Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Jor Sep 2016
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.

II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.

III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.

IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.

V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.

VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.

VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.

VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.

IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
Sep 2016 · 3.2k
Ang Hindi Nagpahalaga
Jor Sep 2016
I.
Sinong mag-aakalang matatapos ang lahat sa atin?
Naalala mo ba na halos boto ang lahat sa atin?
Akala nang iba, ‘di tayo magpaghihiwalay,
Akala nang iba, tayo'y walang humpay.

II.
Noon 'yun, at hanggang akala nalang 'yun.
Ang sabi nga nila, “Mahirap tumama ang mga akala”
Maraming nadismaya at nalungkot nung malaman nila.
Na ang dating hindi mapaghiwalay
Ay may bago na ulit buhay.

III.
Bakit nga ba nawala ang dagitab sa'ting dalawa?
Ahh, naalala ko na!Nagloko ka nga pala.
Humanap ng iba, Samantalang ako tiwalang-tiwala
Na ako na ako lang ang iyong sinta.

IV.
Ako naman 'tong si tanga, tiwalang-tiwala naman
Na hindi mo lolokohin ang isang tulad ko,
Tanda mo pa ba? Halos lahat ng sikreto ko alam mo.
Pati nga numero ko sa ATM pinagkatiwala ko sa'yo.

V.
Ang tagal na natin, magli-limang taon na sana,
Ang dami kong masasayang ala-ala na mababalewala.
Pero aanhin ko naman ang mahabang pagsasama,
Kung araw-araw may kahati ako sa'king sinta?

VI.
Siguro nga'y tapos na ang ating istorya,
Nabasa na nila ang bawat pahina,
Natuldukan na ang kwento nating dalawa.
At nalaman na nila kung ano ka ba talaga.

VII.
Mas mabuti pa ngang punitin na ang bawat pahina,
O kaya sunugin nalang, para mas madali, 'di ba?
Pero salamat sa'yo ha. Dahil kahit paano may natutunan ako
Na hindi sa tagal ang sukatan ng pagmamahal, sa tiwala!
Jul 2016 · 1.9k
Manipula
Jor Jul 2016
I.
Blangko na naman ang utak ko,
Inuukupa mo na naman ito.
Hindi ako makapagsulat ng husto.
Kahit ano pa ang pilit ko.

II.
Aaminin ko, niyayakap ko pa rin ang unan mo,
At pakiramdam ko’y ika’y nasa tabi ko.
At kahit masakit ang dinulot mo.
Ikaw pa rin ang hinahanap-hanap ko.

III.
Hindi ko akalain na may kapangyarihan ang tulad mo,
Kaya **** pabilisin ang tibok ng puso ko,
Kaya mo ring ukupahin ang utak ko,
At kaya mo ring patigilin ang mundo ko.

IV.
Pero hindi ako papayag na manipulahin mo ako,
Kailangan kong makalaya sa kapangyarihan mo.
Kaya simula sa araw na ito’y,
Tatanggalin na kita sa sistema ko.
Jul 2016 · 4.0k
Ang Perwisyong Dulot ng Ulan
Jor Jul 2016
I.
Ang ganda ng panahon
Naalala ko pa noon,
Tumatakas ako sa pagtulog
Para lang makipaglaro tuwing hapon.

II.
Habang ginugunita ang nakalipas
Napatingin ako sa mga batang sa labas.
Habang sila'y naglalaro,
May mga patak na sa kanilang ulo'y tumutulo.

III.
Inangat ko ang aking ulo,
At pansin kong dumidilim ang mundo.
Tila may paparating na malakas na ulan,
Pero bakit naman ito'y biglaan?

IV.
Hindi magkanda-ugaga ang mga ale,
Sa pagkuha ng mga sinampay sa kable.
Kinukwestyon din nila ang kalangitan,
Bakit daw biglaan ang buhos ng ulan?

V.
Minuto lang nakalipas.
Haring araw ay muling nagpakita.
Nakakapikon ang sinag nitong dala,
Akala mo'y walang taong naperwisyo.

VI.
At bigla kong napagtanto
Para rin pala siyang biglaang ulan,
Dumating ka nalang bigla,
Kahit hindi naman kita kailangan.

VII.
Buti sana kung maganda ang dulot mo,
Sa nanahimik kong mundo.
Akala mo ba'y masaya ako sa'yo?
Pero ang totoo isa ka lamang hamak na perwisyo!
Jor Jun 2016
I.
Akala ko dati masaya mag-isa,
Pero hindi pala.
Darating ang mga gabing malulumbay ka.
At pakiramdam mo iniwan ka na nila.

