"matangay" poems
Isang minuto,
kahit isang minuto lang,
para matitigan ko pa ang kislap
ng iyong mga mata,
isang minuto,
isang minuto lang,
pipilitin ko lang maramdaman
ang pintig ng iyong pusong
sumigaw ng mahal mo ako,
isang minuto,
isang minuto pa
para tanggaping imposibleng
maging tayo.
Oo, mahal kita,
susulitin ko ang bawat minutong
hawak-hawak ko pa
ang iyong mga kamay,
mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin
hanggang sa maubos man ang tinig
o ang ating himig,
mahal kita
at sana'y minahal mo rin ako.
Isang minuto,
isang minuto lang bago ako umalis,
isang minuto
para mahagkan ka muna,
isang minuto para masabi sa'yo
ang bawat katagang nakaukit
sa pinakakasulok ng aking puso,
mga katagang nais maipabatid
itong nahihikahos na damdamin,
mga emosyong mahirap ipaliwanag,
at bawat bugso ng gunitang
nasa bahaging ang meron lang
ay ikaw at ako,
pero walang tayo,
mga gunitang kahit ilang takipsilim
man ang lumipas,
di pa rin kayang mabura
o kahit man lang
matangay ng mga luha.
Mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin,
dito sa mundong walang kasiguraduhan,
ako'y maghihintay pa rin,
isang minuto,
isang minuto lang
bago ako bumitaw,
oo, bibitaw ako,
pero di ibig sabihing di na kita mahal,
iiwan ko lang ang puso ko,
bibitaw ako dahil
kahit gaano pa kasakit
ang makita kang masaya sa piling ng iba,
hangad ko lang
ang iyong kaligayahan sa piling niya,
lalayo ako para lumaya ka,
lalaya ka at lalayo papalapit sa kanya,
pero isang minuto lang,
oo, isang minuto pa,
at pagkatapos nito'y kakalimutan na kita.
Mar 1, 2016
Mar 1, 2016 at 6:01 PM UTC
umuulan nanaman pala.
paglipas ng takipsilim ang akin isipan ay patuloy na binabalot ng kadiliman. ilang oras nang naninimdim sa gabing lumalalim. kasabay ng pag buhos ng ulan ang pag agos ng mga luha na dulot ng kalungkutan, umaasa't naghihintay pa rin sa iyong muling pagdating. naiinip at kung minsan pa'y napapailing, kailan kaya muling makakapiling? ilang nakaraan na ang lumipas subalit ang puso'y patuloy pa ring kumakaripas. naiwan sa 'king isipan ang mga bakas **** pilit kong tinatakasan. mga alaalang bumabalik sa mga yakap at halik mo'y patuloy akong nananabik.
umuulan nanaman pala.
kasingtulad mo ang isang paparating na ulan; darating, magpaparamdam at pagkatapos ay mawawala lang din pala. hindi ko maiwasang hindi maging malungkot sa sakit na iyong idinulot. ang paglakas ng ulan ay siya ring pagkirot ng sugat na iyong iniwan. nakagapos pa rin ako sa iyong mga pangakong napako, gabi-gabi pa ring nararamdaman na para bang nakapaloob sa sako.
umuulan nanaman pala.
maalala ko na naman ang sugat na aking napala. luha ko'y patuloy na sumasabay sa pag agos ng ulan subalit lungkot ko'y hindi pa matangay. nararamdaman ko ang lamig ngunit mas nararamdaman ko ang muling pagyanig. mahal pa rin kita, sinta. ngunit gusto kong ika'y kalimutan na. subalit paano? sa tuwing umuulan ay ikaw ang aking naaalala. paano ba matatapos ang paghirap na nadarama? kapag kaya sa wakas, ang ulan ay tumila na? matagal na rin pala. siguro'y panahon na upang sarili ko naman ang aking unahin at palayain. para sa ikalalaya ng aking pusong iniwan, para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan.
sisimulan ko na— sisimulan ko nang makalimot.
pero teka lang muna—
umuulan nanaman pala.
'wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala.
huwag naman sana dahil—
dahil—
maaalala na naman kita.
Nov 3, 2020
Nov 3, 2020 at 3:20 PM UTC
Pagmasdan mo ako.
Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.
Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.
Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?
Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan
ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.
Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.
–
Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.
Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.
Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.
Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.
Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.
Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.
Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.
Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.
Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,
na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
Jan 6, 2020
Jan 6, 2020 at 10:15 PM UTC
Gumuhit ng tula at sa bote'y inilagay,
Inilapit sa dagat at sa alon ay isinibay.
Sa langit umasa na iyong matangay,
Itong apat na taludtod na sa'yo ay inalay.
Ako ay humihiling, na sana'y 'yong malaman,
At kahit na bitin, aking panghahawakan,
At aking dadamdamin ka at ipaglalaban,
Alon man ay dumating, ako ang makakapitan.
Bundok ay tatawirin, kahit na masugatan,
Dagat ay lalanguyin, pipilitin kong lumutang
Ikaw lamang ay marating, at aking masilayan
Sa mukha mo'y may ngiting, abot sa kalawakan.
Ikaw ay sasagipin, hindi ka pababayaan.
At kahit na palihim, ako'y maaasahan.
Sa'kin ay tumingin, ikaw ay maniwalang,
Na tuwing dumidilim ang karagatan, ikaw ang s'yang liwanag.
Jul 5, 2020
Jul 5, 2020 at 2:15 PM UTC
Ilang taon na rin ang nakalipas,
Mula noong una kong masilayan;
Ang kislap ng iyong mga mata,
Nangingibabaw sa mga ilaw sa daan.
Naaalala ko pa lahat -
Puno ng kaligayahan, kapayapaan.
At ngayon, ikaw at ako.
Tila hindi na magkatagpo.
Sana hindi matangay ng pagbugso,
Itong dinadala ng aking puso.
Feb 24, 2019
Feb 24, 2019 at 2:48 PM UTC
Tumilaok na ang manok
Kasabay ng pilantik ng mga bibig
Halika tayo'y maghanda
sabayan mo ako sa almusal
Pinakuluang Mura at paghiyaw
huwag kang magalala hindi iyan hilaw
sa katunayan tama lamang ang timpla
Mapait pait at masakit sakit
Minsa'y nakasasanay na rin
Halika tayo'y maghanda
Pupunta sa isang lugar na tila selda
Kung saan bawat kilos ay nakalagda
Mataas lamang ang marka
kung ika'y masunurin at maganda
Huwag kang magalala mababait sila
Bawat ibigay mo ay susuklian nila ng lima
Halika tayo'y maghanda
Bawat minuto ay pagsubok
bawat hininga ay pagkapit
Kapit , lumapit upang hindi matangay ng agos
Kung ang bawat pagyapos ay nakalalapnos
Halika tayo'y maghanda
teka, hindi pa ako handa ngunit
Araw ay sisikat
hindi ka na muli pang didilat
malaya ka na;
Jun 15, 2019
Jun 15, 2019 at 9:45 PM UTC