Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sy Lilang Mar 2016
032116

Tutugon iyong kamay
Sa musikang natural na naririnig.
Pagkat sa una **** pagtapak sa eskwela'y
Turo na yan nila Ma'am at Sir --
Ilagay mo raw ang kanang kamay sa puso
At saka umawit ng Lupang Hinirang.

Habang nagkakamuang ka't nilisan ang kamusmusan,
Doon mo mas natitimbang ang liriko ng kanta.
Tila baga kaylalim ng hugot ng may akda nito,
Pagkat sa bawat linya'y, bibilis bawat pintig ng puso mo.

Perlas ng Silanganang ninais **** sisirin.
Alam kong wari mo'y bakit tatsulok ang mayroon sa Pilipinas.
Ang mga mahihirap, patuloy na naghihirap.
At mga mayayama'y mas nagsisiyaman pa.
Nababagabag ka ba sa istilo ng pulitika?
O minsan ninais mo ring mangibang bansa na lamang?
Para sa higit na salapi't oportunidad.

Nag-aalab pa ba ang puso mo para sa dangal ng Bayan?
Buhay ay langit pa ba pag kapiling ang bansa?
O ito'y pinausukan na ng modernong pambobola't pagmamanipula?
Taglay mo pa ang pagmamahal,
Na siyang tutulak sayo para manatili sa Bayan
At lumaban at tumayo sa pagkatawag mo?

May kumpas pa ba sa puso mo
Ang kislap ng watawat?
Tagumpay pa ba ang pahiwatig nito?
O ika'y nagpapainda sa paghahatak talangka ng iilang Pilipino?

Masasabi mo pa ba't matatayuan
Ang linyang, "ang mamatay nang dahil sayo?"
Gaano kaalab ang puso mo para sa Bayan?
Walang Pilipinas, kung walang Pilipino.
Walang Pilipinas kung wala ka't wala ako,
Walang Pilipinas kung wala tayo.
Ibalik natin ang tunay na diwa ng pagka-Pilipino!
John AD Aug 2018
Kailan kaya mamumulat ang mga pilipino at iwasan ang pag ka ganid sa salapi
Kailan kaya matutupad ang pangarap kong mahirap mangyari
Sa sarili , bayan , at sa aking mga kababayan na masarap ang tulog sa gabi
Nasan na kaya ang mga kaibigan ko dati na nagbibigay saya palagi?

Puno parin ba nang hinagpis at sakit ang mga puno na puno ng kalungkutan?
Kamusta na kaya ang mga taong hindi na nakaalis sa kalungkutan at patuloy na nahihirapan?
Ang konsensya kong patuloy na gumagambala sa akin tuwing ako'y nagiisa
Hindi ko naman gusto ang mga nangyari , tuloy parin ang paggalaw at hindi paralisa

Bigo man ako sa mga bagay , patuloy parin at sinubukan gumawa ng paraan para makatulong sa bayan
Wala man dumating at magpasaya sa akin , patuloy parin sa pagrespeto sa kapaligiran
Malabo nga bang imulat ang isipan ng aking mga kababayan o nasisilaw lang sila sa kayamanan
Na nanggaling sa kasakiman ng iilang gahaman sa ating bayan

Ang sarap sa pakiramdam mamuhay ng simple at walang ipinaglalaban kundi ang pamilya at minamahal
Mga simoy ng hangin na sariwa at walang teknolohiya na gumugulo sa ating mga isipan kailanman.
Huni ng ibon , magagandang tanawin sa bakuran at paggalang sa nakakatanda na bihira nang mangyari sa kasalukuyan
Ang daming pangarap na mahirap matupad , kapag hindi natupad ang aking mga pangarap hanapin ninyo ako sa lupang aking tinamnan ng puno na aking  inukitan,habang lumulutang ang aking katawan na nakatali ang abaka sa aking leeg dala ng kabiguan.
iamtheavatar Oct 2016
Lubhang mapanganib
ang sinumang daig
ng isang dayuhan umibig
sa 'di sinilangang bayan.

O, anong poot at sigalot
ang kanyang itinanim
sa Kaluntiang nagbigay-lilim
sa kanyang murang katawan,
Upang silaban at yurakan
ang kabanalan ng kasarinlan

Ang magkapatid ng pisi
ay 'di dapat magtunggali,
Ngunit ang isang bayaran
ay masahol pa sa kawatan

Kaya ako'y nananawagan
sa maringal kong Haring Bayan,
O, kanyang tipunin
Mga anak ng Dakilang Lahi,
Handang paglingkuran
ang lupang kinamulatan

Pagkat ang aking lupang kinamulatan
ay isang makatang manunulat,
Siya ay bukal ng kaluwalhatian,
Angkan ng kayumangging balat

Samakatuwid, bigyang pansin
ang nagngangalit na damdamin
ng Sinaunang Mandirigma,
Sa awit ng himagsikan
dumaloy ang himig ng dangal,
At sa kalupkop ng kanyang sandata
lumigwak ang kagitingan
magpasahanggang kamatayan,
Sa ngalan ng kalayaan

**iamthe_avatar ©2016
A poem for the great Filipino people.
Sy Lilang May 2015
Pinuro* ang lupang *buhangin ang kulay
Mga yapak, pawang sadsad sa konsensya
Nagpapawis ang sarili
Pati mata’y may butil na di sadya.

Gamit ang sariling lakas,
Babaunin ko sana *
ang bughaw na nakaraan
Bagkus *kumikinang ang dibuhong

Sampal sa pagkatao.

Hindi ko sya matitigan
May kurot sa puso
Kahit minsa’y walang emosyon.

