Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
GABRIELLE Feb 2017
Kasabay ng aking paggawa ng tula
ay ang pagbitaw sa pangako mo na
"akin kang babalikan"
Kasabay ng pagiba ng ihip ng hangin
ay ang pagtangay sa puso kong dati'y walang ibang isinisigaw kundi ang iyong pangalan

Isa kang salamangkero
Pinaniwala mo ako sa mahikang kailanma'y 'di totoo
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pag-ibig na nagpalapit sa atin
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig

Pero teka
Pag-ibig nga ba iyon
o isa lang iyon sa mga pelikulang iyong nilikha?
Na sa umpisa palang ay nakalagay na ang mga katagang
"Babala: ang sususnod na programa ay walang halong katotohanan
Huwag seseryosohin"

Una palang kitang nakita,
nakuha mo na agad ang aking atensyon
Katulad ng isang kwintas
Una mo palang makita,
hindi mo mapipigilan
na mapalapit agad iyon sa puso mo

Naaalala mo pa ba ang regalo mo sa akin?
Kwintas na may hugis pusong disenyo
Sabi mo, iyon ang sumisimbolo
na nasa akin na ang iyong puso
Ngayon, alam ko na kung bakit
Dahil tulad ng metal na kwintas na iyon,
Ganon din katigas ang nilalaman ng iyong dibdib
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Una, akong natutong magbilang ng saya sa dagat,
Habang ginagawa kong kwintas ang mga puka shells
Sa dalampasigan.


Natutu akong lumaban sa sigalot ng buhay,
Sa pagtalon habang ang mga rumaragasang alon
Ay ginuguho ako.

Ang   hangin
Ay bumubulong sa akin ng uyayi
Dinuduyan ako upang mahimbing.

Natuto akong magbawas ng kalungkutan
Sa mga tuyom
Sa baybayin.

Natuto ako ng kolektibong paggawa
Sa pagmasid sa mga mangingisda sa paghugot
ng lambat mula sa dagat
Na taglay ang isang araw na huli
at hatiin sa kanila
Nang pantay-pantay.

Umuwi sila sa kanilang pamilya na may
Kasiyahan sa kanilang dalang
Paghahatian sa paminggalan.

O kay sarap sa pakiramdam
Tuwing huhubarin ko ang aking tsinelas
At namnamin ang mapipinong buhangin sa aking mga paa.

At sa tuwing ako ay nakakaranas ng kasalatan
Akin lang alalahanin-
Ang mga araw ng aking pagbibilang  sa dagat.
kahel  Nov 2016
Oras
kahel Nov 2016
Ano nga ba ang layunin ng oras?
Mas matimbang ba ito sa mga makikinang na alahas?
O mas mapula pa sa pag usbong ng mga sariwang rosas
Ito ba talaga ay nagbibigay lakas?

Hindi sapat ang pagluha upang makabawas
Para saluhin ang mga masasakit na hampas
At sa mga sugat na walang lunas
Na nag iiwan ng mga malulungkot na bakas

Kung saan lumaban at nakipagsapalaran ka naman ng patas
Ngunit pakiramdam mo sa bandang huli ay ikaw pa din ang olats
Dahil ba biglang bumida ang mga mapalinlang na ahas?
Na pumupulupot sa leeg na parang isang kwintas

At pumipigil sa mga kasinungalingang pwedeng ibigkas
At inaakalang wala ng pag-asa upang makaligtas
Kulang pa ba ang kinaing bigas?
Harapin ang mga ito ng walang kaba at di pag iwas

O kaya naman gawing posas para masiguradong walang takas
Sa mga bagay na iniingatan magkaroon ng maliliit na gasgas
Hirap tuloy matukoy kung ito ba ay pagkakataong maging swerte o malas
Pwedeng maghintay, wag ka nga lang masobrahan at baka di mamalayan na lumampas

Ang bawat segundo ay hindi tulad ng pera na basta lang winawaldas
Hinay-hinay lang dahil hindi na maibabalik ang bawat minuto na lumipas
Ang maganda dito ay wala itong sinusunod na anumang batas
Dahil ang oras ay isang pinakamumunting regalo na walang hinihinging katumbas
Na pwedeng i-alay sayo ng isang taong nagmamahal ng wagas
1.
Noong unang panahon, dumalaw ang isang diyosa
Sa bagong kapapanganak na ina
Na ang bagong silang na sanggol ay biniyayaan
Ng mga bertud na may kapangyarihan
(Once upon a time, a goddess visited
A mother who has just yielded
A newborn infant who was blessed
With amulets wherein powers are wielded)

2.
Ang ina ay nagsumamo sa diyosa
Na biyayaan ng mahabang buhay ang anak niya
(The mother to the goddess implored
For a long life to the child she labored)

3.
Hindi sumagot ang diyosa
Pero ikinwintas niya ang agimat sa bata
(The goddess did not answer
But a necklace to the child she did wear)

4.
Sa kwintas nakasabit ay tatlong bato
May taglay na kapangyarihan ang mga ito
(The stones are the necklace’s pendants
A power in them enchants)

5.
Ang isa ay nagbibigay-lakas, sa pangalawa ay bilis naman
At sa pangatlo’y proteksiyon sa kapahamakan
(The one grants strength, speed is by the second charm
By the third protection from harm)

6.
Ang nasabing sanggol si Biuag ang ngalan
Siya ay tubong Enrile, Cagayan
(The said baby is Biuag by name
Enrile, Cagayan is from where he came)

