Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
Pusang Tahimik Feb 2019
Mga balang nagliliparan
Sa lahat ng panig nagpapalitan
Sa mga sandaling hindi mapigilan
Buhay ang binabayaran

Sigaw ng isa ay kalayaan
At ang kabila ay kayamanan
Sana'y mayroong hangganan
Hiling ng mga nasusugatan

Isusugal ang lahat upang makamit
Ang bagay na iginigiit
Nang puso na lahat ay ipagpapalit
Upang masumpungan ang mas lalo pang higit

Sa kalayaan ay walang pag-big
Dugo ang kanilang tubig
Armas ang kanilang bibig
Dahas ang nakasulat sa mga bisig

Ang pag kitil nga ba ang sagot
Sa lahat ng ating mga sigalot?
Tila ba lubusan nang nakalimot
At sa sanlibutan ay nagmistulang mga salot
-JGA
J Guillermo Apr 2016
Sana makapaghabi ka ng magarang tula
gamit ang tira-tirang retaso ng puso ko
Maiibsan ang kirot sa pagkakaalam
na muling mapakikinabangan
damdaming nagmistulang basahan

Heto pa ang mga luma kong luha
Tambak, nagkalat, 'di na alam saan nagmula
Kiluhin mo na't gawing sining
Nang may malugaran,
sariwang luhang nagbabadya pang dumating
Ayoko nang maging Pambansang Alipin ng Feelings, please lang.
kingjay Dec 2018
Nadatnan sa sahig nakahandusay
Ilan taon pa lamang noong una natapilok
Sa paghuwego ay naglibang
Nakalimutan ang sandaling sablay

Bumaba ang araw na nasa taluktok ng kampana ng simbahan
May iskarlatang busilak
Ang dagundong nito ay ang pagpaparaya sa mga bata na ginigiliw ng kanilang ina

Ikandong ang wasak na damdamin
para makahinga
Nilulumot ang gasera sa guwang na pandama
Di matinag ang pagkawalang

Ipaubaya sa daungan ng mga hiling
ang pahapyaw na pinapanalangin
At doon din makahanap ng silungan
Samantala nalalagasan ng supang ang Sampaguita
Malungkot ang kanyang talaarawan

Nagmistulang sinulid ang kaligayahan
na ipang gamit sa paghabi ng ala-ala
Sa kalayuan maaninag na nagluningning
Ngunit kapag sa prontera may pilat na mapusyaw
RLF RN Nov 2015
Ilang taon na ang nakalipas
ng huli kong masilayan
ang haplos ng pag-asa.
Ang paghangad na makapiling ka,
na siyang nabaon lamang
sa alikabok ng kahapon.

Halintulad sa isang bangungot,
ang sakit at pait na kanyang dinulot.
Kahit anung pagsusumidhing magising
ang gawin, hindi matanggal-tanggal
ang sakit at bakas ng pag-asang
paulit-ulit na binigo.

Sa mataimtim na panalangin,
sinubukan kong idaan.
Huwag lamang bumitiw
sa pangakong dala ng pag-asa.
Sa bandang huli, subalit
akin ring napagtanto,
mga naturing na panalangin,
para bang mga salita,
na isinambit lamang sa alapaap,
hindi dinidinig ng nasa Itaas.

Kaya't ako'y sumusuko na.
Tama na. Sukdulan na
ang pighati ng aking puso
na umaapaw sa kirot,
na nagdurugo dahil
sa ipinagkait na pag-asa.

Parang isang pilas na papel,
na sinulatan at minarkahan
para lamang lukutin, itapon, at
nagmistulang balewala --
walang isinulat at hindi sinulatan.
112415

Siyang tinalikdan ang sarili't
Inagos ng sariling mithiin,
Nagpatangay at yakap ang iilang kalansay,
Maging dibuho ng winaldas na pagkatao.

Doon sa eskinitang hindi na masilayan
At sa mitsa ng pamumukadkad ng bukas,
Siya'y nagmistulang ahas
Nanunuklaw ng estrangherong
Minsan na rin siyang binalasubas.