Mabuti pa sya
Yakap na ng Ama
Habang ako’y makikibaka pa
Pagkat paglisan ko rito’y
Buhay ko naman
Angpagtitibayin
Susulong ako na parang leon
Ngunit walang pangil
Pagkat sa kahirapan pa rin
Dadapa at magpapaagos
*Matalim ang kamndak nito.
Dahil sa hirap ng buhay, may mga taong pag nawalan na ng hininga, hindi mapaubayan ng serbisyo panlibing. May iilang sariling pawis ang yapak sa pagbaon sa kapamilyang nang-iwan na.

Alay ko ito sa aking ama na mismong naghukay at naglibing ng aking tiyuhin. Bunsod sa pagdarahop, ganoon na lamang ang pighati. Iniisip ko, ang hirap pala talaga maging mahirap pero salamat sa pusong sugatan na umaakay nang may kusa.
Sy Lilang Jun 2014
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
Nagkalat-kalat na mga lupain
Tayo sa kanya’y mga panauhin
Nangag mula sa isang lipi
Ganda niya’y sa puso namutawi

Oo nga’t siya’y marikit
Mga biyaya sa kanya’y di pinagkait
Minsa’y tinaguriang perlas ng silangan
Nakilala bilang ating Inang bayan

Lupain nang mga datu’t mandirigma
Ng prinsesa’t mandirigmang si Urduja
Mababanaag sa kanyang mukha
Katapatan, respeto’t mga paniniwala

Iningatan ng mga mapagbiling ninuno
minahal at niyakap nang taos sa puso
itong lupang ating pinananahanan
ating pinangalagaang lubusan




Minalas nga’t nilingon ng mga dayuhan
Lupang itinago ng mga karagatan,
Dala daw nila’y kaligtasan at kapayapaan,
Yun pala’y hangad nila ating bundok na yaman

Españang eskultor nang kapalaluhan
Tagapagdala ng mga salot ng kinabukasan
Baboy na mga putting inutil
Mga lapastangang mga kanluranin!




Tinuran nilang Indio’t mangmang
Dinuraan at sa putik ay pinagapang
Pinayuko’t pinaluhod  sa Niñong santo
Santong pinambulagan ng mapaglilong demonyo!

Alipin nila kung pandilatan,
Mga uto utong pinagkikindatan
Likas na mga katutubong maamo
Tiningala silang kaibigang totoo

Nakaambang mga tigre’y inamo’t pinatulog
Pinaamo nang mabagsik na mga kulog
Sa bagsik ng pluma’t itak
Napukaw mga mandirigmang hinamak


Gitlang mga hilaw na labanos
Nagsipag kuha ng mga pistola’t español na naghihikahos
Di inakalang mga Indio’y matututong lumaban
Gumising para sa kapakanan niya’t kalayaan

Estrelya ng pag-asa’y kanilang nasilayan
Sinambot ang kamalayan at kanlurang katuruan
Sa mga ganid na Kastila’y inihain
Balaraw ng karunungang matalim

Ritaso ng nakaraan, ngayon at kinabukasan
Piagtagpi tagpi, tinahi’t tinapalan
Mga pulo’y pinaglapit
Mga puso’t hanari’y naging isa kahit saglit

Epiko ng ating pinagmula’y muling nabuo
Ating lahi’y tumayo’t hinarap ang mundo
Laking galak na lamang natin sa pluma ni gat Jose Rizal
Sa kanyang dunong na nagmula sa Maykapal.
Sy Lilang May 2014
Ako’y modernong karpintero
Sa henerasyong baon sa utang,
Hindi pa man isilang,
Ang kamalaya’y limot at simot na.

Puros kalyo ang latay
Sa pares na kamay
Na ang sigaw ay pagbabago
Diktahan man kahit demokrasya pa,
Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.

May direksyon ang pagdisenyo
Pahalang sa kapwa-tao,
Samantalang ang kabila’y
Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa
Patungo sa ulap at bituin
Kung saan naroon raw ang Maykapal.

Narito ako sa kanilang tagpuan
Tatawid sa kalyeng hindi masilayan
Bingi sa sanlibutan
Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.

Narito ako,
Sa sentro’y may hanap-hanap
Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin.
Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan
Ramdam maging sa tadyang
Na akin daw ay pinagmulan.

Kung mararapatin lamang
Ng lupang minsa’y naging gintong bayan
Na pang-habambuhay siya’y lisanin
At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.

Walang karapatan ang takipsilim na uminda
Pagkat ang Haring Araw
Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal,
Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.

Niyapos ko ang buhok
At pinahid sa mansanas, sa mangga’t
Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.

Ako’y tumakas
Tangan ang sandata ng buhay;
Pakuwari ko’y walang himagsikan
Ang siyang muling sisiklab
Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.

Puting papel at plumang walang tinta
Ang iniwan sa akin ng Ama
Hindi ko mawari sa paanong paraan ba
Maililimbag ang isusulat nitong pluma.

Ngunit ang tukso
Na madungisan ang pahinang puti
Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari,
Alam ko, balang araw
Mapupunan ito, hindi ng salita
Bagkus ng larawang sa sansinukob
Ay hahagkan ang bawat nilalang
Itatas muli ang bandila -
Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.

(5/23/14 @xirlleelang)
Krysel Anson Sep 2018
I.
Time passes, another
batch of refugees and migrants. Cities turn into
new houses of gambling and vicious cycles.
Some say only machines can speak clearly
and most humans have lost what they have earned
throughout all this time, just right on schedule.

To own our language,
and the relationships it sets into motion,
we learn painfully, repeatedly like sunrise
and sunsets.
Claiming our own spaces and demons
hidden in our conveniences and reflex routines,
and learning the tricks that has kept peoples
from fully healing from broken promises
and betrayals throughout time.

We own up to our language and its demons
every day and night that we toss and turn
into something feasible, edible, livable.


II.
Iba ibang uri ng digma.
duguang kasaysayang binabaong buhay
binubura ang lakas at memorya tulad ng siyudad
ng Songdo sa South Korea na ang ibig sabihin
ay "city with no memory".