II.
Akala ko dati kaya ko mag-isa.
Pero hindi pala.
Dahil kahit anong mangyari,
Kakailangan mo pa rin sila.

III.
Eto ang isa kong natutunan sa buhay,
Sa mundong ito kailangan mo rin ng karamay.
Kahit sino, basta’t mapagkakatiwalaan.
Pwedeng kaibigan o ka-ibigan.

IV.
Masaya naman talaga minsan–
Ang mamuhay mag-isa.
Nagagawa mo ang lahat ng naisin mo.
At tiyak na hawak mo ang oras mo.

V.
Pero mas masaya mamuhay ng may kasama,
Kahit isa lang basta tunay siya.
Yung laging nariyan para ika'y damayan,
At kailanman hindi ka iiwan.

VI.
Yung taong makakasama mo sa kalokohan at–
Yung taong kasundo mo sa lahat ng bagay.
At kung sakaling natagpuan mo na s'ya.
H'wag mo na s'yang papakawalan pa.
Jun 2016 · 12.7k
Patawad at Salamat
Jor Jun 2016
I.
Patawad at salamat sa tula;
Kasi ikaw lang ang natatakbuhan ko,
Kapag mabigat ang damdamin ko.
Kapag pakiramdam ko; iniwan na ako ng mundo.

II.
Patawad at salamat sa tula;
Kasi ikaw ang kumalinga sa akin,
Sa tuwing ako’y lumuluha,
At sa tuwing ako’y may naisip iparating.

III.
Patawad at salamat sa mga salita;
Kung ika’y nagiging panakip-butas.
Sa tuwing ako’y tahimik sa sulok,
Ngunit may gustong ibulaslas.

IV.
Patawad at salamat sa’yo;
Kung hindi dahil sa iyo,
Baka tuluyan ko nang di maipahayag--
Ang aking sarili gamit ang tula sa mundo.
May 2016 · 5.1k
Pa-Fall
Jor May 2016
I.
Nakilala ka dahil sa isang kaibigan,
Di nagtagal, tayo'y nagkamabutihan.
Walang araw na hindi nagkakausap,
Tuwing nagmemensahe ka ako'y parang nasa ulap.

II.
Nakilala pa natin ang isa't-isa.
Tandang-tanda ko pa nung una tayong magkita,
Hindi ko maalis sayo aking mga mata,
Pero ramdam ko ika'y sakin ay ilang pa.

III.
Unang larawan na tayo'y magkasama,
Proud na proud ko pang ipinakita sa tropa.
Ako na ata ang pinaka-masaya nung araw na 'yun,
Dinarasal na sana parati nalang ganun.

III.
Nagpatuloy ang ating palitan ng matatamis na salita,
Pero kada-araw na lumilipas na araw, tila ika'y nanlalamig ata.
Hinayaan ko, kahit na hulog na hulog na ako sa'yo.
Sabi ko sa sarili ko: "Wala kang karapatan mag-tampo dahil di naman kayo."

IV.
Nagsawa na ako sa ganoong estado kaya't nagtanong ako ulit:
"Ano ba ang meron tayo? Kasi mahal kita, eh ako ba?"
Hindi ka umimik, nagpumilit kang ibahin ang usapan.
Tinanong ko ulit ang aking sarili kung; "Itutuloy ko pa ba ang laban?"

V.
"Hindi kita kayang mahalin gaya ng pagmamahal mo sa akin."
Ang ganda ng umaga ito, tapos ganito ang bungad mo?
"Bakit ano ang dahilan, gusto kong maliwanagan?" Tanong ko.
"Gusto na niya makipagbalikan. Patawarin mo ako."

VI.
Halos gumuho ang mundo ko sa nabasa ko.
Para akong natutulog ng mahimbing, tapos binuhusan ng yelo.
Alam ko namang hahantong sa ganito,
Buti na lamang handa ako, pero di ko akalain bakit sa araw pa na 'to?

VII.
Masyado akong nagpadala sa mga ngiti mo,
Hinahanap-hanap ko pa presensya mo,
Hulog na hulog na ako, kasi akala ko kaya mo ako.
May kalakihan ako, pero sana nagsabi kang hindi mo ako kayang masalo.

