"ibaba" poems
Heto na naman ako
Nag iisa sa silid
Na binubuo ng apat na pader
Naisipan kong umakyat
Masdan ang alapaap na binubuo ng tala
Kasama ang dalawa kong matalik na kaibigan;
Isang bote ng alak,
At isang bote ng gamot na walang mabuting maidudulot
Ang kamay ko ay napuno ng marka
Hindi itim
O asul
Pero pula
Sunod sunod na linya at paulit ulit
Ang mga marka ay nagsimulang dumugo
Napatingin ako sa ibaba
Ang mga halaman at lupa ay naghihintay sa aking pagbagsak
Sa buong buhay ko
Ngayon lang nagmukang malambot ang aspalto
Jul 26, 2017
Jul 26, 2017 at 6:13 AM UTC
Hinihikayat po namin kayong lahat na magbasa patungkol sa panitikang mediterranean. Ang panitikang mediterranean ay patungkol sa ibat ibang uri ng panitikan na nagmula pa sa ibat ibang bansa. Ang inyong pagbasa at pag like nito ay katumbas ng inyong pagmamahal sa amin at nangangahulugan na kayo ay magbabasa na patungkol sa nasabing tema. Kaya basahin na ito at i click na po yung "heart" sa ibaba. Ito po ay para sa aming proyekto sa filipino.
Jul 26, 2016
Jul 26, 2016 at 5:43 AM UTC
Mahal kita
Di ko maintindihan
Ako ay lagi **** iniiwasan
Simula lang noong inamin
ang pag-ibig na matagal ko sa iyo nilihim
Bigay kong mga rosas sa akin ay ibinalik
pati ang puso ko na aking inihati
Nang hindi na sumugpong ang isang piraso
Nalaman ko na kay sakit pala mabigo
Tatlong beses nanalamin
Hinanap ang sariling kapintasan
Buo kong kalooban ay naranasan
na madurog nang lubusan
Ngayon nagmukmok sa loob ng madilim na kwarto
Liwanag ng buwan ay tumungo sa silid
at nakapagsulat ako gamit ang hinanakit
Mahal, ang una kong salita na magdudugtong ng aking pagsinta
Kita, ang kasunod para malaman mo na ang saklaw ng aking mundo ay tayo lang dalawa
Di magtatatapos sa tuldok ang mga huling taludtod
at ang ningning ng estrelya
ay susundo sa wikang pampag-ibig
na puno ng mga ninanais
Nais kong tanggapin mo ang aking pag-irog
at malaman mo na sa iyo lang ito nakalaan
Ikaw ang pinipintuho ng mga ulap at sa ibaba ako'y makikipagsapalaran
Nais kong kipkipin mo ang mga rosas
na minsan nahiya
Dalawang puso natin na sabik
Nais ko rin basbasan ito ng langit
Gusto ko tumaglay ng katangian na sa iyong mga mata ay kagigiliwan
Di man matipuno, may galaw sana akong magalang
Nais ko sa isang kubo tayo ay mamituin
Sa labas ng bintana, sabay natin ipanalangin
na ang pag-iibigan ay pagpalain
Tulad ng pananalamin ng mga letra
gayun din ang pangyayari sa unang apat na saknong ay kabaliktaran ng aking mga kagustuhan
At ang huling mga salita
Ang Hiling sa Pasko na tula ko'y pakinggan
Dec 12, 2018
Dec 12, 2018 at 5:24 PM UTC
Hindi ka kasalanan, Ikaw ma'y nagkamali
Hindi tama ang pagpili ng mali
Hindi kasalanan ang madapa
Ngunit mali na pag ikaw pa ay tumihaya
Hindi ka kasalanan, Hindi ka mali
Ang hindi pagtanggap sa sarili, iyan ang mali
Hindi mo kailangang magdusa mag-isa
Ang Diyos, inalaan sa iyo ay siya
Hindi ka kasalanan, huwag kang matakot
Huwag magtago saan man at mamaluktot
Hindi mo kailangan na mahiya
Dahil ang pag amin ay katapangang sadya
Huwag ka magtago, dahan-dahan
Ibaba ang armas, huwag na ngang lumaban
Dalawang kamay ay iyong itaas
At sadyang aminin ang nagawang kasalanan
Huwag kang mahiya, Siya ay iyong ama
Ang tanging pangarap ay mayakap ka Niya
Halika, lumapit at sasamahan ka
Magtiwala ka, ika'y babaguhin niya.