Ito din ang isa sa mga modelo para sa New Clark City
na tinatayo sa Luzon. Sa dalawahang mga pamamaraan
ng mga naghahari-harian, nakikibaka ang anakpawis,
nakikibaka ang kamalayan ng pagpapasya at pagwasto
sa mga pagkakamali, na paulit-ulit na sinusubukang
patayin sa iba ibang mukha.

Mula pa sa panahon ng mga lolo at lola noong 1940s
hanggang ngayon, patuloy ang mga pag-eexperimento nila at paggamit ng panlilinlang  at dahas, sa ngalan ng kalusugan, edukasyon at batas, upang ipain ang buhay sarili, lasunin ang lupang kinakain ang sarili. Kung hindi tayo mag-aaral at mag-iingat din, tayo mismo ang papatay sa mga sinisimulan. #
English translation to follow. Work in progress.
Sy Lilang Mar 2016
032116

Sumayad ang takong ng apat na kandidato
Hindi para mangalakal at maghain
ng kani-kaniyang plataporma.
Alay ang boses para sa nagkakalansingang masa,
Habang magbabanyera ng laway ng pananalita.
Tagisan, ika nga
Tahasang pagbubukambibig ng motibo sa bayang
May kinabukasan pa.

BINAYubay nga ba ang Pilipinas naming mahal?
Sa FOI na minsang itinapo'y ano ang tugon?
Hampas-lupa ba ang mga Pilipino
Para magbulag-bulagan
Sa binulsang kaban ng bayan?
Yang pambobola nyong haing 5Ps
Saan nga ba ang liderato ng ngiting may bungisngis?
At sa pagbaba ng tax, maibabalik nyo ba
Ang nasa bangko ninyong
May iba't ibang ngalan?
Sagot ba ang waivers at ilang kasulatan?
Kamusta naman ang assets nyo at liquidations?
Sana'y hindi maging makati ang mga kamay,
Gawin **** mala-Makati, wag lang ulitin ang pangangati.

Mala-Talk Back and You're Dead,
Yan ang peg ng kamandag ni Duterte.
Palabiro raw sya't matalas ang dila,
Bagkus ang masa'y panay ang tugon sa kamao niya.
Kamay na bakal, iyo bang ibabalik?
Sabik nga ba sa Death Penalty ang kinauukulan?
Sa posibleng anim na buwan ng iyong pag-upo,
Sana'y malinis ang minsang Tuwid raw na Daan.
Posible bang dahas ang kasagutan
Sa bayang talamak ang bayaran at tulakan?

Tila saulado mo ang bawat numero,
Ang galang mo Poe, nagmula nga ba sa pusong Pilipino?
Paano nga kung nagising kang
May alarma sa Bayan,
Babangon ka ba talaga't di kami tatalikuran?
Wag sanang gaya ng pagtapon mo
Sa Amerikang minsang naging bayan mo rin.
Paano mo babalansehin ang tulong
Ng malalaking korporasyon sayo?
Boto ba nila'y hindi mo binili?
Wala bang kapalit ang oo
Ng mga batikan at mayayamang negosyante?

MARami ka nang satsat sa Daang Matuwid na yan,
Talamak na rin ang paghuhugas-kamay
Para sa patapos nang administrasyon.
Ba't nga ba panay ang pag-eendorso mo
Sa sarili't tila baga sayo nanggaling ang pondo noong Yolanda.
Naroon ka nga't ika'y ligaw at wala raw tugon,
Ano itong alarma mo raw
Pag nandyan lamang ang kamera.
Wala bang tiwala sayo si PNoy?
At tinago pa sayo ang nauukol sa mamasapano?
Kamusta po ang pag-endorso ng Pangulo sayo?
Sana'y inasikaso niya na lang
Ang nahuhuling termino.

Marami na po kayong mga pangako,
Naawa nga kami sa Translator
Pagkat gulung-gulo rin siya
Sa pag-aagawan ng oras at mikropono.

Magandang ideya ang naganap na mga Debate,
Pagkat nauntog ang Bayan,
Nagigising aming diwa't magigisa ang tamang boto.
Ang boto ng bawat Juan,
Para yan sa Bayan.
Sana'y matiyak po nating
Wala nga tayong kinikilangan
Maliban sa malinis na eleksyon.

Tayo ang simula, kapwa ko mga Juan!
Maging wais tayo!
Makialam para sa Bayan!
Gising Pilipinas!

"Alab ng puso,
Sa dibdib ko'y buhay!"
- Lupang Hinirang
Mas mabuti pang ilibing
Kaysa maligaw
Mas mabuti pa nakikita ang sarili sa ilalim
Kaysa hindi makita ang sarili kahit kailan
Oo nga't ako ang naghukay ng lupa,
Ako itong kusang pumasok.
Ako ang naglibing sa sarili ko.
Ngunit sinipa mo ako paloob.
Tinabunan mo ng lupang mas marami pa kaysa nararapat.
Sila itong nagpatong ng limang malalaking bato.
Paniguradong wala na akong aahunan.
Paniguradong hindi na ako makakabangon s apagkakamatay.
Hindi pa napanatag at may ahas na pinagpilitan.
Ipasok, gumapang, pinagsiksikan.
Tinabihan ako, hinalikan
Inikot ang ulo at dahan dahang pinalibutan ang aking leeg.
Hindi ako lumalaban, hindi ako pumalag.
Hanggang kailan niyo papatayin ang namatay na?
Hanggang kailan niyo didiligan ng dugo ang lupang basa?
Hanggang kailan ako mamamatay?