VIII.
Ikaw ang bumuo sa mga araw ko,
Pero ikaw rin pala ang wawasak nito.
Lumaban ako--kasi akala ko kaya mo rin akong ipaglaban,
Pero mas piniling **** balikan yung taong minsan ka nang iniwan.
tula
May 2016 · 2.9k
Ang Huling Martsa
Jor May 2016
I.
Ang bilis ng panahon!
Parang kailan lang nagkakahiyaan pa noon.
Pero tignan mo naman,
Para na tayong magkakapatid magturingan ngayon.

II.
Sandalan ang isa't-isa 'pag may problema.
'Pag magkakasama oras ay hindi alintana.
Ako 'yung taong mabilis pang-hinaan,
Pero dahil sa inyo, natutunan kong lumaban.

III.
Ang bilis ng panahon!
Hindi ko pansin na lumipas na pala ang apat na taon.
At sa apat na taon na 'yun, naramdaman ko lahat ng emosyon:
Saya, lungkot, takot, kaba, pagdurusa, kilig at matinding ligaya.

IV.
At kahit lumipas pa ang sunod na apat na taon (o higit pa)
Sana 'wag kayong magbago,
At ganun din ako.
Kung paano ko kayo nakilala, sana 'yun pa rin kayo.

V.
Kung may mga problema kayo, pwede niyo akong lapitan.
Basta wag lang tungkol sa Math at pera, may sakit ako niyan.
Sabi nila hayskul ang pinakamasaya sa eskwela,
Pero para sa akin, kolehiyo pa rin talaga!

VI.
Natutuwa ako dahil magtatapos tayo ng sama-sama,
Kahit na 'yung iba, may alanganin pa.
Kaya niyo 'yan, nasa inyo ang aming suporta!
Kaya sa katapusan sana sabay-sabay tayong magma-martsa!
Apr 2016 · 2.5k
Wala Nang Pansinan
Jor Apr 2016
I.
Gusto kong balikan ang kahapon,
Kung saan ang saya-saya pa natin noon.
Hindi tayo nauubusan ng kwento,
Hanggang bukang-liwayway gising pa tayo.

II.
Gustong bumalik sa mga panahong,
Halos di na natin pansin ang oras.
Yung mga panahong, masaya lang.
Nagke-kwento na parang wala nang bukas.

III.
Dati-rati, hindi tayo mapaghiwalay.
Kapag may problema, isa't-isa ang karamay.
Kaagapay sa halos lahat ng bagay.
Hindi uso sa atin ang salitang: "Goodbye"

IV.
At dahil walang permante, lahat nagbabago,
Bigla nalang isang araw di mo na ako kinibo.
Lahat na nangpag-suyo nagawa ko,
Ngunit ako'y nabigo.

V.
Kahit anong mangyari kasama ka pa rin
Sa listahan ng mga kaibigan ko.
Hindi ko hinihingi lahat ng oras mo,
Pero sana naman, 'wag **** baliwalain ang tulad ko.
Apr 2016 · 8.7k
Ilangan at Alinlangan
Jor Apr 2016
I.
Una palang pansin ko na,
At kita sa iyong mga mata,
Ang pag-iwas mo sa tuwing kakausapin kita.
Binabaling sa iba ang tingin,
Habang dinadama ang dampi ng malamyos na hangin.

II.
Rinig sa iyong labi,
Ang tipid ng iyong huni.
Mas naririnig ko pa--
Ang tibok ng puso mo, sinta,
Kaysa sa mga sinasabing **** salita.

III.
"Hindi ka ba kumportable
Na ako'y makatabi?"

'Yan ang tanong ko sa'king sarili.
"Oh, baka sa init ng panahon--
Kaya ka ganyan ngayon?"
Dugtong ko pa.

IV.
Gusto kong basagin ang katahimikan,
Ngunit hindi ko alam ang sasabihin,
At hindi ko rin alam kung paano sisimulan.
Sapagkat, pareho tayong nag-aalinlangan.

V.
Ilangan at alinlangan,
Iyan ang tila rehas na nagkukulong sa'ting dalawa.
Balak ko sanang basagin at tibagin,
Pero hindi ko kaya ng mag-isa,
Kailangan tayong dalawa.
Apr 2016 · 2.8k
Ayoko
Jor Apr 2016
I.

Ayoko talagang magbasa ng mga tula,
Madalas kasi ako'y naluluha.
Kahit hindi naman dapat maramdaman,
Ng mga berso at mga linyang nilalaman.

