Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
George Andres Aug 2016
Isang babae ang sumakay sa V. Mapa
Maikli ang buhok at kayumanggi
Nakapulang T-shirt at maikling shorts
Tsinelas na plastic ay may takong

Ang jeep ay mahaba, bago at maingay
Balahaw nito ang malakas na tugtugin
Ang barker ay mala trenta maging ang driver
Kung umasta ay tinedyer

Ang musika ay hindi musika
'Pagkat hindi lahat ng sinulat ay babasahin
Ni musika ang lahat ng tugtugin
Hindi musika kundi basura

Ang babae ay sumabay sa saliw ng tugtog
Kumanta nang may emosyon
Walang hiyang ikinampay ang kamay
At winasiwas ang yapos na sako

Hindi pa siya nagbabayad
Malamang wala siyang pera
Hindi siguro iyon ang dahilan ng tawanan
Sa kanya'y marahil may kakulangan

Nawala ang nagwawalang kanta
At nanahimik rin ang aba
Tulala sa kawalan habang may minamantra
Bakit kaya kabisado niya ang kanta?

Kung mayroon mang makapagsasabi
Ano ang nasa isipan ng isang tao
Na hindi rin masasabi kung ano
Paanong ang pag-unawa'y matatamo?

Sila ba talaga ang wala sa katinuan?
Kung sila ang ating pinagtatawanan
Kung mga mata nila'y walang bahid
Pahid ng alinlangan at pagdududa

Naririnig din ba niya
Sigaw ng barker sa kalsada?
Nararamdaman din ba niya
Dampi ng tubig ulan

Naiisip niya kaya
Kung ano ang kinabukasan?
Nagmamadali rin ba siyang makauwi
Dahil may exam kinabukasan?

Bumaba siya sa harap ng arko
Tumalon at masayang nagsayaw sa gitna
Tinunton ang daan sa Teresa
Di namalayang nariyan na siya
Sa patutunguhan niya
8416
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
kahel Jul 2016
Naglalakad ako pauwi nang makita kita sa isang tabi.
Umiiyak.
Humahalakhak.
Lumalaklak.
May hawak na bulaklak.
At humihiling sa bawat talulot na pipitasin ay sana hindi ka niya iniwan nang wasak.

Nilapitan kita agad at tinabihan.
Dinamayan ka sa lamig.
Ang mga binti **** sa sobrang tagal nang nakaupo ay namimintig.
Walang salita o tunog na lumabas sa aking bibig.
Kundi ang mga tenga lamang para makinig.
Sa pagkwento mo habang ang boses mo'y nanginginig.

Sabay nating pinanood ang pagbaba ng araw.
Kasama sa paglubog ang galit na umaapaw.
Napatitig ako sayo at napabulong na wag ka sanang matunaw.
At nagtataka na bakit mayroong tao na sayo ay umayaw.
Biglang tumibok ang puso ko ng laktaw-laktaw.
Nagpapasalamat na natanaw kita at ako ay naligaw na parang langaw.

Kinalaunan ay napatahan ka kahit saglit lang.
Napasaya kahit saglit lang.
Nabawasan ang sakit kahit saglit lang.
Nakalimot sa problema kahit saglit lang.
Nakasama ka kahit saglit lang.
At naging parte ng mundo mo kahit saglit lang.

Hinatid ka para ligtas na makauwi at nagtanong ka kung paano makakabawi.
Makita ka lamang ngumiti, ang abala ay mapapawi.
At sana, kung okay ka na talaga.
Kapag natulog ka at ipipikit na ang mga matang namamaga.
Ay malaman mo na ang iyong tunay na halaga.
At matuklasan ang pagmamahal na pang-sayo lamang ng buong buo.
1.
Noong unang panahon, dumalaw ang isang diyosa
Sa bagong kapapanganak na ina
Na ang bagong silang na sanggol ay biniyayaan
Ng mga bertud na may kapangyarihan
(Once upon a time, a goddess visited
A mother who has just yielded
A newborn infant who was blessed
With amulets wherein powers are wielded)