Dec 13, 2013
Dec 13, 2013 at 3:28 AM UTC
Leron, leron sinta
Kay tagal kong hinanap
Sa lahat ng sulok, sa lahat ng kanto.
Bawat bulong, bawat banggit
Baka sakaling maituro sa akin
Ang pangalan mo.
Buko ng papaya
Natatangi sa 'king paningin
Ikaw ang dahilan
Kung bakit may kaba sa dibdib
May tamis ang ngiti
May kislap ang mga mata.
Dala-dala'y buslo
Nilalaman nito'y puso
Pusong minsan nang nabigo
Ngunit pinatibok **** muli
Tangan ng aking mga kamay
Nanganganib na ibigay
Sa 'yo.
Sisidlan ng bunga
Duyan ng mga pangarap
Mga alaalang ipipinta pa lamang
Sa hinaharap na sana'y
Sasalubungin ko
Na kasama ka.
Pagdating sa dulo
Matapos ang lahat ng dasal
Pananalangin sa Maykapal
Nakabitin sa gilid ng bangin
Handa nang mahulog
O matagal nang nahulog?
Nabali ang sanga
Pumutok ang bula
Natunaw ang tuwa
Nabasag ang pag-asang
Pinanghawakan
At iningat-ingatan.
Kapos kapalaran
Minalas lang ba
O sadyang malas na talaga?
Malupit ang tadhana.
Sa gulong ng palad
Parang laging nasa ibaba.
Humanap ng iba
Hindi ngayon, hindi bukas
O kahit sa susunod na linggo
Pero balang araw
Magtatapos din
Sa masayang wakas.
May 8, 2015
May 8, 2015 at 1:20 PM UTC
Iligaw ang tukso ni Lusiper
sa diwa na siyang naghari
Magmuni-muni sa ibaba ng mundo
Sampung beses pagtimbangin ang mga gawi
Lampas sa katotohanan ang layon
Anyo ng mundo ay di magkatugma sa panaginip
Ikumpay sa apoy hanggang sa lumaki
Tiwala sa sarili, magtiwalag man sana'y di lumayo
Sa labas ng sanlibutan ay nagmasid
May mga dagim na nagtabon sa buwan
Nang nasilayan ang diklap sa alangaang
na sumambulat sa noo ay sumingaw ang depresyon
Mapagkunwaring uwak na dumausdos sa ere
Simpleng kilos niya'y nakakaaliw
Humapon sa troso para magpahinga
Sa kanyang aparisyon makikita ang
unos na dinadala ang dahilan ng pagdarapa
Naglaon na kuwento ay nagparinig ng alingawngaw
noong unang pag-usbong ay umani ng kahihiyan
Naging balat-sibuyas na tubo
humihikbi nang patago
Dec 17, 2018
Dec 17, 2018 at 5:55 PM UTC
hindi kita minahal
at sana'y 'wag **** paniwalaang
kahit minsan ma'y iniisip pa rin kita;
nanaisin pang iwanan ka't limutin ang nakaraan
samakatuwid hindi ko
gugunitain ang mayroon tayo noon
nais ko lamang na lisanin na ang mundo
ngayong wala ka na,
ako ay liligaya na ng kasintulad ng dati
papa'no pa ba kaya
mababatid mo'ng lahat ng ito
kung sa ngayong nakatago pa ang mga luha sa'yong mga mata
ngunit paalam na lang ba ang s'yang bukambibig upang
makalimutan ang iyong mga ngiti
na hindi ko
hangad na mahagkan ka sa t'wina
(ngunit ang totoo, basahin mo mula sa ibaba)
Oct 19, 2011
Oct 19, 2011 at 5:44 AM UTC
Lilingon sa kanan, lilingon sa kaliwa.
Lilingon sa itaas, lilingon sa ibaba.
Kahit saan ipako ang aking mga mata,
Alaala mo ang tangi kong nakikita.
Sa kanan- naroon ang munting librong bigay mo para sa aking kaarawan.
Sa kaliwa- may tsokolateng madalas **** ilagay sa sisidlan.
Sa itaas- nakasabit ang asul na bag, iniabot mo noong kapaskuhan.
Sa ibaba- naroon pa at nakatago mga mensaheng iyong iniwan.
