"huhulma" poems
Nakakatawa isipin na sinubukan natin mangahas sa maiksing oras,
tumaya sa natatanaw na dulo,
at maniwala sa pangitain ng bukas.
Pero, Mahal, hahayaan ko na ang mundo
at pagbibigyan itong manalo.
Bulsa ang sagot sa mga tanong na walang katiyakan kung saan aabot.
Kabilang ang mga gusot na sa panaginip na lang maitutuwid.
Sa panaginip, sa tabi mo gigising.
Sa paggising, ibubulong na lang ang hiling.
Dahil kahit ulit-ulit natin ang lahat,
baliktarin man ang aking unan,
sagutin man ang mga natitirang palaisipan,
at kahit manatili man saglit,
hindi magdadalawang-isip na dayain tayo ng langit.
Ngunit, kung sakaling malinlang ko ang taas
magsisimula muli ta'yo sa bagong espasyo na
ta'yong dalawa lamang ang huhulma ng bukas.
Kung saan walang pwersang hihila.
Kung saan, Mahal, katabi ka paggising tuwing umaga.
Dec 3, 2019
Dec 3, 2019 at 11:31 PM UTC
Para saan ang pagmulat ng aking mata
kung sa paningin ko ay tapos na.
Sa bawat pagpikit, ang tanging nakikita
ay ang katapusang matagal ng tinadhana.
Para saan ang pagbangon
kung sa problema'y di na makaahon
Sa isa pang yapak na aking gagawin,
Nawa'y bigat ng aking saloobin
tuluyan ng humupa
kasabay ng aking pagkawala
sa hawak ng mundo
na sa isip ko'y gumugulo.
Sa huling ngiting huhulma sa aking labi,
maalala sana na minsan akong lumaban at ninais magwagi.
Mar 12, 2020
Mar 12, 2020 at 10:20 AM UTC