2.
Ang ina ay nagsumamo sa diyosa
Na biyayaan ng mahabang buhay ang anak niya
(The mother to the goddess implored
For a long life to the child she labored)

3.
Hindi sumagot ang diyosa
Pero ikinwintas niya ang agimat sa bata
(The goddess did not answer
But a necklace to the child she did wear)

4.
Sa kwintas nakasabit ay tatlong bato
May taglay na kapangyarihan ang mga ito
(The stones are the necklace’s pendants
A power in them enchants)

5.
Ang isa ay nagbibigay-lakas, sa pangalawa ay bilis naman
At sa pangatlo’y proteksiyon sa kapahamakan
(The one grants strength, speed is by the second charm
By the third protection from harm)

6.
Ang nasabing sanggol si Biuag ang ngalan
Siya ay tubong Enrile, Cagayan
(The said baby is Biuag by name
Enrile, Cagayan is from where he came)

7.
Kaya niyang bunutin ang isang puno
Na kaydali para lang siyang nagdadamo
(He can uproot a tree
Just like weeding so easily)

8.
Kaya rin niyang lumangoy nang matulin
Maging mga buwaya’y ‘di siya kayang habulin
(He can swim so fast
Even crocodiles through him can’t get pass)

9.
Nahulog narin siya sa lugar na mataas
Subalit walang natamong anumang gasgas
(He even fell from a high place
But didn’t obtain any bruises)

10.
Dahil sa mga kapangyarihang ipinamalas niya
Mga tao’y dinayo siya at sinamba
(Because of powers by his showmanship
To him people came and worship)

11.
Sa kabila ng lahat, malungkot si Biuag
Dahil ‘di niya makuha ang napupusuang dilag
(Despite of all, Biuag is desolate
Because the dear maiden he can’t get)

12.
Ang nasabing babae sa Tuao ay katutubo
Hindi tanyag ang nilalang na ito
(That lady in Tuao is indigenous
This creature is not famous)

13.
Noon din ay may binatang katulad ni Biuag
Malakas, makapangyarihan, hindi duwag
(At the same time like Biuag was a man popular
Strong, powerful, not coward)

14.
Malana ang tawag sa kanya
Taga-Malaueg, Rizal ang magiting na binata
(Malana is he being called
From Malaueg, Rizal is this bachelor bold)

15.
Noong labing-walong taong gulang siya
Nilangoy niya ang ilog na maraming buwaya
(Eighteen years old when he was
Swam he the river with lots of crocodiles)

16.
Ito ay upang kumuha ng pagkain
Mula sa malayong lupain
(This is in order to get fodder
From a land that’s farther)

17.
Para sa mga nasalantang tao
Ng nagdaang bagyo
(For the people devastated
By a typhoon that thrusted)

18.
Nang makauwi si Malana
May nakita siyang isang pana
(When Malana returned home
Saw he a bow and arrow)

19.
At nang kanya itong ipukol sa hangin
Sa kanya ang bala’y bumalik din
(And when on air it was thrown
To him the arrow returned)

20.
‘Di naglaon kanyang nabatid
Na ang sandata’y may kapangyarihang hatid
(Soon it came to his awareness
That the weapon a power possesses)

21.
Siya rin ang iniirog ng dilag
Na kinahuhumalingan ni Biuag
(It is him also liked by the maiden
To who Biuag has fallen)

22.
At nang matuklasan ni Biuag na si Malana ang napupusuan
Hinamon niya ang karibal sa isang labanan
(And when Biuag learned that Malana is the beloved
To a fight his rival he challenged)

23.
Nagimbal ang buong bayan
Sa katakut-takot na labanan
(The whole nation felt horrible
Upon the terrifying battle)

24.
Higanteng buwaya ginamit ni Biuag
Babaeng gusto pinagsabihan siyang duwag
(Giant crocodile Biuag utilized
Coward is he said the lady he liked)

25.
Dahil doon, si Biuag ay napahiya
Sa huli, kanyang nilunod ang sarili niya.
(Because of that, Biuag was embarrassed
Drowned he himself at the very last).

