"natigilan" poems
*Kaibigan, naalala mo pa ba?
Ang araw na lagi tayong magkasama?
Ikaw at ako, tayong dalawa,
ay masayang naghahabulan sa may kalsada.
Kaibigan, natatandaan mo pa ba?
Nagkasakit ka't sa iyo'y walang nag-alaga?
Mabuti na lang naroon ako.
Walang araw at gabing inalagaan kita.
Kaibigan, hindi mo ba nakalimutan?
Ang pagtangi kong mahal pala kita?
Nagulat ka, at napaurong ang dila.
Natigilan, natahimik, at mulagat ang mata.
Kaibigan, sa tingin mo ba?
Naiwaksi ko sa aking isipan na,
Mahal mo ako noon pa,
At hindi mo iyong sa'kin ipinagkaila.
Kaibigan, sampung taon na pala?
Ikaw at ako ay buhay pa.
Kahit uugod-ugod at matanda na,
Pagmamahalan natin ay tunay na dakila.
Kaibigan, mahal na mahal kita...*
Dec 26, 2015
Dec 26, 2015 at 2:56 PM UTC
Isa, dalawa, tatlong yapak sa putik.
Isa, dalawa, tatlong lubog sa tubig.
Isa, dalawa, tatlong pugpog ng alikabok sa aking mga paa.
Hindi ako marunong magsalita ng Tagalog.
"Roel! Bilisan mo naman maglakad, patay tayo kay Ginang Cruz." Sambit ni rey.
"Oo sandali lang natumba ako sa putikan."
"Ang lampa mo kasi." Nagtawanan kaming lahat pagkwa'y tumakbo nang ubod bilis.
Mga kamag-aral ko sila. Palagi kaming magkakasabay sa paglakad sa umaga patungo sa eskwela. Natutuwa ako sapagkat masaya silang nag-aasaran kahit hindi ko naman maintindihan ang sinasabi nila. Nahihiya ako kaya nag-eensayo ako sa bahay o habang kami ay naglalakad, pabulong-bulong, ginagaya ang pagbikas ng bibig; ang pagsara, ang pagbukas.
Mga kamag-aral ko sila. Isang buong grupo kami na wari ba'y batalyon ng mga sundalo na handang sumabak sa giyera; may putik ang laylayan ng pantalon at basa ang mga paa.
Uy malapit na kami sa eskwela, ilang hakbang na lang; tumakbo sila, gayundin ako, mabilis. Nagpatuloy sila ngunit ako'y biglang huminto.
"Oo nga pala, hanggang dito na lamang ako", mahinang sambit sa sarili. Natigilan ako, lumiwanag ang mukha at sumilay ang tuwa. Tumakbo ako papalayo sa eskwela't papalapit sa palayan kung saan tutulong ako sa anihan. "Marunong na ako magsalita ng Tagalog!" Sigaw ko sabay yakap sa mga aanihing palay. Salamat sa mga kasabay kong maglakad tuwing umaga, salamat sa mga kamag-aral ko sa kalsada.
Sep 21, 2017
Sep 21, 2017 at 10:02 AM UTC
Nakita ko ang sarili kong naglalakad sa pasilyo ng kawalan at makaraa'y sinisid ang karagatan ng katanungan, nasaan ako? hinanap ko ang kasagutan, mapa o daan sa bawat ingay na binibigkas ng mga tao sa paligid ko. At kahit nasanay na'y natigilan ako, pero kasi hindi pwede 'to.
Nabuo ko na naman ang pangalan mo.
pasensya na pero sa tuwing ako'y nawawala sa landas o nararamdaman kong lumalayo ako binibigkas ko ito sa pag asang ibabalik ako nito sa kaharian na gawa sa mga ngiti at tawa mo na mag-isa kong binuo o simpleng papunta lang sa tabi mo.
Naliligaw ako, hindi ko alam kung saan pupunta o kung may paroroonan man lang ba, pero patuloy akong maglalaboy at tatakbo sa realidad na gusto na kita, tatakbo sa nararamdaman pero lilingon paminsan minsan dahil umaasa ako, kahit walang kasiguraduhan, hinahanap mo rin ako dala ang isang lampara. Umaasa ako na ikaw nga ang mapa, ibubulong ko sa hangin ang mga salita kasabay ng isang malalim na buntunghininga.
"Asan ka na?"
