Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nath Rye Jan 2016
Isang pinto ang nasa aking harapan.

Pintong gawa sa kahoy. Limang tao ang lapad ng pinto, at dalawan' tao ang taas nito. Dahan-dahan 'kong hinawakan ang nakausling parte.

Hinila ko. Ang bigat.

Isang engrandeng *ballroom
ang itinatago ng pintong aking pinasok. Ang una talagang mapapansin ay ang magarang wallpaper na yumayakap sa pader. Sa pinakaharap, may hagdanan na tila hari't reyna lang ang maaring gumamit. Sa bawat dulo ng hagdanan, may mga nakapatong na gintong mga dekorasyon- mga anghel at mga hayop na makikita lamang sa panaginip. Pero, mapapatingala ka talaga sa larawan ng Diyos at mga anghel na sumasakop sa buong kaitaasan ng ballroom.

Ang amoy naman, amoy ng mamahaling pagkain.
May mga lamesa at mga plato para sa mga nais kumain

Ang unang yapak ko sa loob ay sinalubong ng mga tingin mula sa mga tao sa loob. Lahat sila'y magkamukha...

magkakambal kaya?

Nilapitan ako ng waiter. May dala-dalang alak.
"Ser, gusto niyo po ba ng-"
"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"
Lumabas lang ang mga salita sa aking bibig. Di na ako nakapaghintay.

"Ah... ser, kung gusto niyo po ang kasagutan sa tanong niyo, sigurado akong may makakapagpaliwanag sayo nang mas maayos."

At sabay siyang umalis.

Inikot ko ang ballroom. Kinausap ko ang mga tao. May mga sumasayaw, may mga kumakanta, at mayroon pang mini magic show. May mga nakabarong, iba nama'y naka tuxedo.

Naging masaya ang mga usapan, hanggang itinanong ko ang tanong ukol sa kanilang pagiging magkamukha. Pinapasa-pasa lang nila ang tanong sa mga ibang nasa ballroom. Ika nga, "hindi nila mapapaliwanag nang mabuti."

Ano naman ang napakakumplikadong paliwanag na ito?

Lahat ba, naitanong ko na?

Nanlaki ang aking mga mata. May nakita akong nag-iisa sa dulo ng kwarto. Mukhang matalino. Nilapitan ko.

"Sarap ng pagkain."

Binigyan niya 'ko ng tingin ng pagkagulat.

Makalipas ang ilang segundo, nagsalita na rin siya.

"Ganyan ka ba talaga nagsisimula ng isang conversation?"

"Di eh. Pero masarap naman talaga. Kinailangan ko lang ilabas ang matinding damdamin ko para sa handa."

Tawanan. Pero desperado na 'ko. Gusto ko nang malaman kung bakit.

"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"

"Ah.... ikaw ay tulog ngayon. Nananaginip ka lang. Ang bawat tao rito'y indibidwal na parte ng iyong sarili. Ang iba't-iba **** personalidad, nag anyong-tao."

"Ha?"
Ginagago ako nito, ah.

"Subukan '**** kurutin ang 'yong sarili. Di siya masakit, di ba?"

Tiningnan ko ang braso ko. Kinurot ko, yung masakit talaga.

Wala akong naramdaman.

"Gets? Ako ang parteng nais tumulong sa iba, sa kapwa-tao."

".... Maniniwala muna ako sayo, ngayon. Pero, ibig sabihin ba'y ang lahat ng personalidad ko'y pantay-pantay?"

"Hindi. Ang mga taong nasa itaas ng hagdan, sila ang pinakamalalaking parte ng 'yong sarili. Kaya sila ang mga pinakamakapangyarihan dito sa ballroom."

"At pwede akong umakyat doon?"
Gusto kong umakyat.

"Handa ka bang tanggapin ang iyong sarili? Pa'no kung puro mamamatay-tao pala ang mga nasa itaas? O magnanakaw? O sinungaling?"

"Edi ok, tanggap ko naman na di ako perpekto."

Pero sa isipan ko, natakot ako. Nakakatakot makita ang mga masasamang parte ng sarili mo, na naging sarili niyang tao.