-08/17-18/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 222
VJ BRIONES Jul 2018
Tapos na ang araw
Dumilim na ang kalangitan
Dumating na ang buwan
Nagliparan na ang mga bituin
Kasabay ng pagdating ng pagod
Sa napakahabang araw


Nagmamadali sa paglakad
Pagaspas ang takbo ng mga paa
Di matigil sa paghabol ng hininga
Para lang makauna sa pila at makauwi na


Mapupungay na mga mata
Walang pakialam kahit kanino
Binabangga kung sinu-sino
Nilalampasan ang mga tao
Na parang nag-aalay lakad
Hindi man lang humingi ng tawad

Kahit nabangga sa bilis ng hindi pag-iwas
Walang Pake kahit makasakit
Basta ang sarili ay makasiksik
Sa Tren,
Sa Bus,
Sa jeep,
Sa trike,

Unahang makauwi
Okay lang kahit nakatayo
Pero mas maswerte kung minsan nakaupo
At kapag may babaeng nakatayo
Pasensya na pagod ako
Pasensya na ganito ako

Nakakainis
Nakakabwisit
Kanina pako nagsasalita
Hindi parin ako nakakauwi
Nandito parin ako
Ambagal ng takbo
Ang bilis ng oras
Naipit sa daloy ng trapiko
Parang hindi nausad
at walang progreso
Parang walang katapusang byahe
na kalyeng naging preso
Tulog na ang iba, nagpapahinga
Pero ako nandito pa
Sa gitna ng kalsada
parang pagong ang pasada
Nang mga sasakyang parang gamu-gamo
Sisiksik pag nakakita ng puwang at espasyo


Tiis nalang at makakauwi din tayo
Matatapos din ang takbo nito
Hihinto sa destinasyon ng ating tahanan
Makakarating din sa ating pupuntahan
Hindi kailangang magmadali

Dahil ito ay walang katapusang
Byahe ng ating buhay
At bukas sabay nating itong sakyan

Wag po tayong magtulakan
Lahat po tayo makakauwi sa ating pinanggalingan
Hindi natin kailangan madaliin
Ang byahe na walang katapusan
kahel Aug 2016
Para tayong nasa isang jeep,
May iba't ibang pupuntahan.
Mayroon doon sa malapit, sa kabilang kanto o sa dulo ng bayan.
Hindi magkakakilala pero iisa lang ang layunin.
Ang makarating sa pinaroroonan.

Para tayong nasa isang jeep,
May nagmamadali, may chill lang.
Naghihintayan at nagmamasid...
Kung sino ang unang magbabayad ng pamasahe.
Kung kanino i-aabot ang pamasahe.

Para tayong nasa isang jeep,
Ayaw umupo sa pwesto malapit sa driver dahil may instant trabaho na agad
Taga-abot. Taga-bigay.
Kailangan sumigaw para marinig.
Kumapit ng mabuti para hindi mahulog.

Para tayong nasa isang jeep na walang ibang ginawa kundi ang makipagtitigan.
Habang ang ating mga mata ay nag-uusap at nag-kikislapan.
Para tayong nasa isang jeep na handa makipagsiksikan para lang makauwi.
Habang ako, sayo ay wala ng espasyo .
Kasya pa ako pero mas pinili **** pasabitin na lang ako.

Na traffic lang tayo saglit bigla ka na lang pumara at sabay baba sa buhay ko.
Na parang nakalimutan mo ilagay sa bag ang baon mo
O kaya naman di ka sigurado sa direksyong patungo
Hindi ko na nakita ang mukha mo dahil sa kapal ng usok na buga ng tambutso
At hindi ko man lang naibalik sayo ang sukli mo,
Nahawakan ang mga kamay mo at napigilang maglaho.
081716

Inagaw ko ang silya kay Itay,
Nagdabog at nagkalansingan ang hain Niya;
Nilisan Siya kahit may habilin pa.
Nagmamadali ako, ayokong mahuli.
Pero ang oras, Siya pala ang Eksperto.