**Svelte Rogue
This is the Tagalog version of my first chavacano poem entitled Entumecido.
Pia Montalban Aug 2015
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang mga butil ng bigas
Ay mula sa mga butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ilang mga araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla’y
Mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.
Sy Lilang Apr 2016
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
Jose Remillan Sep 2013
Hindi ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib ngayong gabi. Tangay ng
Daluyong na pumapaindayog sa bawat
Paghagod, pagkumpas sa ritmo at ritwal

Ng pagsamba sa dambana ng laman,
Katas at dahas ng magdamag, sabay
Tayong lumalaya sa hangganan ng
Pag-ibig ng mortal nating katawan.

Hindi ang pag-ungol o ang malalim
Na pagbaon ng mga kuko sa talim
Ng bawat lihim ng silid na ito ang
Hahadlang sa atin patungo sa wagas na

Pag-ibig. Pakatandaan mo, lilipas ang
Alindog at handog na kagandahan ng
Katawang lupang kusang bumabalik,
Humahalik sa paanan ni Kamatayan,

Ngunit hindi kailanman ang wagas
Na katotohanang sa gabing ito, hindi
Ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib, kundi tayo,

Bilang mga kaluluwa.
Bacoor City, Philippines
August 2013
Marge Redelicia Mar 2015
isang musmos na lahi
isang munting nasyon
parang itinanim na buto
itinakdang
sumibol at lumago
sa paglaon ng panahon

nag-aabang, naghihintay
puno nang sabik
pero kay tagal dumating
tayo ay nainip
tadhana nating tagumpay
kailan kaya makakamit
kasi

apat na raang taon
hanggang ngayon
lulong pa rin sa putik
nangangapa, nadadapa sa dilim
mga butong nanginginig sa lamig

mga isla
pitong libong isang daan at pito
ito
ang ating lupang sinilagan,
tahanan ng ating lahi
pero nga bahay ba ito o burol?

mga pangarap na
masilayan ang mga sinag ng araw at
mahagkan ang malayang langit
mananatili lang bang panaginip dito
sa bayang natutulog
o kaya namang natutulog lang kunwari

tanggapin mo na lang na
humikbi, humagulgol,
ibuhos mo man ang iyong luha
walang darating
kumayod ka man at magdamag magsikap
diligan mo man ang lupa ng pawis
wala
pa ring mangyayari

kasi
dugo
dugo lamang na dumaloy
mula sa mga palad ni Hesukristo
kung ang Kanyang pag-ibig ay
babaha sa lupa
ng parang delubyo
ito ang nag-iisang paraan
ang nag-iisang sagot:

dugo
dugo lamang na ibinuhos
ang tanging
makakatubos
makakaahon
makakaligtas
sa atin
Performed this as spoken word in Creative Faith's Doxa.
Lae Jul 2019
Papalubog na ang araw. Nakatutok ang mga bata sa harap ng gadget nila. Mga chismosang naninira ng kapwa nila. Lahat ay masaya sa kalayaang nadadama nila.

Lingid sa kaalaman nila ay may isang babaeng nakamasid lamang sa isang sulok.. Dala-dala nito ang alaala ng masakit na kahapon.



ISANG madugong nakaraan- mga bayaning dumanak ng dugo para sa lupang sinilangan. Mga iyak- sigaw at kapighatian ng mga pilipinong inapi nang mga dayuhan. Mga sakripisyong tiniis at inalay nila para sa kalayaan ng bayan.

Nasasaktan ang babaeng iyon. Nasasaktan ang ating Inang Bayan.
KHAYRI WOULFE Aug 2017
Si Jamaeda:
Isa siyang matrona
na ang pangarap
ay ang wagas
na kagandahan.
Palagi siyang
nilalait ng kanyang
mga kaeskwela.
Maging mga kapatid niya
ay nilalayuan siya.
Samantala,
ang mga magulang niya
ay ikinahihiya
ang kanyang
kakatwang presensiya.

Isang araw,
kanyang natuklasan
isang natatanging pormula
upang makamtan
pinakamimithing kagandahan.

Mula sa laboratoryo
lumabas ang isang
mestisang diyosa
na siyang nagdulot
nang tiyak na pagkahulog
ng bawat panga
na nilalampasan niya.

Puri dito, puri doon.
Ang tainga niya
ay pumapalakpak.
Kaway rito, kaway doon,
hindi siya matigil
sa kahahalakhak.

“Sa wakas,”
ika niya,
kagandaha'y napasakanya.
Subalit,
ngunit,
datapwat,
langit biglang
kumulog,
kumidlat.

Habang ang diyosa'y pauwing
mahinhing naglalakad,
nakasalubong niya
ang isang matrona
na siyang nagpaalala
ng mapait na nakaraan niya.
Itsura ng matrona
sadyang kasuka-suka
mas masahol pa
sa dating muka ng diyosa,
wika ng marami
pinagsukluban ng langit at lupa
maging impyerno ay nakialam pa.

Hiling nito sa diyosa
ibahagi ang sikreto niya
sa pagbabago ng uling
at naging isang ginto,
ngunit ang kagandahan
ng diyosa'y panlabas lang
sapagkat kanyang budhi
lubos-lubos ang kaitiman.
Itinaas ang kilay
at saka pumanhik,
hindi niya namalayan
ang nagbabadyang panganib.

Plok! Plak!
Inay ko po'y kaysakit!
Ang diyosang marikit,
napasubsob sa putik.

Ngunit sa halip
na malambot ang lupang hahagip
'yon pala'y sa ilalim
may nakatagong talim.
Matigas niyang mukha
ginuhitan ng pait
ang maladiyosang matrona
nasiraan ng bait.

Lahat ng tao'y
naengganyong lumapit,
sa lakas ng kanyang sigaw
dahil sa sobrang sakit.
Imbis na tulunga'y
pinagtawanan, nilait.
“Hahaha! Buti nga sa 'yo,
mayabang ka kasi,”
ang kanilang sambit.
Luha niya'y nangingilid,
ngunit walang pasubali,
ang kutya nila'y sumasabay
sa ulang masidhi.

