Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

Poems

Hanzou May 2018
Minsan naiisip ko kung bakit madalas akong nag-aalala sayo.
Madalas din kung maramdaman ko na sa bawat minsan nasasaktan ako.
Minsan wala akong maramdaman.
Madalas nagiging manhid nalang.

Minsan ginugusto ko nalang na biglang mawala.
Madalas sinasabi ng isip ko na 'wag magpapabigla.
Minsan naman nakakasanayan ko na tiisin ang pagkalungkot.
Madalas hindi ko kinakaya, mahirap, matindi, makirot.

Minsan napapatanong ako kung, "Minsan lang, pero ba't napapadalas?".
Madalas na kase akong matulala kakatingin sa larawan nating kupas.
Minsan nasasagi sa isip ko, "Kuntento ka pa ba? O sawa ka na?".
Madalas akong natatakot, nababalisa, 'di mapakali, oo, sobra na.

Minsan ko nang nagawa ang ibalewala ang iba, walang nakikita, kahit nandyan na.
Madalas ko ding sinasabi sa sarili na wala akong alam noon, kahit 'di na tama.
Minsan naisip ko na baka bumalik sa'kin, at karmahin ako.
Madalas namang kinokontra ng isip ko, ang damdamin ko.

Oo nga pala, minsan na din akong nagloko.
At ngayon nararanasan ko, ang madalas na pinaggagagawa ko.
Kahit sabihin pa na minsan lang, kahit minsan lang na nangyari.
Madalas ko ng maranasan, minsan, madalas, bumabalik sa akin ang ginawa ko dati.
Michael Joseph Nov 2019
sa isang minsan
naglaro ang tadhana,
pinagtagpo ang mga mata
ng dalawang uhaw sa kahulugan

sa isang minsan
nagsimula ang tagu-taguan,
mga salitang walang kahulugang
sinasambit ng mga labing mapagpanggap,

sa isang minsan
nagdikit ang mga labi,
pilit itinago ang init na nadama
ngunit mga ngiti natin ang nagsasabi

sa isang minsan
maipapakita natin sa lahat
na nandito tayo para sa isa’t-isa
at di na kailangan pang matakot sa panghuhusga

sa isang minsan,
kailangan nating maniwala
sa pagdating ng oras at tadhana,
magkasamang lalaya,
sa isang minsan

masasambit rin natin ang ating pagsinta,
sa isang sulyap na walang takot,
walang alinlangan,
sa isang minsan

ang minsan ay magiging walang hanggan,
panghabang-buhay, kahit saan,
kahit kailan, kahit anong oras
sa isang minsan

darating rin na magtutugma ang tadhana
kaya’t makontento muna tayo
sa mga nakaw na sandali,
sa isang minsan

magtatagpo ang ating mga mata at ngiti
kahit na walang kahulugan,
kahit na tayo’y  nasasaktan,
sa isang minsan

tayo ay nagkatagpo at nagmahalan,
kahit alam nating tayo ay sawi,
sa pag-ibig nating
tulad ng ulan
sa isang minsan
Ito nakagawa na rin ng legit na ngayong taon ko nagawa, ang hirap maghanap ng poetic inspiration, pero heto buhay na uli. Tag-ulan eh.