Ano ba? Bakit ba? Paano ba? Ano na?
Ang daming tanong na wala namang kasagutan.
Mananatili na lang ba itong palaisipan?
O maglalakas loob akong tanungin ka?
Ano nga bang mayroon tayo para sa isa’t-isa?
Kasi ako? Nahuhulog na nga yata.
Damdamin mo’y hindi ko mawari,
Tugon mo sana ay iyo nang masabi.
Ang hirap kasing manghula.
Nagmumukha akong tanga.
Kung sabihin mo na kaya?
Ako’t ikaw ba’y may pag-asa?
Hindi ka ba napapagod sa pagtakbo sa isip ko?
Ang tagal mo na ring nakatambay dito sa aking puso.
Ilang taon na ba tayo? Isa? Dalawa? O tatlo?
Wala nga palang tayo, ang meron lang ay…ikaw at ako. ☹
Hindi ko alam kung paano tatapusin ang tula.
Kasi ang kwento natin ay 'di pa nagsisimula.
Palaisipan pa rin ito sa kabilang banda.
Bukas-makalawa, ako pa rin ay makata.
Jan 28, 2018
Jan 28, 2018 at 5:31 AM UTC
Gusto ko ng panibagong balat.
Iyong maputi at makinis.
Mala porselana,
Na halos kuminang tuwing masisinagan ng araw.
Kabisado ko ang bilang ng araw,
Na ginugugol sa ilalim ng araw kakabanat.
Ngunit,
Ang panibagong balat,
Hindi nito ako kayang protektahan, alam ko.
Lilimitahan lamang nito ang mga nalalaman ko.
Ngunit,
Sa panibagong balat, nais ko magsimula.
Kilalanin at kalimutan ng halos magkasabay,
Ang imahe ng nakakadiri kong balat.
Bilang ang peklat.
Sukat ko kung gaano kalalim ito,
Noong sugat pa lamang.
Kaya ko gusto ng bagong balat para pagtakpan ito.
Baka sakaling iwasto ng bago kong balat,
Ang mga naimali ko.
Makikilala kaya ako ng ibang tao,
Sa bagong balat na suot ko?
Marahil hindi,
sana hindi,
panigurado hindi.
Nais kong magtago,
Sa paraan kung paano ako lulutang ng hubo't hubad.
Nang hindi ko na itatakip,
Ang aking palad sa aking dibdib,
Dahon sa ibaba ng puson.
Isisigaw ko ang salitang "PUTA!" ng napakalakas,
Halos magsisilabas
Ang mga putang mismong makakarinig,
At yayakapin ko sila.
Dahil bago ang balat ko, ito'y mainit.
Kumpara sa nahamugan kong balat kagabi.
Malinis,
Kumpara sa balat kong may dampi ng mabahong laway.
Mabango,
Kumpara sa mumurahing aficionado na nahaluan
Ng pawis ni Ricardo kagabi.
Bagong balat.
Ibebenta ko ang luma kong balat,
Sa gabing ito.
Bilhin mo ang aking balat.
May panibago bukas,
Pag-asa, hamon,
Mantikilya sa loob ng pandesal.
Gamit ang luma kong balat,
Makakabili pa ba ako ng bago?
Magkaiba ang bagong uri sa bagong palit.
Ang balat ko, nalaspag na.
Tulad ng puti kong damit,
Hindi na ito puti.
Marumi ang titig ko.
Marumihin ang aking naisuot.
Ang balat ko ay puno ng mantsa,
Ngunit bago ang aking suot ngayon, bagamat,
Iisa parin ng uri.
Balat na nakalaan para ulitin ang pagrumi at
Yurak sa puti kong suot.
Bagong balat, kulay puti.
Wala na akong maisuot.
Hubad na ang aking puri.
Hindi ko masuot ang salapi.
Magkano pera mo? Tara?
Nais mo bang makita ang aking balat?
Dec 13, 2017
Dec 13, 2017 at 10:01 AM UTC
Para sa atin ang gabing ito.