"Edi umakyat ka. Panaginip mo 'to. 'Di akin."

"Sige, salamat pare."

"Geh."

Inakala ko na ang huli niyang sasabihin ay may relasyon sa pag-iingat, o pagkukumbinsi na 'wag na 'kong umakyat. Pero dahil sa isang "geh" na sagot niya, nahalata 'kong wala na akong makukuhang impormasyon kung di ako aakyat.

Nasa harap na ako ng hagdanan. Kung nakatayo ka pala rito, parang nakatitig ang mga gintong dekorasyon sa 'yo.

Isa-isa kong inakyat ang mga hagdan, at sa taas, may nakita akong apat na tao.
  
Yung tatlo, nakikinig at tumatawa sa biro ng isa.

"Hi...?"
Wala naman akong ibang masabi, e.

Bigla silang tumahimik at napatingin sa 'kin.
Alam na siguro nila kung sino ako, dahil nilapitan nila ako at nakipag-kamay.

"Alam mo na ba ang lugar na ito? May nagsabi na ba sa 'yo?"

"Oo. Sabi sa 'kin ng isa na kayo raw ang mga pinakamalaking parte ng aking personalidad."

"AHHH! Mali siya! Nasa impiyerno ka na ngayon. Masama ka kasi eh."

Napatingin lang ako sa kanya.

"Joke lang, 'wag naman masyadong seryoso. Edi madali na lang pala! Sige, pakilala tayo!"
Ngumiti naman ang apat.

Nauna yung tatlo.

"Ako ang parte **** responsable. Alam mo ang mga responsibilidad mo, at maaga mo tinatapos."

Wow. Responsable pala ako.

Ang pangalawa.
"Ako naman ang parte **** madasalin. Malakas ang tiwala mo sa Diyos, kaya mahilig ka magdasal."
Grabe, banal pala ako?

Ang pangatlo.
"Ako naman ang parte **** mahilig sa sports. Mapa-boxing man o swimming, o basketball. Lagi kang handa."
Parang yung bodybuilder ko lang na klasmeyt ah. Napatawa ako.

At ang pang-apat, at ang lider:
"Ako ang parte ng sarili mo na nais makatulong sa ibang tao. Handa kang magpatawa kung kailangan, pero kaya mo naman ring magseryoso. 'Di ka nang-iiwan. Tunay kang kaibigan."

Pero yung tao kanina yung nais makatulong sa ibang tao.... baka ito yung sinungaling. Bahala na.


"Kayo ang pinakamalaki? Natutuwa naman ako."
Nagtawanan lahat.

"Pero may isa pa. Ang pinakamalaki talaga sa lahat."

"Saan?"
Saan nga ba talaga?

"Dito. Halika. Bago ka magising. Para makilala mo."

Pumunta yung pang-apat sa isang dulo ng kwarto. May pinindot siya. May maliit na butas na nagpakita sa pader. Madilim. Nahirapan akong pumasok. 'Di na sumunod ang apat.

Sa gitna ng kwarto, may isang tao. Isa. Nag-iisa, kasama ng mga libro at papel.

"Ikaw ang pinakamalaking parte?"

Tumingin lang siya sa 'kin.

"Ikaw ba talaga? Ano naman sinisimbolo mo?"

"Ako ang katahimikan. Ang katahimikan sa iyong loob. Matatag ang puso mo, at kahit marami kang kinakatakutan, hindi ito nagiging hadlang sa 'yo. Ako ang nagbibigay buhay at enerhiya sa lahat ng mga personalidad mo."

*At ako'y napatahimik. Katahimikan pala ang pinakamalaking parte.
It's 3:44 am woooooooo I started at 3. ps this is in tagalog/filipino. thank you
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
One Sided Beat Feb 2016
Nung araw na nagtapat ako
Totoo ba yung sinabi mo?
Nalaman ng buong klase
Alam mo bang nasaktan rin ako?