II.

Ayoko talagang tumitig sa'yo,
Kasi baka 'di ko mapigilan sarili ko.
Na baka 'di makapag-timpi,
Higitin nalang kita at yakapin sa tabi.

III.

Ayoko talagang makitang masaya ka,
Na masaya sa iba.
Dahil pinapa-mukha mo lang sa akin,
Na hindi ka kailanman mapapasakin.

IV.

Ayoko talagang magbasa kasabay ng ulan,
Kasi pinapapaala lang nito ang lumbay.
Lumbay na kahit kailan
Hindi na ako nilubayan.

V.

Ayoko talagang makatabi ka,
Dahil pinaparamdam mo lang sa akin na,
Isa ka nalang pangarap na sobrang lapit,
Pero kailanman hindi na makakamit.
Oct 2015 · 18.3k
Naguguluhan sa Nararamdaman
Jor Oct 2015
I.
Noo'y akin pangg naaalala,
Nung una kitang makita.
Ako'y humanga na,
Lalo na sa taglay **** ganda.

II.
Nakaka-akit ang iyong bintana ng kaluluwa.
Lalo na’t sa tuwing ngumingiti ka.
Hindi ko mapigilan ang sariling,
Ngumiti rin pabalik sa iyo, sinta.

III.
Araw-araw na tayong magkasama
Sapagkat pareho tayo ng tropa.
Asaran dito, asaran diyan.
Kulitan dito, kulitan diyan.

IV.
Hanggang sa lagi na kitang hinahanap-hanap,
‘Pag wala ka para akong sinakluban ng ulap.
Napapansin na rin nila na kapag wala ka,
Para raw akong lantang-gulay kasama.

V.
Hindi ko rin alam kung bakit ganun?
Lito pa rin ako hanggang ngayon.
Gusto na ba talaga kita?
Hindi ko rin alam ang aking nadarama!
Aug 2015 · 4.6k
Ang Naligaw ng Landas
Jor Aug 2015
I.
Sa mura kong edad ulila na ako,
Pumanaw ang aking ina sa pagkakaluwal ko.
Ang aking ama ay nakakulong,
Pagkat sa droga s'ya ay nalulong.

II.
Sa mura kong edad sinubok na ako ng buhay,
Naranasan ko nang matulog sa lansangan,
Habang walang kumot na nakadagan saking katawan.
Tanging liwanag lang ng buwan ang nariyan upang ako'y gabayan.

III.
Sa mura kong edad natuto na akong mang-umit.
Nilalaslas ko ang bag ng aleng sa braso ay nakasabit.
Sabay tatakbo ng mabilis para makatakas,
Sa mga parak na nais akong mabitbit.

IV.
Sa murang kong edad yosi na ang aking hinihithit,
Umaaktong action star at sa pagitan pa ng daliri nakaipit.
Ito nalang ang aking nagsisilbing pagkain,
Dahil kagabi pa ako di nanginginain.

V.
Sa mura kong edad kinamuhuian ko na ang mundo,
At ang lagi kong tanong: "Bakit ganito ang sinapit ko?!"
Nanliliit na ang tingin ko sa sarili ko,
At tila wala na atang patutunguhan ang buhay kong ito.

VI.
Sa mura kong edad naligaw na ang landas ko,
At may inggit ako sa taong nagbabasa nito.
At kung sasabihin n'yong malas kayo sa buhay niyo,
Ano pa kaya ang mundong sinapit ko?
Jul 2015 · 2.5k
Muni-muni sa Ilalim ng Gabi
Jor Jul 2015
I.
Minsan lang ako lumabas ng bahay
Minsan lang ako umupo sa damuhan at tumambay.
At napili ko ang gabi para ako'y damayan
Sa aking nalulumbay na katauhan.

II.
Marami akong naiisip–mga kung ano-anong bagay.
Marami akong gustong sabihin sa mundo,
Ngunit mas pinili ko nalang na itikom ang bibig ko.
Sapagkat alam kong wala namang makikinig sa mga pasaring ko.

III.
Napahiga nalang ako at ang mga bituin binilang ko,
At napagod ako kakabilang sapagkat alam kong imposible ito.
At bigla kang dumapo sa isip ko. At napasabing:
“Isa ako d'yan sa mga bituin, ako ‘yung maliit at 'di mo napapansin.”