Sa hindi niya inaasahan,
dinamayan siya ng isa.
Isang pamilyar na mukhang
hindi rin naman
naiiba sa kanya.

Magbuhat noon,
natutunan niya
ang isang malaking
leksiyon:
“Mas masarap ang maging duryan,
kaysa maging isang mamon.”
Written
31 August 2013


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
wizmorrison Oct 2018
Ang sarap hindi na bumalik sa kung saan ka nanggaling. Ang lupang nagbigay sa akin ng kunting ligaya ngunit puno ng masasakit na alaala. Ilang luha ang nilabas nitong hapong mga mata? Ilang impit at sakit nitong pusong nagdurusa?

Haggang kailan ako maggitiis? hanggang kailan ito matitikis? Mga tao sa paligid ay mapanuri, mapanghusga't mapanglait. Unti-unti kang sinasakal, bawat mali'y laging maturingan. Pangako ko sa Maykapal na gawa nila'y babaunin at pati buto ko sa libingan ay hindi sila malimutan.

Itong kirot ewan ko hanggang kailan ito, gagawin ko na lang itong isang malaking hamon at inspirasyon.

@Wizards_Pen
Wala, naglalabas lang ng sama ng loob. Yakang-yaka ko 'to. Fighting!!
Eugene Aug 2016
Nagpakapagod ka dahil gusto **** kumita.
Nagpaka-alipin ka upang makaahon ka.
Nagtiis ka sa ibang bansa para sa iyong pamilya.
Nilisan ang bayan dahil trabaho'y pinagkaitan ka.

Ano ngayon kung wala kang pinag-aralan?
Masusukat ba ang tagumpay sa antas ng edukasyon?
Kailangan bang magkatulad ang bawat propesyon,
O tanggapin ang isang marami na ang kontribusyon?

Dumarami na ang populasyon ng ating bansa.
Kakaunti naman ang ating kuwalipikadong manggagawa.
Marami ang tambay sa bahay at walang ginagawa.
Nakapagtapos nga, hindi naman matanggap sa ibang kompanya.

Kaya, ang iba'y nanatili sa bukirin at doo'y nagsasaka.
Hindi matanggap na walang trabahong karapat-dapat sa kanila.
Kahit dalawang taong kursong bokasyonal ang natapos nila,
Naghihintay pa rin sa wala hanggang sa pag-asa'y maglaho na.

Anong uri ba ng trabaho ang katanggap-tanggap sa lipunan?
Ang nakakaangat lang ba ang p'wedeng bigyan ng posisyon?
Paano naman ang walang pinag-aralan, pero pasado sa kuwalipikasyon?
Papansinin ba sila ng gobyerno at bibigyan ng solusyon?

Sa bagong gobyerno, pagbibigay ng trabaho'y bigyan sana ng pansin,
Sa mga manggagawang hanggang ngayo'y walang trabaho pa rin,
Maging ang mga nakapagtapos at magtatapos pa mandin,
Huwag nating hintaying lahat sila ay lumayas sa lupang sinilangan natin.
Jose Remillan Sep 2013
Pangarap kong maipinta ka
nang hubo't hubad gamit
ang ang luha at luwad na
lupang humulma sa gayak na
engkantasyon ng aking
mga mata.

Iguguhit ko ang kurba ng iyong
balakang gaya ng along nakikipagniig
sa malaking bato sa dalampasigan.

Ilulugay ko ang mahaba ****
buhok hanggang sa magmistula
itong malabay na lambong
na magkukubli sa'yong
kahinaan.

Igugughit ko ang iyong kabuuhan
gaya ng isang paslit na namamangha
sa hiwaga ng mariposang paroo't
parito sa alindog ng rosas ng
digma.
For Ms. Jinky Tubalinal
Bacoor City, Philippines
May 2013
jacky Jan 2015
Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
may pangangailangang kinukuha sa hamog ng umaga,
sa lupang kakarampot, at sa katas ng ibang ugat ng ibang halaman.
Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
nananahimik na namumuhay sa anino ng tunay na sibol
ng kalikasan. Ano ang aking silbi kung ang langit na nais kong marating ay hanggang talampakan lamang ng tao?
Ano ang aking silbi?

Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
mabubuhay ng walang halaga,
mawawala ng walang sinasambit.
Trying my best to write in my native language // I'll post a translation
Josh Wong Oct 2015
Bayang magiliw,
Ngunit hanggang dito tayo lamang.
Alab ng puso,
Hanggang sa puso mo lang buhay.

Mga anak ng bandila,
Ngunit ang puso'y hindi tapat.
Lunos ng nakalipas,
Lumuluksa para sa kinabukasan.

Lupang iniibig at banal,
Basaysay sa mga patay na bayani.
May dilag ang tula at awit sa,
Paglaya ng mga taksil.

Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta,
Ngayo'y nasa piling ng mga duwag.
Saan ang ligaya pag may mang-aapi,
Kapag ang mamatay ay dahil sa atin?
JOJO C PINCA Nov 2017
"bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? sapagkat ang paglisan sa sariling ina upang sumuso sa bukal na buhay ng ibang dibdib ay isang pailalim na pamimirata. at sa daigdig, ang mga limahong ay matatagpuan sa lahat ng lahi at sa lahat ng kulay. kapag pinag-usapan si Limahong, bawat kinapal na nakatapak sa lupang hindi niya kakulay ay dapat paghinalaan"  - Edgardo M. Reyes, SA MGA KUKO NG LIWANAG



bakit ang piratang tsino na si Limahong at hindi ang rebolusyunaryong si Komrad Mao ang napadpad dito sa ating dalampasigan? bakit ang mga piratang tulad ni Limahong ang dumami at lumaganap sa bansang Pilipinas?
oo, laganap ang mga pirata sa ating bayan, pinirata nila ang ating kabuhayan. matagal na nilang hawak ang ating ekonomiya. kahit saan mo ibaling ang iyong paningin ang mukha ng mga kapitalistang tsino ang lagi **** makikita. lahat sila kamukha ni Limahong. sila ang mga bagong pirata.