Kinabukasan nagulat ako dahil di nagbago ang tingin mo
Kahit na inaasar ka ng mga barkada mo
Nilapitan mo pa nga ako
Ngunit ako 'tong si tanga na umiwas sayo

Ilang araw ang nakalipas
Patuloy pa rin ako sa pag iwas
Pilit nila tayong pinag usap
Ngunit ayoko pa ring kumalas

Sa bawat paglapit mo saakin
Mas lalong naguguluhan ang aking damdamin
Bakit ba patuloy mo pa rin akong pinapansin?
Kung sinabi mo nang wala kang pakialam sa'kin
Sobrang naguguluhan ako sayo. Lagi naman eh. Noon pa man, bipolar na nga tawag ko sayo. Seryoso nagulat ako nung pinansin mo ulit ako. Akala ko kasi iiwasan mo ako eh. Actually prepared na ako. Hinanda ko ang sarili ko sa mga mangyayari kaso may nagtwist ng plot eh. Kaya eto, naguguluhan ako.
George Andres Jan 2017
kailan ba nabuhay ang mga manunulat?

sa lahat pagkakataon, kumukuha lang sila ng materyal, ng inspirasyon, ng hangin sa baga ng apoy.

kung iniisip **** ibinigay na nila ang lahat sa'yo, pakaisipin mo ring marami silang nakuha mula sa'yo: ang alon ng buhok mo, ang tsokolate **** mata, pantay na mga ngipin, nakakaakit **** ngiti

ngunit higit sa lahat nang 'yon, ikaw pa rin ang talo, bakit?
dahil minahal ka nila upang iguhit nang tulad nang sa mga pintor: delikado, misteryoso at orihinal.

kahit pa ilang tauhan na ang nagdaan, makikita mo ang pagkakaiba ng oras, panahon at lugar; pagkapusyaw at pagkalamlam, katingkaran o putla ng kulay mo sa tuwing magkahawak kayo ng kamay.

ikaw ang talo, dahil kahit sinong gagawa ng sariling istorya, ikaw; na tinutukoy niya ay ang laging kontrabida. 'hanggat hindi natututong magsulat ang leon, palaging papupurihan ng mga istorya ang mandirigma.'
ikaw ang nang-iwan, unang nilapitan, unang bumitaw sa magpakailanman,
ang hindi lumingon

sa bawat pagtawag sa pangalan **** kirot na ngayon ang katumbas
para bang kalamansing piniga sa sugat na kailanma'y di naghilom at naglaho.
pero sa panahong bumakat na sa papiro ang mga letra, hindi na lamang siya ang luluha sa pagkawala mo, ni maiihi sa kwentong una kayong nagkatagpo

kailan ba nagkaroon ng pagkakataong inisip lamang ng manunulat ang ngayon at hindi ang bukas na isusulat niya ang mga nangyari nang araw na 'yon?

ang unang beses mo siyang halikan sa pisngi, ang panay na pagdantay mo sa kanyang balikat at pagkahawak sa kanyang braso?

kailan ba niya malilimutan at ilang beses pa niyang pauulit-ulitin ang gunita ng pagpatak ng mga luha mo sa harapan niya nang walang dahilan kundi dahil masaya kang kasama siya?

kailan ba nabuhay ang isang eskribo?

sa simula pa lamang ng panahon, kasiping niya gabi-gabi ay ang tinta ng pluma at papel sa harap ng init ng gasera at nagbabagang puso.

mamahalin ka niya gamit ang buhay na mga salita
papatayin ka niya hangga't di ka na makaahon sa lalim ng bangin kung saan inimbak ang pagtingin niya sa'yo
nabuhay siya nang dumating ka
nang mga panahong ang mga oras ng kabataan ay itinatapon na, ikaw ang naging gasolina
upang magliyab siya
oo ikaw na irog niya

