"namugad" poems
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.
Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.
Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.
At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso,
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.
Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?
Bihag ka na ngayong walang kalayaan,
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian.
Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.
Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako.
Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.
Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.
Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.
O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.
Yaong sinag nito’y ganap na tatapos,
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos,
niring mga matang namumugtong lubos.
Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.
Maghihintay ako sa gitna ng dusa,
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.
Maghihintay akong di hadlang ang pagal,
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.
Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.
©Raffy Love Canoy |May 2019|
May 28, 2019
May 28, 2019 at 6:21 AM UTC
Hindi ko mapigil / aywan ko kung bakit
Na bumaling sa’yo / nang paulit-ulit
Ilang beses ko mang / ipikit nang pilit
Didilat ang mata’t / magkukusang-titig
Sa bawat pagtitig / ay nanahimik
Ang lihim ng isang / sumaging pag-ibig
Sa bawat pagbaling / ay may pagnanais
Na masilid ikaw / sa diwa ko’t isip
Sa libong pagbaling / at libong pagpihit
Ang katumbas nito’y / pagsintang malinis
Nang dahil sa iyong / gandang nilalangit
Ang pihikang puso’y / nahaling nang labis
At ang larawan **** / sa aki’y umakit
Namugad sa puso’t / naging panaginip
Dahilan sa isang / ninakaw na titig
Mga puso nati’y / dagling napaibig
Jul 18, 2016
Jul 18, 2016 at 9:19 AM UTC
O Obleng ibig, ba’t ka inusig?
Binusalang higpit iyong bibig
Mata’y hinigop na parang tubig
Tenga’y sinuntok hanggang matulig
Dinakma’t dinurog mga bisig
Ng mga buwetreng manlulupig!
Dugo’y ‘lang habas na umiilig!
O Obleng pantas, ba’t ka ginago?
Itinuring kang peste’t bilanggo
Dura’t ihi sayo’y pinaligo
Sa hanap **** mga pagbabago
Ika’y lagi nalang binibigo
Ng sayo’y namugad na mga kwago!
Tinutuka habang dumudugo!
O Obleng bituin, ba’t ka piniga?
Laman mo’y ngitim sa pamamaga
Pinipilipit ka’t inuuga
Pangalan mo’y ipinansisiga
Kaylinaw na hangad kang ihiga
Ng mga ahas **** inaruga!
Duguang Oble! Ganti’y ibuga!
-04/03/2007
(Dumarao)
*just feel
Aug 24, 2019
Aug 24, 2019 at 2:03 AM UTC