IV.
Napabuntong hininga ako,
At kasabay nun ay biglang may isang bituing biglang nagningning.
Naalala kita, naalala ko yung ngiti mo noong una tayong nagkita.
Isa ka rin nga palang bituin, ngunit 'di gaya ko, pagkat ika'y maningning.

V.
Ang sarap sana ng buhay ko kung laging ganito,
Masarap ang hangin at tahimik ang aking mundo.
Ngunit alam kong imposible ang hinihiling ko,
Pagkat mas masarap ang buhay 'pag ikaw ang kapiling ko.
Jul 2015 · 7.1k
Pangalawang Pagkakataon
Jor Jul 2015
I.
Pangalawang pagkakataon?
Karapat-dapat ka pa ba para doon?
Matapos **** saktan ang damdamin.
Ganun-ganun nalang ba ‘yun?

II.
Hindi mo alam ang dinanas kong hirap,
Habang ikaw, hayun at nagpapasarap.
Ang hirap mabuhay ng wala ka,
Dahil sanay na akong nasa tabi kita.

III.
Pero pinilit kong tumayo para mabuhay!
Sinanay ko ang sarili na wala ka,
At lahat ng pagkalimot nagawa na.
Pero ang sugat sa puso'y naghihilom pa.

IV.
Matapos ang isang taon,
Landas natin ay muling nagkita.
Akala ko lahat ng ala-ala'y wala na.
Akala ko nakaraos na ako sa sakit, hindi pa pala.

V.
Iiwasan sana kita kaso braso mo'y ibinuka,
Para tayong nagpapatintero sa kalsada.
Pagkat humihingi ka ng sandali,
Para makapag-usap tayong maigi.

VI.
Pumayag ako,
Kahit alam kong masasaktan lang ako.
Kahit alam kong 'di pa kaya ng puso ko.
Pumayag ako!

VII.
Bakas sa mukha mo ang pagkatuwa!
Dahil sa wakas masasabi mo na,
Kung bakit ka nalang nangiwan bigla.
Aaminin ko, ako rin ay nakaramdam ng kaunting tuwa.

VIII.
Pero hindi ko yun ipinahalata,
Sapagkat, kung iyon ay iyong makikita,
Marahil ika'y umasa na pinatawad na kita.
Mali! Maling mali!

IX.
Napa-usog ka bahagya at nagbuntong hininga pa.
Napahawak ka saking braso, tumingin sa aking mga mata.
Sinabi mo lahat ng dahilan kong bakit ako iniwan,
Ako ay naliwanagan sa iyong mga tinuran.

X.
Humihingi ka ng pangalawang pagkakataon,
Pero hindi ko yun ganun-ganun.
Tugon ko'y: “Aking pag-iisipan” at umalis na lamang.
Hinabol mo ako’t sinabing: “Mahal kita 'di kita kinalimutan.”

XI.
Hindi ako sumagot at sa paglalakad diretso lamang.
Pero alam ko sa sarili kong mahal pa rin kita.
Alas dose na at diwa ko’y gising pa,
Dahil sa aking naaalala ang ating muling pagkikita.

XII.
Napag-isip-isip kung dapat pa bang pagbigyan kita.
Kahit na alam ko sa sarili kong mahal pa rin kita,
Nagdadalawang isip pa rin ako baka masaktan na naman ulit ako.
Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako.

XIV.
Dumaan ang dalawang linggo,
At sinipat mo na ako sa bahay ko.
Halatang nasasabik ka na sa isasagot ko.
Niyakap kita ng mahigpit sumigaw ng “Oo!”

XV.
Sa una'y nagtataka ka pa sa kinilos ko,
At hanggang sa unti-unti kang nangiti.
Dahil naliwagan na ang loko.
Matagal ko ng pinag-isipan 'to at “Oo” ang sagot ko.

XVI.
At dahil mahal pa kita, hindi ko na natiis pa,
Hindi sapat ang mga daliri ko kung gaano ko,
Lubos na pinag-isipan ang isasagot ko sa'yo.
At magmamahalan tayo muli, sa pangalawang pagkakataon.
Jor Jul 2015
I.
Heto na naman ang panahon na naman ng tag-ulan.
Ating ala-ala ay dahan-dahang nagsisibalikan,
Sa aking mumunting isipan.
Mga ala-alang na hindi na dapat pang binabalikan.

II.
Naalala ko pa noon ang ating unang ulan,
Sa kung paano mo ako hagkan,
Sapagkat pareho tayong nangingig ang katawan.
Niyakap kita ng mahigpit at halos ayaw na kitang pakawalan.