Gaya ng iyong pangako, tayo
Ay didito't papalaot upang
Salungatin ang daluyong ng
Ating mga damdamin. Saglit
Nating iwan ang parolang
Magdidikta kung saan dapat
Ang nararapat na hangganan
Ng pagsagwan natin sa maalon
At malaon nang karagatang ito. Saglit
Nating ibaba ang layag at laya ng
Ating pag-ibig; ikubli ang panganib
Na nakaamba sa bawat paghampas ng
Tubig, sa bawat pagkabig ng dibdib, at
Sa bawat pag-igpaw natin sa hatol ng
Panahon. Saan man tayo ipadpad ng
Lunday na lundayan natin sa gabing
Ito, walang pagaalinlangang sundan
Natin ang bituing magtuturo
Patungo sa ating mga sarili...
Sep 26, 2013
Sep 26, 2013 at 10:36 AM UTC
Matapos ang bawat kanta ng aming pwedeng kantahin
Dasal na alay para sa mga taong may ilaw na bilog sakanilang ulo
Hihinga ako ng malalim
Ngunit di maaalis ng aking paghinga ang kaba at takot sa aking dibdib
Tubig at bolpen lang laman ng aking bag
Sa pagdarasal
Alam kong hindi sapat ito para ako’y manatili sa aking kinalalagyan
At tulad ng aking dalangin
Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Sa kanyang puso at mata
Dama ko ang kanyang pagmamakaawa
“Bigyan niyo po kami ng awa”
“Maawa po kayo”
Rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo
Rosaryo sa Huwebes
Rosaryo na aming kailangan sabihin sa wikang ingles
Siguro sa aking pagdarasal ng rosaryo ng malakas
Ay maawa sila saamin
Masakit man ang tuhod sa pagluhod
Hindi pa rin nito maalis ang takot at kaba sa aking puso
“Alam ko pong hindi sapat ang aming dala”
Ang Ikalimang Misteryo ng aking pagmamakaawa
“Pero sigurado po na ako’y may alam”
Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Nananalangin na sana’y hindi niya ako isama sa kanyang pag-uwi
Matapos man ang mga Misteryo ng Rosaryo
Alam kong hindi pa tapos ang aking kalbaryo
Dahil ilang minuto na lang alam kong tatawagin na aking pangalan
“Maawa po kayo”
.
.
.
.
.
.
Hindi maaalis ng lamig ang pagpawis ng aking mga kamay ng buksan ko ang pinto
At sa ibaba, nakita ko agad ang aking ina
Itinaas ko ang aking kamay
Sabay ng kanyang pagngiti
Ako’y mananatili
Hindi na niya kailangang mag-alala
Magsisimula na ang aming pagsusulit
At kailangan kong pumasok na
© 2019 B.L.
All Rights Reserved.
Mar 11, 2019
Mar 11, 2019 at 11:12 PM UTC
para sa Kidapawan
Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.
Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
ng isang alala.
Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
sa dahas.
kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.
bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.
wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
Apr 3, 2016
Apr 3, 2016 at 7:56 AM UTC
“Wake up and live”
― Bob Marley
Mga mukhang tao pero ugaling hayup,
hindi naman aso pero laging kumakahol.
Mga bastos magsalita,
mas salaula pa sa baboy ang mga putang-ina.
Matataas ang kanilang pinag-aralan
pero bagsak ang grado pagdating sa kagandahang asal.
Sa maiksing salita mga MAL-EDUKADO sila.
Ayaw nila nang sinasagot sila kahit nambabastos sila.
Gusto nila na galangin sila pero wala silang galang sa kapwa nila.
Masyadong mataas ang tingin sa kanilang sarili
kaya sobrang baba kung ituring nila ang iba.
In short, mga HIJO at HIJA DE PUTA sila.
Ang kanilang libangan ay ang pagalitan ang mga nasa ibaba nila.
Hindi sila kailanman pweding magkamali
at hindi nila tatanggapin ang kanilang naging pagkakamali.
Ang ipasa ang sisi d’yan sila dalubhasa na tila ba sanay na manggahasa,
manggahasa ng damdamin ng iba.
Ang paborito nilang motto ay ito “THE BOSS IS ALWAYS RIGHT”.
Mga bossing na saksakan ng kupal hindi pa kayo tamaan ng kidlat.
Sana bumuka ang lupa at lamunin kayong lahat.
Kung totoo ang aswang sana dagitin kayo ng mga manananggal.
Bakit kasi hindi pa kayo dukutin ng mga Tamawo?
Ang mga katulad ninyo ang nagpapahirap sa buhay ng mga maliliit na tao. "You're adding insult to injury."
Dinadagdagan ninyo ang sugat sa kanilang mga dibdib.
