"baybayin" poems
Una, akong natutong magbilang ng saya sa dagat,
Habang ginagawa kong kwintas ang mga puka shells
Sa dalampasigan.
Natutu akong lumaban sa sigalot ng buhay,
Sa pagtalon habang ang mga rumaragasang alon
Ay ginuguho ako.
Ang hangin
Ay bumubulong sa akin ng uyayi
Dinuduyan ako upang mahimbing.
Natuto akong magbawas ng kalungkutan
Sa mga tuyom
Sa baybayin.
Natuto ako ng kolektibong paggawa
Sa pagmasid sa mga mangingisda sa paghugot
ng lambat mula sa dagat
Na taglay ang isang araw na huli
at hatiin sa kanila
Nang pantay-pantay.
Umuwi sila sa kanilang pamilya na may
Kasiyahan sa kanilang dalang
Paghahatian sa paminggalan.
O kay sarap sa pakiramdam
Tuwing huhubarin ko ang aking tsinelas
At namnamin ang mapipinong buhangin sa aking mga paa.
At sa tuwing ako ay nakakaranas ng kasalatan
Akin lang alalahanin-
Ang mga araw ng aking pagbibilang sa dagat.
Oct 17, 2016
Oct 17, 2016 at 9:00 PM UTC
Minsan ako'y nanalangin,
diwa ko'y nag-aalanganin.
Di alam ang uunahin,
di alam ang sasambitin.
Gusto sanang alamin
ano bang plano sa akin?
Sana naman ako'y dinggin
at wag nang pagisipin.
Ang hirap kasing baybayin,
lalo na kung hihimayin.
Puso ko'y tila nakalambitin,
nakalutang sa hangin.
Pilit kong aalalahanin
mga bilin mo sa akin.
Mabigat man ang damdamin,
alam kong andyan ka para ako'y yapusin.
Feb 10, 2019
Feb 10, 2019 at 4:14 AM UTC
Minsan isang araw tayo’y magkikita
Mga ngiti’y mamamalas - sa pananabik ay lunas
Mga mata’y mangungusap na tila ba nangangarap
Tangan ang isang hiling - Pag-ibig yaring hanap.
Minsan isang araw tayo’y mag-uusap
Ihahayag ng puso - natatanging pagsuyo
Ibubulong sa hangin - aanurin sa baybayin
Paglingap at hangarin walang sawang sasambitin.
Minsan isang araw ika’y mayayakap
Ikukulong sa ‘king bisig, tila kalong ng ulap
Nanamnamin ang sandaling walang kasing sarap
Aangkinin ang ligayang wri’y abot alapaap.
Minsan isang araw ika’y mahahagkan
Kasabay ang damdaming pagsinta kailan pa man
Mga labi’y magniniig habang dinig yaring himig
Walang humpay itong minsan ‘pagka’t ika’y iniibig.
Jun 15, 2015
Jun 15, 2015 at 12:39 AM UTC
Summer na naman!
Sa baybaying madalas nating puntahan,
ay naroroon ang mga bahagi ng ating nakaraan,
at mga karanasang hinding-hindi ko makakalimutan.
Ilang taon na ba
nang muli tayong magkita?
Ilang pangangamusta na ba
ang nagdaan nang tayo ay nagkamustahan?
Naalala mo pa ba
nang sa baybayin ay minsan kang nagpunta?
Nawala ka!
At ako ay talagang iyong pinag-alala.
Hinanap kita sa kung saan,
ngunit anino mo ay ayaw magpakita.
Sa pagod ko ay sa baybayin ako dinala ng aking mga paa.
At natagpuan kitang hinahabol-habol ang alon na masayang-masaya.
Napapangiti na lamang ako kapag ika'y naalala.
Kaya heto ako ngayon, sa baybayin ay hinihintay ka,
Upang muling buuin ang panibagong alaala,
Hanggang sa dumating ang takdang panahon na ikaw at ako ay magiging isa na.