III.
Pareho tayong tahimik ng mga gabing 'yun,
Hindi tayo nag-uusap nasa iba ang atensyon.
Bigla kang bumalikwas at sa akin ika'y napatingin.
Ako'y panandaliang nagulat at ako'y umiba ng tingin.

IV.
Napukaw ang atensyon mo ng iyon ay aking gawin,
Ika'y nagtanong: “Mahal, anong ba’t 'di ka makatingin?”
Nagulat ako sa tanong mo, 'di ko alam ang sasabihin.
Sagot ko'y: kaswal na “Wala” at ika'y niyakap ng mariin.

V.
Bigla akong nagising sa katotohanan,
Kaya’t akin ng tinigilan ang pag-iisip ng kalungkutan.
Kung itatanong n'yong nasaan na s'ya.
Nandun s'ya sa langit kapiling ang Diyos Ama.

VI.
Oh, ulan! Kasalanan mo talaga 'to!
Kaya ngayon sila'y muling tumatangis mula sa mata ko.
Hayaan n'yo na ako,
Ganito na talaga siguro ang epekto ng mga ulan sa buhay ko.
Inspired lang.
Jul 2015 · 32.6k
Ang Nakalimot na Kaibigan
Jor Jul 2015
I.
Dati, may isa akong matalik na kaibigan,
Mabait s'ya at siguradong maasahan.
Halos ng bagay aming napagkakasunduan.
At alam kong ‘di n'ya ako iniiwan.

II.
Ngunit may kakaibang nangyari,
Pinagpalit n'ya ako sa isang lalaki.
Lalaking nagpatibok ng kanyang puso,
Kaya’t ang sarili ko'y dinistansya ko.

III.
Nagkaroon ng lamat ang aming pagkakaibigan
Madalas na kaming hindi nagpapansinan,
At madalas na rin kaming hindi nagkakaintindihan.
Anong nangyari sa amin? Anong nangyari sa'king kaibigan?

IV.
Siya'y masaya na sa kanyang kasintahan,
Habang ako'y tuluyan na n'yang iniwanan.
Nagpagpasyahan kong s'ya rin ay kalimutan,
At sa listahan ng aking kaibigan siya'y aking inekisan.

V.
Sinanay ko ang aking sarili,
Sinanay kong wala na s'ya sa buhay ko.
Sinanay kong wala na s'ya sa sistema ko.
Sinanay ko kasi alam kong mas makakabuti ito.

VI.
Maaaring kilala ko s'ya sa pangalan,
Pero ibang-iba na ang kanyang katauhan.
Kaya kayo, pumili kayo ng maaasahang kaibigan,
'Yung hindi kayo makakalimutan kailanman.
Jor Jun 2015
I.
Bakit ganun ang tadhana?
Lahat na ata aking ginawa.
Pero sakanya'y ito'y isang bula,
Naglalaho na lamang bigla.

II.
Bawat araw sa kalendaryo ko
Madiin kong iniekisan ang mga ito.
Para bilangin ang mga araw
Noong sa akin ikaw ay bumitaw.

III.
Bawat gabi humihikbi ako
Pagkawala mo'y di ko matanggap ng buo.
Ang amoy ng iyong damit,
Sa puso ko'y patuloy na kumakapit.

IV.
Dumating ang araw na, pag-gising ko
Nagpasya na ang puso’t isip ko,
Na kalimutan ang isang tulad mo.
Para makalaya na'ko sa pang-gagago mo.

V.
Sa wakas! Sa loob ng ‘sandaang araw
Amoy mo'y sa puso ko'y bumitaw.
Sinunog ko na rin ang kalendaryong
Nagsilbing ala-alang saking pagiging tanga!
Jor Jun 2015
I.
Naalala ko pa dati nung tayo'y musmos pa lamang
Naglalaro tayo sa labasan ng habulan at tayaan.
Hindi ka tumitigil hangga’t tayo'y mapagod,
Pareho tayong hapong-hapo at basa ating likod.

II.
Hanggang sa eskwelahan tayo'y magkasama pa rin.
Magkaklase, nagkokopyahan sa mga takdang-aralin.
Nakikinig kunyari sa ****, at nagsusulat na rin.
Sabay kumakain sa tanghalian, hatian pa sa ulam.