Ipinamumukha ninyo lagi kung gaano lang sila kaliit.
Hindi kayo marunong umunawa at maawa
kasi ang alam lang ninyo ay ang mag-utos.
Puro lang pakinabang ang laman ng utak ninyo.
Hindi ninyo alam kung paano mabuhay ng marangal
kasi wala kayong dangal.
Salapi at posisyon ‘yan lang ang gusto ninyo.
Kapag hindi na ninyo napapakinabangan ang isang manggagawa
hindi na n’yo ito pinapansin,
walang pagsalang na inyong binabaliwala.
Nov 24, 2017
Nov 24, 2017 at 3:42 AM UTC
Ikaw.
Ikaw.
Ikaw ang naging inspirasyon ko para magpatuloy.
Binigyan mo ako ng lakas para muling humakbang, maglakad.. umakyat.. tumakbo..
Sa mga araw na sunod sunod ang dagok ng panahon na tumulak sa akin padapa..
Sa mga oras na panay ang udyok ng mundo na tumigil ako sa pag galaw..
Sa mga sandali na nasimulan ang pagdududa sa aking sarili na baka nga hanggang doon nalang ako.. Na tila may gumagapos sa aking mga paa at humihila sa akin pailalim..
Dumating ka.
Iniabot mo ang iyong kamay.. at isinama mo ako.
Isinabay mo ako sa paglakad mo.. kumapit ako sayo at
Ipinakita mo na marami pa palang daan.. Na kaya ko pang bumangon at maglakbay kaya't isinama mo ako.
Kahit na may ilang beses na matarik ang daan at hindi ako makasabay, nagsilbi kang gabay sa aking unahan at hindi mo hinayaang maiwanan ako sa paglalakad pasulong.
Binigyan mo ako ng pagkakataong sumunod sayo.. at humabol.. Kahit kapalit nito ay ang pagbagal ng lakad mo.. kahit na para bang naaabala na kita..
Ipinaalala mo na normal lang ang mga bato at putik sa ating nilalakaran.. Normal lang na ika’y pawisan.. Magalusan.. Magkamali at maligaw ng daan.. at minsan pa'y sasabayan ito ng ulan kaya't may mga panahon na hindi mo makikita kung saan ka na ba patungo.
Madudulas ka.. Matitisod.. Madadapa.. Ngunit hindi dapat dito magtapos ang paglalakbay dahil ang hirap at pagod ay may kasunod na dalisay na ginhawa.. Doon sa tuktok.. kasama ng mga ulap at ng hangin..
At kahit na ika’y hingalin ay mapapawi ito ng ligaya na iyong madarama sa oras na tumapak ka na sa pinaka itaas.. Sa wakas.. Nakita mo na kaya mo palang lagpasan ang mga hirap at pagod na ngayo’y iniwan mo na sa ibaba.. Sa lupa.. Kasama ng kay gandang mga balangkas ng tanawin na hinubog ng mundo upang ipakita sa iyo sa mismong pagkakataong ito.. Sa entablado ng daigdig kung saan abot kamay mo ang himpapawid.
Ipinaalam mo sa akin na ito ang kapalit ng mga pagsubok na araw araw nating hinaharap.
Ito ang sandali na ipadarama ng kalawakan na katulad ng oras.. Ay lumilipas din ang lungkot.. At ang kailangan ko lang ay kumapit pa ng mahigpit.. Manalig.. At maghintay at di maglalaon ay darating ang pagkakataong ito.
Kung saan magkasingkahulugan ang sandali at kailanman..
Dito sa tuktok.. Kasama ng mga ulap at ng hangin..
Sinabi mo na hindi ako nagiisa.. Dahil kasama natin ang langit.
Sep 3, 2017
Sep 3, 2017 at 11:47 AM UTC
Ang kalayaang ipinagkait sa akin ng tadhana,
ang kalayaang gumala na naglaho parang bula.
Singlayo ng mga tala, hindi maabot,
nawala dahil sa isang pagkakamali—
isang pagkakamaling hindi sinasadya.
Ngunit ang pagkakamaling iyon,
nauwi sa paulit-ulit na pagkakasala,
hanggang naging bahagi ng bawat araw.
Dalawampung taon akong nabuhay
sa mundong walang tiwala
mula sa aking mga magulang.
Ilang beses kong binalikan
ang mga tanong,
nagbabakasakaling hanapin ang sagot.
