Iaalay ko ang aking katha Sa mga sumusubok sa landas na kayhirap pasukin At ang sigaw nila'y kalayaan sa pagpili Kung saan ba ang kani-kanilang tatahakin.
Malayang pagpili -- Pagpili sa hindi lamang gusto, Ngunit pagpili sa kung ano nga ba Ang tunay na nararapat.
Kaakibat ng pagpili, Ay ang pagtimbang sa kung ano bang Makabuluhan sa panglahat na kapakanan. Hindi tayo pipili dahil tayo'y makasarili, Bagkus tayo'y pipili dahil ito'y ating pinag-isipan.
Bakit ba gusto nating tahakin kung nasaan Naroon na ang lahat? At ang lipon ng bawat kulay ng bahaghari Ay sama-samang pumoprotesta Sa kani-kanilang adhikain.
Minsan, gusto nating matahimik.. Tahimik na lumalaban Hindi gaya ng mga nasa lansangan At itinatali ang sarili Sa kanilang nasanayang batas.
Tayo'y hahalili sa kahapong nagtapos na henerasyon, O baka nalimot mo na ring tayo'y demokrasya na ngayon Ngunit mga alipin ng baluktot na administrasyon noon..
Ano nga ba ang malinis na konsensya Sa bayan kong dinungisan na ng pawis Ng iba'ibang ganid na mga bansa? O minsan nga'y masakit pa pala ang malaman Na tayo rin mismo ang sumira At lumaspangan sa bandila nating Noo'y dugo ang nasa itaas.
Sakim ang ating mga sarili Pagkat tayo'y nauuhaw pa Sa pansarili nating kalayaan. Tayo'y walang ipinag-iba Sa mga pailalim na bigayan At pagsalo sa kaso ng iba, Pagtalikod sa karapatang ipinaglalaban Ng mga naging bihag sa selda.
Habang ang iba'y naghahalakhakan At pawang mga hangal Sa kanilang pagbalot sa sarili Patungo sa bukas Na hihimlay sa kani-kanilang mga hukay.
Susuong ka pa ba? Kaya mo pa bang magbulag-bulagan? Pero sa buhay na iyong pipiliin, Piliin mo sana ang daang matuwid. At paano mo nga malalaman Ang mas higit sa timbangan Kung ang iyong pamantayan Ay sirang orasan at papel na ginintuan..
Nasayo ang hatol Ang hatol kung saan ka lulusong Kung saan ka makikiuso..