7.
Kaya niyang bunutin ang isang puno
Na kaydali para lang siyang nagdadamo
(He can uproot a tree
Just like weeding so easily)

8.
Kaya rin niyang lumangoy nang matulin
Maging mga buwaya’y ‘di siya kayang habulin
(He can swim so fast
Even crocodiles through him can’t get pass)

9.
Nahulog narin siya sa lugar na mataas
Subalit walang natamong anumang gasgas
(He even fell from a high place
But didn’t obtain any bruises)

10.
Dahil sa mga kapangyarihang ipinamalas niya
Mga tao’y dinayo siya at sinamba
(Because of powers by his showmanship
To him people came and worship)

11.
Sa kabila ng lahat, malungkot si Biuag
Dahil ‘di niya makuha ang napupusuang dilag
(Despite of all, Biuag is desolate
Because the dear maiden he can’t get)

12.
Ang nasabing babae sa Tuao ay katutubo
Hindi tanyag ang nilalang na ito
(That lady in Tuao is indigenous
This creature is not famous)

13.
Noon din ay may binatang katulad ni Biuag
Malakas, makapangyarihan, hindi duwag
(At the same time like Biuag was a man popular
Strong, powerful, not coward)

14.
Malana ang tawag sa kanya
Taga-Malaueg, Rizal ang magiting na binata
(Malana is he being called
From Malaueg, Rizal is this bachelor bold)

15.
Noong labing-walong taong gulang siya
Nilangoy niya ang ilog na maraming buwaya
(Eighteen years old when he was
Swam he the river with lots of crocodiles)

16.
Ito ay upang kumuha ng pagkain
Mula sa malayong lupain
(This is in order to get fodder
From a land that’s farther)

17.
Para sa mga nasalantang tao
Ng nagdaang bagyo
(For the people devastated
By a typhoon that thrusted)

18.
Nang makauwi si Malana
May nakita siyang isang pana
(When Malana returned home
Saw he a bow and arrow)

19.
At nang kanya itong ipukol sa hangin
Sa kanya ang bala’y bumalik din
(And when on air it was thrown
To him the arrow returned)

20.
‘Di naglaon kanyang nabatid
Na ang sandata’y may kapangyarihang hatid
(Soon it came to his awareness
That the weapon a power possesses)

21.
Siya rin ang iniirog ng dilag
Na kinahuhumalingan ni Biuag
(It is him also liked by the maiden
To who Biuag has fallen)

22.
At nang matuklasan ni Biuag na si Malana ang napupusuan
Hinamon niya ang karibal sa isang labanan
(And when Biuag learned that Malana is the beloved
To a fight his rival he challenged)

23.
Nagimbal ang buong bayan
Sa katakut-takot na labanan
(The whole nation felt horrible
Upon the terrifying battle)

24.
Higanteng buwaya ginamit ni Biuag
Babaeng gusto pinagsabihan siyang duwag
(Giant crocodile Biuag utilized
Coward is he said the lady he liked)

25.
Dahil doon, si Biuag ay napahiya
Sa huli, kanyang nilunod ang sarili niya.
(Because of that, Biuag was embarrassed
Drowned he himself at the very last).

-08/17-18/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 222
solEmn oaSis Jan 2022
Sintas Man Ay Kalas
Luma Na At Pigtas
Sapatos At Medyas
Dibaleng May Pintas

Kamisetang Butas
At Maong Na Kupas
Pigtal Na Tsinelas
Hindi Pa Parehas

Tinotonong Kwerdas
karakrus ang kwintas
sa sugal ay utas
pati pato hulas

bahala na bukas
tawagin mang takas
hihiram ng lakas
tatagay ng wagas

nalango sa wakas
kamay lang may hugas
bahid, patak, tagas
palay naging bigas

kahapon ay bakas
sing-linaw ng habas
nahinog ang prutas
ngunit di pinitas

bagsak mula taas
sabik na pumatas
kahit pa lumabas
tinatagong Katas

Tinukso Ng Ahas
Yinapos Ang Angas
Kinapos Sa Alas
Nilukso Yung Dahas

Natisod, Nadulas
Kasi Nga Nangahas
Kung Dati Minalas
Nadapang May Bangas

Babangong Matikas
Sa Mali iiwas
panata kong tagos
dalangin ay lubos

payak man ang lapis
yakap Di Pa labis
sugat na may hapis
ginamot ng kapis

Tila Tala Lihis
Kutitap Sa Bilis
Araw May Silahis
kidlat ang hagibis

mukha na manipis
nagpalit ng bihis
hahakbang sa libis
Layon Ay Malinis

Patama Ay Daplis
Ngunit May Hinagpis
Pinawi Ng Haplos
Animan na agos

Timplang Nalamukos
Animo Ay Musmos
Siglang Dinaraos
Biyaya Ay Puspos !!!
Coming 🔜...
" Pakay ng Yapak "
22 Mula takipsilim ng kabayanihan
Sila Alyna’t Birio’y nagkagustuhan

23 Lumipas ang mga araw at nagkakilala pa
Nang lubusan ang dalawa

24 Loob mas lalong napalapit
Tulad ng mga tinginang malagkit

25 Ang dalaga na ang naghatid mismo
Nang mga uling sa bahay nina Birio

26 Binigyan si Alyna ng pulseras
Gawang hikaw, singsing at kwintas

27 Pag-ibig naglulubos umapaw
Kasalan na ang tinatanaw

28 Ng mga kaanak ng magkasintahan
Madali ring nasang-ayunan.

-07/16/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 172

— The End —