O, kalungkutan, lubayan mo na ako!
Naririnig ko ang ulap, umiiyak,
pumapatak ang luha nito.
Ang kanilang tingin sa akin—
isang nilalang na walang halaga,
isang pagkakamali na kailanman
ay hindi mababawi.
Hawak ko ang katotohanan—
ang katotohanang natatakot akong tanggapin.
Balang araw, tatawagin akong salot sa lipunan.
Milyon-milyong mata, tenga, at bibig
ang naghusga sa akin,
tila alam ang bawat lihim ng aking pagkatao.
Sa pagitan ng pag-alis at pagbalik,
paaralan man o klinika ng espesyalista,
ang paghihintay ay tila isang habambuhay.
Limang taon kong idinalangin sa Diyos
na tupdin ang aking hiling,
at nangyari nga.
Ngunit kahit nakakulong ka na,
hindi ko magawang maging masaya.
Pagkakamali nating dalawa ito,
ngunit ikaw lamang ang pinarusahan.
Ikaw ang naging katahimikan
sa maingay kong mundo.
Ngunit nang muli kitang makita,
sa presinto, harap-harapan,
tila apoy ang bumalot sa kapaligiran.
Tanim na poot at galit
ang bumalot sa aking puso.
Sa pagtulog ko,
rinig ko ang tiktak ng relo.
Minsan, nilaro ako ng panaginip—
kasama raw kita.
Gising, natutulala ako,
nalulunod sa lalim ng iniisip.
Sa gitna ng pagbalik-tanaw,
nananatili ako sa kama,
hinihintay ang sagot
sa mga tanong ng aking isipan.
Sapagkat ang buhay,
tulad ng gulong—
minsan nasa itaas,
minsan nasa ibaba.
Sep 16, 2020
Sep 16, 2020 at 9:28 AM UTC
Pulang mga tinta ang gamit,
Pamamaalam ay nalalapit,
Handa ka na ba?
Isa,
Dalawa,
Pumikit ka!
Ang takot ay inalis!
Napalitan ito ng inis,
Inakap ang sarili,
Pilit nag-iisip ng mabuti.
Itutuloy ko ba?
O wag na?
Ano ba?!
Tama pa nga ba?
Bumilang muli ng isa hanggang tatlo,
Siguro nga ay tama na 'to,
Hawakan muli ang lubid,
Tama na ang pait!
Muling ginamit ang pulang tinta,
Tama na ang aking paghihirap, sinta,
Hanggang dito na lamang,
‘Wag nang hanapin pa ang mga letrang kulang,
Ito ang kwento ng aking paglisan,
Dito ko na ibaba ang aking mga pasan.
Paalam.
Mar 8, 2018
Mar 8, 2018 at 9:57 AM UTC
Ikaw.
Ikaw.
Ikaw ang naging inspirasyon ko para magpatuloy.
Binigyan mo ako ng lakas para muling humakbang, maglakad.. Magsulat.. Bumangon...
Sa mga araw na sunod sunod ang dagok ng panahon na tumulak sa akin padapa..
Sa mga oras na panay ang udyok ng mundo na tumigil ako sa pag galaw..
Sa mga sandali na nasimulan ang pagdududa sa aking sarili na baka nga hanggang doon nalang ako.. Na tila may gumagapos sa aking mga paa at humihila sa akin pailalim..
Dumating ka.
Iniabot mo ang iyong kamay.. at isinama mo ako.
Isinabay mo ako sa paglakad mo.. kumapit ako sayo at
Ipinakita mo na marami pa palang daan.. Na kaya ko pang bumangon at maglakbay kaya't isinama mo ako.
Kahit na may ilang beses na matarik ang daan at hindi ako makasabay, nagsilbi kang gabay sa aking unahan at hindi mo hinayaang maiwanan ako sa paglalakad pasulong.
Binigyan mo ako ng pagkakataong sumunod sayo.. at humabol.. Kahit kapalit nito ay ang pagbagal ng lakad mo.. kahit na para bang naaabala na kita..
Ipinaalala mo na normal lang ang mga bato at putik sa ating nilalakaran.. Normal lang na ika’y pawisan.. Magalusan.. Magkamali at maligaw ng daan.. at minsan pa'y sasabayan ito ng ulan kaya't may mga panahon na hindi mo makikita kung saan ka na ba patungo.
