga bata
Sa paglabas ng palasyo binasbasan matanda
Ikalawang tinungo Manila Cathedral
Pinangunahan pagdaos ng Misang Banal
Sa pagdating, sakay muli ng Pope Mobile
Sa pag-alis, mga umaantabay sa daan ‘di parin papigil
Huling tinungo Mall of Asia
Pinulong mga pamilya sa malaking asembleya
Sa pagsalubong may regalo mula sa may kapansanan
Sa pag-iwan may pailaw mula sa mga nagkakantahan
Ngayong araw kanyang isinulat sa talaan
Panalangin ng pag-unawa, kapayapaan at kaginhawaan.

-01/17/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 317
Jun Lit Jul 2019
[isang pagsasalin sa Tagalog, batay sa orihinal na
"When tomorrow starts without me" ni David Romano]

Kapag nagsimula ang bukas na di ako kasama,
at ako’y wala roon upang makita;
Kung sisilayan ng araw ang iyong mga mata,
na puno ng luhang para sa akin, Sinta;
Labis kong nais na hindi ka lumuha,
katulad ng sa araw na ito’y iyong ginawa,
habang inaalala ang maraming bagay at salita,
na hindi nasabi o hindi nawika.

Batid ko kung gaanong kamahal mo ako,
kasingsidhi ng pag-ibig kong tanging sa iyo,
at sa tuwinang ako’y iisipin mo,
Alam kong hahanap-hanapin mo ako;
Subalit kung ang bukas ay magsimulang wala ako,
nawa'y pakaunawain mo,
na isang sugo ang dumating at tinawag ang aking ngalan,
at ang kamay ko’y kanyang hinawakan,
at wika’y handa na ang aking paglulugaran,
sa malayo’t mataas na kalangitan,
at kailangang lumisa’t talikdan,
tanang sa aki’y mahal, lahat ay iiwan.

Subalit pagtalikod kong palayo,
Isang patak ng luha ko’y tumulo,
pagkat buong buhay, lagi kong kinukuro,
Ayokong mamatay.
Maraming dahilan para ako’y mabuhay,
maraming gagawin pang mga bagay,
Tila imposible, hindi kailanman,
na ikaw mahal ko’y iiwan.

Bumalik sa ala-ala ko ang mga araw na nagdaan,
ang masasaya’t ang mga kalungkutan,
Pumuno sa isip ang pag-ibig nating pinagsaluhan,
at lahat ng ating galak at kaligayahan.

Kung sa kahapo’y mabubuhay akong muli,
kahit man lamang kaunting sandali,
Magpapaalam ako’t hahagkan ka
at marahil, makikita kong ngingiti ka.

Ngunit lubos kong napagtanto,
na hindi na kailanman mangyayari ito,
sapagkat pagkawala’t mga ala-ala na lamang,
ang sa aki’y papalit at maiiwan.

At nang maalala ko ang sa mundo’y mga kasayahan,
na bukas ay di ko na matitikman,
ikaw ang naging laman ng isipan,
at puso ko’y napuno ng kalungkutan.

Ngunit pagpasok ko sa pinto ng kalangitan,
Ramdam ko’y ako’y nakauwi sa tahanan.
Pagdungaw ng Bathala’t ako’y nginitian,
mula sa kanyang gintong luklukan,

Wika’y “Ito ang Walang Hanggan,
at lahat ng pangakong sa ‘yo’y inilaan".
Sa araw na ito, natapos ang buhay sa lupa,
ngunit dito ngayon ang simula.
Di ko ipapangako ang kinabukasan,
ngunit ang ngayon ay magpakaylanman,
at dahil bawat araw ay pareho lamang,
ang nakaraa’y hindi na kasasabikan.

Ngunit ikaw ay naging matapat at naniwala,
tunay at totoo, lubos na nagtiwala.
Kahit may panahong may mga hindi tama,
na alam **** hindi dapat ginawa.

Ngunit ikaw ay pinatawad na
at ngayon sa wakas ay malaya na.
Kaya’t kamay ko ba’y hindi mo hahawakan
at sa buhay ko, ako’y sasamahan?

Kaya pag sumulong na ang bukas at wala na ako,
huwag **** iisiping nagkalayo tayo,
dahil sa tuwinang iisipin mo ako,
Nandito lang ako, diyan sa puso mo.
My translation into Tagalog of David Romano's "When Tomorrow Starts Without Me" -
"When tomorrow starts without me,
and I'm not there to see;
If the sun should rise and find your eyes,
all filled with tears for me;
I wish so much you wouldn't cry,
the way you did today,
while thinking of the many things,
we didn't get to say.

I know how much you love me,
as much as I love you,
and each time that you think of me,
I know you'll miss me too;
But when tomorrow starts without me,
please try to understand,
that an Angel came and called my name,
and took me by the hand,
and said my place was ready,
in heaven far above,
and that I'd have to leave behind,
all those I dearly love.

But as I turned to walk away,
a tear fell from my eye,
for all life, I'd always thought,
I didn't want to die.
I had so much to live for,
so much yet to do,
it seemed almost impossible,
that I was leaving you.

I thought of all the yesterdays,
the good ones and the bad,
I thought of all the love we shared,
and all the fun we had.

If I could relive yesterday,
just even for awhile,
I'd say goodbye and kiss you
and maybe see you smile.

But then I fully realized,
that this could never be,
for emptiness and memories,
would take the place of me.

And when I thought of worldly things,
I might miss come tomorrow,
I thought of you, and when I did,
my heart was filled with sorrow.

But when I walked through heaven's gates,
I felt so much at home.
When God looked down and smiled at me,
from His great golden throne,

He said, "This is eternity,
and all I've promised you".
Today for life on earth is past,
but here it starts anew.
I promise no tomorrow,
but today will always last,
and since each day's the same day,
there's no longing for the past.

But you have been so faithful,
so trusting and so true.
Though there were times you did some things,
you knew you shouldn't do.

But you have been forgiven
and now at last you're free.
So won't you take my hand
and share my life with me?

So when tomorrow starts without me,
don't think we're far apart,
for every time you think of me,
I'm right here, in your heart."
Kalawakan Sep 2020
Pumikit at humingang malalim,
Hindi alam kung ano ang iisipin.
Bigla tumulo ang mga luha,
Na hindi ko inakala.
Ang puso ko'y bumilis sa pagtibok,
Parang nakaramdam ng paglugmok.
Nagdarasal habang dahan-dahan sa pagpasok,
Sa isang madilim at may apat na sulok.
Ako'y napatigil ng ilang minuto,
At marahan na sinara ang pinto.
Ang mabilis na tibok ng puso parang ngayo'y hihinto,
Nadaramang sakit 'di maikubli sa loob nitong kuwarto.

— The End —