III.
Hanggang sa tayo ay nangako sa isa’t-isa,
Nangako tayo na walang iwanan, hindi ba?
Tinupad mo ‘yun at ganun din ako sayo.
Ako'y nagbigay ng singsing sabay sa pangako natin.

IV.
Tumagal ang panahon, tila pakikitungo mo'y nag-iba/
Ang kaibigan kong kilala, sa akin ay nanlamig na.
Hindi ko alam kung anong problema kaya kinausap kita.
Tinanong ko kung anong nangyari, tugon mo'y malamig na; “Wala.”

V.
At nalaman ko nalang na may ibang kaibigan ka na pala,
Parati kong tinatanong sarili ko kung ako ba'y may nagawa
May nagawa ba akong hindi tama? Bakit ganun?
Paano? Paano na lamang ang pangako natin noon?

VI.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako naliliwanagan,
Sinubukan kitang kausapin, ngunit ako'y tinatalikuran.
Ganito pala kasakit ang maiwan ng isang kaibigan.
Ganito pala kasakit ang mawalan ng matalik na kaibigan.
Jun 2015 · 6.2k
Torpe
Jor Jun 2015
I.
Noong makita ko s'ya parang tumigil ang mundo ko.
Tila parang lahat ng bagay nag-slow mo.
Anong pakiramdam ‘to?
Ba’t parang ang bigat ng katawan ko?


II.
'Di ko mapigilan napangiti nalang,
Teka sino ba 'to?
Sino ba ang magandang nilalang na 'to?
At parang na-love at first sight yata 'ko?


III.
Ba’t kapag nariyan s'ya biglang 'kong naduduwag.
At kapag ngumingiti s'ya'y katawan ko'y nabubulwag.
Ganoon ba talaga ang epek n'ya sa akin?
'Pag s'ya'y nakikita tila parang aatakihin?


IV.
Gusto ko s'yang lapitan pero 'di ko magawa.
Gusto kong magpakilala pero nauudlot bigla.
Nakakainis din ang mga kaibigan n'yang parang utot.
Biglang nalang sulpot ng sulpot.


V.
Nang ako ay pauwi siya ay nakasabay,
Gusto ko sanang tabihan kaso baka sumablay.
Nauunahan ng takot at kaba.
Baka kasi gusto n'ya lang kasi mapag-isa.


VI.
Walang mangyayari kung maduduwag ako
Kailangan ko labanan ang takot at kaba na ito
Nang ako ay palapit na biglang may umakbay sa kanya
At 'di pa nakuntento humalik pa sa pisnge n'ya.


VII.
“'Di pwede 'to!” ang sigaw ko sa sarili ko.
Pero walang nagawa at tumalikod nalang ako.
Magdamag nag-mukmok sa madilim na kwarto.
Pinagsisihan ang pagiging torpe ko.
Unang tulang nabuo't naisulat ko noong ika-10 ng Abril taong 2014)
Jan 2015 · 2.3k
Martir
Jor Jan 2015
I.
Sabi nila tama na ang pagpapakatanga,
Sabi nila sa'yo'y ako'y wala namang halaga,
Sabi nila hangga't maaari layuan na kita,
Pero anong magagawa ko, ikaw parin talaga.

II.
Tatanggapin ko ang mga paratang nila,
Tatanggapin ko lahat ng mga sinasabi nila,
Tatanggapin ko kahit ang sakit masabihan ng "tanga".
Wala na akong pakialam pa sa sasabihin nila.

III.
Darating din ang araw na mapapagod ako,
Mapapagod din ako sa kamartiran ko.
Darating din ang panahon na magsasawa ako,
Magsasawa ako sa mga katangahan ko sa'yo.
Jan 2015 · 14.4k
Taksil
Jor Jan 2015
Tanda ko pa dati nung tayo pa,
Ang dami nating plano sa isa't-isa.
Sabi mo sa hinaharap ako'y kasama,
Sa pagtanda, sa hirap maging sa ginhawa.

Dumaan ang Disyembre: Buwan ng taglamig.
Tila hindi ko na ramdam ang iyong pag-ibig.
Ang dating umaalab na pagmamahalan, lumamig.
Bakit ka nagkaganyan? Ako ba'y may kasalanan?

Nangako kang hindi mo ako iiwan,
Nangako kang hindi mo ako tatalikuran.
Hanggang sa ika'y nakaramdam ng kasawaan.
Iniwan mo akong walang alam, ako'y labis na nasaktan.