Madudulas ka.. Matitisod.. Madadapa.. Ngunit hindi dapat dito magtapos ang paglalakbay dahil ang hirap at pagod ay may kasunod na dalisay na ginhawa.. Doon sa tuktok.. kasama ng mga ulap at ng hangin..
At kahit na ika’y hingalin ay mapapawi ito ng ligaya na iyong madarama sa oras na tumapak ka na sa pinaka itaas.. Sa wakas.. Nakita mo na kaya mo palang lagpasan ang mga hirap at pagod na ngayo’y iniwan mo na sa ibaba.. Sa lupa.. Kasama ng kay gandang mga balangkas ng tanawin na hinubog ng mundo upang ipakita sa iyo sa mismong pagkakataong ito.. Sa entablado ng daigdig kung saan abot kamay mo ang himpapawid.
Ipinaalam mo sa akin na ito ang kapalit ng mga pagsubok na araw araw nating hinaharap.
Ito ang sandali na ipadarama ng kalawakan na katulad ng oras.. Ay lumilipas din ang lungkot.. At ang kailangan ko lang ay kumapit pa ng mahigpit.. Manalig.. At maghintay at di maglalaon ay darating ang pagkakataong ito.
Kung saan magkasingkahulugan ang sandali at kailanman..
Dito sa tuktok.. Kasama ng mga ulap at ng hangin..
Sinabi mo na hindi ako nagiisa.. Dahil kasama natin ang langit.
Feb 27, 2020
Feb 27, 2020 at 9:31 AM UTC
Ibaba mo kasi yung baso para di ka mangalay.
Napaka simple lang naman ng mga sagot sa mga bagay bagay.
Aug 12, 2015
Aug 12, 2015 at 10:57 AM UTC
Sinabi ko naman sayo
Na may abandonment issues ako
Na dinaig pa ng pinandidirihan at kinatatakutan kong mga mahahabang bulate
Ang takot kong maiwan nalang basta basta
Para akong isang turistang naghahandang tumalon sa isang napakataas na bundok
Isa isang kinabit ang mga harness sa aking katawan
Maingat at ekspertong mga kamay ang siyang naninigurong ligtas ako sa gagawing pagsubok
Habang ako'y nanginginig at kinakabahan
Pinagpapawisan
Ang kamay, noo, paa, batok, likod, ilong at maging ang mga kili-kili
Malawak ang paligid at dapat ay maalwan ang paghinga
Ngunit ito'y tila kinakapos
Sige lang. Kaya ko to. Matatapos din to. Kasama naman kita, hindi ba?
Nagpaalala ang guide
Ngunit ako'y nag-aabang lang sa sinasabing signal
Tanda na magsisimula na ang pagbagsak
Ang lakas ng hangin
Hindi ba to makaaapekto mamaya sa amin?
Pinapwesto kami ng guide
'Pano kapag hindi ko kinaya?'
Nagbibilang na siya
'Matatapos ko ba?'
Ibaba na nila.
'Hindi na mahalaga. Kasama ko naman siya.'
Isa
Dalawa
Tat--
Teka. Teka. Asa'n ka na?
Nov 1, 2017
Nov 1, 2017 at 2:08 AM UTC
Malamang siopao
Usok ay aking natatanaw
Mula sa malamang siopao
Ang sorbetes ko ay natunaw
Nawalan na ako ng uhaw
Dahil bigla akong nagutom
Sa tiyan may biglang umusbong
Sariling buhay nagkaron
Gustong pumasok paroon
May papel sa ibaba
Mapula ang gitna
Lumalaki ng kusa
Habang umuinit di nakakasawa
Nakakatakam kung pagmamasdan
Nakalapanglaway kung tinititigan
Nov 1, 2018
Nov 1, 2018 at 9:17 AM UTC
Buhay na lang ikaw sa mga salita,
Ngunit 'di na sa dating gawa
Alaala'y naglilipana katumbas ng bula,
Ngunit biglang nawawala
Sa itaas ka ng agos ng ilog
Sa ibaba ako ng agos ng ilog,
Ngunit ikaw ang busilak na iniirog
Nang tayo'y magkalayo, puso'y nadudurog
Bayaran 'man ng libong salapi
'Di na mabubuhay ang isang labi
Kasiyahan ay lubusang nagagapi
Sana maibalik ang dating luwalhati.