nabuhay siya upang buhayin ka magpakailanman
PoemsFor....
1916
Stephanie Sep 2018
Walang Pamagat
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Malumanay ang pagkumpas ng mga kamay ng orasan
Sumasabay pa tong nakakabinging katahimikan
At ako? Nandito sa loob ng apat na sulok ng munti kong silid
Kabisado ko na ang bawat detalye ng kwartong ito ngunit ito parin, nagmamasid
Na para bang nasa ibang lugar ako, nangingilala, nagtataka
Tulad ng kung paanong maraming tanong ang gumagambala sa katahimikan ng sandali
Mga tanong na habang pilit kong hinahanapan ng sagot ay mas lalo lamang nagpapaalala sayo
Sayo at kung anong meron tayo… noon
Para ka rin palang kwarto ko.
Kilala kita, kabisado ko na ang takbo ng isip mo
Alam ko kung kailan ka nagsisinungaling kapag sinabi **** “okay lang ako”
Alam ko kung ano yung mga tugtuging hinahanap-hanap ng pandinig mo
Alam ko kung paano magniningning ang mga mata mo kapag nakakakita ka ng cute na aso
Alam ko dahil inalam ko, alam ko dahil ipinaalam mo, alam ko dahil ginusto kong malaman
Kilala kita, kabisado ko ang bawat tibok ng puso mo
Pero muli, para ka rin palang kwarto ko
Na kahit gaano kita kakilala at kakabisado, naguguluhan pa rin ako
Nangingilala;
Nagtataka;
Dahil kahit naging malapit ka sa akin ay tila parang napakalayo mo pa rin
At kahit gaano kita kakabisado ay hindi ko pa rin alam ang kasagutan mo sa mga  tanong na iniwan mo sa akin kasabay ng pag-alis mo sa buhay ko:

bakit.

Bakit ka pumasok sa nananahimik kong buhay para pasiglahin ito at sa huli ay iwan ako?
Bakit mo ipinadama sa akin na importante ako para lang isang araw ay ipadama na wala na kong halaga sayo?
Bakit mo ako nilapitan nang may ningning sa mapupungay **** mata at matamis na ngiti sa iyong mga labi?
Bakit mo ipinaulit-ulit ng bigkas ang pangalan ko na hanggang ngayon ay musika sa akin?
Bakit ka nagpakilala para lang sa huli ay limutin?
Bakit ka lumapit sa akin na parang isang apoy na nagbigay liwanag ngunit siya rin palang tutupok sa akin?
Bakit ka dumating sa buhay ko para lamang sa huli ay lumisan?

Ang daming bakit pero iisang bakit lang ang gusto kong sagutin mo.

Bakit mo ako iniwan ng biglaan?

At hindi naman ako tanga.
Alam ko na iba tayong dalawa.
Sabihin mo nga sa akin kung paano ko hindi bibigyan ng pansin ang sigaw ng mga kilos **** sinasabing espesyal ako?
Paano kung sabihin ko sayong pinakinggan ko ang bulong ng puso mo noong unang beses na inaya mo akong kumain sa labas?
Paano kung sabihin ko sayo na narinig ko ang pangalan ko sa pagitan ng pagpintig ng pulso mo noong inabot mo ang mga kamay ko?
Paano kung naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga biro **** nagpapahiwatig na ako ang gusto mo?
At paano kung sabihin ko sayo na nakita ko ang nakaukit na ‘mahal kita’ sa ningning ng mga mata mo sa tuwing magkasama tayo?

Hindi naman ako tanga.

Alam mo ba? Tayo ang tulang ito.

– walang pamagat

Kumbaga sa linya ng isang kanta ay “oo nga pala, hindi nga pala tayo”
Na katulad ng isang pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending
At katulad ng isang nobela, masaya man o malungkot, lahat ay nagtatapos

Sa lahat ng nobela, itong sa atin yung kuwento na hindi naisulat ngunit nagtapos
Natapos ngunit walang paalam

Kahit wala tayong pamagat, gusto kong pahalagahan ito
Dahil ito yung meron tayo.
Medyo magulo pero ito, tignan mo, naisingit ko na yung salitang “tayo”

Sayang.

Sana kumapit ka pa.

Naiisip ko pa rin gabi-gabi kung bakit ka lumayo
Patawad, naaalala pa rin kita kahit hindi ko naisin
Patawad, umaasa pa rin ako na babalik pa sa dati ang lahat
Dahil naniniwala pa rin ako na nobela tayo
At hindi pa nagtapos ang kuwento noong huling beses na humakbang ako palayo at hindi ka nagsayang ng segundo para lumingon sa direksyong tinahak ko

Naghihintay ako.