Niloloko mo lang pala ako!
Hindi lang pala ako ang nasa puso mo.
Isang lang pala ako sa mga laruan mo.
Kaluluwa mo sana'y sunugin sa impyerno!

Nagpadala ako sa mga ngiti mo,
Umasa ako sa mga pangako mo.
Sinisisi ko ang sarili ko,
Kung bakit sayo'y ako'y nagpaloko.
Jan 2015 · 1.8k
Tagahanga
Jor Jan 2015
Isa lang ako sa
mga taga-hanga mo.
Isa lang ako sa
mga dinadaanan mo.
Isa lang ako sa
mga nilalampasan mo.

'Di mo manlang
ako napapansin.
'Di ako nakikita
ng mga mata mo.
'Di mo manlang
naririnig ang tinig ko.

Gusto kita.
Sa ayaw at
sa gusto mo,
gusto kita.
Mali —
Mahal na pala kita.
Jan 2015 · 8.4k
Sana
Jor Jan 2015
Sana kung gaano kadali ang pag-hinga,
Ganun lang din sana
Kadali ang malimutan ka.

Sana kung gaano kadali bitawan ang lobo,
Ganun lang din sana
Kadaling maglaho ang pag-ibig ko sa’yo.

Sana kung gaano kadali tadyakan ang preno,
Ganun lang din sana
Kadali huminto ang nararamdaman ko sa’yo.
Jan 2015 · 348
I Can't Sleep
Jor Jan 2015
I guess,
this bed
is too big
for me.

Why don’t
you hop in
And share
with me?

I’ll hug you
tightly and
caress your
face gently.

Until we
fell asleep
quietly and
peacefully.
Jan 2015 · 7.6k
Gitara
Jor Jan 2015
Sa araw na’to haharanahin kita
Kahit ‘di ako marunong kumanta.
At ako’y madalas laitin ng iba.
Ayos lang sa akin, basta ikaw ang kasama.

Makita lang kita tumawa
Buo na ang aking umaga.
Magkakantahan tayo
Kahit pareho tayong sintunado.

Ang mahalaga ay sumaya tayo
Kahit na madalas, sablay sa tono.
Magtatawanan at maghahagikgikan
'Yan ang ating kaligayahan.

Sa paglubog ng araw, parehong naluha.
Dahil tapos na naman ang araw
At ako naman sayo’y mangugulila.
Ika’y lilisan na, Magtutungo sa Amerika.

Nagyakapan ng mahigpit,
At binigay ko ang aking gitara.
Dahil ito lang ang magpapa-alala
Sa ating masasayang alaala.
Jan 2015 · 4.8k
Manhid
Jor Jan 2015
Nagsimula ‘to ng makilala ko s’ya.
Pinapakita ko na mahal ko s’ya,
Pinaparamdam ko na s’ya ay mahalaga.
Pero para sa kanya, wala lang talaga.

Kahit na may pagka-boyish s’ya
Prinsesa pa rin ang turing ko sakanya.
T’wing gabi, iniisip ko s’ya
Tinanong kung nadarama n’ya ba?

'Di ko alam kung nadarama n'ya ba
Na may pag-tingin na ako sa kanya?
'Di n'ya ba pansin na mahal ko s'ya?
O sadyang manhid lang talaga s’ya?

Sobrang hirap ng ganito para akong
Nagmamahal ng taong paralisado
Na kahit anong pa ang gawin ko
'Di n'ya naman ramdam ang pag-ibig ko.
Jan 2015 · 3.7k
Panghihinayang
Jor Jan 2015
Ilang taon ko inipon ang lakas ng loob
Para sabihin sa’yo lahat ng nakakulob—
Sa puso kong patay na patay sa’yo.
At ang masakit dun parang wala lang sa’yo.

Masakit ang mga sugat na dulot mo,
Tila libong pana ang tumusok sa puso ko.
Wala ba talaga akong puwang sa buhay mo,
At ganun mo nalang itinaboy ang pag-ibig ko?

Ang hirap tanggapin na may mahal ka na,
At ang sakit isipin ako’y itsapwera na.
Isang tyansa lang ang hinihingi ko,
Bakit pati ‘yon ay ipinagkait mo?

Sabagay, bakit kasi ang kupad-kupad ko?
Kung noon pa sana ako nagsabi,
Eh ‘di sana ngayong gabi ikaw ang katabi.
Ang tanga ko rin naman kasi, sana noon pa ako nag-sabi.

— The End —