Mar 20, 2018
Mar 20, 2018 at 11:02 AM UTC
Ang kwento ng ating pag-ibig ay wangis ng perpektong tatsulok,
Kung saan ikaw, ako, at ang Diyos Ama ang bumubuo,
Tayong dalawa ang nasa ibaba at siya ang nasa itaas,
Habang palapit ng palapit tayo sa kanya, naglalapit din ang ating landas.
Dec 3, 2017
Dec 3, 2017 at 11:04 AM UTC
Sa loob ng isang silid
Sa loob ng sampung bwan
Sa pag-angat at kabiguan,
Sila ang naging katuwang.
Mapa sa lihim o sa hayag
Naging kayabigan o kaaway
Kayo ang saksi ng bawat isa
Sa pagtatagumpay ng isa't-isa.
Sila sa atin ang humatak
Sa itaas o sa ibaba.
Tayo ang nakakikilala ng bawat isa.
Tayo ang hukom ng ating mga gawa.
Sa loob ng sampung bwan,
Kayo ang aking nakasama.
Lumipas man ang panahon.
Ang ala-ala ay ating laging dala-dala.
(English)
Companion and Foe
Inside a room
Within ten months
In success and failure,
They were by our side.
In secret or in truth
They were our friend or foe
We are our own witness
In the triumph of one another.
They are the ones who pulled us
Up above or down below.
We all knew each other.
We are the judge of our actions.
During ten months,
You were my companion.
Time may pass.
And memories are always carried.
Aug 18, 2019
Aug 18, 2019 at 9:21 AM UTC
Kapag natuyo na ang ilog ,
Hintayin mo ang mga ulap ...
Pasasaan ba 't mumunti **** daigdig
Tatahan ang hinagap sa paghagilap !
Patingala ka man na masdan ako
O kahit pa tanawin mo ako ng payuko
Magmumula lagi sa kaliwa
Aking simula patungo sa kabila ,
ikotin mo man ang iyong tingin pakanan
Manunumbalik ako tulad ng isang orasan
At sabik muli ako sa iyong masid sa lagusan,
at tanging gabay lang ay hangin na may bahagdan...
sa umagang may lamig kapagdaka ' y init
At kapag ang ibaba nga ay nag-aalumpihit
Ang kaitaasan ay napapasailalim
Wari ay kabiyak ng kabibing walang lihim
Bukas-palad mo akong minamalas at sinasalamin
Habang tikom-bibig kitang tinatalastas at pinaparinggan
Nang walang ibang ibig sabihin...
Hanggang pawang totoo lamang ating anihin !
Kaya naman paulit - ulit ko itong binabalikan
Dahil sa araw-araw mo akong Mahahagkan
Gamit nga ang Lente ng iyong minamahal na sining..
Kapit lamang sa tuwina ako sa iyong paglalambing !!!
Sapagkat ikaw nga ang magiliw kong siyentipiko
Na may hawak ng tubong pansuri ng aking laboratoryo !
Pasasaan ba 't mumunti **** daigdig ,
Tatahan ang hinagap sa paghagilap !
Kapag natuyo na ang ilog ,
Hintayin mo ang mga ulap !!!
Dec 31, 2022
Dec 31, 2022 at 2:29 PM UTC
Lulan ng balangay ang pumpon ng bulaklak
Ibibigay sa kanya
Sadyang dinamihan para hindi kaya tumangan ang lahat
Lohika ng pag-iirog ay malayo sa ekwasyon
Maaliwalas ang alapaap
Minsan ay mapupuna na nababalisa sa ibaba
Ito'y taytay sa mahiang dako
at sa malungkot na pandanggo
Sinaunang tradisyon ng itong bayan
Ang alay ay dote at paninilbihan
Upang ipakita ang sinseridad
Kahit di man paakyatin ng hagdan,
magnilay-nilay sana sa durungawan
Ang pagsinta ay naiiba
Sa karurukan ng adhika ay yari
Ang nanunuksong salamangka para sa tataw ay iwawaksi
Di kayang magdesisyon sa tudlaan ng palaso
Ruta na mula Silangan pakanluran
Napapagod na ang loro
Lumubog na ang balintataw
dahil sa pinalaya ang pag-ibig
Naging manhid sa aktwal na dula
Ang pagganap ay isang pagpapahirap
Dec 28, 2018
Dec 28, 2018 at 6:14 PM UTC