Mali pala ang pagkakagamit ko ng mga salita.

Wala pa tayong pamagat

Ngunit malay mo balang araw ay magkaroon din at habang hindi pa dumadating ang araw na iyon, ipipikit ko ang mga mata at ibubulong sa hangin na…

sana malaman mo na mahal din kita.
kahel Jul 2016
Naglalakad ako pauwi nang makita kita sa isang tabi.
Umiiyak.
Humahalakhak.
Lumalaklak.
May hawak na bulaklak.
At humihiling sa bawat talulot na pipitasin ay sana hindi ka niya iniwan nang wasak.

Nilapitan kita agad at tinabihan.
Dinamayan ka sa lamig.
Ang mga binti **** sa sobrang tagal nang nakaupo ay namimintig.
Walang salita o tunog na lumabas sa aking bibig.
Kundi ang mga tenga lamang para makinig.
Sa pagkwento mo habang ang boses mo'y nanginginig.

Sabay nating pinanood ang pagbaba ng araw.
Kasama sa paglubog ang galit na umaapaw.
Napatitig ako sayo at napabulong na wag ka sanang matunaw.
At nagtataka na bakit mayroong tao na sayo ay umayaw.
Biglang tumibok ang puso ko ng laktaw-laktaw.
Nagpapasalamat na natanaw kita at ako ay naligaw na parang langaw.

Kinalaunan ay napatahan ka kahit saglit lang.
Napasaya kahit saglit lang.
Nabawasan ang sakit kahit saglit lang.
Nakalimot sa problema kahit saglit lang.
Nakasama ka kahit saglit lang.
At naging parte ng mundo mo kahit saglit lang.

Hinatid ka para ligtas na makauwi at nagtanong ka kung paano makakabawi.
Makita ka lamang ngumiti, ang abala ay mapapawi.
At sana, kung okay ka na talaga.
Kapag natulog ka at ipipikit na ang mga matang namamaga.
Ay malaman mo na ang iyong tunay na halaga.
At matuklasan ang pagmamahal na pang-sayo lamang ng buong buo.
Bluepetal Feb 2018
Sa isang hardin ako ay may namataan
Isang dahong nakatungo at tila may dinaramdam
Matagal kong pinagmasdan subalit di ko maunawaan
Kaya naman nilapitan at nagsimula ng isang usapan….

Munting dahon, aking bungad, ikaw ata’y matamlay
Sukli nya’y ngiting may  kahalong lumbay
At napansin ko ang pighati sa kanyang mata
Hanggang tuluyan nang umagos ang saganang mga luha…

At sinambit nya…

“Oh ang rosas na puno ng ganda
Lahat sa kanya ay nahahalina
Subaling akong palagi nyang kasama
Ni minsan di nabigyan ng importansya"

Dagdag nya...

"Ako’y nanliliit sa aking sarili
Lahat ng suporta, sa iba ay ibinahagi
Kay rosas, kay tangkay, sila ay aking tinulungan
Sa abot ng makakaya, sila ay aking dinamayan

Subalit sa malakas na ihip ng hangin
Dulot ng bagyong kayhirap pahupain
Tila yata akoy’ nag-iisa at nalulugmok
Ako ba’y pagkain lang ng uod na gutom?”

Oh kaibigan, akin na lang nasambit
Huwag kang bibitaw at higpitan ang yong kapit
Ang mundo ay di perpekto, ang laban ay di patas
Panalangin sa Taas, gawin **** sandata at lakas.