Hampas lupa --
Walang malalaking pader ang di nagpayanig,
Sablay man ang agos at may iilang nakaligtas,
Wari naman nila'y siya'y magbabalik.
At sa pasunod pang yugto,
Sila'y magsisipang-tampisaw
Sa putik na uhaw sa sansinukob.
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas
Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig
Ang mga balitang may madalamhating panimula.
At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma
Sa kahon at sa lilim ng Malacanang,
Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.

Ginuguhit ko sa aking isipan
Ang paulit-ulit na malalaking tuldok
At ang kani-kanilang dugtugngan
Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan
Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi
Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.

Natatandaan ko pa noong elementarya,
At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan
Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito
At sabay-sabay na susugod at lulusob
Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.

At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili
Ang mga imahe sa realidad
Ay wala naman akong kakayahan
Para pigilan ang tadhana sa pagkitil
Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.

Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon
Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal
At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto
Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan
Ay magsisilbi namang pamana
Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.

Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan
Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala
Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat.
At marahil bukas o sa makalawa'y
Sabay-sabay din tayong magbunyi
Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.
M e l l o Jul 2019
lulubog lilitaw
haharap sa'yo
tila kahapon
hindi nagkasakitan
mangangamusta ngayon
bukas wala na naman
ang gulo mo
ano ba talaga ang sadya mo?
andito ka na naman
babalik na tila
parang wala lang
maawa ka naman
utak ko naguguluhan
mga mensahe kong iyong binabalewala
kahit seen hindi mo magawa
parang tanga nag-aantay
may pag-asa pa ba o wala?
kaya ako'y titigil na
sa kahibangang kay tagal kong inalagaan
tatakbo palayo
sa anino **** nagmistulang
naging multo na ng nakaraan ko
Poem of the day. July 28
Thank you to my new officemate her stories inspires me to write this poem. Sabi ko na sayo isusulat ko to.
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
Cathleen Sy Jul 2018
Hustisya para sa amin,
Pakinggan ang aming mga dalangin.

Pera ang nagmistulang daan para mamulat sa katotohanan,
Na ang aming kinakasama sa araw araw ay nagbabalat kayo.

Ipinangako at ibibigay ang lahat para sa’yo,
Ngunit nasaan na nga ba ang ito?

Ngayon pinagsisihan na ang lahat,
Marahil hindi na alam kung sino sa kanila ang tapat.
sarrahvxlxr Oct 2017
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Sa mga araw na itinigil natin 'yung oras para ipaalala sa isa't isa
Na dito—sa sandaling 'to tayo masaya
Dito nagmistulang alapaap 'yung mga nararamdaman natin
Sobrang taas nating lumipad
Hindi natin napaghandaan 'yung ating paglagapak
Sa mga araw na malulugmok tayo
Sa sakit
Sa poot
At ako
Sa pag-asang maibabalik pa 'yung mga araw na lilipad tayong muli
Ngunit
Hindi
Tandang-tanda ko 'yung araw na ipinilit kong pabilisin 'yung oras
Hanggang sa marating ko 'yung araw na matatanggap kong hindi ka na babalik
Ngunit
Hindi
Hindi ko pa ata kaya
Hindi ko pa ata kayang dumilat isang araw nang hindi ka kasama
Kaya kahit 'yung sakit papatulan ko na
Naririnig ko pa rin naman 'yung pagtibok ng puso mo
Ngunit papahina na nang papahina
Dahil palayo ka na nang palayo
Gusto ko naman marinig ngayon 'yung tunog ng pagbabalik mo
Para lang maipaliwanag mo sa 'kin kung kailan unang nalagas 'yung mga pakpak natin
O kung aling hangin 'yung nagtulak sa'yo pababa
Dahil hindi ko maintindihan
Hindi ko maintindihan na kahit ilang beses ko nang itiniwarik 'yung mundo nating dalawa
Hindi ko pa rin mahanap 'yung dahilan kung bakit tayo biglang kumawala sa isa't isa
Hindi ko rin naman masabing iniwan mo ako sa ere
Dahil wala na naman ako sa itaas
Na'ndito na ako sa ilalim ng mga alaala nating hinayaan na lang natin sa isang tabi
Nang hindi sinusubukan na dagdagang muli
Na'ndito ako nagpapadagan sa mundo
Habang patuloy lang nang patuloy sa pag-ikot 'to
Na'ndito ako sumasabay sa agos ng sarili kong luha
Na'ndito ako hinihila 'yung sarili ko pababa
Pahingi naman ako ng isa pang pakiramdam
Hindi 'yung puro na lang lungkot
Puro na lang pait
Pahingi ako ng galit
Sige, kahit inis o kahit yamot
Na kung bakit ako lang 'yung naiwang nagmumukmok
Higit sa lahat
Pahingi pa rin ako ng pag-asa
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Pusang Tahimik Feb 2019
Kumusta mga kabataan
Na pag-asa bayan,
Ano ang dahilan
Aral ay napabayaan?