Jun 3, 2016
Jun 3, 2016 at 2:04 AM UTC
Hindi kailan man umiba ang pintig ng puso,
Pusong ikinabit sa mga emosyon,
Emosyon na hindi malaman kung bakit nagsimula,
Nagsimula at bumuhay sa magugulong pangarap,
Pangarap na magmamahal ngunit hindi kayang isuko,
Isuko ang puso para sa iba.
Iba, iyan sila. At iba ka rin sakanila,
Sakanila na nagsasabing darating din ang araw na magmamahal,
Magmamahal ng buong puso at kaluluwa,
Kaluluwang hindi sigurado kung totoo nga ba,
Totoo nga bang may kahati ka,
May kahati ka, at ako nga ba?
Ngunit lumipas ang panahon,
Panahon na nasayang sa paghahanap sa tutugon,
Tutugon sa kaisipang itinatak nila sa isipan,
Sa isipan kong naguguluhan.
Ngunit aking napagtanto,
Napagtanto na hindi lahat iibig sa alam nilang paraan,
Paraan kung saan ang dalawa o higit pang tao ay pupunan ang kakulangan,
Kakulangan na sabi nila'y mabubuo lamang,
Mabubuo lamang kapag nagtagpo ang mga pusong natutong magmahalan.
Ngunit paano nga ba magmahal?
Magmahal ng isinusuko ang lahat,
Lahat na gagawin ko rin sa aking mga kaibigan,
Mga kaibigang handang pakinggan,
Pakinggan tulad ng pakikinig sa boses mo,
Sa boses mo na tila tumugon sa boses ko,
Sa boses ko na bigla nalang din natigilan.
Ngunit hindi ito para sa'yo,
Sa'yo kung saan may nagpatigil ng tinig ko,
Tinig ko na nagtatanong nanaman,
Nagtatanong nanaman kung bakit tila may mali sa sariling pagkakakilanlan,
Pagkakakilanlan sa puso at sa pagmamahal nitong alam.
Isang araw gumising nalang,
Gumising nalang at napagalaman,
Napagalaman na maraming paraan ng pagmamahal,
Pagmamahal na posible minsan,
Minsan... o siguro nga'y kadalasan,
Kadalasan ay iba ang pagkaunawa,
Pagkaunawa sa pag-ibig na pilit nilang itinatatak sa isipan.
Aug 30, 2020
Aug 30, 2020 at 5:05 AM UTC
Patay sindi ang ilaw sa kwarto. Bawat pagsindi ay napuputol ang tulog na mga limang minuto pa lamang ang tinatagal. Kaluskos mula sa kisame ay pilit na sinasawalang bahala.
Ang salamin sa aparador sa paahan ng aking kama ay mistulang naggiging larawan. Mayat maya'y nagkakaroon ng imahe ng isang babaeng naka trahe de boda. Balingkinitan ang katawan, bagsak ang balikat, bahagyang nakatungo't walang bahid ng kagalakan sa kanyang mukha. Ilang saglit lang ay mawawala. Dali-dali akong tumayo at binuksan na lamang ang pinto ng aparador. Ihinarap sa pader ang salamin, sabay balik sa aking kama. Ang loob ng aparador na lamang ang aking nakikita. Wala na ang babaeng nakaputi, di narin nagparamdam muli. Nawala narin ang nakakabahalang kaluskos sa kisame. Ang ilaw ay nanatiling nakasindi.
Alas-tres na ng umaga nang ako ay nakatulog. Nagising ng alas-sais at nagmamadaling naligo't nagbihis. Iniligpit ang gamit sa bag, nagsuklay at napaharap sa salamin. Natigilan. Nakasara na ang aparador.
- March 15, 2010, Vigan
Mar 16, 2010
Mar 16, 2010 at 1:34 AM UTC
"hello, kamusta?"
kataga na kay tagal kong hinintay
kung hula mo'y ilang buwan
sablay
dahil taon ang hinintay ko
upang makita sa loob ng kompyuter ko
ang mga katagang "hello, kamusta?"