Kung ikaw ay susuko, tagumpay ba'y makakamtan?
Ang iyo bang paglisan ay kaligayahang inaasam?
Tumayo ka nang matatag at sa buhay ay lumaban
Ano ba't ang lumbay ay sadya ren paparam...
Be kind to everyone. Everyone has his own battle.
wizmorrison Aug 2019
Pinagmamasdan ko siya.
Nilapitan ko ng dahan-dahan.
Inamoy-amoy ang kanyang buhok.
Kinuha ko ang kanyang mga damit.
Hindi ko mapipigilan... siguro nasisiyahan lang akong malaman na akin lang siya.
Hindi siya sumigaw, hindi nanlaban.
Nakaupo lang siya pero nakatungo.
Ako ang una mo ako rin ang panghuli.
Ako lang dapat, wala nang iba.
Wala na siya...
Habambuhay.
Siguro nasobrahan lang ako sa selos.
Kaya ngayon wala na siyang emosyon.
Paulo May 2018
Sabik na sabik sa bawat sandali na makita ka
Puso kong galak na nagsusumayaw sa tuwa
Mga mata kong nangungusap binabanggit na sana'y ikaw na nga
Ang tanging iibigin at sa puso ay sana di na mawaglit pa

Ika'y nakatalikod ng biglang lumingon
At ako ay nabighani na para bang wala ng kahapon
Sabay sigaw ng aking pangalan
Ako naman ay tumungo at ika'y nilapitan

Sa bawat pagdaan ng araw tayo'y nagkakausap
Mga mata kong di maipaliwanag ang kislap
Ako naman tong sobrang tuwa at laging nagsisikap
Upang mapasaya ka at balang araw ay mayakap

Gitara't awitin para sa unang akyat ng ligaw
Tsokolate at rosas para sa ikalawang dalaw
Ililibre ka ng paborito **** mangga at isaw
Lahat ng yan di ako mapapagod gawin

Umaasa sa matamis na oo na isasagot mo sakin
Mangangakong hindi ka sasaktan at lolokohin
Sa lahat ng kaibigan at magulang ay ipapakilala
Irerespeto kita ng taos puso at walang pagdududa

Ngunit lahat ng yan ay tila nagbago
Dumating ang isang umaga at ika'y biglang naglaho
Hindi nag paalam kung saan patutungo
Hanggang ngayon eto ang aking pusong nagdurugo

Ako ay di magsasawang mag hintay sa iyong pagbalik
Umaasang sayong pisngi ako'y makakahalik
At igugugol lahat ng oras at sandali
Di na mag dadalawang isip at mag aatubili.
Naranasan mo na bang umibig tas bigla nalang syang naglaho't hindi nag paalam? Check this out. By yours truly
MarieDee Dec 2019
Noon halos magtiklop-tuhod ako sa paghanga
At inaasam na ang pag-ibig mo'y makuha
Tila ang isang tulad mo'y napakailap
Ang ibigin mo'y isang pangarap

Hanggang sa ikaw'y dumating
At ako'y iyong natutunang mahalin
Ngunit sa paglipas ng panahon
Puro bangayan at galit ang sa aki'y itinuon

Ikaw'y nilapitan at tinanong kung bakit
Ngunit pagkibit ng balikat ang aking nakamit
Walang gatol na ikaw'y sumagot
Sinabing ako'y iyo nang nalimot

Biglang nahinto at di alam ang gagawin
Ito'y napakasakit sa damdamin
Mga mata'y nagtatanong at masinsinang nag-uusap
Bakit ganon, mawawala ang lahat sa isang iglap?
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.
Jasper Jul 2019
Sa pagitan ng isang salamin kami'y unang nagkatagpo
Tila walang ibang nakikita habang tanaw siya sa malayo
Kaunting hakbang nalang ay patungo na ako
Ngunit napuno ng kaba at hiya, sapagkat unang beses ito.

Isang binibining marilag at may kaayusan
Na ang kaniyang kaanyuan ay kapita-pitagan
Malumanay niya akong tinungo at nilapitan
Na para bang kami ay mag-uusap ng masinsinan

Lumipas ang bawat sandali na kami ay magkasama
Habang dahan-dahang inilapat ang kamay sa kaniyang palad
Nilibot ang paligid, tanging siya lang ang nakikita
Mahinay ang takbo ng oras, na sa layo ng nilakbay ay parang nagpapahinga

Malapit na matapos ang panandaliang pagsasama
Habang ako'y pilit na tinalunton ang bawat hakbang niya
Dumating ang pagkakataong magpapaalam na
Lunos ang biglang nadama, sapagkat iyon ay una.