kung si Komrad Mao sana ang dito ay sumalta, malamang mga Sosyalista tayo ngayon. hindi sana tayo inaalipin ng mga ganid na Kapitalista. siguro sinlakas na rin tayo ngayon ng tsina. malamang walang tiwaling pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan. walang mga gunggong na pinagsasamantalahan ang taong bayan. walang mayaman na mang-aapi sa masang naghihirap. walang kolonyal na kaisipan na iiral, hindi sana tayo lumuluhod sa mga dayuhan. walang magtatatwa ng sariling wika at manghahamak ng sariling kultura. wala sanang maka-dayuhan na paghanga. wala sanang taksil sa sariling lipi. sapagkat lahat ng mga duming ito ay lilinisin at gagawing dalisay ng Cultural Revolution.

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit si Henry Sy, Lucio Tan, John Gokongwei, Andrew Tan ang mga panginoon at naghahari sa bansang ito? bakit tayo inaalipin ng mga dayuhang ito? putang ina, inaalipin at inaapi tayo dito sa loob ng sarili nating bayan. bakit sila ang nagpapatakbo sa buhay at bansa natin?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit ang diwang pirata at hindi ang binhi ng kalayaan ang lumaganap dito sa atin? bakit kapitalismo at hindi sosyalismo ang namayani? bakit tayo mga alipin at hindi malaya?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? nakakalungkot isipin na natulad tayo sa South Africa kung saan inalipin ng mga puting dayuhan ang mga katutubong itim. ang Pilipinas ba ang katumbas ng Gaza Strip dito sa South East Asia?

bakit si Limahong at hindi si Komrad Mao? bakit tayo pumapayag na ginaganito tayo? wala silang karapatan na babuyin tayo at hindi sila ang dapat na nakikinabang sa yaman natin.
Daniel Feb 2018
Si Berto ay kabataang kasama
Lumaking katu-katulong ng amang magsasaka
Sa pagpapabunga ng lupang ‘di kanila
Sa laki ng upa halos wala nang matira sa kita
Kaya matapos ang pangatlong bagyo
Matapos mamatay kanyang amang byudo
Pagka’t panginoo’y walang sinasanto
Sa pagbubuwis, sya’y lumayas
Sya’y nagpasyang lumikas sa Maynila
Pag-aangat ng kabuhayan ang adhika
Handang makipagsapalaran sa syudad
Kung san umano mas may oportunidad
Kaya’t isang tahimik na gabi ng Disyembre
Baon ay isang kabang bigas at bente
Sya’y nag-jeep, handa nang maglaboy
Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Bhoy

Si Bhoy ay tsuper ng jeep
Nakikipasada lang kaya graveyard shift
Baon sa mataas na boundary at gasolina
Kapag walang mahiram na jeep wala syang kita
Kaya ngayong pagkagipit nya ay sumaklap
Pampakain pampaaral sa walong anak
Pambuhay sa pamilya, pangkotong sa parak
Kaysa raw magnakaw, sya’y bumatak
Sya’y namasada nang dalawang araw
Tuloy-tuloy, walang antok na dumalaw
Sinaid ang lakas ng katawan
Para lang masulit nahiram na sasakyan
Biglang umatake pagod nya sa byahe
Pagsakay ni Berto, agad umabante
Tinanggap ang bayad, paningin ay hazy
Tinitigan ang bente, isinukli kay Baby

Si Baby ay sales lady
High heels, low pay, 8 hours daily
Kontraktwal, kada anim na buwan
Mangangaso na naman ng mapapasukan
Ngayon kabuwanan na ng kanyang kontrata
At ng kanyang pagdadalang-bata
Wala pa namang katuwang na asawa
Kaya’t lumuluha syang pumara
Sya ay nagtapos ng IT
Pagkakaron ng akmang trabaho pala’y unlikely
Nabuntis nang wala sa plano
Kaya nagtiis sa ibang trabaho
Ngayon pauwi sa may eskinita
Sya’y naglalakad nang biglang hinila
Punyal sa leeg, bantang sasaksakin
Dinukot nya ang bente, isinuko kay Ben

Si Ben ay batang maralita
Tubong komunidad na takda nang magiba
Sa hirap ng buhay ‘di nakapag-aral
Sa murang edad sya ay nangalakal
Ngunit nang magkasakit batang kapatid
Ultimo pangkain ay ‘di na maitawid
Hindi patas ang buhay, kanyang nabatid
Kaya’t sa patalim, sya’y kumapit
Sya ay nangholdap gabi-gabi
Mabilis ang pera at malaki-laki
Isinusugal ang buhay at kalayaan
Para lang sa kapatid na inaalagaan
Pagkakuha nya sa buntis ng bente
Sya’y tumakbo deretso sa palengke
Bumili ng bigas, humingi ng diskwento
Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Berto
Tula patungkol sa kahirapan at kaguluhan ng panahon ngayon.
Umiikot lang ang pera sa palad ng bawat isa.
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Simula ng makilala ka,
Buhay ko'y sumisigla,
Lagi akong masaya,
Nalaman ko ang tunay na kahulugan ng tuwa at ligaya,
Aking pagsinta,
Bakit nga ba?