at kung sa mas eksaktong sukat
ay walong taon
halos ka-edad ng batang marunong ng sumagot sa magulang
may sariling aksyon at pagiisip
at kung iisipin
hindi sana tayo ganito
kung sumagot tayo sa magulang natin dati
o kung may karapatan na tayo dati
kung mas inuna natin ang aksyon na gusto
kaysa sa aksyon na mas nararapat
sabagay
hindi rin naman dapat sila sisihin
dahil bata pa tayo noon
mas bata tayo noon ng pitong taon
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
ay natigilan ako
kaya ka ba nagpaparamdam
ay dahil kaya mo ng tumayo
salungat sa gusto ng iba
patungo sa mas gugustuhin mo
o isa ulit itong pagsawsaw
ng iyong paa sa rumaragasang damdamin ko
kagaya ng ginawa mo
pitong taon nang nakalipas
nilubog ng kaunti ang iyong damdamin
para lamang malaman
na hindi lahat ng gusto mo ay pwede mo nang kunin
at agad agad **** hinugot ang iyong pagtingin
na para bang hindi din ako sumawsaw
nagpaanod
nalunod
sa sakit ng rumaragasang tadhana
na noo'y inakalang
kayang suungin
para lamang malaman ko na hindi ka pa pala handa
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
isa ba itong tanda
na handa ka na
na kaya mo na
panindigan
ipaglaban
magpaanod
malunod
sumuong
ano
mas masakit di 'ba
na malamang mayroon na akong iba
"hello, kamusta?"
Oct 19, 2019
Oct 19, 2019 at 4:01 AM UTC
Nagsisimula nang humakbang ang aking mga paa,
Ilang sandali na lamang ay masasaksihan ko na,
Na mararamdaman ko na ang pakiramdam na tayong dalawa ay magiging isa,
At habambuhay na itatatak sa puso na tayong dalawa ay magkasama.
Sa suot kong kulay puting kasuotan ako ay nakangiti,
Habang dahan-dahang naglalakad patungo sa iyong tabi.
Hindi ko mapigilang mga luha ay umagos mula sa aking pisngi,
Ito na nga ang pinakakahihintay kong pinakamasayang sandali.
Parang kailan lang nang una kitang masilayan,
Dito sa dalampasigan ay mag-isa kang nag-aabang habang ang mga mata ay nasa karagatan.
Naka-upo sa buhanginan at pinagmamasdan ang kalangitan,
Malalim ang iniisip at hindi ko maarok ang kailalaliman.
Nang ika'y lapitan, sa mga mata mo'y pansin ko ang kalungkutan,
Ako ay natigilan pagka't hindi ko alam kong nararapat bang tuklasin ang iyong pagkakakilanlan,
O hahayaan na lamang kitang pagmasdan o basta na lamang kitang iwanan.
Ngunit nang ika'y magsalita, nangyari ang kabaligtaran at doon nagsimula ang ating mahahabang kuwentuhan.
Sinong mag-aakalang sa isang tulad ko ikaw ay pakakasal?
Konserbatibo at mahiyain na ang tanging alam ay mula sa kabihasnan?
Hindi katulad **** Inglesero, palabiro, at hindi mabilang ang kapintasan?
Pero kinalaunan, lumabas din ang natatago **** kabaitan at kasipagan.
Ilang hakbang na lamang ang lapit ko sa iyo,
Pero humahagulgol ka na, inuunahan mo na naman ako!
Magkagayunpaman, mahal ko ang isang tulad mo,
Dahil sa iyo, nabuo ang isang tulad **** ikaw at ako!
Oct 20, 2018
Oct 20, 2018 at 10:06 PM UTC
Makulimlim na umaga
Sa pasilyong aking kinatatayuan
Bigla akong natigilan
At ika'y aking pinagmasdan
Sa iyong kaastigan
Sya namang amo ng iyong kagandahan
Sa iyong pagdaan
Kasiyahan na dulot ang aking nararamdaman
Umaasa ako'ng nawa'y mapansin mo
Kahit ang laman ng puso mo ay 'di ako
Nabighani mo ng iyong kainosentehan
Ang pusong palaging natatanggihan
Ngiting Maria Clara
Sagot ng iyong labi
Kahit 'di tayo magkapareho ng lahi
Ikaw parin ang aking minimithi
Simpleng tugon ko na ako'y mapansin mo
Pero ang laman ng puso mo ay hindi ako
Kaya sana'y malaman mo
Na kahit di mo ako gusto
Ikaw parin ang hinahanap hanap ko
Mayroon sana akong sasabihin sa'yo
Huwag na huwag mo sanang mamasamain ito
Ipangakong di ka magbabago
Sa ipagtatapat na nadarama ko
Ako'y umiibig at di na kaya ng dibdib
Araw-gabi'y naiisip
Kung tama ba ito o mali
Kung itatago ba ito sa minamahal ko o hindi
Ako man sa iyo'y may lihim na pagtingin
Akin di'y tinatago baka sa aki'y lumayo ka rin
Ngayong alam ko na ako'y itinatanggi mo rin
Asahan mo na habang buhay kitang iibigin
Feb 21, 2019
Feb 21, 2019 at 6:22 AM UTC