Sa larawan na aming kinuhanan nang kami ay magkasama
Ika-pitompu't anim na araw ng tatlong daan at animnapu't lima
Siya ay aking nakausap, nakasama, at nakita
Subalit hindi nasabihan ng isang mahalagang salita

Sa nag-iisang larawan na pilit kong iniingatan
Bumalik kami sa dati na sa telepono'y nag-uusap na lamang
Kung may pagkakataon ay agad siyang pupuntahan
At sa pagkakataong iyon, ay mahigpit siyang hahagkan

Sa isang imahe ng larawan na aking itinatangis
Nag-iisang larawan na lubos kong ninanais
Subalit sa kasalukuyan ako'y patuloy na nagahis
Sapagkat ang imaheng iyon ay imaheng puno ng hinagpis

Hinagpis sa una naming pagkikita
Sa matagal na paghihintay ay muli ng nagkasama
Handa akong maghintay at maglakbay ng ilang milya
Mangyari lamang ulit ang matagal ko ng adhika.
Michelle Yao Dec 2017
Nung ika'y aking nakita,
pakiramdam para sayo ay wala,
Ngunit di nagtagal,
Naglaro si kupido at tadhana.

Pinana ng pana ni kupido
at binaluktot ni tadhana
landas nating dalawa

Isang araw, nakita kita sa isang tabi,
ika'y nilapitan at pinangiti,
Hnaggang isang gabi,
Puso'y di mapigilan, sinigaw sayo
Mahal kita, aking sinta!

Nung naging tayo.
Walang umangal ng kung ano,
Hanggang sa dumating ang araw na
tayo'y pinaglayo.

Hindi kinaya ang pagkukulang,
kaya winakasan,
sapagkat sandata ng kalawakan,
oras at distansiya ating kinakalaban.

Bakit kailangan ganito?
Pero anu pa bang magagawa ko?
Huli na lahat, para ipaglaban ko,
pag-ibig na binalewala ko.

Kasalanan ko,
Pagdurusang dinaranas ko.
Makalipas ang taon ay nakita kita
Nilapitan, kinulbit sabay "oy kamusta"
Di ko alam kung baliw ako at ba't ko yon ginawa
Naging awkward ang paligid, puta antanga

Di ko alam ang gagawin, gusto kong tumakbo
Pero ngumiti ka't sumagot "uy okay lang ako"
Lakas ng kabog ng dibdib, "puta ano to"
Di ko namalayan aking nasabi "tara kain tayo"

Habang kausap kita tila ba't nanginginig ako.
Nagpapawis, natataranta, habang nakikipagusap sa'yo.
Nalulula at para bang nagsisimulang maliyo.
Ewan ko ba kung bakit nangyayari pa ang mga ito.

Paglipas ng oras ay nalimutan ko na.
Napagtanto ko na para bang bumalik sa umpisa.
Kay lalim **** mata at labing kaypula.
Talagang di ko maiwasan kaya ako'y napatitig na.

Ayun! Hahaha naiintindihan ko na.
Habang ako'y nakatitig sa mukha n'yang kay ganda
Tumpak, tama! Wala ngang nag-iba.
Oo gusto kita. Gusto. parin. kita.
- first poem ko na tagalog, sobrang cringe pero this was written mid g8 - grade 9
50 Dahil sa masidhing panibugho
Ng pumangalawang natalo

51 Kung anu-anong balak na mabagsik
Ang sa isip isiniksik

52 Buong loob isasakatuparan
Ang kalapastanganan

53 Isang gabing marilim
Baon ay patalim

54 Nagtungo sa prinsipeng nagpapahangin
Sa may bandang baybayin

55 Kanila itong nilapitan
Tinutok patalim sa lalamunan

56 Ibinangka at ibinalot sa lambat
Siniklot at inihulog sa dagat.

-06/25/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 149
Vincent Liberato Mar 2018
Dungaw sa pula
Isasalaysay ng mga tula
Nilapitan sa wala
Alaala'y nagiging bula
Kinabukasan sila'y tulala
Bakit ko ginawa 'yun bigla?
Naiisip mo ba?
Nakakalula... nakakalula,
Sapagka't walang kinabukasan ang isang pariwara.

— The End —