Naranasan ko ang mga pambihirang bagay,
Ang mundo ko'y naging makulay,
Binuhay mo ang diwa kong matamlay,

Ikaw ang aking lakas,
Pinakita mo ang aking magandang bukas,
Mula sa simula, gitna, dulo at wakas,
Ang isip at puso ko'y iyong pinatalas,

Madapa man ako'y iyong hinawakan,
Binangon mo ako mula sa lupang aking kinasasadlakan,
Napuntahan ko ang dulo ng kalawakan,
Ang mga puno't halaman,
Ang berdeng kagubatan,
Ang ganda ng kabundukan,
Lahat ng ito'y aking nasisilayan,
Daan ka nga ng pakikipag-ugnayan,
Ika'y gamit sa pakikipagtalastasan,
Daan tungo sa kaunlaran,
Ngunit ako'y nanghihinayang,
Dahil ika'y di kilala ng maraming kabataan,
Sabi nga nila hindi ka magandang pagmasdan,
Di nila namamalayan,
Ika'y maaari nilang maging kaibigan,
Taglay mo ang naiibang kapangyarihan,
Ika'y iniregalo ni Rizal sa kanyang buthing may bahay,
Kay Josephine Bracken ika'y ibinigay,
"Kempis "ka kung tawagin,
Ika'y,"Tagalog Christ"  naman para kay Ferdinand Blumentritt.


Alam kung di matatawaran,
Ang iyong kasiyahan,
Kapag ang mga pahina mo'y binubuksan,
Mabuti kang sandigan!
Sayo nagmumula ang di matatawarang panindigan,
at di-natitinag na katwiran,

Mabuti kang larawan,
Nagsisilbing huwaran,
Magpakailanman!
Maipagmamalaki kahit saan,
Pangako ko ika'y aking dadalhin,
Pupurihin, I-ingatan at papahalagahan,
Hanggang sa aking huling hantungan,
Sayo lamang...... Minamahal kong----aklat!
Nakakalungkot isipin nakaka-unti na lamang sa mga kabataan ang nagbabasa ng aklat. Ang aklat ay magandang libangan na maghahatid sa atin sa rurok ng kaunlaran at tugatog ng tagumpay.
Maaga kong nilisan
ang lupang sakahan
Tinahak ang lugar
na maingay at magara,
ito pala ang Maynila.

‘di napigilan ng tirik na araw
ang aming pagkukumpulan.

Nagkamayan
kaming magkakabrad,
Simula na ng himagsikan.

Sariwa pa sa alala
kung pa’no
kami inagrabyado.
Itinulak.
Binugbog.
Tinakot.
Ginamitan ng dahas.

Sa plano ng gobyerno
kami pa rin pala ang talo.

Paano pa kami mabubuhay
kung wala ng lupang mapagtatamnan?

Akala ko sa bundok
o gubat lang may ahas
-yun ay sa akala ko lang pala.

Sa’ming magsasaka’y
Kumukulapot ang putik
Ngunit
sa inyong mga nakabarong,
animoy
walang duming nakabahid.

Sa inakala kong
tubig lang ang maaaring
idilig,
Dugo
pala nami’y pwede ring
pumatik.
Tila ba ang gobyerno’y namamanhid.

Nasaan na
ang pinangako nyong
libreng abono?

Ginawa nyo na bang pataba
sa mga bulsa nyo!?

Sa pagpunta
ng mga imperyalistang bansa,
Matutulugan
pa ba kaming mga dukha?
Makatatayo ako
sa aking pagkakadapa
Ngunit
ang bayan
kong nakalugmok ,
makakaahon pa kaya?
I wrote this four years ago for the Filipino farmers
Jun Lit Feb 15
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Sep 2017
Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan

Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran

Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.

Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!
It'smeAlona Jun 2018
Sa aking lupang tinubuan
Na sinakop ng mga dayuhan noon pa man
Ang una'y mga espanyol na mananakop
Dala daw nila'y kristiyanismo
Upang ipakilala sa ating mga katutubo
Ngunit ang tanging hangarin pala'y manakop at gawing kolonyanismo
Kaya ilang daan taon tayong hawak ng mga ito
Ating mga katutubo walang nagawa kundi ang sumunod at magsawalang-kibo
May ilan ding nagsisipag aklas upang makalaya
Ngunit sa kalauna'y sila'y bigo sapagkat pawang malalakas at makapangyarihan silang mga nilalang
Nariyang si Gat. Jose Rizal na kinulong at binaril sa bagong-bayan
Na tinatawag na natin ngayong (LUNETA/RIZAL PARK)
At si Gat. Andres Bonifacio na hanggang ngayo'y hindi alam kung sino ang pumatay
Ang tanging alam natin sa kanya'y siya ang "Ang Ama ng himagsikan"
Sa kabilang banda'y hindi nagpatinag ang ating mga katutubo
Nagbuo ng mga samahan upang mapag-aralan kung kailan ang tamang panahon para lumaban
Kaya nung dumating na ang tamang panahon upang sila'y magsipag-aklas
Marami ang sa kanila'y naghimaksik upang ang kalayaa'y makamtan
Kaya noong taong Hunyo labing dalawa, isang libo't walong daan, siyam na pu't walo
Nakamtan ng ating mga katutubo ang kalayaan na kanilang pinaglalaban
Sa bahay ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite
Kanyang iwinagayway ang ating watawat
Sagisag ito ng ating kalayaan sa kamay ng mga mananakop na espanyol
Sa mga nakalipas na taon, tayo'y naging malaya na
Ngunit, ano ba ang kahulugan ng isang malaya?
''Ito ay ang pag-gawa sa isang partikular na bagay ng walang humahadlang o kumokontra sayo at may kakayahan kang kumilos batay sa kung ano ang iyong gusto o nais''
Oo nga't malaya kang gawin ang iyong gusto
Subalit, labag naman ito sa karapatang pantao
At nakapapanakit ka na ng kapwa mo
Marami ang sa ati'y nakakalimot na sa mga paglapastangang ginawa sa ating mga katutubo
Marapat nating pagkatandaan na ang ating kalayaa'y utang natin sa ating mga bayaning nakipaglaban
At ang kalayaa'y dapat igawad sa lahat
Magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang bawat nilalang
Mapa mayaman o mahirap man
Mapa babae o lalaki man
Mapa bata o matanda man
Maging tunay sanang malaya tayong mga pilipino
Hindi lamang sa salita, kundi sa isip at sa ating mga gawa.
cj Jul 2019
pula.
kulay ng galit.
kulay rin ng determinasyon.
kulay ng mga gigil sa hinanakit
ng kataasan-taasan
kulay ng mga may pasyon
sa pagbabago sa lupang tinubuan
kulay ng galit sa opresyon
sa mga mala-pasistang maylupa
kulay ng tunay na lumalaban
para sa bayan

