Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
110315

Binilang ko ang rosas na akala ko'y
Nagpaalam na buhat sa maagang pagkalanta nito.
Akala ko'y pag namukadkad uli'y limot na ang dati,
Pero tila nagkakamali pala ako
Sa paghimay-himay ng pahiwatig.

Hindi ako manhid
Pagkat ramdam ko pa rin ang tinik
Sa paghawak sa ubod ng rosas.
Pero iniinda ko ang sakit
Pagkat ganoon naman talaga,
Nilikha siyang may tinik bilang proteksyon niya.

Pag pinagmamasdan ko ito,
Alam kong hanggang tingin lang ako.
Pagkat pag pinitas ko'y agaran na naman itong malalanta,
Hindi ko naman maiuuwi ang kariktan nito.
Mas kaakit-akit kasi siyang tingnan
Pag kasama ang mga katulad niya.
Muli, hanggang titig na lang,
Ganoon rin ang paggalang ko sa kanyang Hardinero.

Alam ko ring iba ang tipong klima nito,
Medyo sensitibo kahit na
Di ko naman papalitan ang kinagisnang lupa.
Hindi ko naman siya bubunutin nang basta-basta't
Aangkinin kahit may ibang nag-aari sa kanya.
Sa katunayan, laging nais ko siyang masilayan,
Kahit na alam kong iiwan niya rin ako
Sa dapithapon o kaya kinabukasan o sa makalawa.

Pag kinunan ko siya ng larawan,
Kaya ko siyang titigang muli,
Alaala na lamang sa iisang papel ang aming sandali.
Pagkat pag muling babalikan ang pasong nagkalinga,
Iyan, wala na puros dahon na lamang,
Maghihintay na naman sa tamang panahon
Nang muli ko siyang masilayan.
Bryant Arinos Aug 2017
"Napakaraming tao dito sa atin ngunit bakit tila walang natira"

dug dug dug

Bubuksan mo ba to o hindi?
Pag di mo to binuksan pwersahan kaming papasok!

Tatlong katok muli

Pagkatapos isang tadyak sa pinto ang gumising sibilyan na natutulog sa kama mag-isa.

Pagkapasok agad,
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan
Tinutukan ng baril, tinakot bago pakunwaring pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit ng gatilyo.

Patay ang hinihinalang druglord sa kanto.

Ngunit pagkatapos, walang patunay na nahanap.
Isang maling pagpatay nanaman ang naganap.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay.
Isang pamilya ang kinunan ng walang kamalay-malay.


Kung sino pa ang nasa posisyon iyon pa ang mga kaaway ngayon.
Kung sino pa ang nakakangat, siya pa tong namiminsala ngayon.
Nasa mataas nang upuan pero hangad pa rin ay pag-angat.
Halatadong di napapansin, ay hindi! Halatadong walang pake sa mga taong nasa baba.

Pinagmukhang sirko ang mundo, pinapasunod ang bawat tao na parang aso.
Inanyaya pa ang lahat ng madla ng parang ganito.

"Mga bata, matatanda! Halina kayo panoorin ninyo ang palabas naming inihanda at ipakikilala ko sa inyo ang mga kapwa ko sirkero. Na namamahala sa sirkuhang ito."

Palakpak
Palakpak, yan ang nais ng sirkero diba pagkatapos ng palabas?
Pero lahat ng mga tinuring ninyong hayop ay nakawawa at mistulang mamatay na. Ay hindi patay na, yung iba nama'y ginawa ninyong bulag na tagasunod.
At pag wala nang kwenta iiwanan sa daan para damputin ng iilan at buburahin ang mga bakas na naiwan.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas.

Ang galing maglinis ng krimen, mismong nangakong maglalaan ng pagmamahal ay ang mismo ring sa bansa sumasakal.

Oo, sawa na ako sa tunog ng kampana sa tuwing magmimisa dahil may isa nanamang nawala.
Rindi ang tenga ko sa paulit-ulit na hiyaw, sa paulit- na hiyaw at sa paulit-ulit na hiyaw ng inang umiiyak sa libing ng nagiisang anak.

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa pilipinas?
Matagal nang nangangakong magbibigay sila ng kapayapaan pero kasabay nito ang paghawak ng baril sa kanilang kanang kamay.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas

Makabagong istilo ng pagpatay sa Pinas
Magpapanggap na tagapagligtas, pagkatalikod mo'y

Paalam Pilipinas ang huli **** mabibigkas.

"Napakaraming tao dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?"

Pinapatay sila....
#StopExtraJudicialKilling
083017
031717

Kinunan kita ng larawan noon
Noong mga panahong wala pang "tayo"
Pasensya kung di mo alam,
Pasensya kung nagnakaw ako ng sandali.

Naisip ko kasing imposible
Na imposibleng maging tayo
Kaya itinago ko ang lahat sayo
Maging ang tanging larawang
"Maging tayo."

Hindi ko magawang usisain ka nang harapan
O yayain kang sumama saking sining
Ayokong makupas ka sa larawan
Ayokong paulit-ulit kitang balikan
At magsisi ako
At masambit ko ang salitang "sayang."

Natakot akong sa iisang larawan ay makulong tayo
Sa ginawa-gawa ko lang na sanang "tayo"
At manatiling hanggang doon na lamang
Ang pag-ibig na sana'y sayo rin ay totoo.

Ilang beses kitang inaaninag pag nakatalikod ka
Pero alam mo, at sana kung alam mo lang --
Tumalikod ka man,
Mahal pa rin kita.

— The End —