Isip ay nalason
Ng banyagang layon
Alisin ang tuon
Sa aral ng nayon

Nasaan ang tinig
Ng tunay na pag-ibig
Sa bayang natitigib
Ng mapanirang bibig?

Tila ba nakalimot
Puso ay ibinalot
Sa bagong aral na pulot
Nagmistulang mga salot

Walang pagmamahal
Bayan na ng mga hangal
Nasan na ang dangal
Na turo ni Rizal?

Halika na't magising
Simulang tanawin
Ang nagdaang ningning
Ng Araw at Tatlong Bituin!

JGA
Inspired by Jose P. Rizal "Sa Aking Mga Kabata"
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
081721

Bagamat dumadaplis lamang sa atin
Ang mga palaso ng kalaba’y
Hindi moog ang ating mga damdamin
At hindi rin bulag ang ating mga pananaw
Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.

Gaya ng durungawang nakasilip
Ay bukas na rin ang ating mga isipan
Sa mga di kanais-nais na mga patibong
Na ilang ulit inilagan sa katahimikan.
Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel
Na madaling napunit at bumigay
Buhat sa walang awang pamimihasa
Ng mga ahas at linta sa lipunan.

Tila sila’y nakasilid na lamang
Sa kahong hindi de-baterya
Habang tayo’y nagsisilipat
Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.

At habang tayo’y nananatiling panatag
Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan,
Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal
Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap
At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang
Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.

Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y
Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao.
Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating
Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa
At sana’y kaya nga nating patahimikin
Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.

At sa ating paghimlay sa ating mga kumot
Ay sabay din silang mangungulila
Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay
At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t
Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.
John AD Jul 2019
Nakakasawa na ang klima ng panahon sa aking utak
Pabalik-balik na ala-ala sa nakaraan
Nagmistulang Pawis ang Luha kong tumatagaktak
Palihim sa ilalim ng kaulapan sa aking isipan,

Nagiisa na lamang madalas , Di masilayan ang sikat ng araw
Katog na aking Dibdib , Uhaw parin sa pagmamahal
Tag-ulan nga ba sa kagubatan o inulan ako ng kalungkutan sa Tahanan?
Kinakalaban nga ba ako ng aking Isip , o Sadyang Hindi ko na kayang buksan ang Pinto ng kinabukasan?

Tahan na o Tara na sa Tahanang Katakataka ang Puhunan
Kaibigan kong pinagkakatiwalaan , Di nila ako Maramdaman!At
Madalas o Minsan ako'y nagiging sisa ,
Madalas din o Minsan ako'y Nagiisa,

Kapag ako'y nagiisa , nakakagawa ako ng Lubid sa aking isipan
Paano kaya kapag iniwan ko na ang Mundong ito?
Makikita ko na kaya ang Kulay ng "Buhay ko"
O Magdidilim lang muli ang Kulay ng "Buhay ko".
Patawad sa mga Ginagabambala ko
Tuwing Humihingi ako ng tulong sainyo
Minsa'y inisip ko na  aabala ko kayo,
"Nilalason ako ng isip ko o sadya nga bang totoo"
Bryant Arinos Feb 2021
Ikaw ang araw na nagiging dahilan ng pagbangon ko
Ang gumigising pagtapos masilayan ang madilim na tanawin sa pagtulog ko
Ang kasabay ngumiti ng liwanag na sumilisip sa aking bintana
At ang simbolo ng kagandahan tuwing umaga