ngunit isang hipokrasiya
para sa bansang ayaw sa pula
ay tintado ng pula
ang mga tigang na lupa at kalsada
tintado ng pula
ang dalawang watawat na sinasamba
tintado ng pula
ang ibinotong buwaya sa kongreo
tintado ng pula
ang pag-urong natin sa progreso
21st Century Apr 27
Gusto kong sabihin na masaya akong isinulat ang liham na ito, at ang nais ko lamang ipairating ay ang mensaheng maaring makakapagpabago ng iyong pananaw sa buhay.

Pero bago ang lahat may tanong akong dapat **** pag-isipan ng mabuti bago ka magpatuloy. Una nais ko lang tanungin kung handa ka nabang makinig sa mga katotohanan? Pangalawa handa ka nabang tanggapin ang mga ito?

Kaibigan, alam kung naguguluhan ka parin dahil sa mga di maipaliwanag na pangyayari sa mundo. Maraming bagay ang hindi pa malinaw sa paningin natin. At hindi sapat ang mga naririnig natin sa iba, dahil hindi rin natin alam kung alin ang tama sa mga pinagsasabi nila.

Ang dahilan kung bakit naisulat ko ito ay dahil sa mga nasaksihan ko. Maski ako ay hindi ko rin maintindihan kung saan umiikot ang mundo natin ngayon, kung tama pa bang mabuhay ako sa panahong puro na lamang  pasikatan at pagpapabango ng pangalan ang tanging ginagawa ng karamihan. Sa tingin ko marami nang mali sa panahon ngayon ngunit hindi lang natin pansin.

Hindi nga ba pansin? O sadyang alam natin pero di natin pinapansin, tayoy bulag sa katotohanan kahit dilat na dilat na.
Ito na ba ang naging kalabasan ng mga sakripisyo ng ating mga bayani? Kung ako ang sasagot diyan, ang kinalabasan ng mga sakripisyo nila ngayon para sa bansa, ay wala.

Dahil hanggang ngayon marami paring namumuhay na hindi alam kung ano ang pinaglalaban nila. Maraming pang iba jan ang hindi alam kung nasaan na ba sila, iisang bansa tayo ngunit watak watak tayo.

Masaya ako kung sasabihin mo saakin kung ano ang naging bunga ng paghihirap ng ating mga bayani. Dahil yun din ang  gusto kong malaman dito sa aking sulat.

Ang ating mga bayani ay hindi lang basta mga bayani dahil lumaban sila para sa bayan. Naturingan silang mga bayani dahil isa silang sundalong handang mamatay sa ngalan ng pag-ibig.
Pag ibig sa Diyos at sa Bayan,
naipangak sila hindi dahil magiging parte sila ng mundo, kundi naipanganak sila para sa isang pangarap na gustong matupad ng lupang sinilangan.
Ito ay ang tahanan ng ating lahi kung saan kinukupkup tayo at tinutulungan.

Kayat kapatid gusto kong malaman mo na hindi pa huli na muli kang mag umpisa, dahil ang lahat ay wala pa sa huli.

Maraming salamat dahil binasa mo ito ng may puso at pag-intindi. Umaasa ako na magiging mabuti kang tao hanggang sa huli.

-PC
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
Justine Jade Jul 12
Aking binibini
Nagaantay na ang probinsya sa iyong yakap at halili
Pukawin mo ang himbing lupang sabik
sa iyong pagkalinga at serbisyong mapitik

Ngunit kung ikaw man ay hirap na
Nandito lang ako
Ang iyong magiging kwarto
Pupunasan ang stress at anxiety mo

Matulog kana ng mahimbing
Pagkat bukas sa liwayway ay syang pagsibol ng hangin
Unahin mo muna ang iyong nasasakupan
Bukas makalawa ay ako naman.
this was a personal dedication for me and I decided to upload it here because it matters
Araw-araw bumabangon
sa sariling saliw;
ginigising ng gutom
na kumakahig sa bituka.
Minsa'y may buwan pa.
Minsa'y may araw na.
Palagian,
walang laman
ang platong hapag
sa sahig na simot
sa mumo.

Katamaran!

Katamaran
ang limang-minutong
pahinga
mula sa pag-araro ng lupang
'di pag-aari.
Katamaran
ang pag-inom
ng tubig
sa gitna ng pagkayod
sa araw na tirik.

Batugan kung tawagan -

palamunin

- mga litid na sakal,

makabagong alipin.

Mga matang idinilat
ng karahasan,
mga iyak na busal ng
kasadong bala -

Ngayon,
gigising.

Gigisingin hindi ng kalam sa tiyan.
Binalda ng pang-uumit -
bubulabugin
ng kapagalan
mula sa impyernong tahi
ng bukirin.

Gigising sa sariling saliw;
hindi sa gutom
na gumuguhit
sa bituka.

Gigising

Gigisingin

ng pakikibaka.
#JUNKTERRORBILL #BIGASHINDIBALA
Donward Bughaw Apr 2019
Dalawampo!
Dalawampung ektarya ng lupa
ang nasa aking mga kamay
at paa;
at nais kong magkaroon
ng titulo
sa mga lupang ito
na akin pang nilinang
mula ng lumaki't nagka-uliran.
Sinasabing pag ang kuko ay marumi, ibig sabihin masipag.
Jun Lit Aug 30
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?

May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.

Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.

Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.

At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —