"habag" poems
Unti-unting naghahari ang dilim
Sa sulok ng lumang kamalig
Isang papel at lapis
na hinahawakan nang mahigpit
At ang buwan ay sumisilong
Sa anino ng mundo
Batbat ng bituin ang langit
Sa bulag na panganoorin
May galak na maiguguhit
Sa kapintasan ng tinta
Ang saysay ng buhay malilirip
Sa kumukutitap na lampara
Lahat ay nakapiring
Habang sa luklukan ang gabi
Nalilingid ang katotohanan
Ngunit maaaring isulat ng pipi
Luluha ang birhen
Sa awit ng mga pipit
Ang pagsasalaysay sa buhay
Ay kapana kapanabik
Kung may hirap at pasakit
Ngunit hanggang kailan ang pagtitiis
sa lumulubog na kapalaran
Umaaninag sa pawid at
Sa mukhang nagugululumihanan
Lumilipas ang sandali nang marahan
Mahirap suyuin ang hangin
Hindi madali ang mabuhay
Magpatangay sana upang makalaya
gaya ng lumulutang na saranggola
sa habag ng gabi't tala
Oct 26, 2019
Oct 26, 2019 at 6:10 AM UTC
Ngunit walang kaparis ang hinahanap na piyesa
Di mabibili gaya ng rubi't iba pang mamahaling bato
Tuluyan man pinabayaan ito'y di mapapalitan ng bago
Iisa lang ang puso ng saging sa mundo
Ang pagitan ay sinagtaon sa kinatatayuan at mithiin
Anggulo ng teleskopyo ay bahagya na pahilis
Lumihis ang tanaw sa Polaris
Paano matunton kung nalito sa direksyon
Maabot kaya ng radyasyon?
Guhitan nang matuwid ang Norte
Kumakapit pa sa pinaglalaban ang pobre
Sa dibinong galamay ng sansinukob
ang tumulong para hagilapin ang nawawalang bituin
at sulsihin tulad sa bahay-gagamba
Maitim na imahe ay nananakal
Tinangka na dakmain ito ngunit di masalat
Kumalma at hinay hinay gumulong,
inikot ang busol
Naalimpungatan nang lumabas datapwat panaginip ang lahat
Munting ninanais ay maisakatuparan kung ano ang nasa isip
Nang hindi na makagalaw, susunduin ng awa
At may aampon- habag ni Bathala
Mamamayan ng Kanyang paraiso'y manunumpa
Dec 24, 2018
Dec 24, 2018 at 6:11 PM UTC
kinalimutan mo na kaya ako?
sa mga oras na nasa presensya ng bawat isa
naaalala mo rin kaya ang mga hangal na desisyong nagbuklod sating dalawa?
dahil ako, palagi.
sa tuwing nandiyan ay pinapauli-ulit
ang transisyon ng pagkawalay ng dalawang pinaglapit
sa pagkalimot ng isa
paulit-ulit nagsisimula sa umpisa
ani mo'y palabas sa sariling haraya
iniipit ako ngayon ng tahimik
ni walang imik sa pagitan nating dalawa
napagod na ang mga paang umakyat para lang matanaw
o magbigay ng senyas, nagdadasal na bigyang habag
napapangiti na lang sa mga gunita
dahil naaalala ang ilang beses na pagsuko at pagtayo namang muli
tulad ng paulit-ulit na pagtugtog
ng musikang nagpapaalala sayo
Feb 3, 2019
Feb 3, 2019 at 2:24 PM UTC
Hindi ako susuko
patuloy akong titindig at lalaban.
Sa kabila ng mga kabiguan
mananatili akong nakatayo,
hindi na ako muling luluhod
upang humingi ng awa sa diyos.
Malungkot man ang aking pinagdaanan,
kahit hindi naging masaya ang aking kabataan
hindi ako manghihina at mawawalan ng pag-asa.
Hindi ako mayaman
hindi ako tanyag
hindi rin ako makapangyarihan
ako ay isang hamak lamang.
Subalit natuto ang puso ko na
maging matatag kaya't hindi na ito
muling susuko.
Wala na akong Bathala na sinasamba
hindi na ako malilinlang ng mga hangal na lider ng relihiyon
na nagbabanal-banalan at naglilinis-linisan.
Tangan ko sa aking mga kamay ang aking kapalaran.
Mas lalo akong hindi magpapa-uto
sa mga mapagsamantalang pulitiko
na nagsasalita ng puro katangahan
para silang mga lata ng sardinas na walang laman.
Hindi ako padadaig
ilang beses man ako bumagsak,
hindi dadaing at magpapalimos ng habag;
hanggat tumitibok ang puso ko hindi ako patatalo
sa bigwas ng malupit na buhay.
Hindi ako natatakot na sabihin
ang laman ng isipan ko,
hindi ako mangingimi na isigaw
ang nilalaman ng aking dibdib.
Pag-uusig at pagkutya
ay laging naka-abang
parang halimaw na nagkukubli sa dilim
ano mang sandali ay handang sumalakay.
Hindi n'yo man ako tanggapin
ay wala akong pakialam
ako'y ako at mananatiling ganito
hanggang sa buhay ko ay mapatid.
Nov 7, 2017
Nov 7, 2017 at 2:38 AM UTC
Malanduk! Malanduk! Diyos ng Digmaan!
Ikaw ay aking kailangan
Isinasamo ko ang iyong kapangyarihan
Patuloy mo akong panigan
Patuloy mo akong gabayan
Sa harap ng aking mga kalaban
Hindi ako makapapayag na matalo
Akin ang tronong ito
Trono at kapangyarihang pinaghirapan ko
Hindi! Hindi ako makapapayag
Na ako ay kanilang ilaglag
Lulupigin ko silang lahat ng walang habag!
Mga kawal, sugod!!!
-sometime in 02/2016
(Dumarao)
*for Lit. Day 2016
Sep 27, 2019
Sep 27, 2019 at 10:50 PM UTC
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.
Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.
Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.
Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.
Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.
Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.
✍: pensword
May 31, 2020
May 31, 2020 at 4:32 AM UTC
Sa iyong mukha ako'y natutulala
Ganda mo ay nagniningning na tala
Namumulang labi' t manipis na pisngi
Mala - porselanang balat kayumanggi
Mata ay malalim, puno ng hinala
Sa 'kin, bakit ramdam ang pang uusisa
Namumugto minsan sa yaong sandali
Iniwanan nang walang pag-atubili
Ng sinta mo na inakalang simula
Ng iyong pag-iibigan nang makalaya
Sa baryo natin, tigib ng bisyo' t tili
Ng mga tao na di magkamayaw lagi
Mga kapitbahay natin ay nagmumura
Mga tungayaw lagi ang sinasambitla
Ngunit ikaw ay palihim nagsisisi
Sa luha **** malinaw na nagkamali
Sinisimsim ang habag na dinadala
ng hangin sa iyong maamong itsura
Dilag ka na pinupuri ng marami
Bakit mapusyaw ang ngalirang mga labi
At ang una mo na pagkakakilala
Sa akin ay hindi ganoong kasama
Ngunit matampuhin ka at naninisi
Sa aking maliit na pagkakamali
Kaibigan ang turing sa isa't isa
Bakit nagagalit pag kausap iba
Sa di pagkakaunwaa' y titili
Ganun ba talaga pag minsan nasawi?
Jun 4, 2020
Jun 4, 2020 at 12:16 AM UTC
Hayaan na na giliwin kita
Sapagkat hihintin sa hangin ang lahat
At pumailanlang hanggang sa panganorin
ang pangarap
Walang saysay ang ibon kung nasa pugad
Tumunghay sa pakpak na gulay-gulay
Sa pagwasiwas ay di kaya umangat
Munting maya sa aratiles
ay kahabag habag nang di makalipad
Ganyan ang aking pagsinta
O Desiree Dawn Dela Peña
musmusin at nasisikil
Huwag sana husgahan
Sinsisipon sa hamog
Madaling manimdim
Iibig ako sa sariling paraan
Ngunit di gaya ng kaparangan
na nakatiwangwang at hayag
Kung ikumpara ay katulad ng liblib na halamanan
Mabubuhay nang saglit at mamatay nang dahil walang nakakalusot ni banaag
At kung masidhi na ang damdamin
Magpaparinig ng aking hinanakit
Gaya ng kulog
na nauulinigan sa ibayo
Umaalingawngaw doon sa ibang baryo
Sep 2, 2019
Sep 2, 2019 at 12:25 AM UTC
Huwag kang papadala
sa habag
na maaaring gamitin laban sa iyo
ng mga nagpapalagay
lamang,
lumalapit 'pag me kailangan
dala-dala ang platapormang
pamukaw sa mga proyektong hindi pa nasimulan
at sa halip,
paulit-ulit na bukambibig
at ang idadahila'y
mababaw na putik.
©2019
Apr 18, 2019
Apr 18, 2019 at 12:35 PM UTC
Habag ang loob, pinto'y tinungo
Suot ang lumang sando, aburido
Sa paglabas, saka napagtanto
Suot na tsinelas, hindi terno.
Hindi inalintana kahit kalangita'y nagbabadya
Sa parke, doon magbibisekleta
Kumulog, kumidlat, saka naalala
Si Inay kaya ay nag-aalala?
Dec 9, 2018
Dec 9, 2018 at 1:43 AM UTC