Kung tutuusin ay inggit ako sa ulap at kalangitan
Sila ang lagi **** kasama at nahahagkan
Tila sila ang nagbibigay sayo ng hinahanap **** ligaya
Habang ako nama'y kahit titigan kay hindi kaya

Laking pasalamat ko sayo reynang araw
Dahil ikaw ang gabay ko sa aking paglakbay
Ang nagmistulang lampara sa daanan ko tuwing gabi
At ang kahalili ng buwan na sinasamahan ako tuwing walang katabi

Mahal kong Sol, kapag dumating ang araw na ika'y pagod na
Kapag ang iyong init ay di ko na nadadama
At ang sarili **** liwanag ay magtatago na sa likod ng kawalan
Maaari mo ba akong balikan at muling hagkan?

Kung di man dumating ang umaga na ikaw ay umahong muli
At maipakita sakin ang kagandahan **** natatangi
Maaari bang silipin mo pa rin ako at gabayan?
Kahit nagtatago ka na lamang sa likod ni luna kapag sa gabi siya'y nakaharang

Di na rin naman natin malalabanan ang panahon at tadhana
Kaya kung dumating ang oras na ika'y napagod nang lumutang sa mula sa silangan
Ako'y mananatiling kakaway sa mula lupa
Habang ninaais kang pagmasdan kahit na silaw na sa inyong kagandahan

Huwag mo sanang ipagkait sa akin tuwing umaga ang napaganda **** ngiti
Gisingin mo pa rin ako nang may tuwa at galak sa aking mga labi
At bigyan ng init sa tuwing uulan at lalamig
Dahil yan na lamang ang matitira kong alala mula sa iyong pag-ibig

Sol, wag ka sanang mapagod na ipakita ang iyong liwanag
Hayaan **** samahan ka ng mga kaibigan **** ulap
Takpan man nila ang natatangi **** tanawin ng sanlibutan
Alalahanin mo sanang mayroon pa ring ako na naghihintay sayo sa ilalim ng kalangitan.
zee Oct 2019
Mga kantang nagpapaalala ng kasaysayan ng ating pagmamahalan;
Prosa at tulang ikaw at kwento nating dalawa ang nag-iisang paksa;
Ang pait at sakit sa bawat pagsambit na ‘di ka na muling manunumbalik;
Luhang nagmistulang mga talon hanggang sa natuyo na lang paglipas ng panahon;
Bawat araw na lumilipas ay naiipon na lang tulad ng mga pangako ng kahapon
At nang dumating ang araw nagpasiya kang bumalik; hindi na maramdaman ang sabik
Tuluyang napagod na at namanhid sa sitwasyon; hindi na ako muling aasa
Na masimulang muli ang istoyang ikaw mismo ang nagpasyang ito ay wakasan.
Michael Apr 2018
Isang gabing makasalanan
Ang ating pinagsaluhan
At ang ating mga katawan
Ay nagmistulang isang palaruan
Akala mo tayong dalawa'y nasa isang inuman
At ang iyong katawan ang aking pulutan

Sa ilalim ng mga bituin at buwan
Tayo'y parang naging magkasintahan
At ang mga maiinit nating haplos ay nagbibigay sa'tin ng kaligayahan
Habang ang mga pawisan nating katawan
Ay ating ginamit upang ang init na ating nararamdaman ay maibsan
Ang uhaw sa romansa na aking nararanasan iyong pinunan