Nadapa, nasugatan --
Umiyak ako sa sobrang sakit.
Di bale nang pagalitan ako ni Itay,
Gusto ko lang talagang makauwi.

Kaya't bumalik ako,
Hindi ko napigilang mas umiyak pa
Nang yayain Niya ako sa Hapag-kainan.
"Kain na, anak."
Parang walang nagbago.

Alam ko, bawal ang "Tayo"
Kaya umupo ako sa silyang alok Niya.
Saka na ako tatayo,
Ayoko na kasing mauna.
Bahala na si Itay.
w Nov 2020
101
Noon, ang tanging kinakatakutan ko lang ay ang hindi makatulog sa hapon
Ang mahuli ng magulang na tumatakas para makalabas at makipaglaro
Ang matakot sa mga kwentong multo na gumagala tuwing alas tres ng madaling araw
Ang manuod ng horror na pelikula at matulog na bukas ang bombilya pagkatapos
Ang dumilat at sumilip sa ilalim nang kama

Noon, natatakot lang akong makakita ng pulang marka sa aking papel
Ang hindi makasagot sa pagbigkas sa nakabusangot at nakakatakot kong titser
Ang mahuling nakikipag daldalan sa katabi kong kaklase
Ang hindi makauwi sa tamang oras na binigay ng magulang

Natatakot ako sa mga maraming bagay
Ngunit nagiba narin ang mga bagay na kinakatakutan ko sa mga taong lumipas
Mas lumaki na sila at mas naging matapang
Mas naging matulis ang mga pangil at humaba ang mga binyas, ang buhok, ang kuko
Mas bumilis, mas lumiksi
Mas mahirap nang labanan

Hindi na pwedeng basta idaan sa pagtulog at pagtakas
Hindi na basta basta napapatay ng liwanag na nanggagaling sa bukas na ilaw ang takot
Hindi na rin nawawala ang takot sa pag balot sa buong katawan ang malambot na kumot
Hindi na madadaan sa pagsiksik sa pader upang hindi mahila ang mga malamig na paa sa nagtatagong takot sa ilalim ng kama
Krysel Anson Sep 2018
Salitang Ingles na ginagamit para sa mamamayang nagbibigay-ingat
at nagbabantay sa mga tumatawid na mga manlalakbay
sa pagitan ng mga mundo.

Habang niyayanig ng mga kontradiksyon, panatiliin
ang sarili, tapusin ang mga paglalakbay ng walang patid,
Hindi dahil walang patlang, kung hindi dahil kabahagi ng pagsuong
maski dilim, patlang, at kawalan.

Patuloy na tumuklas at buuin ang sariling praktika,
hanggang tuluyang matutunan
kung paano tahimik itong pakawalan ng walang pag-iimbot o pagtanggi
sa Lawa na nagbabaga sa pagal ng mga kaluluwang
hindi na makalapag at makapagugat sa ilalim ng lupa,
ngunit hindi rin makauwi sa pinangakong lupa, langit at tubig
na ngayon ay isang lotto ticket, SDO, at mga gawa-gawang karapatan.
Ayon din sa matatanda, hindi ito mababago, at nabubuhay tayo para makidigma at patuloy na tumaya.#
English translation to follow.
kahel Feb 2020
mahal,
piliin mo lang ako sa araw-araw,
pangako,
wala ka ng dapat alalahanin,
hintay ka lang,
damhin ang lamig ng hangin,
kapit ka lang,
sabay tayo tatalon sa bangin,
pikit ka lang,
magtiwala ka’t hindi ‘to alanganin,
ako ng bahala,
sapagkat kahit saan man ako mapadpad at makarating
pipiliin ko pa din makauwi sayo gabi-gabi.
pag-gising sa umaga at pag-tulog sa gabi, ikaw lang ang gustong katabi.

— The End —