Mar 18, 2018
Mar 18, 2018 at 12:29 AM UTC
Mahirap maglakbay
Sa mundo ng sanlibutan
'Di maiiwasang mahirapan
Ihanda pa rin ang sandata
Ika'y lumaban.
Tutuksuin ka ng sanlibutan
Ngunit hindi iyan ang dahilan
Upang pagsamba'y iwanan
Manalig ka
At ng 'di na muling maagaw pa.
Sa Kaniya mo idulog iyong mga panalangin
Ika'y tiyak na didinggin
Hinagpis mo'y papawiin
'Wag kakalimutang siya'y pasalamatan
Kung ang saya'y muli **** nakamtan
Marami mang tiisin
Hindi ka niya bibiguin
Bagkus ika'y iibigin
Magtiwala ka sa Kaniya
Mahal ka ng Ama
Kapatid, asahan **** pangako Niya'y kakamtin
'Wag kakalimutan ang tungkulin
Mahirap malunod sa baybayin
Ngunit ika'y makakaahon din
Sa tulong ng may likha sa atin.
Oct 20, 2019
Oct 20, 2019 at 10:30 AM UTC
Maliwanag ang tanawin sa obrang larawan,
naging aking durungawan -
naroo’t buhay pa –
lumilipad nang matayog ang mga saranggola
ng libong mga Pepe at Pilar, tuloy-tuloy na abakada
ng kinalimutang kasaysayan. Sa likod ng paanyaya
ng luntiang bukirin, kung saan ang manunugtog ay tila
may alay na lumang paulit-ulit na harana,
pilit sumiksik sa tinataklubang ala-ala
ang mapait na wakas ng isang sa himig ay kasama,
sa panahon ng ating ngayon, wari ko ba’y kani-kanina.
Sa isang sulok ng pinutol na puno
nakasilip – ang malungkot na kuwento
Ang gitara ng isang bilanggong lider-obrero:
Tunay na marahas
ang kanyang naging wakas.
Pinaghinalaang droga isinuksok.
Sa narinig na kaluskos sa loob
ng iyong dibdib na kahoy, dinurog
ang lahat ng ala-alang kinukupkop
Labing-isang taon ka nang kanugnog,
kakosa sa pagtulog
sa isang iglap, daig pa ang binugbog
Pantugtog ay tinokhang ng mga tanod.
Sa ‘yong bagting na sumaliw sa koro
Kahit nilagot ng karahasan at maling akala
Lubos pa ring nagpapasalamat ang madla.
Ako’y nagsusumamo sa kudyapi ng malayang ninuno
Ang mga tula, awit at mga huni ng mga ibong katutubo,
sabay sa tudyuhan ng mga kulilis at palaka sa ilog at puno.
Ang ating kalikasan ay pamayanang may kalinangan
nawa'y manatiling singsigla ng tapis na tinalak sa parang.
May pangako ang mga bagong usbong sa pinutol na lauan.
Ang noon at ngayon ay tila magkatipan –
Sa tipang bagong tunog – na sa baybayin ay tinuran,
para sa kinabukasan ng bayan.
Halina’t kahit putulin ang kwerdas ng kalakarang malupit
At nakakulong ang mga ibong marikit
Kailanma’y hindi mapipigilan kahit saglit
Patuloy tayo sa malayang pagtula’t pag-awit
Hanggang Kalayaan ay ating makamit.
Oct 14, 2021
Oct 14, 2021 at 5:11 AM UTC
50 Dahil sa masidhing panibugho
Ng pumangalawang natalo
51 Kung anu-anong balak na mabagsik
Ang sa isip isiniksik
52 Buong loob isasakatuparan
Ang kalapastanganan
53 Isang gabing marilim
Baon ay patalim
54 Nagtungo sa prinsipeng nagpapahangin
Sa may bandang baybayin
55 Kanila itong nilapitan
Tinutok patalim sa lalamunan
56 Ibinangka at ibinalot sa lambat
Siniklot at inihulog sa dagat.
-06/25/2012
*Gintong Lupa Series
Aug 31, 2019
Aug 31, 2019 at 10:03 PM UTC