Mistula tayong halamang tuyo sapagkat kulang sa dilig
Alam kong walang tayo at sa atin ay wala ang salitang "pag-ibig"
Pero  sa sarap na ating nararanasan ay tila walang makakadaig
Alam kong hindi lang tayo ang tao sa daigdig
Kung kaya ang iyong bawat ungol at halinghing
Ay tila isang musika na may magandang himig

At ngayon na malapit nang magtapos itong ating gabi
Kasabay rin nito ang isang pahiwatig na hindi ko na mahahalikan ang iyong labi
Hindi ko na rin mapapadaan ang aking kamay sa iyong makinis at maputing binti
Sapagkat ito'y isang paghuhudyat na ika'y malapit nang umalis sa aking tabi
At tila isa na rin itong pamamaalam sapagkat tayong dalawa’y hindi na magkikita pang muli
Malalim na ang gabi
Habang sumisimangot ang alaala.
Ngunit magka ganoon ma’y
Kaya itong patahimikin
Ng pabulong na paghikbi
Ng ulang isinalin sa garapon.

Ang alat ng karagata’y
Syang sumalo sa mga binhing magagaspang.
At nagmistulang mga pamaypay ang mga alitaptap
Sa kanilang pagsalubong
Sa pira-pirasong bangkang nilamon ng dagat.

Ang kumot na walang hangganan
Ay nagsilbing maskara
Upang pansamantalang hilumin
Ang tinaboy at isinuka ng naglalagablab
Na hindi nakasusunog.

At ang apoy na taglay nito’y
Sya ring naging panghilamos
Ng pininta ng kidlat at kalangitan
Na syang sumuklob sa kanyang pamumuno.

Walang numerong mailimbag
Buhat sa sapilitang pagnanakaw
At pataksil na paglisan
Ng mga abong naging multo.

At doon naging pamatid-uhaw
Ang mga halik na ipinagtagpi-tagpi
Ng mga luhang maalat at walang direksyon.

Tila ito na ang pagmartsa
Ng kani-kanilang mga multo
Patungo sa libingang walang mga pangalan.
Silang mga walang mukha
At tanging abong ipinag-isa sa karagatan.
Ace Jhan de Vera Sep 2019
Tigilan na ang pagluha,
Wag sirain ang bagay na binuo mo,
Sa tagal mo nang humahara sa pagsubok,
Ni isa walang nakapagpabuwal sayo.

Madami ka ng naidilig sa lupa,
Ilang bulaklak na ang iyong napatubo?
Gamit ang iyong mga kamay,
Ang mga bubot ay nagmistulang mga rosas.

Hindi mapagkakailang mahapdi at masakit,
Ang ang bulaklak sa iyong hardin,
Hindi ka na makalapit,
Pero tandaan maari pa siyang pagmasdan
Kahit malayo, iyong alalayan.

Ngunit darating ang panahon,
Puso’y maghihilom,
Tatagan lamang ang dibdib,
Saluhin ang sarili gamit ang sariling bisig.

Kakayanin mo ito,
Wag ka pagagapi,
Kaya tahan na,
Wag hayaang,
Ang mga multong ginawa sa para sarili,
Makapasok sa tahanan pa.
JD May 2018
Alam mo bang itong luhang pumapatak saking mata,
Nagpapakitang ako'y nasaktan ng sobra,
Pero kahit ganito aking nadarama
Puso'y ka'y sakit pero mahal parin kita

Ilang araw na akong umiiyak
Araw araw pinupunasan ang luhang pumapatak,
Dahil sa pusong tila ba'y nababasag
At buong pagkatao'y nagmistulang wasak

Hindi ko alam kung san pa ba ako tatakbo
Gayong wala na kong malalapitan pa kahit sino,
San ko ba pwedeng ibuhos ang mga luhang to,
Wala ng iba kung hindi sayo, ngunit wala ka pano na ako?
Christien Ramos May 2020
Minsan, ang ulan na
ang naging pampatulog mo.
Hinehele ka ng mga pagpatak sa bubong;
ng makulimlim na langit;
ng lamig ng panahon.
Siya ang nagmistulang uyayi
na nangungulila sa pagkakataong
mapakinggan.

— The End —